CHAPTER 2:
"NANAY, PAKIRAMDAM KO PO kasi talaga malapit na akong magkasakit dahil sa kakulangan ko ng tulog." Iyon ang isinagot ko kay nanay matapos niyang tanungin ang dahilan ko kung bakit hihinto na muna ako ng dalawang buwan. "At saka, may pinaplano po akong isulat na webtoon. Kailangan ko po ng mahaba-habang panahon para pagplanuhan."
Ngumiti si nanay at saka marahang tumango. "Ayos lang naman sa akin anak dahil nakikita kong namumutla na talaga ang balat mo. Pero magpaalam ka rin sa tatay mo ha?"
Tumango ako. "Opo nanay, magpapaalam po ako sa kaniya."
Pagkatapos kong magpaalam kay nanay, dumiretso na ako sa kwarto ko para tanggalin sa pagkakacharge ang laptop ko, maging ang drawing tablet ko ay inalis ko na rin. Sa wakas ay natapos na ako sa lahat ng trabaho ko at pwedeng-pwede na akong magpahinga ng dalawang buwan. Mabuti na lang talaga at depende ang mga trabaho ko kung maghahanap ako ng client o kaya ay tatanggap ako ng kliyente. Baka pwede akong tumanggap ng maliliit na project kapag mayroon habang nasa dalawang buwan akong break—of course not! Kahit maliliit na project ay dapat ko munang tanggihan dahil kailangan ko talaga ng pahinga.
Abala ako sa pagtutupi ng kumot ko nang biglang bumukas ang pinto, hindi ko nga pala isinara dahil balak kong lumabas lang din ulit.
"Tay!" tawag ko sa kaniya nang makitang siya iyon.
Ngunit natigilan ako nang makita ang nakabusangot niyang mukha habang nakatitig sa akin.
"Ano 'tong sinasabi ng nanay mo na magpapahinga ka na muna ng dalawang buwan sa trabaho mo? Ganyan ka na ba talaga ka-makasarili at hihinto ka sa trabaho para lang sa katamaran mo?!" sigaw ni tatay na hindi ko inaasahan.
Nanlamig ang buong katawan ko dahil sa takot. Kinabahan ako dahil baka mamaya ay masaktan ako ni tatay gaya ng madalas na ginagawa niya sa mga kapatid ko. Gaya ng madalas na ginagawa niya sa akin noon sa tuwing hindi ko sinusunod ang gusto niya.
"T-tatay, h-hindi naman po ako hihinto sa pagtatrabaho dahil gusto ko lang o d-dahil sa katamaran. K-kailangan ko rin naman po ng p-pahinga dahil halos hindi na po ako makatulog sa dami kong ginagawa," paliwanag ko. Sinubukan kong magpaliwanag kahit na nanginginig ang mga kamay ko.
Matangkad si papa, malaki ang katawan kaya naman kung gugustuhin niya ay kayang-kaya niya akong patalsikin sa isang sampal niya lang.
"Sige, nauunawaan kong napapagod ka. Pero hindi ba makakapagpahinga ka na ng isang linggo? Anong gagawin mo sa loob ng dalawang buwan? Magpahiga-higa lang d'yan habang kain nang kain tapos wala ka namang ambag?! Mag-isip ka nga Ailith! Anong kakainin ng mga kapatid mo? Ng mga pamangkin mo?! Hindi ko alam na ganyan ka, na makasarili!" sigaw niya.
Tila nabingi ako sa sinabi niya. Naririnig ko na ang takbuhan ng mga kapatid ko papunta rito maging si nanay na panay na ang pigil kay tatay. Ngunit tila ba hindi siya magpapaawat.
"T-tay, kailan ba ako naging makasarili? Sa loob ng anim na taon pagkatapos kong huminto sa pag-aaral dahil wala ka nang maisuporta sa akin, nagtrabaho na kaagad ako para lang matustusan ang mga kapatid ko! Habang ikaw, kaya mo naman sana kaming suportahan dahil lima lang sana kami at malaki naman ang kinikita mo pero inuubos mo ang lahat sa alak at pagsasabong mo! Ako na ang sumalo sa pamilya natin tatay! Tapos ano ang ginawa ninyo? Nag-anak pa ulit kayo ni nanay! Nag-anak naman si Josef! Tapos sasabihin ninyong makasarili ako?! Ni bagong damit nga hindi ako makabili ng para sa akin?! Ako pa ang makasarili?!"
Hindi ko na napigilan ang lahat ng sama ng loob ko, ibinuhos ko na ang lahat na halos hindi na ako nakapag-isip pa nang maayos. Sobrang sama ng loob ko na sinabihan akong makasarili. Dahil kahit kailan ay hindi ko naranasang maging makasarili. Ibinuhos ko ang lahat ng oras ko para sa kanila, para tumulong, tapos sasabihan lang ako ng makasarili?
