Chapter 01
“KRIZETTE, sa VIP lounge, number twelve,” utos pa kay Krizette.
“Okay po,” magalang naman niyang tugon bago kinuha ang tray na mayroong lamang mga order na pangpulutan sa kitchen.
Agad namang dinala ni Krizette sa naturang VIP lounge ang order.
Simula nang pumasok siya sa pinagtatrabahuhan niya, na isang high end bar, wala ng ginawa si Krizette kung ‘di ang kumilos nang kumilos. Para siyang robot na walang pahinga.
Dahil araw ng Biyernes kaya inasahan na rin niya na sobrang busy ngayon sa Little Cuttie. Maraming parokyano.
At sa totoo lang, marami rin ang gustong ma-i-table siya sa naturang high end bar. Bagay na off-limit siya pagdating doon dahil hindi naman pagiging entertainer ang in-apply-an niya sa bar na iyon. Mas gugustuhin pa niyang maging dishwasher kaysa ang magpa-table.
Malaki ang tip, oo. Pero sa ngayon, hindi pa niya nasisikmura ang himas-himasin sa legs ng mga pasaway na costumer. Ganoon kasi ang nakikita niya. Mayroon pang mga inaakbayan. Kinikilabutan siya kapag naiisip niya na siya ang gagawa ng mga ganoon.
Twenty-two yeard old lang siya. Pero mulat na siya sa lahat ng bagay. Lalo na at sa pinanggalingan niyang lugar, halos lahat ng trabaho ay pinasukan din niya. Dahil kung hindi niya gagawin, malilintikan siya sa mga magulang niya. Hindi naman siya ang panganay, pero kung bakit parang sa kaniya nakaatang ang lahat ng responsibilidad sa kanilang pamilya.
Sa kagustuhang makalayo rin muna sa pamilya niya, minalas naman siya.
Naloko siya. Na-scam ng isang recruitment agency na nangakong makakaalis sila at magkakaroon ng trabaho sa Canada. Naglabas sila ng malaking pera na inutang pa ng kanilang pamilya. Kaya lubog talaga ang pamilya niya sa utang ngayon. Kaya kahit na anong trabaho sa Maynila ay pinatos na niya.
Bukod sa trabaho niya sa gabi sa high end bar na iyon, may isa pa siyang extra job sa araw.
Pasalamat na lang talaga siya at maganda siya at makinis. Dahil kung hindi? Mamalasin talaga siya ng husto. Nagamit kasi niya ang face card niya para makahanap kaagad ng trabaho.
Sa ngayon, ang alam ng pamilya niya ay nakaalis na siya papunta sa Canada. Pero walang kamalay-malay ang mga ito na nagkandaletse-letse na ang buhay niya simula nang tumuntong siya sa Maynila…
NAKATULALA na lang si Krizette sa nakasara ng pinto ng opisinang binabalik-balikan niya para sa pag-aasikaso niya para makapagtrabaho sa abroad. Mayroong malaking padlock sa mismong pinto. Hindi na talaga para mapasok pa ang mga tao. Mayroon ding kahoy na nakapako sa may pintuan.
At ang usap-usapan sa paligid, parang batingaw sa pandinig ni Krizette.
“Oo, wala na talaga ang recruitment agency na nangako ng trabaho sa atin sa Canada.”
“Paano ang malaking halaga na ibinayad natin sa kanila?!”
“Tinangay na nila.”
“Sabi raw, front lang ang opisina na ‘yan. Hindi legit.”
Unti-unti, nanlalambot ang pakiramdam ni Krizette. Napahawak siya sa pader nang makaramdam ng hilo.
Gusto niyang alisin sa kaniyang isipan na na-scam siya. Pero ganoon talaga ang lumalabas. Bagay na hindi niya matanggap nang husto.
“H-hindi na ba mahahanap ang mga tao sa agency?” hindi niya napigilang itanong sa kalapit niyang babae na pugto ang mga mata dahil sa matinding pag-iyak.
Umiling ito. Naiiyak na naman. “Hindi na. Tinakbuhan na tayo dala ang placement fee na ibinayad natin. Patay ako nito sa asawa ko.”
