NAPASINGHAP ang dalagang si Carmina nang maramdaman ang kamay ng binata sa baywang niya. Nalanghap niya ang matapang nitong pabango—amoy mayaman.
Sa paglabas nila ng nightclub, agad na may humintong kulay asul na chevrolet camaro car sa harap nila. Humanga agad siya sa ganda ng kotse at natutulalang tinitigan ito habang namimilog ang mga mata. Para bang kotseng pang-artista sa ibang bansa ang sasakyang nasa harap niya. Mukhang hindi siya nagkamali, mayaman nga talaga ang lalaking nabingguwit niya.
May banayad itong ngiti sa mga labi nang alalayan siya nitong makapasok sa loob ng kotse. Tila napapaso namang iniiwas niya ang katawan sa mga kamay nito. Sobrang touchy naman kasi ng lalaki.
Habang nasa daan sila patungo sa kung saan ay binalot sila pareho ng katahimikan. Nakatanaw lang siya sa labas ng bintana at pilit na iniiwasan ang mga sulyap ng binata. Lihim din siyang nananalangin na sana ay ligtas siyang makauuwi. Iyong kompleto pa at hindi kulang-kulang na. Looks can be deceiving, wika nga nila. Baka kasi isang drug lord o goon itong lalaking sinamahan niya at hindi na siya pakawalan nang buhay.
Sa lalim ng iniisip, ni hindi na niya nagawang itanong dito kung saan sila pupunta. Pero ang katanungang iyon ay agad ring nasagot nang huminto ang sasakyan nito sa harap ng isang five-star hotel. Nang makababa ng kotse ay agad na umawang ang bibig niya sa pagkamangha nang makita ang kabuuan ng hotel sa harap nila, ito ang The Prime Hotel. Isa lang naman ito sa pinakasikat na hotel sa buong Pilipinas.
Sa T.V. nga lang niya napapanood ang hotel na ito noon. Sa narinig niya, ito ang hotel kung saan nagtsi-check-in ang mga mayayamang tao sa Pilipinas. Karamihan ay artista o kaya ay artista mula sa ibang bansa. Iyong iba naman ay mga politiko o mga nagbebenta ng shabu kaya naging datu.
Napaigtad siya nang muling maramdaman ang paggapang ng kamay ng lalaki sa kaniyang baywang. Halos malukot ang mukha niya habang nakatitig dito. Kung close lang sila ay baka nabatukan na niya ito. Dinaig pa nito ang sawa sa kakapulupot ng kamay nito sa katawan niya!
Iginiya siya ng lalaki patungo sa entrance ng hotel. Mas lalo naman niyang tinakpan ang sarili gamit ang coat na ibinigay nito sa kaniya kanina. Paano ba naman ay suot pa rin niya ang playboy bunny uniform na halos ilabas na ang lahat ng tinatago-tago niya sa katawan. Siguradong malalaman ng ibang tao kung anong klase siyang babae kapag tuluyan nilang nakita ang kaniyang suot.
Nang makapasok sa loob ay bumungad agad sa kaniya ang malaki at nakasisilaw na kulay gintong chandelier sa itaas ng kisame. Napalunok siya habang pinagmamasdan iyon. Mukhang mas mahal pa iyon kaysa sa buhay niya. Nilibot naman niya ang tingin sa buong paligid at muling namangha sa nakikita.
Para siyang nasa ibang bansa. Ibang-iba ang hitsura ng hotel na ito kumpara sa mayayamang bahay na napapanood niya sa TV. Napakagara ng sofa sa paligid at napakaganda ng pagkakadisenyo ng mga pader. Maski yata ang display na halaman sa mga gilid ay mahal din. Mas lalo tuloy siyang nanliit. Mas mukha pang mahal ang display sa loob niyon kaysa sa kaniya.
Halos lahat ng madaanan nilang nakauniporme na sa tingin niya ay mga nagtatrabaho sa hotel ay binabati sila habang may malalapad na ngiti sa mga labi. Hindi niya tuloy mapigilan ang sarili na lingunin ang lalaki. Halos mapabuga siya ng hangin sa kaguwapuhang taglay nito. Ayaw man niyang isipin pero ang traydor niyang utak, ipinagsisigawang ang suwerte niya sa lalaking natapunan ng alak.
Agad namang may lumapit sa kanilang babae na galing sa front desk nang makita sila nito.
"Sir Gabriel, hindi po kayo nagpasabi na darating kayo," tila kinakabahan nitong wika. "Akala namin, bukas pa po ang dating n'yo," dagdag pa nito bago pinindot ang open button nang marating nila ang harap ng elevator.
Kumalas ang lalaki sa pagkakahawak sa baywang niya. "Sayang," bulong ng kaniyang isip.
Muli naman siyang nagbaba ng tingin nang magtagpo ang mga mata nila ng babaeng staff. Nakita pa niya ang bahagyang paglapit ng lalaki rito at ang pamumula ng pisngi ng babae. Parang kilig na kilig ito sa ginawang paglapit ng mukha ng lalaking nagngangalang Gabriel. Pati ang pangalan nito, guwapo na, yummy pa.
