Chapter 1

1852 Words
MAAGANG bumangon si Florie, hindi na niya ginising si Baro dahil gabi na ito umuwi kagabi galing sa rehearsal ng Sproutoon. Inayos niya ang kumot ng asawa bago nagsimulang damputin ang mga damit nitong basta na lang inihagis sa kung saan bago natulog. Napapailing si Florie habang inililigpit ang mga gamit ng asawa. Kung saan-saan lang kasi nito inilapag ang mga pinaghubaran. “Hindi naman kusang maglalakad ang mga maduming damit niya papunta sa laundry…” Isa-isa niyang inilagay sa laundry basket ang mga damit ni Baro. Tinitingnan niya rin ang bawat bulsa kung may laman pa. Sa backpocket ng maong shorts ay may nakapa si Florie. Kinuha niya iyon at nang makita kung ano ay napasinghap siya. “B-bakit may ganito ang lalaki na iyon sa bulsa?” umiinit ang ulo na tanong ni Florie habang titig na titig sa hawak na maliit na sachet. Inilusot niya ang nakuhang bagay sa bulsa ng suot na apron at huminga nang malalim, ipinikit niya ang mga mata habang pinipigilan ang sariling magalit. Nang bumalik na sa normal ang paghinga niya ay nagpasya siyang magluto na muna ng almusal. Mamaya na niya itatanong sa asawa ang tungkol sa bagay na iyon, pagod mula sa trabaho. Kailangan niya pa rin itong bigyan ng oras para makapagpahinga. Kahit pa gustong-gusto na niya itong komprontahin. Nagsimulang maghiwa ng sibuyas si Florie, mayamaya ay nagsimula na rin tumulo ang luha niya. Isang sibuyas lang naman ang hiniwa niya pero hanggang sa matapos siyang magluto ng hotdog, itlog, bacon at garlic rice ay umiiyak pa rin siya. Inihahanda na niya ang lamesa nang marinig ang mga yabag ni Baro pababa sa hagdan. Nagpupungas pa itong pumasok sa komedor, walang suot na pang-itaas, ang pang-ibaba naman ay pulang boxers shorts lang. Kahit tatlong taon na silang mag-asawa ay hindi pa rin niya makuhang masanay sa magandang katawan ng lalaki. “Bakit hindi mo ako ginising?” kunot-noong tanong ni Baro sa kanya nang makalapit. Ang ilang hibla ng bangs nito ay sumasayad na sa mga mata. “Pabawasan mo kaya iyang bangs mo? Natutusok na ang mata mo…” sa halip ay sagot niya. Hinagod ni Baro paitaas ang magulong buhok, dahil sa ginawa ay umumbok ang biceps nito. Parang natuyuan ng lalamunan si Florie, bigla tuloy niyang natanong sa isip kung kailan ba sila huling nagsiping ng asawa? Hindi na niya maalala. Masyado kasing abala sa trabaho ang asawa at naiintindihan niya iyon. Pagkaupo ni Baro ay sinalinan niya ito ng kanin sa plato at nilagyan ng mga ulam na niluto niya. Ipinagtimpla na rin niya ito ng kape. Pagkalapag niya ng coffee mug sa mesa ay doon niya lang naalala ang bagay na nakita niya sa shorts nito. “Uhm… Papsy, may gusto akong itanong sa `yo…” Hindi niya inalis ang paningin kay Baro. “Kumain ka muna,” sabi nito at ngumiti. “Maupo ka na, Mamsy. Sabay na tayo mag-almusal.” Sa sinabi ng asawa ay tila umurong ang dila ni Florie. Nanlalambot ang tuhod niya sa tuwing maririnig itong tinatawag siyang “Mamsy”. Isa yata iyon sa mga hindi niya makakasanayang marinig hanggang sa pagtanda nila. “Sige na…” paglalambing pa nito na lalong ikinalukso ng puso niya. “Dito ka sa tabi ko.” Pinalis ni Florie sa isip ang sana ay sasabihin sa asawa at naupo na sa tabi nito para sabay na mag-almusal. Ikinuwento nito sa kanya ang mga nakakatawang nangyari sa rehearsal ng The Wiggles. Isa iyon sa mga gusto niyang naririnig mula sa asawa, ramdam niya kasi kung gaano nito