GOMER
Nagpaalam na ang aking assistant. Nag-isip muna ako kung anong una kung ipapagawa sa anak ng aking kinamumuhian. Gusto kong iparanas sa kanya ang hirap, hanggang sa makita kong nahihirapan siya. Sisiguraduhin kong sa pagkakataong ito, makukuha ko ang gusto ko. Hindi ko pa nalalaman lahat. Kung ano ba ang dahilan ng lahat. Pero ito na ang simula ng aking paghihiganti. Hindi ako papayag na hindi managot ang lahat ng may kasalanan. Gusto kong lahat ng mga may kinalaman sa mga nangyayari na pagsisihan nila lahat ang mga ginawa nila. Sinusumpa ko.
ETERNITY
Nilibot ko ang buong room ko at namangha ako sa sobrang laki nito. Talagang mayaman ang aking magiging boss. Pero alam kong lahat ng ito ay may kapali at ihahanda ko na ang aking sarili para sa lahat ng mangyayari.
Sa ngayon ay iisa lang muna ang aking iispin— ang gumaling ang aking ama at maging maayos siya pati ang aking ina. Ipapangako ko sa aking sarili na ibabalik ko ang lahat ng nawala sa aming pamilya. Hindi man ngayon pero alam kong maibabalik ko ang kinuha nila sa akin.
Inayos ko muna ang aking mga gamit dahil sa mga oras na ito ay simula na ang aking pagiging alipin sa isang taong ni hindi ko kilala. Pero kakayanin ko ang lahat. Matututunan ko rin kung paano ang pamamalakad niya. Gagamitin ko ang aking tinapos para maging maayos ang aking trabaho at ibigay niya ang aking mga kahilingan. Magiging maayos ang lahat.
Gaya ng sabi niya kaunti lang ang dadalhin kong mga gamit. Kaya naman madali ko lang natapos ang pag-aayos sa mga gamit ko. Dinala ko lang ang mga importanteng bagay na magagamit ko at mga kailangan ko lalo na sa trabaho.
Humiga muna ako dahil nakaramdam ako ng kaunting pagod sa pag-aayos ng gamit ko.
GOMER
"Manang, ipaghanda mo ako ng makakain," utos ko sa aking kasambahay.
"Opo, sir," sagot niya naman sa akin.
Sinabihan ko na rin ang aking kasambahay na ipaghanda rin ng pagkain ang aking bagong secretaray. Ayaw kong sumabay siya sa akin at iba ang pagkain niya sa pagkain ko. Kung ano ang pagkain ng aking mga kasambahay ay iyon din ang kanyang pagkain.
Hindi siya bisita sa pamamahay ko kung hindi isa siya sa mga tauhan ko na dapat pagsilbihan ako at sundin lahat ng utos ko.
ETERNITY
Nakatulog na pala ako. Napabalikwas tuloy ako ng may marinig akong katok mula sa pinto ng kwarto ko. Kaagad ko namang binuksan. Baka ang aking boss na iyon at may iuutos siya sa akin.
"Ma'am, nakahanda na po ang pagkain. Kumain na po tayo," sabi sa akin ng matandang babae na naka-uniform ng pangkasambahay.
Napaisip naman ako. Pero no choice. Isa rin siyang utusan ng lalaking hindi niya kilala.
Kasabay ko pa lang kumain ang mga kasambahay, pero okay lang. Dahil wala na akong magagawa kung hindi sundin at sumabay na lang sa agos hangga't kaya ko.
Nginitian ko muna ang matanda at sumabay na rin ako sa pagbaba niya, dahil hindi ko alam kung saan ang kusina. Sa sobrang laki ng bahay baka mawala pa ako.
Mukhang mabait naman ang matanda kaya tatanungin ko na lang siya mamaya sa mga pasikot-sikot ng buong bahay.
Narating namin ang kusina kung saan kumakain ang mga kasambahay. Binilang ko silang lahat at kay rami pala nila. Hindi kagaya sa aming bahay na tatlo lamang. Samantalang sa bahay na ito ay nasa sampu o higit pa siguro. Hindi pa kasama roon ang mga driver at mga guard na nasa labas.
Ganoon pala kayaman ang lalaking sasalba sa aming kabuhayan at sa aming negosgyo. Pagkatapos naming kumain ay nilibot ako ng matanda para alam ko ang loob ng bahay.
Pagkatapos ay iniwan na ako ng matanda. Dahil nawili ako sa mga nakikita ko sa loob ng mansyon, naglakad-lakad muna ako. Presko ang hangin at madilim na rin kaya tumambay muna ako sa garden.
"Anong ginagawa mo rito?"
Isang malakas na boses ang aking narinig at parang hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan sa sobrang takot at pagkagulat.
"A-Ah, s-sorry po, sir," hingging paumanhin ko.
"Wala kang karapatang tumungtong sa lugar na ito!" madiin na sabi sa akin ng aking boss.
"S-Sorry po ulit, sir," paghingi ko ulit ng paumanhin.
"Wala akong pakialam sa sorry mo. Para sa kaalaman mo, isa ka lang katulong sa paningin ko!" malakas na singhal niya sa akin.
"Hindi na po mauulit," sabi ko ulit sa kanya.
"Dapat lang! Dahil kung uulitin mo pa baka magbago pa ang isip ko! Tandaan mong nasa kamay ko ang kaligtasan ng ama mo at ng kumpanya ninyo!" galit na sabi niya at parang tigre ang kanyang mga mata na nakatingin sa akin. "Ito lang ang lagi mong tatandaan, h'wag na h'wag mong galawin ang mga bagay na hindi sa iyo, dahil wala kang karapatan. Ayaw na ayaw kong may nakikialam sa mga gamit ko. Lalo na sa mga pagmamay-ari ko dahil halos lahat ng gamit sa pamamay ko ay million ang halaga. Alam kong wala kang pambabayad kung may masira ka!"
Kaagad akong tumalikod at bumalik sa kwarto ko dahil ayaw kong makita niya ang pagpatak ng aking mga luha. Ayaw kong makita niya na mahina ako. Sobrang masakit ang natanggap kong mga salita mula sa kanya na ni minsan hindi ko narinig sa mga magulang ko.
Kinuha ko ang picture frame na dala-dala ko. Ang larawang ito ay kuha noong graduation ko. Sobrang saya ko sa mga araw na iyon lalo na sina Daddy at Mommy, dahil nakapagtapos na ako.
Wala akong karamay ngayon at walang ibang magawa kung hindi ang umiyak na lamang. Kakayanin ko ito. Pinapangako ko sa sarili ko na kakayanin ko ang lahat.
Kinabukasan maaga akong gumising gaya ng nakasaad sa binigay na schedule sa akin ng assistant ng boss ko. Nakaligo na rin ako at inayos ko na rin ang aking sarili. Nagsuot ako ng damit na naaayon sa gusto ng aking boss.
"Ready na ba ang lahat?" Dumadagundong na boses ang aking narinig.
"Yes, sir," sagot naman ng assistant nito. Nakikinig lang ako kung tatawagin ba niya ako.
"Good. Ituro mo sa kanya ang kanyang gagawin." Narinig kong sabi ng boss namin at alam kong ako ang tinutukoy niya.
Habang nasa biyahe kami ay tahimik lang kami. Nakikiramdam lang din ako. Hanggang sa nakarating kami sa napakalaking building ay nanatili lamang kaming tahimik.
Simula pa lang ng pagbaba namin ay binabati na ng mga staff ang boss namin at ang iba naman ay parang natatakot sa kanya. Ganoon ba siya ka-powerful?
Hanggang sa nakarating na kami sa itaas ng building.
"Ito ang magiging opisina mo," turo sa akin ng assitant ng boss ko.
"Salamat," nakangiting kong tugon.
"Ito nga pala ang gagawin mo ngayon. Siguraduhn mong tama ang lahat bago mo ipasa kay sir," bilin ng lalaki sa akin.
"Sige," mahina kong sagot, pero nanginginig na ako baka mali ang aking magawa. Tiningnan ko ang folder na binigay niya at parang mahirap nga.
"Sige, maiwan na kita. Good luck," sabi ng lalaki sa akin at nagpaalam na.
Sinimulan ko naman kaagad ang pinapagawa sa akin. Gagawin ko na lang ang lahat ng aking makakaya.
GOMER
"Binigay mo na ba ang sinabi kong gagawin niya?" tanong ko sa assitant ko.
"Yes, sir," tipid na sagot niya sa akin.
"Good," sabi ko naman at pinalabas ko na siya dahil may gagawin din ako.
ETERNITY
Dahil tapos ko na ang pinapagawa sa akin, ibibigay ko na ito sa aking boss. Isang mahinang katok ang ginawa ko sa pinto ng kanyang opisina.
"Come in." Narinig ko mula sa loob kaya dahan-dahan kong binuksan ang pinto. Nakita ko kaagad ang nakakatakot na mukha ng aking boss.
"Sir, ito na po ang pinapagawa ninyo," wika ko sabay abot sa folder.
Inabot naman niya ito at binuksan. Nakatayo lang ako sa kanyang harapan. Nakita kong kumunot ang kanyang noo.
"Ano ito!" malakas na sigaw niya sabay hagis sa mukha ko ng mga papers na trinabaho ko.