"Papa, gutom na ako. Kain na po tayo," paglalambing ni Lacey sa ama.
“Gano’n ba. Halika, Anak, bili tayo sa tindahan ng itlog."
“Itlog na naman, Papa?” reklamo ng bata.
"Magtiis muna tayo, Anak, ha? Hindi bale dahil may trabaho na si Mama. Kapag nagsahod siya ay magma-Mcdo raw tayo. Gusto mo ba ‘yon?” pag-alo naman ni Bryle rito.
Nagtatalon na sa saya si Lacey. “Opo, Papa. Gusto ko po!”
Tuwang tuwa naman si Bryle sa naging reaksyon ng anak, ang kawawa niyang anak. Matagal-tagal na rin kasi noong pinakain nila ng masarap si Lacey kaya naiintindihan niya kung bakit ganoon na lang ito ka-excited.
Napabuntong-hininga siya. Kung sana sundalo pa siya hanggang ngayon. Kung sana makakabalik pa siya sa pagsusundalo. Ang kaso mukhang imposible na iyon na mangyari.
Lihim na lang niyang ipinagdasal na sana nga ay magiging maayos si Leia sa trabahong napasok nito para kahit man lang sa Mcdo ay mapakain nila doon ang kanilang anak.
"Papa, tara na bili na tayo ng itlog. Gutom na po talaga ako." Hinila siya ni Lacey sa kamay. Tuluyan nang nawala ang reklamo nito sa palagi nilang inuulam. Pasalamat niya sa Diyos at mana si Lacey kay Leia na hindi mareklamo sa hirap ng buhay. Napakabait ng kaniyang asawa at anak.
"Sige." Kinapa niya sa bulsa ang twenty pesos na iniwan ni Leia sa kanilang mag-ama kanina bago ito pumasok. Nang matiyak niyang naroon ay masaya na silang mag-ama na lumabas ng bahay at nagtungo sa pinakamalapit na store.
Muling nadurog nga lang ulit ang puso niya nang makita niyang natigil saglit si Lacey nang may makita itong dalawang bata na naglalaro ng barbie doll. Naiinggit ang kaniyang anak.
“Gusto mo rin ng manika, Anak?” naaawang agaw-pansin niya rito.
“Hindi po, Papa,” ang hindi niya inasahan ay ang itatanggi ng bata.
Nanakit ang lalamunan niya sa kung anong emosyong bumangon sa kaniyang dibdib. Hiyang-hiya siya sa anak. Malamang sa isip-isip nito ay wala namang mangyayari kung sasabihin nitong ‘oo’, hindi rin naman nila ito mabibilhan ng ganoong klaseng laruan.
Pinakahirap talaga sa damdamin niya ang hindi maibigay ang simpleng gusto ng nag-iisang anak.
“Big girl na po kasi ako, Papa. Mas gusto ko na lang po ng pagkain kaysa ang toy,” paliwanag naman ni Lacey at ngumiti sa kaniya.
Parang sinikmuraan si Bryle at ilang segundo na hindi siya nakahinga sa kaniyang pakiramdam sa di-inaasahang sasabihin na iyon ng anak.
Limang taong gulang pa lang ang kaniyang si Lacey. For goddamn sake, dapat ay laruan pa lang ang pinakamahalagang bagay para rito.
Kamuntikan na talaga siyang mapaluha. Itinaas niya lamang ang tingin at kumurap-kurap upang mapigilan ang damdamin. Ganito na ba kagutom ang kaniyang anak? Na imbes na laruan ang kini-crave nito ay pagkain na lamang?
Sabagay, hindi niya ito masisisi. Ilang beses na ba itong nalipasan ng gutom mula sinasalat sila ng pagkain sa araw-araw?
Sa harapan ng kaniyang anak, gusto na sana ni Bryle na maglaho na lamang. Hiyang-hiya siya. Wala na nga siyang kuwentang asawa, wala rin siyang kuwentang ama. Sh*t!
“Tara na, Papa.” Muli ay iginiya siya ni Lacey patungo sa store. Maliksi na ulit na naglalakad ang paslit habang hinihila siya ng isang payat nitong kamay.
“Bibili pa rin tayo ng doll mo kapag may pera si Papa o Mama, Anak. Promise ko iyan,” pag-alo niya pa rin dito.
Ngumiti sa kaniya si Lacey nang lingunin siya saka bibong tumango-tango.
"Aling Saling, pabili ng dalawang itlog," mayamaya lamang ay nasa store na silang mag-ama. Katulad ni Lacey ay inalis na niya muna ang tungkol sa manika sa kaniyang utak dahil baka sumpungin na naman siya ng sakit niya.
"Sige, Bryle. Saglit lang."
Ngumiti siya sa may edad na ring tindera tapos ay bumaba ang tingin niya kay Lacey. Sila mang mag-ama ay nagngitian din.
Hindi nga nagtagal ay ibinigay na sa kaniya ang binibili at sinuklian. Magkahawak ulit sila ng kamay na mag-ama nang pabalik sila sa maliit nilang bahay. Sa isip-isip ni Bryle ay ilalaga na lang niya ang itlog upang hindi kakailanganin ng mantika. May natira pa naman doon na kanin. Paghahatian na lang nila iyon na mag-ama.
"Pareng Bryle!”
Awtomatiko na napabaling si Bryle sa tumawag ng pangalan niya. "Oh, Pareng Oscar, ikaw pala."
“Kumusta, Pare?”
Hawak-kamay, lumapit silang mag-ama sa kinaroroonan ng kaibigan. "Okay naman na, Pare," at aniya na nakipagkamay.
Si Oscar ay kasama niya rin dati sa construction. Pero nang mag-abroad ang asawa ay nakabili ng tricycle kaya namasada na lang.
"Mabuti naman.”
“Oo. Nakakahiya nga iyong nagawa ko.”
“Ayos lang ‘yon. Alam naman namin ang pinagdadaanan mo. Hindi mo naman iyon gusto.”
Nahihiya pa rin siyang ngumiti. Napakamot sa batok.
“Siya nga pala may trabaho na pala si Leia, ano? Nakita ko siya sa malaking bahay doon sa bayan nang may ihatid akong pasahero. Nagtapon siya ng basura. Pinsan pala ni Pressy ang nakabila ng bahay na iyon at ipinasok siyang kasambahay.”
"Oo, Pare. Nakakahiya nga sa asawa ko. Kaso wala naman akong magawa dahil ayaw na akong pabalikin sa construction noong nalaman iyong pagwawala ko.”
"Huwag mong isipin iyon. Ang isipin mo ay suwerte lang tayo dahil nakahanap tayo ng misis na handang tulungan tayo. Ganito naman talaga ang mag-asawa, nagtutulungan. Ika nga sa sinumpaan natin noon ay sa hirap at ginhawa.”
Napangiti siya ulit. Tama nga naman ang kaibigan.
"Nakita ko nga rin iyong magiging amo niya. Aba’y kay gandang lalaki, Pare. Batang-bata. Kutis mayaman talaga. Akala ko nga’y nakakita ako ng artista kanina.”
"Oo. Galing daw abroad, eh.” Syempre ay sinabi lahat ni Leia sa kaniya ang tungkol sa magiging amo nito kaya alam niya.
"Ah, kaya pala. Kaya lang, Pare, hindi ka ba nag-aalala? Binata pa naman daw ang lalaking iyon?"
"Bakit naman ako mag-aalala, Pare?" Nawala ang ngiti sa mga labi ni Bryle. Para kasing may tinutumbok na ang kausap niya.
"Ang sa akin lang ay maganda kasi ang misis mo at guwapo naman iyong amo niya. Baka… alam mo na."
Nakangising napakamot sa noo si Bryle. Naunawaan niya kasi agad ang ibig ipahiwatig ni Oscar. "Ikaw talaga, Pare, kung anu-ano ang naiisip mo pero huwag kang mag-alala dahil hindi mangyayari ‘yon. Trabaho lang ang ipinunta doon ng asawa ko, wala nang iba pa.”
"Sigurado ka ba riyan, Pare? Eh, sa pagkakaalam ko mag-isa lang ‘yung lalaki sa bahay na iyon. Ibig sabihin ay dalawa lang sila doon araw-araw. Paano kung ano… alam mo na,” panggugulo pa ni Oscar sa kaniyang isipan.
Nag-iba na nga ang timpla niya. Sumama at dumilim na konti ang mukha niya. "Pare, puwede ba! Huwag mong pinag-iisipan ng masama ang asawa ko! Huwag ka agad gumagawa ng issue! Kalalaki mo pa namang tao!”
Nabahala na si Oscar. "Sorry, Pare. Nasabi ko lang ‘yon kasi alam mo naman na ang panahon ngayon pati babae ay nangangaliwa na. Iyong asawa nga ni Leo, sumama na sa kalaguyo nitong foreigner. Ayon laging lasing tuloy ang kumpare natin ngayon.”
Kulang na lang ay masusuntok na ni Byrle ang kausap. Mabuti at nakakapagtimpi pa rin siya. "Ibahin mo ang asawa ko, Pare. Iba si Leia. Matino siyang babae.”
"Ay, sabagay nga naman, Pare. Napakabait ng asawa mo kaya oo nga. Tama ka. Tama ka. Huwag mo na lang papansinin ang mga sinabi ko. Tukmol talaga ako," pag-iwas na ni Oscar sa usapan dahil naaaninag na ang hindi magandang awra ni Bryle.
“Tara na, Anak,” hila naman na ni Bryle kay Lacey. Iniwasan niya ang gulo hangga’t hindi pa siya tuluyang nadedemonyo.
Subalit habang naglalakad pauwi ay may kung anong bumabagabag na sa dibdib ni Bryle. May tiwala siya sa kaniyang asawa, ngunit hindi na niya maiwasang hindi mangamba.
Hindi siya seloso na asawa dahil lagi namang ipinapakita sa kaniya ni Leia na wala siyang dapat ipagselos sa kahit na sinong lalaki. Walang nagiging kilos simula’t sapol si Leia upang pag-isipan niya ito ng masana. Tinitiyak noon pa ni Leia na kahit malayo siya rito ay wala siyang dapat ipag-alala dahil siya lang ang mahal nito. Subalit mukhang nagtagumpay si Oscar na lasunin ang kaniyang utak.
Matapos niyang pakainin si Lacey ay napapaisip na siya nang napapaisip. May kung anong kaba na rin sa kaniyang dibdib.