MOS C-3

1257 Words
“Bakit?” tanong niya. “Ah, wala. Wala,” sagot ko at kunwari at tumawa. Ngumiti siya. “Ako si Isabel,” pakilala niya. “Masaya akong makilala ka, Isabel,” sagot ko at ngumiti. Parang may mga paru-parung nagliliparan sa aking tiyan kaya hindi ko napigilan ang tumawa. Tumawa din siya, tila musika sa aking tenga ang kanyang paghagikgik. Hindi ko maipaliwanag ang sayang nararamdaman ko ngayon. Eto kaya ang sinasabi nilang pakiramdam pag may tao kang hinahangaan? Ngayon ko lang nakita si Isabel, pero mayroon siyang katangian na wala sa mga babaeng nakikita at nakakasalamuha ko. “Nandito ka bukas?” tanong niya. Sinabayan niya akong mag lakad habang hatak-hatak ko ang kalabaw. “Hindi ko alam. Depende, kung isasama ako ni itay bukas.” “Ah, ganoon ba,” aniya. “Bakit?” “Wala naman," aniya. Nilingon ko si Isabel. “Gusto mo ba ulit ng mangga?” tanong ko. Tumango siya at ngumiti. “Oo. Dadalhan mo ba ako bukas?” Muli na naman akong ngumiti at napakamot sa batok. “Kung ‘yon ang gusto mo, eh. Bakit hindi?” “Talaga? Salamat, Mario.” “Mario! Nandito ka lang pala! Aba’y kanina pa kita hinahanap ah!” sigaw ni itay habang papalapit sa akin. Nakataas na ang patpat na hawak niya at handa nang ihampas sakin. “Bukas ulit Isabel. Maiwan na kita,” wika ko at binitawan ang tali ng kalabaw. Akmang ihahampas sa akin ni Itay ang patpat ay nagmadali na akong tumakbo. “Mario! Humanda ka sa akin pag-uwi!” sigaw ni Itay at hinawakan ang tali ng kalabaw. “Paalam, Isabel. Bukas ulit!” sigaw ko at kumaway kay Isabel. May pagtataka sa kanyang mukha habang nakatanaw sa akin ngunit ilang sandali pa ay gumanti din siya ng kaway at ngumiti. Bago tuluyang makalayo ay tinanaw ko Isabel, tinungo na nito si Don Agapito na abalang nakikipag-usap sa mga magsasaka. Si Itay naman ay sumama na rin sa pagpupulong. Nakangiting pinagmasdan ko Isabel, walang ano-ano ay napasuntok ako sa hangin dahil sa sayang nararamdaman ko. HAPON iyon nang muli kaming magkita ni Mario. May dala siyang bunga ng mangga. Halos kasing dami ito katulad ng binigay niya kahapon. Habang papalapit siya sa akin ay napansin kong paika-ika ang lakad niya. Nabaling ang tingin ko sa kanyang tuhod. Pulang-pula iyon at may hulma na maliliit na bilog. “Tulad ng ipinangako ko. Para sayo,” aniyang nakangiti saka iniabot sa akin ang mga manggang nakalagay sa puting plastik. Kinuha ko iyon at ngumiti. “Salamat.” Napakamot siya sa kanyang batok at siya’y tumawa. “Gusto mo ba ng pakwan? Dadalhan kita bukas.” “Oo naman,” sagot ko. Tinignan ko nang malapitan ang kanyang tuhod. I-iiwas niya sana ngunit hinawakan ko iyon upang mas makita. “Anong nangyari sa tuhod mo?” tanong ko. “Ah, pinaluhod ako ni Itay sa munggo.” “Ha? Bakit?” pag-aalalang tanong ko. “Hindi ko kasi nauwi ang kalabaw sa tamang oras kahapon. Kaya heto, binigyan niya ako ng leksyon.” Napatitig na lang ako sa kanya. Siya naman ay tumawa lang. “Pati nga itong puwet ko, di nakaligtas. Sampung hampas ng patpat ang inabot nito kagabi,” dugtong pa niya. “Buti nakalakad ka pa?” tanong ko. Tumawa ulit siya. “Oo naman, paika-ika nga lang.” Lumakad siya ng paika-ika kaya naman hindi ko naiwasan ang tumawa. “Mario, may batis daw na mahiwaga dito?” pag-iiba ko nang usapan. Sumeryoso ang mukha niya at napaisip sandali. “Oo. Bakit?” tanong niya. “Ang totoo niyan, narinig ko ang tungkol doon kaninang umaga. Pinag-uusapan ‘yon ng mga kasambahay namin. Ang sabi nila, may nagpapakita daw na diwata doon.” “Matagal nang usapan yan dito. May kwento pa nga na may lalake daw iyong kinuha. Nalunod daw yung lalake sa batis, pero ang sabi ng matatanda nilunod daw ‘yon ng diwata,” salaysay niya na tila nananakot. “Hala! Totoo?” “Ewan ko. Gusto mo bang kunin ka ng diwata? Isabel, kukunin ka na. Lagot ka,” aniya at ang kanyang mga mata ay biglang sumeryoso. “Wag ka ngang manakot. Nakakainis ka naman, eh,” wika ko at sinamaan siya ng tingin. “Biro lang,” aniya at biglang ngumiti. “Mario, matapang kaba?” tanong ko. “Ha? Bakit mo naman naitanong?” “Kung matapang ka, puntahan nga natin yung batis.” Kumunot ang noo niya, nakita kong napalunok siya. Hindi siya sumagot sa halip ay ngiti ang kanyang sinagot. “Ano? Payag ka?” tanong ko. “Marami kasi akong gagawin, baka hindi ako payagan ni Itay.” “Ah, sige. Ako na lang,” wika ko pero ang totoo hindi ko kayang pumunta doon ng mag-isa. ‘Sigurado ka?” tanong naman niya. “Oo.” Sandali siyang napaisip. “Sige, sasamahan kita.” “Talaga? Seryoso?” paniniguro ko. Tumango siya. “Oo. Wag lang tayong pupunta ng hapon, para di tayo abutin ng gabi.” “Salamat, Mario,” wika ko at ngumiti. Napakamot siya sa kanyang batok. “Basta ikaw, Isabel,” sagot niya. Sinenyasan siya ng kanyang ama na lumapit sa kinaroonan nito. Sinundan ko siya ng tingin patungo sa kanyang itay na abalang nag-aayos ng mga bunga ng niyog. “MARIO, sino ‘yong kausap mo?” tanong ni Carding na nasa kanang tabi ko. Inaayos na namin ang mga niyog na bagong pitas. “Si Isabel, apo siya ni Don Agapito.” “Ang ganda niya,” sabat naman ni Roberto na nasa kaliwa ko. “Sinabi mo pa.” Napatitig ako kay Isabel na nakaupo di kalayuan sa aming pwesto. Katabi niya ang kanyang lolo na abalang nakikipag-usap sa mga tauhan nito. “Hoy! Wag ka nang umasa,” ika ni Carding sabay batok sa aking ulo. “Masakit ‘yon ha,” reklamo ko at sinamaan siya ng tingin. “Ang balita ko sa Maynila daw nag-aaral ‘yang apo ni Don Agapito,” ani naman ni Roberto. “Sa maynila? Eh, diba sa Maynila ka rin nag-aaral?” baling naman sa akin ni Carding. “Oo,” sagot ko at binalingan ng tingin si Roberto. “Alam mo ba kung saan siya nag-aaral?” Napakamot ito ng ulo. “Hindi eh,” “Mario, hindi 'yan mag-aaral sa hindi kilalang eskwelahan. Malamang sa eksklusibong eskwelahan 'yan nag-aaral,” litanya naman ni Carding. “Mario, ngayon palang, sinasabi ko na sayo, malayo ang agwat niyo sa isa’t isa. Kumbaga, siya ay langit ikaw naman ay lupa,” ani naman ni Roberto. “At…amoy lupa din,” natatawang sambit ni Carding. “Loko, tumigil nga kayo!” wika ko at sinamaan sila ng tingin. “Kung ano-ano nang sinasabi niyo dyan. Eh, tinanong ko lang naman kung saan siya nag-aaral. “Langit si Isabel, ikaw ay lupa… Amoy lupa,” natatawang sambit ni Carding. “Mario, bilisan mo d'yan. May mga bubuhatin pang mga niyog dito,” ani ni itay na hindi kalayuan sa akin. Lumapit agad ako kay Itay at kinuha ang mga niyog na nasa harap niya. Habang kinukuha ang mga niyog ay pasimple kong sinusulyapan si Isabel. Abala itong nakikipag-usap kay Don Agapito. May nagpa-paypay sa kanya na tauhan at may hawak na payong para sa kanya. Hindi naman siguro masama kung maging kaibigan ko siya. “Mario! Bilis-bilisan mo naman! Marami pa ‘to!” sigaw ni Itay. “Opo.” Natigil ako sa pag-iisip at binilisan ang pagkuha ng mga niyog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD