ETERNITY
Ilang minuto rin akong hindi nakagalaw dahil sa aking pagkagulat. Hindi ko alam ang aking gagawin dahil ito ang una kong araw sa trabaho. Ginawa ko naman ang lahat ng aking makakaya, ngunit mali pa rin pala.
"Sir, ginawa ko naman po lahat ng aking makakaya para magawa nang maayos ang inyong pinapagawa sa akin," sabi ko kay Mr. Pyle, kahit na nanginginig na ako sa takot dahil sa kanyang tingin sa akin. Pero kailangan kong maging matatag sa kanyang harapan. Hindi ako susuko at lalaban ako.
"Alam mo bang importante ito? Ngayong araw ko ito kailangan tapos bibigyan mo ako ng ganito? Ano ito basura? Ito ang tatandaan mo bawat minuto ay mahalaga sa akin!" sigaw niya sa akin. Parang gusto ko na lang tumakbo sa malayo at mag-iiyak saka sumigaw. Unang araw ko pa lang ito pero parang mababaliw na yata ako.
"G-Gagawin ko na lang po ulit," nauutal kong sabi kay Mr. Pyle. Kahit takot na ako sa bawat titig niya sa akin ay kinaya ko pa ring magsalita sa kanyang harapan.
"Dapat lang! Dahil malaki ang utang mo sa akin, tandaan mo yan. Dapat bawat minuto ay masulit ko! Ayaw ko ng tatanga-tanga sa kumpanya ko!" Dumadagundong ang boses niya habang kausap ako. Ang sarap sampalin pero nagpipigil lang talaga ako.
"Aayusin ko na lang po ngayon din," tanging nasabi ko na para hindi na humaba pa ang usapan. Dahil hindi ko na kayang harapin pa siya.
"Then go!" sigaw niya sa akin sabay turo niya sa pinto. Hindi na ako nagsalita pa at lumabas na ako sa kanyang opisina.
Biglang pumatak ang aking luha dahil sa mga narinig ko mula sa kanya. Sobrang sakit ang mga binitiwan niyang salita. Wala akong masasabihan at malalapitana sa ngayon. Lahat na yata ng mga tao ay iniwan ako. Malayo ang mga magulang ko na sana sila ang kasama ko ngayon. Pero alam kong dadating ang araw na makalalaya rin ako rito.
Inayos ko na ang pinapagawa niya sa akin. Hindi na ako nag-aksaya ng minuto at inayos ko na ang aking dapat ayusin.
GOMER
Umpisa pa lang ito at sisiguraduhin kong mas maghihirap ka pa sa mga susunod na araw. Susulitin ko ang perang gagamitin ko sa pamilya at negosyo ninyo. Tingnan ko lang kung hanggang saan ang kaya mo.
Malaki na ang perang nilabas ko sa pagpapagamot sa magulang mo kaya kailangan mong maghirap.
"Sir, kasalukuyan na pong ginagamot si Mr. Veox," balita sa akin ng aking tauhan na siyang kasama nilang nasa ibang bansa.
"Good. Balitaan mo ako sa bawat nangyayari sa kanya. At siguraduhin mong maging maayos ang matanda," bilin ko pa sa aking tauhan na kasama ng mga magulang ni Eternity.
"Masusunod po, sir," sagot naman ng aking tauhan. Gusto kong subaybayan ang pagpapagamot ni Mr. Veox, para alam ko ang aking gagawin at kasama sa kasunduan namin na gumaling ang kanyang ama.
Nagpaalam na ako sa aking tauhan at tama na sa ngayon na nalaman ko ang kondisyon ng matandang Veox.
ETERNITY
Halos dalawang oras ko ring inayos ang aking ginagawa para maging tama ang lahat at hindi na ako masasabon pa ni Mr. Pyle. Ayaw kong bawiin niya ang usapan namin dahil siya lang ang tangging alam kong makakatulong sa pamilya ko, lalo na sa daddy ko na nagpapagamot.
Importante ngayon sa akin ang paggaling ni Daddy. Dahil sila lang ang meron ako ngayon at tangging kayamanan na meron ako. Gagawin ko ang lahat para sa kanila kahit pa mahirapan ako basta maibalik ko lang ang lahat ng nawala sa amin at ang para sa amin.
Ni-review ko ulit ang aking ginawa bago ko ibibigay kay Mr. Pyle. Nagdasal muna ako na sana pumasa na sa kanya ang aking ginawa. Hindi na nga ako kumain kahit nagugutom na ako dahil ginugol ko na lang ang oras ko sa trabaho.
Kumatok ako nang mahina sa pinto ng kanyang opisina at hinintay ko muna ang sagot niya bago ako papasok sa loob.
"Pasok," tangging narinig ko mula sa loob kaya pumasok na ako.
"Sir, ito na po," sabay lapag ko sa kanyang table ang aking ginawa.
Tinanggap niya ito at binuklat. Matagal niya itong binasa. Nakatayo lang ako habang tinitingnan siya na binabasa ang aking ginawa.
Natatakot ako, baka mamaya ay hindi lang gaya kanina ang aking matanggap. Nanginginig ang aking tuhod habang naghihintay na magsalita siya pagkatapos niyang tinggnan ang aking gawa.
Inayos ko ang aking tayo para hindi niya mahalatang kinakabahan ako. Nagulat ako ng tiningnan niya ako na mukhang sinusuri ang aking mukha. Nakakatakot ang kanyang tingin sa akin na para bang lalamunin ako ng buhay.
May mali na naman ba sa aking ginawa? Kaya ganoon siya makatingin sa akin?
"Sure ka bang kaya mong magtrabaho sa akin sa buwan na ating pinag-usapan?" seryoso niyang tanong sa akin.
"Yes, sir, gaya po ng ating napagkasunduan," matipid kong sagot sa kanya. Kahit na gusto kong siyang sigawan na ayaw ko na talaga.
"Okay, may mga mali pa rin sa ginawa mo. Pero kailangan na ito ngayon. Sa susunod dapat hindi na ganito ang trabaho mo, dahil nasasayang ang pera ko sa iyo!" mariin niyang sabi sa akin.
"Yes, sir," sagot ko kaagad sa kanya.
"Good. After ten minutes ay aalis na tayo. May meeting ako ngayon kaya ayusin mo lahat ng kailangan ko," utos niya sa akin. Kahit wala pa akong masyadong alam sa mga dapat i-prepare kapag may meeting siya ay gagawin ko na lang ang kaya ko.
Mabuti na lang at biglang dumating ang assitant niya kaya tinulungan niya ako. Gutom na ako pero paalis na kami kaya titiisin ko na lang muna. Tama na sa akin ang malamig na tubig pantawid ng gutom.
Habang nasa isang sikat na hotel kami sa loob ng isang conference room ay inilibot ko ang aking paningin. Katabi sa hindi kalayuan ang assistant ni Mr. Pyle. Dumating na lahat ng mga ka-meeting ni Mr. Pyle.
Habang nagsasalita siya ay seryosong nakatingin at nakikinig sa kanya ang mga kaharap niya. Nakikinig lang din ako para makakuha ako ng idea sa kanya habang nagtatrabaho ako sa kanya. Nawili na yata ako sa pakikinig sa kanya.
"Miss Veox!" malakas na sigaw niya sa akin. Hindi ko napansin na lumampas sa kanya ang iniisip ko. Hindi ko napansin na kanina pa pala niya ako tinatawag para ibigay sa kanya ang papers na hinihingi niya sa akin.
Nanlilisik ang kanyang mga mata na nakatingin sa akin. Binulong sa akin ng kanyang assitant na ibigay ko kay Mr. Pyle ang papers na hinihingi niya. Kaagad ko namang binigay sa kanya. Hindi ko siya makuhang tingnan sa mata.
Narinig ko ang bulung-bulungan ng mga nasa paligid. Narinig ko ang pangalan ng aking ama, dahil na rin siguro sa pagtawag sa akin ng last name ko ni Mr. Pyle. Tiyak na kilala nila ang aking ama.
"Ito na po, sir," sabay abot ko sa hinihingi niya.
"Sa susunod ayaw ko ng tatanga-tanga. Kaya siguro nalugi at lumubog ang kumpanya ninyo dahil sa katangahan at kalokohan ng mga magulang mo!" mariin at malakas na sa sabi ni Mr. Veox sa akin.
Nagulat ako sa kanyang sinabi lalo na ang salitang kalokohan. Parang hindi ko matatanggap na sinabi niya iyon sa mga magulang ko. Lalo na sa harap ng mga businessman.
Pero sa ngayon, tatanggapin ko muna lahat ng mga masasakit niyang sinabi alang-alang sa mga magulang ko. Nangingilid na ang luha sa aking mga mata. Pagkatapos kong iabot sa kanya ang mga papers ay tumalikod na ako dahil sa gutom at kahihiyan na natanggap ko ay biglang dumilim ang paningin ko.
"Miss Veox!"