Napatingin siya nang mapagtantong may ibinulong si Gabriel sa babae. Tumango naman ang babaeng staff bago magalang na inabot ang isang card kay Gabriel. Nahihiyang ngumiti ito bago tuluyang nagpaalam at umalis.
Hmp! Pabebe!
Muling humawak sa baywang niya ang lalaki at kusang umarko ang likod niya. Heto na naman po ang sawa. Pumupulupot na naman si Bessy. Pakiramdam niya ay namumula na ang mga pisngi niya sa nararamdamang init—init ng mukha. Hindi katulad kanina na nakadantay lang ang palad nito sa kaniyang baywang, ngayon ay nakahawak na at nararamdaman niya ang paminsan-minsang pagpisil nito sa tagiliran niya. Sabik na sabik?
Napalunok siya nang bumukas ang elevator. Pumasok sila sa loob at muli itong sumara. Pakiramdam niya, sasabog ang puso niya sa lakas ng tambol na naririnig dito. Halos hindi siya makahinga sa sobrang bilis ng pagtibok niyon. Ganito rin kaya ang nararamdaman ng mga first time prostitute o siya lang talaga dahil pabebe siya?
Ilan sandali pa ang hinintay nila bago muling bumukas ang elevator. Sumalubong sa kaniya ang mahabang pulang carpet sa mahabang pasilyo. Sa bawat pintong naroon ay may isang halaman na nakatayo sa gilid. Nagbibigay iyon ng kakaibang amoy sa paligid.
Napakaganda ng nilalakaran niya, para siyang nasa panaginip sa garbo ng paligid. Kung wala lang sana siya sa ganoong sitwasiyon ay baka nagtatalon at nagtatakbo na siya sa sobrang tuwa. Ito ang pinangarap niya noon, ang makapunta sa isang mamahaling hotel kasama ang nanay at Ninang Betla niya. Pero nang muling maalala ang ina, malungkot siyang napangiti sa reyalidad na kaya siya naroon ngayon, ay para ibenta ang p********e niya sa lalaking kasama. Hindi siya naroon para magsaya at mas lalong hindi siya nagpunta roon para kiligin sa guwapong lalaki. Nandoon siya para makipag-s*x dito kapalit ng pera.
Muli siyang lumunok nang huminto sila sa tapat ng kuwartong may numerong 169. Bahagya pang kumunot ang noo niya sa huling dalawang numero. Coincidence? Binuksan ng lalaki ang pinto gamit ang hawak nitong card at tuluyang pumasok sa loob. Hindi niya nagawang sumunod rito. Gusto na sana niyang tumakbo palayo ngunit hindi rin naman niya magawa. Nanginginig ang mga kamay niya at pinagpapawisan siya nang malamig. Padodonselya na siya, ready na ba ang lagusan niya?
Gusto niyang umiling at sumigaw ng hindi, pero nang lingunin siya ng lalaki ay agad siyang nagtaas ng tingin dito.
"Aren't you coming?" tanong nito nang magtagpo ang mga mata nila.
Nangatal agad ang bibig niya nang mariin siya nitong titigan. Idagdag pang nagsalita ito sa wikang Ingles—her weakness! Titig na titig pa ito sa mukha niya habang nakataas ang isang sulok ng labi.
Lumunok siya at tumango rito. "O-Oo, papasok na. Excited naman masiyado," pabulong niyang sinambit ang huling parte ng sinabi.
Humakbang siya sa loob ng kuwarto at muling napanganga nang makita ang kabuuan ng silid. Napakalaki nito para sa isang kuwarto. Sa tingin nga niya ay triple ang laki nito kung ikukumpara sa maliit nilang bahay. Aba, tila palasiyo na ito para sa kaniya!
Gabriel booked a classical minimalist style suite. Gusto kasi ng lalaki na maging memorable ang gabing iyon dahil nais nitong maalala ang babae.
Napatingala si Carmina nang mapansing walang ilaw sa loob ng kuwarto. Ang mga nakasinding pantalya lamang na nakasabit sa pader ang siyang nagbibigay liwanag sa buong silid. Muli na namang umawang ang bibig niya nang mapansing may kuwarto pa pala sa kaliwang dulo ng silid. Wala nga lang itong pinto.
Natigilan siya at mariin na napalunok nang makita ang malaking kama roon. Agad na nag-init ang mukha niya nang maisip na doon siya bibiyakin ng lalaki. Ang dapat ay matakot siya para doon, pero hindi niya maipaliwanag kung bakit nakaramdam siya ng kaunting kiliti somewhere down there.
"Kuwarto pa ba `to?" tinanong na lamang niya sa sarili upang mawala sa isip ang senaryong nagdulot ng init sa traydor niyang katawan.
"This is actually a suite," nakangiting sabi ng lalaki at bahagya pang tumawa.
Nilingon niya ito nang may pagtataka sa buong mukha. "H-ha?"
Napansin niya na kanina pa ito nagsasalita sa lengguwaheng Ingles. Nakagat niya ang ibabang labi sa isiping baka mag-e-English ito hanggang mamaya kahit sa kama. Kaunti pa naman ang alam niyang salitang English. Maliban kasi sa hindi na siya nakapag-college ay hindi rin siya biniyayaan ng talino. Ganda lang naman ang mayroon siya. Ganda lang.
Muling ngumiti ang lalaki.
"Hotel rooms and hotel suites are different. I want you to be comfortable, so I booked us a suite instead of a regular room—" natigilan sa pagsasalita ang binata nang makita ang kunot sa kaniyang noo.
Sandali siya nitong tinitigan bago muling sumilay ang maliit na ngiti sa mga labi nito. Pakiramdam naman niya ay may mga paruparong nagpaliksahan ng lipad sa loob ng kaniyang tiyan. Hindi niya alam kung bakit bumibilis ang pintig ng puso niya sa tuwing ngumingiti sa kaniya ang lalaki. Nababaliw na ba siya? O sadyang iyon lang ang epekto ng mga guwapo sa kaniya?
"Sit down," utos nito bago naglakad papunta sa living room at naupo sa pang-isahang sofa roon.
Siya naman ay matuling naglakad papunta sa kaharap na sofa ng lalaki. Sa ilang segundo kanina, muntik na niyang makalimutan ang dahilan kung bakit siya naroroon. Normal bang hayaan ng isang pokpok ang sarili na magustuhan ang lalaking pagbebentahan nito ng katawan?
Siguro kung nakilala lang niya ang lalaki sa ibang sitwasiyon ay sigurado siyang mag-e-enjoy siyang kausap ito dahil mukha naman itong mabait. Ang problema nga lang, naroon sila ngayon dahil ibebenta niya ang sarili niya rito. Pero napaisip din siya, kung sakali ngang nagkakilala sila nito sa ibang paraan, mapapansin kaya siya nito? Sa tingin niya ay hindi. Ibig pa niyang umiling sa mga naisip. Sino ba naman kasi siya para kausapin o pansinin ng isang katulad nito? Isa lang naman siyang dukha.
"You look so heavenly," napukaw siya mula sa malalim na pag-iisip nang marinig ang sinabi ng lalaki.
Napalunok siya nang muling magtama ang kanilang mga mata at sumilay na naman ang ngiti sa mga labi nito. Pero ibang klase ng ngiti ang nakikita niya ngayon sa mga labi ng lalaki. Hindi katulad ng mga ngiti nito kanina, ngayon ay punong-puno ng pagnanasa ang mga ngiting iyon. Pati na ang mga mata nito'y makikita ang pananabik.
Mula sa mukha niya ay pinilit ibaling ni Gabriel ang atensiyon sa ibang bagay. Baka kapag hinayaan nitong malunod ang sarili sa maamong mukha ng babae ay agad siya nitong magalaw sa mismong sofa na kinauupuan niya. Pinanood naman niya itong magsalin ng wine sa dalawang baso. Inalok siya nito ng alak pero magalang siyang tumanggi. Tanduay lang ang alam niyang inumin at kaunti lang ang nakakaya niya. Baka kapag uminom siya ng mamahaling wine ay agad siyang malasing at gawin ng lalaki ang lahat ng naisin nito. Siyempre, hindi siya makakapayag na ito lang ang mag-enjoy. Dapat siya rin! First time pa naman niya ito.
Ngumisi naman ang lalaki sa kaniya at uminom na lamang ng alak nang hindi inaalis ang tingin sa mukha niya.
Napansin niyang malapot ang paraan ng pagkakatitig nito sa katawan niya. Sa halip na mag-iwas ng tingin ay hindi niya mapigilang salubungin ang mga titig nito. Inisang lagok ng lalaki ang natitirang alak sa hawak na baso, at pagkatapos ay nilapag iyon sa ibabaw ng mesa.
"You sure you don't want to drink?" tumaas ang isang kilay nito nang itanong iyon sa kaniya.
Mariin siyang lumunok bago umiling.
"Okay, then, how about a shower? Baka gusto mong maligo?" muli pa nitong tanong habang nakatitig pa rin nang diretso sa mukha niya.
Pakiramdam niya ay napapaso siya sa paraan ng pagtitig nito. Mariin kung tumingin na para bang tumatagos hanggang sa kaluluwa niya. Mabilis siyang tumango kahit pa wala siyang balak na maligo.
Nanginginig ang mga paang tumayo siya at agad na hinanap ng mga mata ang pinto ng banyo. Natanaw niya ito hindi kalayuan mula sa kinatatayuan niya. Hahakbang na sana siya papunta rito ngunit bigla ring natigilan nang muling marinig ang malalim at baritonong boses ng lalaki.
"Hihintayin kita sa kama."