kamahal ang propesyon at suportado niya ito, mula noon hanggang ngayon. Pagkatapos kumain ay dumeretso na si Baro sa banyo para maligo at maghanda sa trabaho. Siya naman ay iniligpit na ang pinagkainan, nilinis ang lamesa at hinugasan ang mga ginamit sa pagluluto. “Mamsy…” narinig niyang tawag ni Baro mula sa banyo. Kinuha niya ang nakasampay na tuwalya sa laundry bago nagtungo sa banyo. Palagi nitong nakakalimutan ang tuwalya sa tuwing maliligo. Iniabot niya iyon sa asawa nang hindi tumitingin. “Bakit ayaw mo `kong tingnan?” natatawang tanong ni Baro. “Kunin mo na `to. Maghuhugas pa ako ng plato…” nag-iinit ang pisngi na sagot niya naman. Narinig niya ang paglangitngit ng pinto nang lawakan pa ni Baro ang pagkakabukas niyon. “Tulungan mo ko tuyuin itong buhok ko, Mamsy…” Huminga nang malalim si Florie bago nagbaling ng tingin kay Baro. Nakatayo ito sa bukana ng pinto, tumutulo pa sa hubad na katawan ang tubig na nagmumula sa basang buhok. “May blow dryer ka diyan, Papsy,” sabi niya. “Tuyuin mo nga ang buhok ko habang nagpupunas ako ng katawan.” “Papsy…” kontra niya. “Mamsy…” panggagaya nito sa tono niya habang nangingislap ang kapilyuhan sa mga mata.  “Sige na, please?” Tumawa siya at napailing. Ibinato niya rito ang tuwalya na mabilis naman nitong nasalo. “Nag-text si Gian. Sabihan daw kitang maagang umalis ng bahay dahil itutuloy ninyo ang rehearsal kahapon.” Si Baro naman ang napabuntong-hininga, napalitan din ng pagkabugnot ang pilyong ekspresyon nito kanina. “Fine.” At padabog nitong isinara ang pinto. Napapailing na bumalik si Florie sa ginagawa, pero ilang sandali ay natigilan siya. Kinuha niya sa bulsa ng apron ang bagay na nakuha sa shorts ng asawa. Sa isang iglap ay nagbalik ang pagkainis na nararamdaman niya. Eksakto namang palabas si Baro sa banyo. Nakatapis na ito ng tuwalya pero basa pa rin ang buhok. “Ni-reply-an mo ba si Gian?” Hindi siya humarap sa asawa. Naninikip ang dibdid niya sa nararamdaman. “Mamsy—” Pumihit siya paharap at ibinato rito ang nakuhang bagay sa bulsa. Tumama iyon sa malapad na dibdib ni Baro. “Bakit may condom ka sa bulsa, Baro? Kanino mo gagamitin `yan, ha?!” Sa pagkagulat ay napaatras si Baro. Naguguluhang nagbaba ito ng tingin sa ibinato niyang condom. “H-ha? H-hindi `yan sakin, Mamsy!” ______________  “CONDOM? May nakita siyang condom sa bulsa ng shorts mo?” Hindi makapaniwalang tanong ni Johann kay Baro habang kumakain sila sa foodcourt ng BN Entertainment building. “Oo raw. Ewan ko nga kung bakit ako nagkaroon ng gano’n sa bulsa. At hindi pa gamit, ha?” Nasamid si Johann sa sinabi niya. Kinuha nito ang bottled water at mabilis na uminom. “Saan ka pa ba nagpunta kagabi pagkatapos ng rehearsal natin?” “Umuwi na. Pagod ako kaya dumeretso na ako sa bahay.” “Pero nakita kita na kausap mo si Danee sa hallway kagabi,” singit ni Charlie, may dala itong  tray ng pagkain at naupo sa tabi ni Johann. Napasandal si Baro sa upuan, oo nga pala, hinarang siya ni Danee kagabi paglabas niya ng rehearsal studio. Nagsimula na naman itong mangulit kung kailan sila uli lalabas. Kinonsensya rin siya nito sa ginawa niyang pang-iiwan dito sa hotel noong isang lingo. “Masarap daw ang palabok sa bagong food stall,” sabi ni Charlie, nakatuon ang mga mata sa kaharap na pagkain. “Palabok? Spaghetti `yan!” pagtatama ni Johann na nasundan nang malakas na pagtawa nito. “Ilang taon ka na sa Pilipinas pero hindi mo pa