CHAPTER 7:

1560 Words
CHAPTER 7: "TOTOO? NAGKITA NA TALAGA KAYO?" Hindi makapaniwalang tanong sa akin ni Nora nang i-kwento ko sa kaniya ang nangyari. Umirap ako. "Oo nga, paulit-ulit! Ibinigay niya pa nga sa akin ang phone number niya dahil hindi na raw niya mabuksan ang account niya sa Omigad." Humugis bilog ang bibig niya nang sabihin ko 'yon. "Bakit daw hindi na niya mabuksan?" takang tanong niya. "Hindi ko alam, basta iyon ang paliwanag niya sa akin kung bakit hindi na siya nakapagreply." Tumango-tango siya. "Sabagay, it make sense. Baka naman nag-log out siya tapos hindi na niya mabuksan kasi hindi nakakonekta sa email address." Sumang-ayon naman ako sa sinabi ni Nora pagkatapos ay sumubo na sa kaning may ulam na adobong baboy. Sobrang saya ko talaga na nakita ko siya kanina. Tila nabunutan ako ng tinik sa dibdib. Akala ko kasi talaga, hindi na kami magkakausap ka kahit kailan. Akala ko iyon na talaga ang katapusan. Ewan ko ba kung bakit at paano ako na-attached ng ganito sa kaniya. Pagkatapos naming kumain, si Nora na ang naghugas ng pinggan dahil ako na ang nagluto. Nag-half bath na muna ako bago dumiretso sa kwarto para harapin ang cellphone ko. Unang pumasok sa isipan kong i-text si ZDA24 o Stefano sa totoo niyang pangalan. Napatanong tuloy ako sa kaniya kung saan niya kinuha ang Vi na ipinatawag niya sa akin, sabi niya, sa second name niya raw na Lovi. Gusto ko pa sanang makipag-usap sa kaniya nang mas matagal pero may pupuntahan daw siya kaya sa susunod na lang. Sabi niya, mag-usap daw kami through text o call at pag-usapan kung kailan kami magkikita. Ailith to Stefano: Hi, ito na pala 'yong number ko. Ako ito, si Ailith. Naghintay akong magreply siya, pero ang tagal bago siya magreply hanggang sa nakatulugan ko na lang. Nagising ako nang dahil sa tawag. Napabalikwas ako ng bangon, mabuti na lang at hindi pa natutulog si Nora. "Anong oras na? May tumatawag pa sa 'yo?" takang tanong niya. Pupungas-pungas ang mga matang dinampot ko ang cellphone kong wala pa ring humpay sa pag-tunog. Nang makita kong si Stefano ang tumatawag. Dali-dali ko 'yong sinagot. "Hello?" Alam kong ang pangit ng boses ko dahil kagigising ko lang. Pero bahala na. "Sorry, nagising ba kita?" Nag-angat ako ng tingin kay Nora. Nanliliit ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. Tumikhim ako at saka lumabas ng kwarto. Parang may lazer beam ang mga mata ni Nora e! "Hindi naman, ayos lang. Bakit ngayon ka lang pala tumawag?" Mabilis na sinulyapan ko ang oras at ala-una na ng madaling araw! Usually, tulog na siya ng ganitong oras ah? "Katatapos lang ng trabaho ko," sagot niya. "Pasensya ka na, inaantok ka na ba? Tatawag na lang ulit ako bukas ng umaga—" "Hindi! Okay lang. Nga pala, ano bang trabaho mo? Hindi mo sinabi sa akin 'yan noon." "Ah! Attorney ako," sagot niya. Nanlaki ang mga mata ko, napatakip din ako sa bibig. Attorney? "Attorney ka? Talaga? Pero ang akala ko sabi mo noong una tayong nagkausap, pinagpahinga kayo ng manager n'yo ng isang linggo?" Saglit siya natahimik, pero tumikhim siya at saka bahagyang natawa. "S-sorry, h-hindi totoo 'yon. Noong una kasi natatakot akong sabihin sa 'yo ang trabaho ko. Baka mamaya magtaka ka kung bakit nasa isang dating website ang isang attorney," sagot niya. Tumango ako kahit na hindi naman niya nakikita. "Ganoon ba, pero lahat naman ng sinabi mo sa akin bukod roon ay totoo?" "O-oo naman! Iyon lang talaga ang hindi ko sinabi dahil ayaw kong ma-offend ka sa trabaho ko." "Bakit naman ako ma-o-offend? Ang galing nga ng trabaho mo, e. Kaya pala ngayon ka pa lang natapos sa trabaho, siguro ang dami mong kliyente 'no?" Muli siyang natawa. "Oo, medyo marami ngayong buwan kaya busy ako." Busy siya? E sabi niya noong nakaraang linggo bago naputol ang komunikasyon namin, wala siyang ginagawa? Weird. "Ibig bang sabihin niyan, hindi pa tayo pwedeng magkita ulit?" Alam kong ang desperada na ng dating ko, pero mas maigi nang direkta kaysa magpa-Maria Clara pa ako sa panahong 'to. "Pwede naman, this Sunday. Tinapos ko na ang trabaho ko ngayong gabi, kaunti na lang ang gagawin ko kaya pwede. What do you want to do on our first official meet up?" Ngumiti ako, pero panay ang pagpipigil dahil ayaw kong mapatili ako dahil sa kilig. Parang date yata ang mangyayari! Ang assumera ko! "Hmm, kahit na ano. Pag-iisipan ko na muna. Sure kang hindi ka na busy?" "Yes, hindi na. So paano? Matulog na tayo. Ang haba ng araw para sa akin ngayon dahil sa dami ng ginawa ko," paalam niya. Nakakabitin naman. . . "Okay, good night!" Pagbalik ko sa kwarto, nakangisi na si Nora habang inaayos ang mga gamit niya sa ibabaw ng lamesa. Mukhang matutulog na. "Ang landi! Sana all may jowa!" "Hindi ko siya jowa 'no! Magkatawagan lang, jowa na kaagad?" Mas lalo napangisi si Nora sabay sundot sa tagiliran ko. "Ay sus! Saan pa ba tutungo 'yan? Doon lang din ang bagsak niyan, Ailitg. 'Wag ako," sagot niya. Nagkibit-balikat ako. "E kung doon man, edi thank you Lord at may jowa na ako ulit. Inggit ka lang!" "Yabang! Madedeflower na siya!" "Deflowe kaagad?!" "Oo! D'yan ako excited para naman malaman mo na ang feeling!" Inirapan ko siya at hindi na sumagot. Talaga naman, kung ano-anong iniisjp nitong babaeng 'to. Kahit kailan talaga, walang pigil ang bunganga. Naging mabilis ang mga araw. Linggo na at umaga pa lang, nag-text na sa akin si Stefano kung saan kami magkikita. Hindi ako nakapagdesisyon kung saan kami magkikita kaya siya na ang namili. Sa isang mamahaling restaurant, doon niya gustong magkita. Noong una ay ayaw ko kasi ang mahal do'n pero sabi niya kasi, libre niya raw kaya go na ako. Mabuti na lang talaga at nakabili ako ng dress noong araw din na nagkita kami. At least mayroon akong matinong suot. Ilang beses na akong umikot sa harap ng whole body mirror na nasa tabi ng pinto sa main entrance ng bahay ni Nora. Hindi ako kumportable sa suot kong pink floral dress. Ba't ko nga ba 'to binili? Hindi ko rin alam. "Wow, ganda!" pang-aasar na naman ni Nora. "Magsabi ka naman ng totoo ngayon, I need opinion," sabi ko. "Maganda nga, sinabi ko na ngang maganda, duda ka pa?" sagot niya. "Hindi nga?" tanong ko ulit. "Ang kulit mo, edi ang pangit!' "Ano nga kasi?" "Maganda nga! Pero kung duda ka, edi pangit!" Napairap na lang ako, wala talaga akong makuhang matinong sagot sa kaibigan kong 'to. I mean, minsan naman seryoso siya. 'Yong minsan na 'yon, mas minsan pa sa once in a blue moon. Matapos kong magtali ng buhok in a mermaid braid. Ayaw ko naman kasing ilugay lang, nakakatamad hawiin nang hawiin kapag hinangin. "O lipstick!" Nilingon ko si Nora na kagagaling lang sa kwarto. Hawak niya ang lipstick at iniabot sa akin. "Kahit lipstick manlang maglagay ka, ang putla ng labi mo," aniya. Tumango ako at saka ngumiti. "Salamat, kunwari ka pang parang walang pakialam." "Sino bang may sabing wala akong pakialam? Sinabihan na nga kita ng maganda, duda ka pa e." Ngumiwi na lang ako at muling humarap sa salamin para maglagay ng lipstick. Pulang pula ang lipstick na ibinigay sa akin ni Nora kaya ang ginawa ko, sa ibabang labi ko lang nilagay at pinagdikit ko na lang ang mga labi ko para magkulay rin ang sa taas. Pangit naman kasi kung makapal ang ilalagay ko, for sure na iisipin niyang inaakit ko siya. Nagpaalam lang ako saglit kay Nora bago ako nagpasyang umalis. Kabado ako habang nasa jeep. Ang dami pang nakatingin sa akin na mga pasahero, inakala sigurong dadalo ako ng prom dahil hindi angkop ang suot ko sa sinakyan ko. Nakakahiya! Bumaba ako sa may tapat na mismo ng restaurant na tinutukoy niya. Isa itong mamahaling Italian restaurant na may tatlong palapag. Dati pangarap ko lang kumain dito dahil sabi nila ay masarap, ngayon makakamit ko na! Bago ako pumasok, tinawagan ko na muna si Stefano. Ilang saglit lang ay sumagot na siya. "Ailith? Nasaan ka na? Nandito na ako," sagot niya. "Nandito na ako sa labas." "What are you waiting for? Come inside." "A-ano kasi, nahihiya ako," pag-amin ko. Mas maigi nang umamin sa totoong nararamdaman kaysa naman itago at magpanggap na hindi nahihiya kung hiyang-hiya naman talaga. "Alright, pupuntahan kita r'yan, saglit." Nakahinga ako nang maluwag nang sabihin niya 'yon. Hindi ko pinatay ang tawag at hinintay siyang lumabas. Ilang saglit lang, lumabas na siya sa restaurant at tila ikinatigil 'yon ng mundo ko. Nakasuot siya ng isang tuxedo na hindi angkop sa kung ano ang suot ko ngayon. Napakagwapo niya, maayos na nakasuklay ang buhok niya at maganda rin ang pagkaka-tie ng neck tie niya. Sobrang gwapo, ang lakas ng dating! At nakakahiyang ako ang kasama niya. Luminga siya sa paligid para siguro hanapin ako. In an instant, parang gusto ko na lang na magtago at huwag na 'tong ituloy pero kasi. . . nakakahiya naman kung hindi ako tutuloy. Nang matagpuan niya ako, kaagad na ngumiti siya at saka kumaway. Ni hindi niya pinansin kung ano ang suot ko, basta lang ay tuwang-tuwa siyang makita ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD