Chapter 21

4696 Words
“Purihin natin ang nag-iisang Diyos. Hindi natatapos ang paghahari nya, hindi sya namamatay at di siya nakikita, dakila talaga sya at dapat nating purihin magpakailanman! Amen.” – Timothy 1:17 -- Chapter 21 Pearl Dumilat ako. Bukas pa rin ang lamp sa gilid ko. Hindi ko ito napatay kanina. Nakalimutan ko. At sa sobrang antok ay hindi ko na nagawa. Mahimbing na natutulog sa tabi ko si Jewel. Malamig ang buga ng aircon at nakakapanibago sa pakiramdam. Mabango. Amoy ng bahay na alaga sa fabric conditioner. Tapos ang kama malapad at makapal. Para kang dinuduyan pag-upo mo. Ang sarap sa pakiramdam. Ang lambot ng comforter at unan. Ang bango pa. Para kang nagcheck in sa five-star hotel. Kahit dalawa kami ni Jewel na nakahiga, maluwag pa rin. Kasya pa si… Nilingon ko ang pamangkin. Hindi ko alam kung anong oras na. Pero madilim na madilim pa rin sa labas. Saglit kong nalimutang nasa ibang bahay kami. Napatingin ako sa may pintuan. Hindi naaaninag ng mapusyaw na liwanag ang banda roon. Pero sa namataan kong madilim na hugis, nagising lalo ang diwa ko. A human shaped silhouette formed leaning on the closed door. Nakahalukipkip ito. Hindi gumagalaw. At parang… nakatitig sa gawi ko. Ilang beses akong kumurap. Hindi ako kumilos. Hindi ko pa tuluyang natatanggap na natatakot na ako dahil tumitig din ako. Then the shadow moved. Naglakad. Naglakad palapit sa liwanag at unti-unting kumalat ang kulay sa kabuuan niya. Lumakad papunta sa paanan ko sa kama. Pinanoood ko. Rebulto ni Nick ang nasinagan ko. Pagkakita ko sa pagod niyang mukha na wala pang tulog, kumunot ang noo ko. “Bakit ka nakatayo sa dilim?” Umupo siya sa gilid ng kama. Sa tagiliran ko. Naamoy ko ang alak na ininom niya. Hindi siya mukhang lasing. Pero alam mong nakainom. Medyo cloudy ang mata at halata ang pagkapula ng mukha kahit sa ganitong ilaw. Inaantok, pagod at parang pinipigilan ang diwa niyang magpahinga. But he managed to lower his upper body, most especially his head towards me. And then his face. He is just several inches away from mine. Binubugahan ako ng kanyang hiningang amoy alak at mint candy. May lamig at init. May tapang ng loob at maligamgam na dating. Sinulyapan ko si Jewel. Nakatalikod ang anak niya sa amin. Kinakabahan ako sa kinikilos ni Nick. He leaned closer and whispered, “Maghanda ka. Kukunin ko kayo ni Jewel. At magpapakasal tayo.” Napatitig ako sa kanya. Wala akong sinagot. Nagtatalo ang utak ko kung nagdedeliryo ba ito o may amats na. Hindi ako kumibo. Unti-unting dumausdos sa sahig ang pang-upo ni Nick. Tiningnan ko siya. Inaantok na ito. At pagod din. Napaupo ako. Humiga siya sa sahig at hindi na nagsalita pa. He didn’t mind the floor. Bumaba ako sa kama. Kinuha ko ang unan ko at pinailalim kong maayos ulo niya. Umulong siya. Akala ko magigising. Umayos lang siya at nakatulog din agad. Mukhang hindi na kinaya ng katawan. Naupo ako sa sahig. Niyakap ko ang mga tuhod. Pinagmasdan ko ang magkasalubong niyang kilay. Para bang nakikipagsagupaan pa ang utak niya pero ang katawan ay sumuko na. Ano kaya ang tumakbo sa isip niya at sinabi niya iyon? Akala ko sa baba ito matutulog. O nakalimutan. Bakit nakatayo siya sa dilim kanina at pinapanood kami sa pagtulog? Malamang nahaluan na ng alak ang utak. Inabot sila ng madaling araw sa pag-uusap. Ganoon kakumplikado ang nagawa ko sa pamilya nila. Lumingon ko sa may kurtinang bintana. Tiningnan ko ulit si Nick. Pinatong ko ang baba sa tuhod at bumuntong hininga. Paggising ko kinaumagahan, halos hindi ko na maalala ang nangyari kagabi. Wala na siya sa sahig pagbangon ko. Pati si Jewel. Mag-aalas siete pa lang. Pero ako ang pinakahuling nagising. Inayos ko ang kama at siniguradong walang naiwang kalat at gusot. Dumeretso ako sa isa sa mga pinto. Pagbukas ko, nasa ilalim ng dutsa si Nick. Nakatalikod at walang kahit na anong suot na damit. Bumaling siya sa pintuan pagkabukas ko. “Sorry!” Arangkada kong sinarado ang pinto. Lumayo ako sa banyo at bumalik sa kama. Tumitig ako sa kutson na kumakabog ang dibdib. Kumalat ang init sa mukha ko. Hinawakan ko ang pisngi at pumikit nang mariin. Pero pumasok lang sa imahinasyon ko ang hubad na likuran ni Nick. Ang hugis nito, kulay at parteng hindi ko dapat nasilip. Iyong sekretong parteng iyon ay hindi ko dapat nakita! Bumukas ang pinto ng banyo. Hindi ko na nilingon. “Gagamit ka ng banyo?” Sinisimento ang leeg ko. Hirap na hirap ko siyang binalingan. “O-oo sana,” Tinutuyo niya ng itim na bimpo ang basang buhok. Hubad pa rin siya. Wala sa mukha niya ang mangha o kahit violent reaction dahil nakita ko siyang hubad. Balot ng itim na tuwalya ang ibabang bahagi ng katawan. He has well maintained body. Saglit ko lang nakita. Para bang hinulma ng batikang iskultor ang katawan niya. Lumakad siya papasok sa tingin ko ay walk-in closet ng kwarto. “Tapos na ako. Ikaw na.” Nanatili akong nakatayo kahit nawala siya para magbihis. Gusto kong tuktukan ang ulo sa hiyang naranasan. Bakit hindi ko narinig ang shower! Masyadong mahina. Masyadong maganda ang construction mansyon kaya wala akong narinig. O baka inaantok pa ako kaya wala sa sarili. Hindi ko na alam kung papaano kikilos. Nagtagal ako sa banyo para pahupain ang pagkagulantang ng isip at nararamdaman ko. Walang pinagbago ang sitwasyon kahapon at ngayon habang kasama ko ang pamilya De Silva sa agahan. Ang tahimik. Nasasanay na ako sa walang imik ni Sir Reynald at sa nagsusuri nitong mata. Pero naninibago ako sa katahimikan nina Ma’am Kristina at Yandrei. Itong si Anton, busy yata sa business. Kumpara sa kuya niya, mas maagan itong tingnan. Parang walang pakielam pero ayokong makasiguro. Kasama siya noong habulin nila ako sa Airport. Kahit iyong si Hector ay kakampi rin nila. “Sumunod kayo sa opisina, Nick. Excuse me.” Tumigil ako sa pagkain nang tumayo si Sir Reynald. Kaunti lang ang laman ng plato niya. Agad kinuha ng kasambahay at dinala sa kusina. Sinundan ng tingin ni Ma’am Kristina ang asawa. Si Nick ay hindi umimik. Nagpatuloy pa sa pagkain. Nilingon ako ni Yandrei at Anton pagkawala ng presensya ng ama nila. “Dito kaya kayo titira after nito?” Siniko ni Anton ang kapatid. “Bibig mo. Hindi pa nagpopropose si Kuya.” Sinulyapan ko si Nick. Pero biglang tumayo si Ma’am Kristina. Binaba nito ang napkin sa gilid ng pinggan niya. “Excuse me. Pupuntahan ko lang ang dad niyo. Please enjoy your breakfast, Victorio, Pearl.” “Salamat, madam.” Ani Tatay. Tumango at nginitian ko si Ma’am Kristina. Walang tunog ang mga yapak niya nang naglakad siya palabas ng dining area. Sinundan ito ng tingin ng dalawa niyang batang anak. At tulad kanina, hindi pa rin kumikibo si Nick. Nagkatinginan kami ni Tatay. Pero hindi kami nag-usap. Lalo’t nasa mesa pa rin ang tatlong magkakapatid. Magkahawak-kamay kami ni Jewel nang pumasok sa opisinang iyon. Tulad kahapon, nakaupo sa swivel chair si Sir Reynald. Nakatayo sa tabi niya ang asawa. It’s a meeting between the De Silva and Herrera family. Palaging may kalabog sa dibdib ko ang pagpihit ng seradora at pag-upo sa sofa. May mga matang tila nagse-search sa akin. Tinatagan ko lang ang tuhod para hindi mabuwal. Naroon sa loob ang buong pamilya. Ipinasok ang pinatimplang kape at juice ni Ma’am Kristina. Magkatabi sina Yandrei at Jewel. Medyo malayo sa akin pero hindi naman ako nag-aalala. Katapat ko ulit si Nick. Na prenteng-prente ang upo. Tumikhim si Sir Reynald. “Masinsinan kaming nag-usap ng anak ko kagabi. Nakabuo na siya ng pasya at… pinal na iyon.” Humalukipkip si Ma’am Kristina sa tabi ng asawa. May pag-aalala sa mukha. “Ano ang naging pasya ninyo?” tanong ni Tatay. Tumahimik. Nagbabato-batopik sina Yandrei at Jewel. Pero kumakalabog ulit ang dibdib ko. May takot ang antisipasyon kong malaman ang isasagot ni Sir Reynald. “Dahil… parehong ayaw bitawan nina Nick at Pearl si Jewel at parehong willing buhayin, hindi na niya ito idadaan sa korte. Nagpasya siyang… pakakasalan si Pearl.” Umawang ang labi ko. Binalingan ko agad si Nick. Nakatingin na ito sa akin. “Kasal? Pero teka, bakit kasal?” “Para po kay Jewel, Sir. Para hindi na namin pag-awayan ito ni Pearl.” Agap na sagot ni Nick. “Oo nga! Pero nariyan pa si Ruby! Pakakasalan mo si Pearl para kay Jewel, Tita siya at hindi ina. Kapag bumalik ang kambal niya, mapupunta pa rin sa kanya ang bata. Hindi niyo dapat dinadamay ang anak kong inosente rito.” “Hindi lang po ito tungkol sa bata, Sir,” “At meron pa ba? Kaya nga tayo nandito dahil sa custody at utang namin sa ‘yo, ‘di ba?” Hindi madilim ang mukha ni Nick. Wala ring mapaglarong mata o ngisi. Sumeryoso ang mukha nito. “Tama po kayo, Sir. May ibang dahilan pa po ako sa pagpapakasal sa anak niyo. At hindi ko na itatagong kasama sa pagpapasya ko ang isang bilyong halagang binayad sa mga tinakbukan ni Ruby.” Napanganga si Tatay. Nanghina. Nanghina at walang kalaban-laban. Para saan pa kung talagang ang laki ng lamang sa amin ni Nick? “Ginamit niya ang pangalan ko at apelyido namin para makakubra ng pera. Aware po akong walang kinalaman si Pearl sa lahat ng ginawa niya pero ganoon din po ang pamilya ko. Wala rin silang kinalaman pero nadawit. Hihintayin kong bumalik si Ruby. Kailangan ko po siyang makausap. Pero habang wala tayong kasiguruduhan kung kailan, hindi ko po paaalisin ang kambal niya. Kailangan ko po si Pearl.” “Kailangan mo ring pakasalan?” Matapang ang pagtango ni Nick. “Opo, Sir. Hindi ako nakakasigurong makakabayad nga si Ruby o kayo sa akin. Ang gusto ko po sana’y… maiwan sa akin sina Pearl at Jewel. Pero kailangang kasal kami ni Pearl. Ayoko mang maging mahigpit sa paniningil. Pero nadala na ako. At para sa seguridad ng pamilya ko, kukunin ko silang dalawa.” “Aba’t parang… hinihingi mong kabayaran sa utang ang anak ko, Nick!” “Ayoko pong gan’yan ang isipin ninyo. Magiging maayos at maalwan po ang buhay nila sa akin. Kung bumalik nga si Ruby, mag-uusap kami. Importante pong makausap ko siya. At naniniguro lang po ako, Sir Vic. Hindi biro ang halagang tinangay niya. Nilagay niya kayo sa hirap. Nadamay pa ang seguridad ninyo.” “Hinihintay mo si Ruby? Pero si Pearl din ang pinagbabayad mo! Anong klaseng desisyon ‘yan! Hindi makatao! Gusto mong ipambayad namin siya! Nasa tamang pag-iisip ka ba o minamaliit mo ang kakayahan naming mahihirap?!” Pumunta na sa gitna si Ma’am Kristina. “Hindi naman sa ganoon, Victorio. Hayaan muna nating pag-usapan ito ng mga bata.” Napatayo si Tatay. “Paano niyong nasasabing hindi, Madam? Iyon ang tinutumbok ng anak mo. Hinihingi niya si Pearl kapalit ng isang bilyon niya! Nakakasama ng loob, e. Parang nilalagyan niyo ng halaga ang pagkatao ng anak ko!” Napalunok si Ma’am Kristina. “Hindi namin nilalagyan ng presyo ang kahit sino. Lalo na si Pearl. Huminahon ka muna. Pakinggan mo ang sasabihin ni Nick,” “Una si Jewel ang gusto niyong makuha. Ngayon naman pati si Pearl! Kung dahil sa pera lang, ibibigay ko sa inyo ngayon din ang titulo ng lupa at bahay ko! Magtatrabaho pa ako pangdagdag!” Napatayo ako matapos tumayo ni Sir Reynald. Inabot niya ang siko ng asawa. Tumabi ako kay Tatay. Bahagya ko siyang nilayo sa kanila. Tumayo rin si Nick. Hindi nawawala ang tapang at idagdag pa ang nakikita kong determinasyon sa mukha niya. “Hindi po ako tatanggap ng kahit ano sa inyo, Sir. Maliban kung si Pearl iyon.” Suminghap si Tatay. Mas lalong namula sa galit ang mukha. “Son, I told you. This isn’t good and wise.” Umiling si Nick. “No, dad. Gusto kong makuha si Pearl.” “But she is Jewel’s aunt. You can’t marry her.” “It doesn’t matter.” Suminghap si Ma’am Kristina at kumapit sa braso ni Nick. “Nicholas…” Hinawakan ni Nick ang kamay ng ina. Nakatitig pa rin sa akin. “I’m sorry, Mom. But I will marry her.” he said with hint of his final decision. “At ayoko pong makipagtalo, Sir Vic. Hahaba at hahaba lang. Nangangako po akong aalagan ko sina Pearl at Jewel. Hindi ko sila pababayaan. At sa oras na bumalik si Ruby… pag-uusapan namin ang tungkol sa bata.” “At saan si Pearl pagbalik ni Ruby? Kapag nabalik na niya ang pera mo, paano na siya? Makikipaghiwalay ka na?” Tiningnan niya ako. Natakot ako. Natakot akong tingnan at makipagtagisan ng titig kay Nick. Nakakatakot ang gusto niya. “Tandaan mong inosente pa rin siya, hijo. Tumulong lang siya. Nagmagandang loob. Pero kung aabusuhin mo, hindi ako mangingimeng manakit para sa anak ko.” “Tay…” humawak ako sa balikat niya. Nanginginig sa galit ang tatay. At mahirap na siyang awatin. Pero nag-aalala ako sa kalusugan niya. “Mananatili po siyang De Silva, Sir. Asawa ko.” Nick answered. Pinagmasdan ni Sir Reynald ang anak niya ng ilang segundo. Niyakap at mangiyak-ngiyak si Ma’am Kristina kay Nick. Naging emosyunal ang mga sumunod na oras. Hindi ko makausap si Tatay. Kitang-kita ang tapang niya at pakikipaglaban sa mga taong mas mataas kaysa sa amin. Pero tumatapang siya kapag tungkol sa akin. O sa amin ni Ruby. Si Nick, kahit sabihing mas may punto siya at lamang, alam kong nahihirapan sa pakikipag-usap sa tatay ko. Tulad kung paanong nahihirapan akong tingnan man lang ang dad niya. Hiniling ng mag-asawang De Silva na makausap ng sarilinan si Tatay. Pumayag ang tatay. Pero dinalhan siya ng tubig ni Anton. Nagpasalamat ako sa kanya. Lumabas kami. Sa hardin at sa gilid ng swimming pool. Sina Yandrei at Jewel ay nasa theater room daw sabi ni Manang nang magtanong ako. Nanonood. Hindi ko na pinuntahan. Mag-isa akong naupo sa labas. Nag-isip. Nagtalo ang utak. Paano ba ang gagawin ko? “Nahihirapan ka rin?” Napaigtad ako sa boses ni Nick. Mariin akong pumikit nang mawala ang daloy ng iniisip. Narinig ko ang pag-usod niya sa upuang katabi ko. At naramdaman ko ang init ng presensya niya. Presensyang nakakatupok ng pasensya. Bumuntong hininga ako. “Ito pala ang pinag-usapan niyo kagabi. Balak mo pa ring pakasalan ako kahit hindi ako si Ruby.” Malahari siyang naupo sa tabi ko. “Tinuturing kang mommy ni Jewel. Kunin ko man sa inyo ang bata, mahihirapan akong paamuin siya kung wala ka.” “At ito ang naisipan mong solusyon?” “Weird bang maningil ng utang?” Natahimik ako. Mariin kong sinara ang labi. This isn’t all about his daughter. I understand his needs to recuperate his money. Alam niya ang halaga nito dahil businessman siya. Pero ang uri ng paniningal niya ang hindi namin matanggap. “Bakit ako? Bakit hindi mo mahintay si Ruby?” He sighed. “Babalik siya sa oras na malaman niyang pinakasalan kita. Hinihintay ko ang araw na iyon.” “Siya ang kailangan mo pero damay pa rin ako.” “Nadamay din ang pamilya ko. Nagamit kami dahil sa kapatid mong ‘yon.” Nilingon ko siya. “At ako... ang gusto mong bayad. Abswelto na ba kami sa oras na pumayag ako sa gusto mo, Nick?” He looked down at me. His lips parted a little. Nahirapan siyang sagutin ako. Dumaan ang hindi ko kilalang damdamin sa mukha niya. Pero narito pa rin ang tapang. Tapang na hindi ko alam kung saan siya nakakahugot. Siguro, dahil sa pamilya at kapangyarihan nila. Oo nga naman. Marami siyang kakayahan. But he gulped while staring. “Bayad na. Wala na akong sisingilin kapag… pumayag ka. Ikaw ang kapalit ng lahat ng ito.” Nanubig ang mga mata ko. Hindi ako makapaniwalang… makakatagpo ako ng ganitong klaseng tao. Ng ganitong klaseng pagtingin sa sirskumtansya. “Bakit ayaw mo ng pera? Pwede akong magtrabaho sa ‘yo. Kahit anong ipagawa mo. Hindi rin namin ipagdadamot ang anak mo sa ‘yo. Malaya ka. Pumunta ka sa bahay kahit kailan mo gusto. Ipasyal mo siya rito, sa mga magulang mo. Mag-usap tayo kung tuwing kailan at oras. Hindi ka pagbabawalan…” “I can do all of that. I can get my rights to my daughter. I can bring her here. Or even get her own house and nanny. But…” Nagbago ang ekspresyon ng mga mata niya. Tumingin ito sa malayo. Tumitig sa hindi ko nakikita. Siya ang pinagmamasdan ko. Ang pag-igting ng panga niya. Na tila nakita ang kaaway at sinusuntok nito sa isipan pa lang. Tumapang ang paningin niya. Ibang klase ng tapang kaysa kanina. Ito ay may halong galit. Poot. At apoy na aayawan mong makita. Namilog ang mata ko. Kinabahan. Pero habang tumatagal ang titig ko, nahaluan ito ng awa. Ng pagkirot. Gusto ko siyang abutin. Gusto kong haplusin ang mukha at magtanong, “Anong kinagagalit mo, Nick?”, pero hindi ko iyon ginawa. Kumuyom ang kamao ko. At pinigilan ang sarili. Sa ilang beses kong nagawang panakaw siyang titigan, ito ang unang beses na makita ang galit. May kinikimkim siya. Pero alam kong hindi ito magsasalita tungkol doon. Tapang at lakas ang nilalabas niya. Hindi ang nakita ko ngayon lang. He deeply sighed and looked at me again. “Gusto ka rin ni Mommy. Kapag ikaw ang naging asawa ko, alam kong hindi ako magsisisi. Nakabayad ka na, napasaya ko pa ang mommy ko. Nariyan pa si Jewel. Kaya nga, ikaw ang hinihingi ko. Sobrang laki ng halaga mo sa akin, Pearl. Sobra.” “Wala ka bang balak tumingin sa iba?” Tumalim ang mata niya. “I won’t cheat if that’s what you mean to say.” Umiling ako. “Hindi iyon. Kapag nagkagusto ka sa iba. Kapag may mas matimbang na dumating kaysa sa akin. Mag-iiba ang halaga ko sa araw na iyon sa ‘yo.” Inabot niya ang braso ko. Hinila ako. Malapit akong tiningnan sa mata. “Kapag nagpakasal ako, igagalang ko ang babaeng pinalitan ko ang pangalan. Siya lang ang magiging De Silva ko. Siya lang ang aalagaan ko at titingnan nang higit pa sa kaibigan. Kaya huwag kang umasam na makakawala ka sa akin kapag may dumating na ibang babae. Sa oras na maging asawa kita, asawa na kita. Hindi lang sa papel o sa paningin ng tao. Asawa na kita sa kahit anong aspeto.” Binitawan niya ang braso ko. “Habangbuhay ang kasal, Nick.” Pinaintindi ko pa para wala siyang pagsisihan. Kasi ako… wala naman akong balak na mag-asawa. Pero heto ako ngayon, parang wala nang matakbuhan. “I know. My parents are still together. Hindi na nila kayang mabuhay nang wala ang isa’t isa. Kaya huwag mo akong problemahin, Pearl. Alam ko ang ginagawa ko. Sigurado ako.” “May iba ba akong pagpipilian?” mahinahon kong tanong. “Meron. Kukunin ko si Jewel. Ililipat ko ang custody niya sa akin. At titiyakin kong mahihirapan si Ruby na makuha ang bata. Pwede kang umuwi sa inyo. Sa Cebu. Pero kukunin ko ang pwede kong makuha para sa utang. Kung hindi ka papayag sa desisyon ko, mauubos ang kabuhayan niyo.” Pinagmasdan ko siya. Kung hindi siya nahahawig kay Sir Reynald, iisipin kong ampon siya. Sabi ni Ma’am Kristina, he’s a bit of his father. Sa tingin ko, wala siyang nakuhang traits sa mommy niya. Hindi siya tinablan ng kabaitan sa dugo. Bumuntong hininga ako. Inalis ko ang paningin sa kanya. Nagsisimula ulit kumulo ang dugo ko. Baka kung ano pa ang masabi ko. Mapasama ang lagay namin ni tatay. “Hindi kayo pwedeng umuwi nang hindi tayo nagkakasundo. Walang aalis sa inyo. Lalo ka na.” bigay diin niyang dagdag. Humalukipkip ako. Nilipat ko ang paningin sa magandang landscape ng mansyon. Dumadagundong ang dibdib ko. Umaapaw ang mga iniisip. Kinakagat ko ang labi at iwas na iwas akong masilip man lang si Nick. He is so full of himself. O kung hindi man, kung may gusto siya, gagawin ang kahit ano makuha lang iyon. Nang sumapit ang hapon, nakatulog si Jewel. Ang sabi ni Nick ay iakyat ko sa kwarto niya. Iyon ang ginawa ko. Kabababa ko lang sa kanya nang kumatok si Tatay. Saglit niyang pinasadahan ang loob. Naroon ang hiya at ilang na makatungtong sa ganitong kalaking bahay. Malaki pa ang kwarto ni Nick sa pinagsamang kwarto ni tatay at Ruby. At kahit hindi magsalita si tatay, alam kong nakakaramdam ito ng hiya. Naiwan kami dito ng may tatlongpung minuto. Pinanood namin si Jewel. Makakabuti kaya sa kanya ito? O kay Tatay? Kina Tiyang? Kay Ruby? “Pakiramdam ko, wala akong nagawang mabuti sa buhay ninyong magkapatid. Nag-fail ako sa Nanay Clara niyo. Muulit lang din sa inyong dalawa.” “Tay,” Paglingon niya sa akin, namumula ang mga mata ni Tatay. Kinuha niya ang kamay ko. Pinisil at tumulo ang luha niya. “Mabuti pa rin… ang narinig ko sa mga De Silva, Perlas. Hindi ka raw nila pababayaan. At kahit itanggi ko, alam kong may mabuting puso si Madam Kristina. Umiyak din siya. Gusto niya kayo ni Jewel. At gusto ka rin daw niya para sa anak niya. Sa kabutihang ginawa mo sa amin, lalo na kay Ruby, ay sigurado raw siyang nakakahigit ka sa ibang babaeng naugnay kay Nick. Alam niya raw ang nararamdaman mo para sa amin.” Ngumiti siya. Ngiting parang… nagpapaalam. Pero bakit? Ngumiti siya at pinunasan ang tumulong luha sa pisngi. “Hindi ko gusto ang pagkuha sa ‘yo ni Nick para makabayad tayo. Kung may pera lang ako… kung sapat lang ang salon ko… hindi kita ibibigay, anak. Hindi ako papayag kung masasamang tao sila. Pero mawawala si Jewel. Hindi ko siya makikita kapag…” “Tinakot ka ba nila, Tay?” Mabilis itong umiling. “Hindi. Hindi ganoon makipag-usap ang mga magulang ni Nick. Pinatunguhan nilang akong may respeto. At alam na hinihingi nila ang kamay mo para sa anak nila. Naiisip ko lang ang ginawa ni Ruby. Ang atrasong hindi malimutan. Mawawala sa atin si Jewel dahil doon. Pero dahil naman sa ‘yo, masosolusyunan ang lahat. Makakasama natin siya. Pwede pang makabalik ang kambal mo.” Paano ako? Makakabuti ba sa akin ang magpakasal? “Kung ayaw mo, sabihin mo. Pero ito ang lagay ng damdamin ko sa kanila, Perlas. Pwede kang mapabuti. Pero mawawalan ka ng laya. Kaya kang buhayin ni Nick. Pero gusto mo ba sa kanya? Ngayon, sa desisyon mo na ako sasandal, anak. Patawarin mo ang tatay, ha?” Yumuko ako. At hindi napigilan ang paghikbi. Kumikirot ang dibdib ko nang makita ang pagkumbaba niya. “Gusto kong makasal ka sa mahal mo. Iyong pinili mo kasi mahal mo at hindi dahil magbabayad ng utang para sa pamilya natin. Pero si Jewel… si Jewel…” Nahirapan akong makahinga. Pinilit kong huwag ibuhos ang sakit pero hindi ko kinaya. Niyakap na lang ako ni Tatay. “Kahit anong gawin kong desisyon, pareho rin kayong mawawala sa akin. Nawala na sa akin si Clara. Si Ruby. Tapos si Jewel at pati ikaw,” “Hindi ko kayo iiwan, ‘tay! Dito lang po ako.” “Ang hirap nito, anak. Ang hirap maging mahirap.” Pumikit ako. Hinayaan kong lumandas ang luha ko nang walang ampat. Dahil din sa naramdaman ay nabuo ang desisyon ko. Sa pagtangis ng puso ko, naging matibay ang sagot ko. Bumitaw ako kay tatay. Tiningnan ko siya. Malalim akong bumuntonghininga. “Hindi kami mawawala sa inyo, ‘tay. Gagawin ko ang lahat para hindi malayo sa atin si Jewel. Kung gusto ni Nick ng kasal… papayag ako. At sisiguruduhin kong tutupad siya sa usapan. Makakauwi na rin si Ruby. Babalik siya sa inyo. Hindi ka namin iiwanan mag-isa,” “Pero paano ka? Magsasakripisyo ka na naman?” “Kung para sa inyo bakit hindi! Wala naman akong ibang tatay, e! Nawala na si Nanay Clara. Ayokong pati kayo ni Jewel mawala pa sa akin! Ang tagal-tagal kong inasam na magkasama-sama tayo bilang isang pamilya. Kung ito lang, k-kaya ko po. Makakaya ko. Kasi alam kong mapapabuti naman kayo. Kaya ko, ‘tay. Basta okay kayo. Iyon ang importante.” Diin ko. Umiyak nang umiyak ang tatay ko. Siguro dahil nakuha na niya ang sagot ko sa problemang ito. Wala lang siyang magawa. Sinisisi niya ang kahirapan. Na kung sana mas ginalingan pa niya sa pagtatrababo. Kung sana nabigyan niya ng magandang buhay si Ruby. Na kung sana hindi kailangan ng pera. Ang sakit na makitang ganito ang naririnig ko sa ama ko. Wala naman siyang kasalanan. Hindi siya ang naghangad ng karangyaan. Pero heto siya, sobrang nasasaktan sa nangyayari. Binalingan ko si Jewel. Natutulog pa rin at walang alam sa nangyayari. Sana hanggang paglaki niya, hindi niya maranasan ito. Tama na iyong kami na lang. Kaya gagawin ko ang lahat para mapabuti ang kinabukasan niya. Nang mahismasan si Tatay, bumaba ito. Kakausapin daw niya ang mag-asawa. Gusto na rin niyang umuwi. Makahinga. At para na rin makapagpahinga nang maayos. Napatingin ako sa pinto. Bumukas iyon. Nakangiting sumilip si Yandrei. “Pinapatawag ka ni Kuya. Baba ka na raw.” Lumunok ako. “Susunod na ako.” “Alright!” ngumiti pa siya bago sinarado ang pinto. Mabait naman ang ibang miyembro ng pamilya niya. Magiliw sina Yandrei at Anton kay Jewel. May paggalang kay tatay. At ang tradisyon nilang sama-samang kumakain tuwing linggo ay magandang samahan bilang isang pamilya. Makikita naman kina Deanne at Ruth ang ligaya sa awra nila. At kahit kay Yale. Darating kaya ang araw na magkakahawig na kami ng saya sa mukha? Walang kasiguruduhan. Pero kung totoo ang sinabi ni Nick kanina, mabuti rin iyon para sa tulad ko. Wala na akong hihilingin kundi ang tahimik at maayos na buhay. Para kina Jewel at Tatay. Pagdating ko sa opisina, tumahimik silang lahat. Nakita kong nakaupo si tatay. Wala na ang galit niya. Pero malungkot pa rin. Malapit sa tabi niya si Ma’am Kristina at Yandrei. Si Sir Reynald ay nakahalukipkip habang nakaupo sa mesa. Nakatingin din sa akin. Si Anton ay nakapamulsa habang nakatambay sa tabi ng pader. Kunot ang noo. Hinanap ko kung nasaan si Nick. Nakita ko siyang nakatayo. May hawak na baso. Sumimsim. Sa kanilang lahat, siya ang may kakaibang tingin sa akin. Nakatayo ito sa tabi ng bintana. Hindi niya inaalis ang mata hangga’t hindi ko naisasarado ang pinto. Tumayo si Ma’am Kristina. Maliwanag na ang mukha niya. Nakakasilaw ang ngiting binigay sa akin. Nilapitan niya ako. Hinawakan ang mga kamay ko. “Nagkausap na kami ng tatay mo, hija. Pinaliwanag namin ang sinabi ni Nick. Alam kong… nag-aalangan pa siya sa kasal. Pero gustong-gusto ni Nick na pakasalan ka. Ang mabigyan ng pamilya ang apo namin.” Lumapit din si Yandrei. Nagulat ako nang yakapin niya akong mahigpit. “I’m so excited to have you as my sister-in-law, Pearl! Promise, wala kang magiging problem sa akin. Ipagsya-shopping kita. Ipapamakeover. Pupunta tayo sa mga party. Mag-iikot tayo around Metro Manila for bar hopping. Then magkabakasyon tayo kahit saan. Uubusin natin ang pera ni Kuya para makaganti ka naman sa kanya.” “Maria Yandrei.” Saway ni Ma’am Kristina. Tumawa si Anton. Nilingon ito ni Yandrei. “Naghahanap ka lang yata ng kasama sa lakwatsa mo. Dinamay mo pa si Pearl. Magpapaalam ka muna kay Kuya Nick!” “Kasama namin siya ni Dulce, ‘no!” “Lokohin mo mukha mo. Kuya, payag ka?” Tumikhim si Tatay. “Kuya, hindi mo naman ipagdadamot sa akin si Pearl, ‘di ba?” Binaba ni Nick ang baso sa mesa ng dad niya. May init sa mukha akong naramdaman. Bahagyang lumayo sina Ma’am Kristina at Yandrei. May mga ngiti sa labi nila. Pumunta sa akin si Nick. Hindi ko magawang alisin ang paningin sa kanya. Pagtayo sa harap ko, tumingala ako sa kanya. Lumunok ako. Halos mabingi sa lakas ng kalampag ng puso ko. Kinuha niya ang nanginginig kong kamay. Yumuko siya at hinalikan ang likod no’n. Tumitig siya. “Ihahanda ko sa lalong madaling panahon ang kasal natin.” imporma niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD