Ginising ni Leia ang asawa. "Mahal, papasok na ako sa trabaho. Ikaw na ang bahala kay Lacey, ha? May sardinas sa kusina. Iyon na lang ang tipirin niyong ulamin.”
Pupungas-pungas si Bryle na tumingin kay Leia. Napakunot-noo ito dahil nakaligo na at bihis na ang kaniyang misis. "Ano’ng oras na ba? Bakit parang ang aga mo?”
"Kailangan, Mahal, kasi maaga raw aalis si Sir Kenneth. Ngayon daw kasi nila uumpisahan ang ipapatayo nilang office ng shipping company ng kaniyang bayaw dito sa Pilipinas. At alam mo na, kailangang ipagluto ko siya bago siya pumasok kasi kasama iyon sa trabaho ko.” Matapos magpaliwanag ay humalik na sa noo ni Bryle si Leia.
Nagsisinungaling siya. Ang totoo ay maaga lang talaga siyang gumising at papasok dahil balak niya ay maglalakad siya. Balak niya ay lalakarin niya mula bahay nila hanggang bahay ng amo. Iyong natipid niya na pamasahe kagabi dahil inihatid siya ni Kenneth ay siyang ipinambili niya kasi ng sardinas kanina upang may makain ang mag-ama niyang iiwanan niya.
Pupungas-pungas na bumangon si Bryle. Namimigat ang mga talukap nito sa mata.
“Huwag ka nang bumangon. Ituloy mo lang ang tulog mo,” awat niya.
Hindi siya pinansin. "Parang wala ka pang tulog, ah," sa halip ay anito na napatingin sa luma nilang wall clock. Alas kuwatro pa lang kasi ng umaga. Ang dilim-dilim pa sa labas.
"Sabi ko nga di ba maaga si Sir na aalis. Dapat bago siya magising ay nakaluto na ako roon. Kailangan kong ayusin ang trabaho ko para hindi siya magsisi na ako ang kinuha niyang kasambahay, at lalo para hindi mapahiya si Pressy.”
Walang nagawa si Bryle kundi ang bumuntong-hininga. Pinanood na lang niya si Leia nang kunin na ang sling bag nito at isinabit sa balikat.
"Aalis na ako." Humalik muli sa kaniya si Leia.
“Ihahatid na kita.” Tumayo siya nang mapagpasiyahan iyon.
"Huwag na dahil sakto lang ang pamasahe ko. Matulog ka na lang ulit. Alalahanin mo ‘yang sakit mo."
"Okay naman ako."
"Ay, naku huwag mong sabihin ‘yan dahil traydor ang sakit mo, Mahal.” Bahagyang itinulak ni Leia ang asawa para ipaupo sa gilid ng kama. “Huwag matigas ang ulo mo. Alalahanin mo, nangako ka sa akin na magiging masunurin ka na."
Napapakamot-ulo na lang si Bryle. Kapag ganito kasi talaga na umaalis ng bahay si Leia upang kumayod ay parang nababawasan ang p*********i niya. Hiyang-hiya siya sa asawa. Dapat siya ang ganito, eh. Dapat siya ang gigising ng maaga at magtatrabaho dahil siya ang lalaki. Siya ang haligi ng tahanan.
“Nabali na haligi ng tahanan kamo!” mas naramdaman niya ang kirot sa kaniyang puso nang tudyo sa kaniya ng maliit na tinig sa likod ng utak niya.
Napapikit siya, napayuko at napahimas ng batok.
"Ayan ka na naman, ha? Kung anu-ano na naman yata ang iniisip mo. Bawal sa iyo ang nag-o-overthink, Mahal,” puna at saway sa kaniya ng asawa.
“Pero kasi—”
"Wala nang pero pero. Sige na matulog ka na ulit nang hindi kung anu-ano ang pumapasok sa isip mo."
"Sigurado ka? Ayaw mong magpahatid?”
"Oo nga. Ayos lang ako.”
Nang humiga si Bryle at pumikit ay napatitig saglit si Leia sa guwapong mukha nito. Pagkuwan ay napangiti siya.
Wala siyang reklamo. Ayos lang talaga siya. Katunayan, mas mahal pa niya ngayon ang kaniyang asawa. Ngayon ay alam na niya kung paano ang sakripisyo nito noon para sa kanila na mag-ina. Mahirap palang maging haligi ng tahanan. Sobrang hirap pala.
Isa pang halik ang iniwan niya sa asawa niya at sa anak nila bago niya napagpasiyahang umalis na nga. Maingat siyang lumabas sa silid para hindi magising si Lacey. Pagkalabas niya ng bahay ay inihanda niya ang sarili niya sa mahaba-habang lalakarin.
“Kaya mo ‘to, Leia!” bago ang lahat ay pampalubag-loob niya muna sa kaniyang sarili. Pinuno niya ng hangin ang dibdib niya at nang ngumiti siya ay inumpisahan na niya ang paglalakad.
‘Mapapagod pero hindi susuko!’ Iyon na ang kaniyang saligan sa ngayon na kasabihan upang malampasan niya ang hirap na kinahaharap ngayon.
Subalit hindi pa man siya nakakalayo sa bahay nila ay anong gulat ni Leia nang bigla na lamang may nag-ilaw na sasakyan sa likod niya. Napakislot siyang napalingon.
"Good morning," bati sa kaniya ni Kenneth nang matapatan siya ng sasakyan. Bumaba agad ito. Ngiting-ngiti.
Namilog ang mga mata ni Leia. "Sir Kenneth?"
"Yeah, it’s me no other than," nakatawang sagot ng binata.
"Ano’ng ginagawa mo po rito?"
"Sinusundo ka," mabilis na sagot ng binata.
Literal na nalaglag ang kaniyang panga.
"Let’s go?"
Naguguluhan, napapamaang at hindi makapaniwalang kimi na ngumiti siya. Nailang siya lalo sa amo. Hindi alam ang gagawin. Tama pa ba itong ginagawa nito?
“Tara na. Malamig.” Pinagbuksan pa siya ng binata ng pinto ng sasakyan.
“O-opo.” Nang sumakay si Leia sa sasakyan ay naging abo’t abot ang dasal niya na sana ay hindi sila makita ni Bryle, na sana nakatulog nga ulit ang asawa. Naginhawaan naman siya nang sulyapan niya ang bahay nila dahil hindi niya natanawan ang kaniyang asawa.
"Hindi ka na dapat nag-abala pa, Sir,” aniya sa amo nang paalis na sila.
"It’s fine. I’m just thinking about your safety. Alam ko kasi na maagang-maaga kang aalis ng bahay niyo dahil sa ‘kin. Paano kung mapahamak ka? Eh, di konsensya de kargo ko pa, ‘di ba? Isa pa ay sinumpong din naman ako ng insomnia kanina kaya hindi na ako nakatulog pa nang naalimpungatan ako," hanggang tainga ang ngiti na paliwanag ng binata.
Hindi alam ni Leia kung ano ang eksaktong nararamdaman niya, ngunit siyempre, na-touch din naman siya sa pagsusumikap ng kaniyang amo. Ayaw na niyang mag-isip ng kung ano, inisip na lang niya na mabait lang talaga itong tao katulad ni Pressy.
"Did you sleep well?" tanong ni Kenneth may mapag-usapan lang sila habang nasa byahe.
"Opo.”
"Buti ka pa?"
Nagtaka si Leia. "Bakit ikaw po, Sir? Hindi ka po ba nakatulog nang maayos kagabi?"
"Hindi, Leia, dahil hindi ka mawala sa isip ko," gustong isagot ni Kenneth pero iba ang lumabas sa bunganga nito. "Nakatulog naman kahit paano. Pero iyon nga sinumpong na kasi ng insomnia.”
“Ganoon po ba?”
Ngumiti ito sa kaniya nang sulyapan siya. “Don’t worry, ayos lang ako. Sanay na ako sa pagiging insomniac ko.”
Tumango naman siya.
Pagdating nila sa mansyon ay ipinagluto agad ni Leia ang among binata. Nang makakain ay umalis nga agad si Kenneth.
Pasalamat ni Leia dahil wala namang hindi magandang nangyari habang mag-isa siya sa mansyon. Natutuwa pa nga siya dahil mas madami pang oras na wala siyang ginawa kaysa ang magtrabaho siya. Ito pala ang maganda kapag mag-isa lang ang among pinagsisilbihan. Hindi masyado mahirap dahil hindi nadudumihan ang bahay.
Kinagabihan lang namoblema si Leia. Hindi siya mapakali dahil alas nuebe na ng gabi pero wala pa rin si Sir Kenneth niya na umuuwi. Ayaw naman niyang umuwi na hindi pa ito dumadating dahil baka walang susi ang binata. Hindi niya naitanong.
Napapakamot siya sa batok na uupo at tatayo sa may living room. Doon niya hinihintay ang amo. Ano’ng gagawin niya kaya?
Panay rin ang kaniyang buntong-hininga. Pinapayapa lang niya ang sarili sa kaisipang siguro naman ay malapit nang dumating ang amo, na baka nasa byahe na kaya konting tiis na lang siya.
Sa kasamaang palad, lumipas pa ang isang oras ay wala pa rin ang binata. Alas dyes na ng gabi.
Nagsimula na talagang kabahan si Leia. Siguradong naghihintay pa rin kasi sa kaniya si Bryle. Natatakot siya na baka kung anu-ano na naman ang iniisip ng asawa. Natatakot siya na baka kakaisip nito ay kung saan na naman mapupunta na problema.
May telepono naman sa malaking bahay pero paano niya tatawagan ang asawa, eh, wala namang cellphone si Bryle. Ang mga magandang cellphone nila noon ay matagal na nilang naibenta.
Naghintay pa siya sa amo niya. Wala naman siyang pagpipilian. Muling nagdasal na lang siya na sana dumating na ito nang makauwi na siya. Hanggang sa hindi na niya namalayan ay nakaidlip na siya.