"Walang magmamahal sa isang katulad mong pangit, Madrid! Kamumuhian ka nila! Duduraan nila ang pagmumukha mo. Tandaan mong ang mga magaganda lang sa mundong ito ang kinakasihan ng kapalaran kaya tanggalin mo iyang kolorete mo. Para kang mumurahing puta sa bar. Para kang tae na may tinta sa mukha mo!"
Nakapikit na tinanggap ko lang ang mga panlalait ng sarili kong ina sa akin. Mula ng nagkaisip ako ay wala na akong narinig sa kaniya na maganda. Lahat ay pang-iinsulto. Puro malulutong na mura.
Anak naman niya ako pero hindi niya ako magawang mahalin dahil sa itsura ko. Naaksidente ako noong bata pa ako kaya may malaking pilat ako sa kaliwang noo pababa sa pisngi. Dahil nagulungan ako ng sasakyan kaya parang pader na rin ang ilong ko. Hindi na rin masabing bibig ang bibig ko dahil sa kalakihan nito.
"Ano pa ang hinihintay mo? Umalis ka na diyan sa salamin at mag-igib ka ng tubig sa balon. Huwag mo ring kalimutang takpan iyang mukha mo dahil baka matakot pa ang mga bata sa iyo. Mapa-barangay na naman ako ng wala sa oras."
Pinahid ko ang lipstick sa bibig at tumayo para kunin ang tuwalya sa tokador. Iika-ikang lumabas ako sa katamtamang bahay namin na gawa sa kahoy para magpunta sa balon na nasa dulo pa ng kakahuyan. Nakabalot ang mukha ko ng tuwalya para hindi makita ng makakasalubong ko ang mukha ko.
Noong nakaraang buwan ay napatawag sina mama at papa sa barangay dahil nabagok ang isang bata sa pagmamadaling iwasan ako ng makita nito ang mukha ko habang naliligo ako sa batis.
"Yayaman din ako. Ipapagawa ko ang mukha ko para maging maganda uli ako. Aalis ako sa lugar na ito. Sa pupuntahan ko ay mababaliw sila sa akin. Hindi na nila ako lalaitin. Mamahalin nila ako," ang paulit-ulit na sabi ko sa sarili sa daan.
"Hoy umuwi na tayo! Andiyan na ang halimaw! Halimaw! Si Madrid andito na para umigib!" sigaw ng isang bata kung kaya nagpulasan paalis ang lahat ng mga tao sa balon.
Naiwan akong nag-iisa kaya pinulot ko ang timba sa lupa at nagsimulang punuin ang dalawang balde.
Kahit araw-araw ko iyong naririnig ay hindi pa rin ako sanay. Nasasaktan pa rin ako. Ayokong tinuturing nila akong parang isang hayop. Ayokong nakakaramdam ng ganito.
Matapos mapuno ang mga balde ay inihanda ko ang braso para sa malayong lalakarin ngunit hindi ako nakagalaw sa takot nang may mga narinig akong mga ungol.
Nabitawan ko ang mga balde at naninigas sa takot na nilingon ang direksiyon sa likod ko. Handa na akong tumakbo palayo pero narinig ko ang mga daing nito.
"Tulungan mo ako... Tulong... Tulong."
Lumakad ako ng marahan patungo sa naghihingalong boses ilang metro mula sa balon malapit sa natuyong ilog ng Sta. Barbara.
"S-Sino iyan? S-Sino ka?" ang takot kong sigaw.
"Ahhh... Ahhh..."
Hinawi ko ang mga dahon ng anahaw at nakita ang isang nakahandusay at duguang lalaki sa lupa. Wasak ang blue polo na suot nito na tigmak sa dugo. Putlang-putla ang lalake habang nakapikit at bumubulong.
Napaatras ako sa gulat bago agad na dinaluhan ito para tulungan. Hindi ko malaman ang gagawin dito kaya pinasadahan ko ng tingin ang kabuuan. Doon ko pa lang nakita ang mga butas ng katawan nito dulot ng mga tama ng baril.
Sino ang lalaking ito? Paano siya napadpad sa nayon namin?
"Mmmm... M-Mama..."
Nagdedeliryo na yata ito kaya dapat na akong humingi ng tulong.
"S-Sandali lang mama, ha. Sisigaw lang ako ng tulong sa iyo. Sandali lang talaga. Dito ka lang, ah."
Nagmamadali akong tumayo para maghanap ng tulong pero may umagaw sa atensiyon ko kaya hindi ko naituloy ang pagtakbo.
Ilang metro mula sa lalake ay may maliit na itim na kaha na bahagyang nakabuka. Medyo malayo man ako rito pero hindi ko maipagkakamali ang kinang na nagbubuhat sa loob nito.
Tiningnan ko muna ang lalake na nawalan na ng malay saka tinakbo ang kaha at tinitigan ang loob.
Mga alahas na puro diyamante at ginto!
Kumuha ako ng isang bato at kinagat. Muntik na akong mapatalon sa tuwa nang malamang totoo ito. Agad ko itong ibinulsa at nagmamadaling lumabas sa kakahuyan.
"Ka Santiago! Ka Santiago! May nakita akong bangkay! May patay na lalaki sa gubat! May patay!" ang sunud-sunod kong bulalas sa kapitan ng barangay na nakasalubong ko sa bukana ng gubat. Kasama nito ang mga barangay tanod na nandidiri ang mga mata na nakatingin sa aking hubad na mukha.
"Saan mo nakita, Madrid? May natanggap akong sangguni na may nakita nga silang sugatan na lalake papunta sa gawing ito."
"Doon, Ka Santiago. Sa may balon. Sa unahan ng balon. Nandoon ang patay na na lalake. Gulat na gulat ako nang makita ko siyang wala ng buhay. Takot na takot ako! Naiwan ko pa ang mga balde ko roon!"
Hinawakan ako sa balikat ni Ka Santiago para payapain ako.
"Umuwi ka na muna sa bahay ninyo, Madrid. Ako na ang bahalang magsabi sa mga magulang mo. Hindi natin alam kung anong klaseng lalake iyon. Balo, James. Tara na."
Patakbo akong umuwi sa bahay hila-hila ang sariling mga paa. Pumasok ako sa loob ng maliit na silid at inilabas ang mga kumikinang na bato. Para akong pangangapusan ng hininga dahil sa itsura nito.
"Totoo ba ito? Diyos ko! Totoo ba talaga na ipinagkakaloob niyo sa akin ito?"
Tumayo ako at hindi mapalagay na nagpabalik-balik ng lakad. Ano ang gagawin ko rito? Kapag nabuhay ang lalake ay siguradong hahanapin nito ang mga brilyante.
"Hindi. Hindi pwede iyon." Niyakap ko ang mga bato. "Akin na ang mga ito. Akin na ang mga bato."
Mabilis na kinuha ko ang maliit na bag at naglagay ng iilang damit.
Aalis ako sa nayong ito na wala nang ipinaramdam sa akin kundi ang pagiging pangit ko. Inalipusta ako ng mga mamamayan dito. Nararapat lang na hindi sila makinabang sa kayamanang ito. May dahilan kung bakit ako ang unang nakakita sa mga bato. Nakatadhana ako para rito.
"O, saan ka pupunta, Madrid? Aalis ka?"
ang tanong ng ina sa akin na nasa kusina pala at nakita ang aking paglabas.
Hindi ako nakakibo agad. Biglang lumakas ang pagtibok ng puso ko nang bumaba ang tingin nito sa bag na dala ko.
Tumawa ito at napailing na lang. "Mabuti naman at naisipan mo iyan. Hala, sige! Layas! Umalis ka na sa bahay na ito at 'wag na 'wag ka nang babalik pa. Walang lalaki ang kayang sikmurain ang pagmumukha mo araw-araw! Kaya ka nga iniwan ni Ivan dahil pangit ka! Hala sige at lumayas ka na rito para wala na akong palamunin! Layas!"
Hinarap ko siya at tinanguan habang hilam na sa luha ang aking buong mukha. "Oo, inay. Aalis na ako rito para hindi ko na araw-araw na maririnig ang pang-iinsulto niyo. Pero ito ang tatandaan ninyo. Magiging maganda rin ako. May magmamahal sa akin. Yayaman ako at hinding-hindi na ako babalik sa impiyernong buhay na ito!"
Iika-ikang mabilis na bumaba ako ng hagdan at umiiyak na umalis na sa buhay na ilang taon ko ring pinagtiisan. Naririnig ko pa ang tungayaw ng ina sa likod ko pero nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad kahit na mahirap.
Papatunayan ko sa kanilang lahat na magiging maganda ako. May lalaking magmamahal sa akin at hinding-hindi niya malalaman ang mapait at pangit ko na nakaraan. Isinusumpa ko na gagawin ko ang lahat para baguhin ang buhay ko kahit kapalit nito ang buong pagkataong iiwan ko na sa bayang ito.