MOS C-2

1131 Words
“HOY, Mario! Ayun pa ang isang kumpol! Ang bagal-bagal mo talaga!” “Oo nga! Kupad-kupad mo talaga!” “Maghintay nga kayo! Maka-utos! Kayo kaya ang umakyat dito, tignan natin kung di kayo papakin ng mga langgam na 'to!” reklamo ko at tinanggal ang pulang langgam sa aking leeg. Pagkakuha ay pinisa ko iyon. “Kanina pa kayo, ginawa niyo na akong meryenda!” “Mario! Nasan ka bang bata ka?! Mario!” Biglang nagsitakbuhan ang dalawa kong kaibigan ng marinig ang boses ng aking ama. May hawak itong mahabang patpat at palingon-lingon sa paligid. Kaagad kong ikinubli ang aking sarili sa mga sanga ng mangga. Napapikit ako sandali. Lagot na naman ako nito kay itay. Sinilip ko ang aking ama sa ibaba. Nakatayo siya sa puno kung saan ako nagtatago. Naku po! Wag sana siyang tumingin dito sa itaas. 'Pag nagkataon hindi na naman ako makakaupo ng maayos dahil sa latay ng patpat na hawak niya. “Mario! Humanda ka talaga sa akin! Nasan na ba ang batang ‘yon?!” ika ulit ng aking ama habang palingon-lingon sa paligid. “Mario! Aba’y lagot ka talaga pag hindi mo naibalik ang kalabaw sa kulungan! Ikaw ang ilalagay ko sa kulungan!” sigaw ulit nito. Nangingiwi ang aking mukha habang pinakikinggan ang sermon ng aking ama. Pinikit ko muli ang aking mata. Bahala na kung makita niya ako dito. “Mario! Mario!” muling tawag niya at ilang sandali pa ay lumakad na paalis. Nakahinga na ako ng maluwag nang umalis na aking ama. Hindi ko na rin naririnig ang kanyang sigaw. Umupo na lang ako sanga at ang bunga ng mangga na nakuha ko ay kinain ko. “Mas mabuti pa yatang hindi ako nagbakasyon, panay utos sa akin ni Itay 'pag ako’y nandito,” ani ko habang kumakain ng mangga. Dapit hapon na nang mga oras na iyon kaya ang sinag nang araw ay hindi na ganoon kainit. Maganda ang kulay ng sinag nito tuwing magdadapit hapon dahil mukha itong kinulayan ng pula na may halong dilaw. Ito ang tanawin na hindi ko nakikita tuwing pasukan. Sa maynila ako nag-aaral ng sekondarya. Isa ako sa mga pinalad na makakuha ng scholarship upang makapag-aral sa maynila. Ang alawans na nakukuha ko buwan-buwan ay hinahati ko. Ang kalahati ay para sa baon ko at iba pang gastusin sa pag-aaral ko habang ang kalahati ay pinapadala ko kila itay at inay. Dalawa kaming magkapatid at ako ang panganay. Lagi akong napapagalitan at napapalo ni itay. Minsan kasi, may mga utos siyang hindi ko nagagawa. Mabait naman akong anak ngunit may pagkakataon talaga na nasusuway ko ang utos niya. Tulad ngayon, inutusan niya akong kunin sa bukid ang alaga niyang kalabaw, pero hindi ko kaagad napuntahan. Niyaya kasi ako ni Roberto at Carding na manguha ng mangga. Pumayag naman ako, matagal ko din kasi silang hindi nakasama dahil nag-aaral ako sa Maynila. Pagkatapos kumain ng mangga ay bumaba na ako ng puno. Ang isang kumpol ng bunga ay binitbit ko. Iuuwi ko na lang ito sa bahay dahil mukang hindi na babalik si Roberto at Carding. Pinuntahan ko ang kalabaw sa bukid. Kailangan kong maiuwi ang alaga ni tatay, dahil kung hindi, baka sinturon na ang ipalo niya sa akin. Habang naglalakad sa bukid ay nakita ko na tila nag pupulong ang mga magsasaka. Lumapit ako upang makiosyoso sa kanila. Pagkalapit ay nakita ko si Don Agapito, nasa tabi nito ang isang babae. Kung hindi ako nagkakamali ay magkalapit lang ang aming edad. Tahimik lang ito at panay lingon sa paligid. “Bukas ko na ipapa-ani ang mga bunga ng niyog. Pakisabi na lang sa iba niyong kasama,” wika ni Don Agapito. May katabaan at katangkaran si Don Agapito, istrikto ang kanyang mukha ngunit mabait siya sa mga magsasaka. Siya din ang dahilan kung bakit ako nakakuha ng scholarship. “Mario, pakisabi na din sa iyong ama,” baling nito sa akin. Tumango ako. “Opo, Don Agapito,” sagot ko at napalingon sa babaeng nasa kanyang tabi. Nakatingin siya sa akin ngunit bigla niyang iniwas ang kanyang tingin. Iniwas ko rin ang tingin sa kanya. Kunwari ay palingon-lingon ako sa paligid ngunit ilang sandali pa ay muli kaming nagkatinginan. Hindi ko naiwasan ang ngumiti, ganoon din siya. “Pinapakilala ko pala sa inyo, si Isabel. Ang nag-iisa kong apo,” pakilala ni Don Agapito. “Magandang hapon po,” wika ng iba. “Don Agapito, siya po ba ang anak ni Senyorito Gabriel?” wika ng matandang babae na si aling Lusing. “Oo. Minsan lang silang magbakasyon dito, kaya ngayon ko lang siya napakilala sa inyo,” sagot ng matandang hasyendero. “Maganda po ang inyong apo,” ani ulit ni aling Lusing. Sandaling ngumiti ang apo ni Don Agapito kay aling Lusing. Muli itong napatingin sa akin na mabilis din nitong iniwas ang pagkakatitig. Napakamot na lang ako sa aking batok na tila nahihiya. Pakiramdam ko kasi sa akin siya nakangiti. Totoo ang sinabi ni aling Lusing. Napaka ganda ng apo ni Don Agapito. Hindi na ako magtataka dahil ang anak nito na si Senyorito Gabriel ay napaka gwapo rin. Isabel wika ko sa aking isip. Sinulyapan ko si Isabel, nakatitig siya akin ngunit hindi sa aking mukha, kundi sa bunga ng manggang hawak ko. Bahagya ko iyong itinaas. Napakurap siya ng ilang beses at mayamaya lamang ay tumango. Tila nakuha niya ang gusto kong sabihin. Gusto mo nang mangga? Ngumiti siya at masasabi kong mas matamis na ngiti ang nakita ko ngayon. Bigla akong nagkaroon ng lakas ng loob. Kaya naman, lumapit ako sa kanya at iniabot ang isang kumpol ng manggang hawak ko. “Heto, sayo na lang.” Dahan-dahan niyang kinuha iyon, nag-aalinlangan ang kanyang mukha ng ito’y kunin sa akin. Pagkakuha ay nilingon niya ang kanyang lolo. “Lolo, okay lang po ba?” Ngumiti si Don Agapito. “Oo naman,” sagot nito sa kanya at ito naman ay bumaling sa akin. “Salamat, Mario.” “Walang anuman po,” sagot ko at ngumiti. Pagkaabot ko ng mangga kay Isabel ay tinungo ko na ang kalabaw ni itay. Nakatali ito sa puno na halos sampung hakbang ang pagitan mula sa pwesto kung nasaan nagpupulong ang mga magsasaka. Paalis na ako habang hawak-hawak ang tali ng kalabaw nang makita kong papalapit sa akin si Isabel. “Mario ang pangalan mo?” tanong niya. “Oo,” sagot ko na hindi ko naiwasan ang mahiya. Halos isang hakbang lang ang pagitan namin pero amoy ko ang kanyang pabango. Mailalarawan ko ang amoy niya na tulad ng puting rosas. Matamis, inosente at presko na tulad ng sariwang hangin. Pasimple akong humakbang paatras sa kanya, napagtanto kong amoy pawis ako. Hindi pa pala ako naliligo. Halos kaamoy ko na ang dumi ng kalabaw. Nakakahiya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD