"Uuwi ka?" Nagtaka si Kenneth dahil nagpapaalam si Leia sa kaniya na uuwi na dahil gabi na raw. The whole time, he thought she was a stay-in housemaid.
"Opo, Sir. Hindi po ba nasabi sa inyo ni Pressy na tuwing gabi ay uuwi po ako dahil kailangan ko ring asikasuhin ang asawa at anak ko?"
Pumanaywang ang isang kamay ni Kenneth. Ang isa nama’y napahimas-himas sa baba nito. "To tell you the truth, Pressy didn't mention anything like that to me, so I really thought you were a stay-in pero siguro dahil hindi namin napag-usapan.”
"Sorry, Sir, pero hindi po puwede na maging stay-in ako. May sakit po kasi ang asawa ko. Kailangan ko rin po siyang asikasuhin. Huwag po kayong mag-alala’t maaga naman po ako bukas na papasok.”
Inquisitive, Kenneth arched his eyebrows. “Sakit? May sakit ang asawa mo? Ano’ng sakit niya?”
Malungkot na nagyuko ng ulo si Leia. Ang mga kamay niyang magkahawak sa kaniyang bandang tiyan ay nagkiskisan. Ganunpaman, mahinahon niyang sinagot ang tanong ng amo.
“May war shock po siya. Dati po kasing sundalo ang asawa ko,” mabining aniya.
Umawang naman ang mga labi ni Kenneth. “I see,” at sabi nito na tumango-tango.
“Nagamot naman na po siya at naggagamot pa rin pero minsan po kasi ay sinusumpong kaya kailangan nasa tabi niya pa rin po ako. Sana maunawaan niyo po, Sir?”
Napakamot naman ngayon sa batok si Kenneth. Wala itong nagawa kundi ang pumayag. “Okay, sige. I understand.”
Nagliwanag na ang mukha ni Leia. Yumukod siya sa mabait na amo sa labis-labis na pasasalamat. "Thank you, Sir. Thank you po talaga.”
"Wait. Ang mabuti pa ay ihahatid na lang kita para madali kang makauwi,” ang hindi niya inasahan ay ang sasabihin pa ni Kenneth.
"Ho? Naku, huwag na po. Magpahinga na lang po kayo,” maagap niyang tanggi.
"No, I insist, Leia. Ihahatid na kita. Maaga pa naman, eh.”
“Sige po, Sir, kung gusto niyo talaga. Salamat po ulit.” Pinagbigyan na lang ni Leia ang amo dahil wala na siyang maisip na idadahilan. Inisip na lamang din niya na malaking tipid din naman sa kaniyang pamasahe kung ihahatid siya nito. Malaking tulong sapagkat ang totoo ay balak na lang niyang maglakad sana bukas papasok dahil hindi na naman niya alam kung saan sana hihiram bukas ng pera na pampamasahe niya.
"Okay. Wait for me here, I'll just get the key.” Pagkasabi niyon ay may pagmamadaling umakyat na ang binata sa hagdanan.
Napakagat naman sa kaniyang labi si Leia nang ihatid niya ito ng tanaw. Ewan niya pero may nahahalata na siya sa binatang amo.
Huwag naman sana. Sana ay feelingera lang siya.
“So, kumusta naman kayo ng asawa mo?” tanong ni Kenneth habang nasa byahe na sila.
Nahihiya man na pag-usapan ang personal niyang buhay, napilitan ulit si Leia na sumagot. “Ayos naman po kami, Sir. Kahit mahirap ang buhay namin ay maayos pa rin naman po ang pagsasama namin. Wala pa rin pong nagbabago.”
“I'm happy to hear that, Leia.”
Nagngitian sila nang sabay nilang sulyapan ang isa’t isa.
“Pero hindi ka ba natatakot sa tuwing sinusumpong siya? Ang alam ko kasi ang taong may ganoong sakit ay maaaring makaranas siya ng iba't ibang sintomas tulad ng labis na takot at flashback sa traumatizing na kanilang naranasan. Dahilan kaya minsan nakakapanakit sila ng ibang tao kahit pa ang mga mahal nila sa buhay dahil hindi na sila nakakakilala kapag ganoon.”
Bumalik sa ala-ala ni Leia ang nangyari lamang noong nakaraang araw, pero naisip niya na hindi na dapat iyon malaman pa ng kausap. Bumuntong-hininga siya. “Hindi naman po ako natatakot. Mahal ko po ang asawa ko kaya iaalay ko po ang buhay ko sa kaniya.”
Sa kalsada ang tingin na tumango-tango si Kenneth. “Suwerte ang asawa mo sa iyo. Nakakainggit.”
Tipid lang siyang ngumiti. Hindi na siya nagsalita. Hindi na rin nagsalita pa si Kenneth kaya binalot na sila ng katahimikan.
Ipinagpasalamat iyon ni Leia ng lihim dahil makakarating na sila agad sa bahay nila kapag ituon ni Kenneth ang pansin sa pagmamaneho.
Unfortunately, sa kanilang pagliko ay malas na hinabol sila ng traffic enforcer. Napilitang ihinto ni Kenneth ang kaniyang bagong sasakyan sa tabi ng kalsada.
“Ano’ng nangyari?” nag-alalang usisa ni Leia.
“Violation yata,” kamot-ulong sagot ni Kenneth.
Napangiwi at nag-alala si Leia. Sana naman ay madali lang maaareglo ni Kenneth ang nagawa nitong violation. Ayaw niyang mag-aalala sa kaniya si Bryle. Mas lalong ayaw niyang mag-isip ito ng hindi maganda dahil late siyang makakauwi.
“Sir, bawal po mag-u-turn dito. Pahingi po ng lisensya,” anang traffic enforcer.
“Pasensya na, Sir. Bago lang ulit kasi ako dito sa Pilipinas kaya hindi ko pa alam ang bawal at hindi,” subok na palusot ni Kenneth.
“Ang laki po ng sign na iyon, Sir,” subalit ay pagrarason ng traffic enforcer. May isinusulat na ito sa ‘Traffic Violation Ticket’ na dala.
Kaysa ang sumunod ay sinubukan pa rin ni Kenneth na lusutan ang atraso. Kasama na ang pagsuhol sana, subalit walang naging saysay dahil matapat ang lalaki sa sinumpaan nitong tungkulin sa kalsada. Walang nangyari kundi ang mapatagal lang sila.
“Pakibigay na lang po sa akin ang lisensya niyo, Sir, at huwag niyo na ako susubukang abutan kung ayaw niyong madagdagan pa ang problema niyo,” babala pa nga nito kay Kenneth.
Pahiyang-pahiya si Kenneth.
Nang makaalis ang traffic enforcer, saka lang binalikan ng pansin ng binata si Leia.
“Sorry dahil sa katangahan ko ay na-late ka na ng uwi,” hiyang-hiya nitong sabi.
Nakangiti namang sumagot si Leia. “Ayos lang po, Sir.”
Nadadyaheng pinaandar na ni Kenneth ang sasakyan at itinuloy ang paghatid sa kaniya sa kabila ng nangyari.
Hindi naman nagtagal ay tumigil na sila sa gate ng bahay nila.
“Salamat po sa paghatid, Sir, at sorry po dahil sa paghatid sa akin ay nakuha pa ang lisensya niyo,” sabi muna ni Leia bago bumaba.
“Ano ka ba, wala ‘yon. Kasalanan ko ‘yon kaya huwag mong sisihin ang sarili mo.”
Tabingi ang ngiting iginawad niya at nagpasya na siyang bumaba. “Sige po, Sir. Bukas na lang po ulit.”
“Yeah. See you tomorrow.”
Laking gulat nga lang ni Leia nang sa kaniyang pagbaba ay matanawan niya si Bryle sa may pinto ng bahay nila, kasama ang anak nila na tulog na. Hindi naman niya inasahang gising pa ang mag-ama niya pero ang parang hinihintay siya ni Bryle, iyon ang hindi niya inasahan.
Kumabog ang dibdib niya dahil kitang-kita nito ang pagbaba niya sa magarang kotse. Kung anu-ano ang sumagi sa kaniyang isipan at hindi niya mawari kung ano ang kaniyang nadarama.
Umasa na lang siya na sana… sana lang ay hindi pag-iisipan iyon ng masama ni Bryle.
Busina ng kotse ni Kenneth ang umuntag sa kaniya. Ibinalik niya ang tingin sa sasakyan at yumukod nang umandar na paalis.
Hinintay niya munang maglaho sa kaniyang paningin ang dulo ng sasakyan bago siya nagpasyang lumapit sa asawa. Lalo siyang kinabahan nang makita niyang madilim ang mukha nito. Gayunman, nakangiti pa rin siyang humalik dito.
Ang hindi alam ni Leia ay nag-park lang sa di-kalayuan si Kenneth at bumalik ito para tingnan sana ng palihim kung ano’ng klaseng buhay meron si Leia sa piling ng asawa nito. At nadurog ang puso nito o may tumarak na kung ano nang nakita niya na parang mahal na mahal nga nila ang isa’t isa.
Napabuntong-hininga na lang si Kenneth na tumalikod nang nakitang naghalikan pa ang dalawa, pero saglit lang ay nakuyom niya ang mga palad niyang napalingon ulit sa mag-asawa.
Nagtatawanan na ngayon sina Leia at Bryle. Nagpapakita na hindi hadlang ang kahirapan sa kanilang mag-asawa sa pagmamahalan nila.
Nasasaktan siya, naiinggit, at nagseselos. Malinaw na may puwang na rin talaga sa puso niya si Leia.
"Sorry, Pare, pero gustong-gusto ko na ang asawa mo. Patawarin mo na lang ako sa gagawin ko dahil hindi ako papayag na hindi mapapasaakin si Leia," at usal nito kalaunan, habang masama ang tingin sa walang kamalay-malay na si Bryle.