"Kung sa tingin mo pala pasan mo ang daigdig dito sa bahay ko, edi lumayas ka! Hindi ka namin kailangan dito! Kung ang lahat ng itinulong mo sa amin ay isusumbat mo lang din pala, lumayas ka na!"
"Lalayas talaga ako! Oo lalayas ako!" sigaw ko.
Hindi ko na namalayang basang-basa na pala ng luha ang mukha ko. Sa inis ko ay tinalikuran ko si tatay at nagmamadaling nag-impake.
"Kunin mo ang lahat ng gamit mo at lumayas ka! Wala kang ititirang gamit d'yan! Walang hiya ka! Wala kang utang na loob!"
Padabog na lumabas ng kwarto ko si tatay habang ako ay umiiyak pa rin. Sobrang sama ng loob ko dahil sa mga sinabi ni tatay. Hindi ko akalain na magiging ganoon ang reaksyon niya nang dahil lang sa gusto kong magpahinga.
Kinuha ko ang lahat ng gamit ko, mga damit na iilan lang naman dahil hindi nga ako halos makabili ng sarili kong damit. Ang laptop ko, drawing tablet, maging ang printer ko ay dinala ko. Iyak nang iyak ng mga kapatid ko dahil ayaw nila akong paalisin. Maging si nanay ay panay ang iyak.
"Bakit ba pinipigilan nyo iyang umalis? Tanginang 'yan! Sumbatera! Hindi ba kayo nasaktan sa mga sumbat ng gagang 'yan? Parang lahat ng pinalamon sa atin gusto niyang iluwa natin e!" galit na galit na sigaw ni Josef habang karga ang anak niyang dumedede pa sa bote na ang laman ay gatas na galing sa pera ko. At ang suot na diaper ay galing din sa bulsa ko.
Hindi na lang ako nagsalita, pilit kong inilabas ang huling bag ko na naglalaman ng mga gamit ko para sa pagtatrabaho.
"Grabe ka kuya Josef! Napakawalang utang na loob mo! Nasabi lang ni ate ang lahat ng iyon dahil sa sama ng loob. Ang tapang tapang mo r'yan, sa oras na mawala ang ate, sino pang magpapakain sa mga anak mo ngayong wala kang trabaho?!" sabat naman ni Aris.
"Huwag kang epal bakla! Palibhasa sipsip ka r'yan e!"
Hindi ko na pinansin pa ang mga sigawan nilang dalawa. Basta tumuloy na lang ako palabas ng bahay kahit iyak pa rin nang iyak si nanay. Walang lingon-likod na ipinasok ko ang bag sa taxi.
"Ate, mali yata ang suhestiyon kong magpahinga ka. Nakasama pa yata. . ." Hinawakan ni Aris ang braso ko kaya napalingon ako sa kaniya. "Saan ka na pupunta n'yan?"
Nginitian ko lang siya at saka inabot ang ulo niya kahit na ang tangkad niya para lang guluhin ang buhok niya.
"Ayos lang ako, kaya ko 'to. O basta kapag may nakita na akong pwedeng tuluyan, tatawagan kita mamaya." Ibinaba ko ang kamay ko at saka mas lumapit sa kaniya. "Hayaan mo, kukuha pa rin ako ng maliliit na projects tapos papadalhan kita ng pera para sa mga kapatid natin, ayos ba?"
"A-ate naman. . ."
"Sige na, alis na ako at baka maabutan pa ako ni tatay."
Tinalikuran ko na siya at saka nagmadaling sumakay sa taxi. Sobrang sakit sa puso na iwan ang mga kapatid ko pati na rin si nanay pero siguro ito na ang magiging paraan para ma-realize naman ni tatay na may halaga ako. Dahil sa ngayon, na-realize ko na kahit ano pala ang effort ko, hindi pala niya makikita ang lahat dahil sarado ang mga mata niya.
Na kahit pala magpakamatay ako sa pagtatrabaho, hindi niya na-a-appreciate ang lahat.
Napailing na lang ako para pigilan ang nagbabadyang pagtulo ng mga luha ko. Nagmamadaling dinukot ko ang cellphone ko sa aking bulsa at saka idi-nial ang numero ni Nora.
"Uy? Bakit?" sagot niya.
Narinig ko ang pagnguya niya ng kung ano mula sa kabilang linya.
"D'yan muna ako titira, ha? Kahit isang buwan lang. Maghahanap muna ako ng apartment."
"Ha? Teka ano?"
Kakapalan ko na talaga nang husto ang pagmumukha ko.