“Paano na ang pera natin?” hagulhol naman ng isa.
Mariing pumikit si Krizette.
Kung sana ay panaginip lang ang lahat ng nangyayari ngayon. Pero hindi. Isang sampal na katotohanan ang lahat.
Ang nag-iisa niyang pag-asa para makaahon sa hirap ay dagling naglaho na para bang isang bula. Parang lalong piniga nang husto ang puso ni Krizette.
Paano niya sasabihin sa mga magulang niya na nabiktima siya ng isang agency?
Dahil hindi rin naman makakauwi si Krizette sa kanila, kaya naman sumubok siyang mag-apply ng trabaho habang nasa Maynila siya. Para kahit paano ay makaipon pambayad sa nautang nila sa lugar nila…
PAGKA-SERVE ni Krizette sa VIP lounge ng dala niyang pagkain ay napakislot pa siya nang hawakan siya sa kamay ng isang costumer na naroon.
“Miss, gusto mo ng malaking tip?” nakangiti pa niyong tanong sa kaniya.
May edad na iyon at malaki ang tiyan.
Binawi niya ang kaniyang kamay na hawak ng lalaking costumer. Kinilabutan talaga ang pakiramdam ni Krizette.
Kung ang iba nasisikmura ang magpahawak, hindi pa talaga niya kaya. Kahit kapalit niyon ay malaking halaga.
“Waitress lang po ako rito,” mahinahon naman niyang wika.
“Sabi rin ‘yan ng iba. Pero kalaunan ay kinakain din naman nila. Maganda ka. Sexy.”
“H-hindi po talaga. Pasensiya na po.”
Ipinasya na ni Krizette na layuan ang matanda dahil kakaiba na kung makatingin ito sa kaniyang katawan.
Sila kasing mga waitress ay nakasuot din ng maiksing skirt. Fit din ang white polo na suot nila. Kaya ang pinagpala niyang dibdib ay bakat na bakat ang laki niyon sa suot niyang polo.
Kaya hindi na siya magtataka kung tingnan siya nang malagkit ng mga lalaking costumer nila.
“Krizette, bakit ayaw mo pang pumayag magpa-table? ‘Di ba, kailangan mo ng pera?” taas kilay pang wika ni Myles kay Krizette nang magkasalubong sila nito papunta sa may comfort room na puwede silang mga empleyado.
“Hindi ko pa linya sa ngayon ang ganoong trabaho, Myles.”
“Hanggang kailan mo paninindigan ang pride mo? Hindi ka makakaipon ng pera kung uunahin mo ang pride mo. Krizette, sayang naman ang ganda mo kung hindi mo gagamitin nang maayos. Ano’ng gusto mo, maging waitress na lang?”
“May tip din naman akong nakukuha kahit na paano.”
“Magkano lang ‘yan sa tip na binibigay sa mga nagpapa-table? Barya lang.”
Hindi na nakipagtalo pa si Krizette dahil kahit bali-baliktarin pa ang mundo, hindi pa rin talaga niya linya ang gusto nitong mangyari. Kahit na sabihing kailangang-kailangan niya ng pera.
Pagkatapos mag-serve ni Krizette ng order na pangpulutan ay nagmamadali na siyang bumalik sa kitchen dahil marami pa siyang i-se-serve.
At sa pagmamadali niya, napabunggo pa siya sa lalaking bigla na lang sumulpot sa daraanan niya.
Kung hindi pa siya niyon nahawakan sa kaniyang baywang ay baka bumulagta na lang siya sa sahig.
“Sorry po, Sir,” agad niyang hingi nang paumanhin bago nag-angat ng tingin sa lalaking nakabunggo niya.
Ang balak niyang paglayo roon ay hindi kaagad niya nagawa nang makita ang napakaguwapo niyong hitsura. Iyong kaguwapuhan na parang napakabihira mo lang makikita sa buong buhay mo.
Matangkad. Mabango. Ubod ng guwapo. Matikas ang pangangatawan.
Wala siyang masabing masama sa lalaki.