rin kabisado ang mga pagkain dito. Wala bang spaghetti sa Korea?” natatawa na ring tanong ni Baro. “Meron. Eh, kulay orange kasi `yong sauce. Akala ko palabok.” Lalong lumakas ang tawa ni Johann. “Kung hindi kulang sa tomato sauce, hinaluan ng quick-melt cheese `yan.” Tumangu-tango ang bunso ng grupo nilang si Charlie. “Ano’ng nangyari Baro-ssi? Nag-away kayo ni Mamsy?” “Medyo—” “Medyo sinigawan ka ba?” natatawang tanong ni Johann. Pumalatak siya. “Si Danee siguro ang naglagay ng condom sa bulsa ko nang hindi ko nalalaman.” “Bakit ba `yan ang sinasabi mo sa gitna ng pagkain? At sa harap pa ng bata?” Nang mag-angat si Baro ng tingin ay nakita niyang napapailing si Gian, ang leader ng grupo nila, nasa likuran nito ang isa pang kagrupo nilang si Don. “Adult na ko, hyung,” pagtatama ni Charlie sa sinabi ni Gian. “Young adult,” sabi naman ni Don. Si Gian na leader ng grupo nila ay sa kaliwa niya naupo, si Don na sub-vocals ay sa tapat ng main vocals na si Johann. Siya naman na main rapper ay katapat ang visual nila na si Charlie. At sila ang pinakasikat na boygroup ngayon sa Pinas—ang Sproutoon. “Ikaw Johann? Kumusta naman ang bagong crush mo?” mayamaya ay tanong ni Don. Nangunot-noo si Johann. “Bakit napunta sa `kin ang usapan?” “Ayaw mo bang pag-usapan si Rima?” may halong panunukso na tanong ni Charlie. “`Di ba siya rin ang bagong delivery girl ng flowershop ni Ate Agnes? Close na ba kayo?” gatong pa ni Gian at tumawa. Humalukipkip si Johann at umiling-iling. “Mahirap siyang i-spelling-in.” “Ganyan talaga ang mga babae…” pagsang-ayon ni Baro. “Hindi naman ganyan si Sarah. Iba kasi siya sa lahat,” seryosong sabi ni Gian.    “Si Andy rin. Hindi naman siya warfreak o demanding—” “Bakit isinasama mo si Andy sa usapan? Usapang girlfriends `to. Bestfriend mo lang si Andy,” agad na kontra ni Baro na ikinatawa nilang lahat maliban kay Don. “Nakalimutan na naman ni Don-hyung!” tumatawang pang-aasar pa ni Charlie.    Hindi sila pinansin ni Don, naiiling na itinuon na lang nito ang atensyon sa cell phone. Mag-a-update na naman siguro kay Andy. Daig pa siya nito kung makapag-update sa best friend. Oras-oras nag-ti-text at kung minsan tumatawag pa kay Andy para lang ipaalam ang mga nangyayari sa buong araw nito. “Ano’ng sinabi mo kay Mamsy Florie?” mayamaya ay pagbabalik uli ni Johann ng usapan sa kanya. “Sinabi kong hindi sa `kin iyon,” sagot niya. “Pero ayaw niyang maniwala.” “Ano na naman bang kalokohan mo ang nalaman ni Florie, Baro?” si Gian, pinipigaan nito ng calamansi ang pancit bihon na in-order. “May nabasa ba siyang text messages na galing sa ibang babae?” “May mga naka-tag sa IG mo na photo with other BN girl talents?” si Don. “May nakita siyang condom sa bulsa ko.” Sabay na napalingon sa kanya si Gian at Don, si Charlie naman ay tumawa lang sa narinig. “Bakit naman kasi nag-iiwan ka sa bulsa ng condom?” hindi maipinta ang mukha ng leader nila habang itinatanong iyon. “Hindi nga sa `kin `yon!” tanggi niya. “Na-frame up ako.” “Nino?” nagtatakang tanong ni Don. “Ng babaeng papunta dito,” agad tumayo si Baro. “Don, samahan mo ako sa flowershop ni Ate Agnes, ibibili ko ng bulaklak si Mamsy,” dali-dali na niyang hinatak ang kamiyembro paalis bago pa siya maabutan ni Danee. Narinig niya pa ang pagtawag nito pero hindi na niya pinansin. Mas mahalagang mapaamo niya ngayon si Florie. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD