LYKA “ITO na ang gamot. Inumin mo.” Iniabot ko sa aking asawa ang Paracetamol na kinuha ko pa sa ibaba. Tahimik lang na tinanggap niya iyon, pati na rin ang isang basong tubig. “Thank you,” aniya nang mainom na niya ang gamot. Kinuha ko sa kaniya ang baso at ipinatong iyon sa lamesa. “Kailan ka pa nilagnat?” usisa ko nang balikan ko siya. Hindi pa rin nawawala ang aking pag-aalala sa kaniya. “Kaninang hapon lang. Naubusan ako ng gamot kaya hindi ako nakainom.” Bumuga ito ng hangin. “Sinubukan kong lumabas para bumili. Pero nakatulog ako sa sobrang sama ng pakiramdam ko.” Kaya pala siguro nag-text siya kanina at tinatanong kung bakit hindi ko pa siya pinupuntahan. Kailangan pala niya ng tulong. Nakaramdam tuloy ako ng konsensiya. Pero uminit ang aking ulo nang maalala ang kabit niya.