CHAPTER 1:

1395 Words
CHAPTER 1: "ATE, KAILANGAN KO PO ng 150 pesos para sa project ko." "Ate, deadline na ng bayaran ng costume ko para sa gagawin naming play, baka naman pwedeng makahingi na ng pera?" "Ate, bente pesos lang ang baon na ibinigay sa akin ni tatay, pwede bang makahingi ng pandagdag? E kulang na kaya 'yon dahil naubusan na ako ng ballpen." Ate, ate, ate. Umaga pa lang, ate na kaagad ang alarm clock ko. Ni hindi pa nga ako nakaka-recover sa dalawang oras na tulog ko ay nagsisikatok na silang lahat para lang manghingi ng kailangan nila. "Oo na, teka lang! Pwede bang isa-isa lang?" Inis na bumangon ako mula sa matigas kong papag. Medyo masakit pa ang kaliwang balikat ko dahil nagkamali ako ng pwesto kaya hinihilot-hilot ko ang iyon habang naglalakad palapit sa drawer ko kung saan naroon ang wallet. Napabuntonghininga na lamang ako nang makitang dalawang libo na lang ang laman ng wallet ko. Mukhang kailangan ko na namang lumabas para mag-withdraw. Para i-withdraw ang ibang laman ng savings account ko. Kaagad na kinuha ko iyong isang libo at dumiretso sa pinto para lang bumungad sa akin ang limang mga kapatid kong pare-pareho pang nag-aaral. Inabot ko ang isang libo kay Aristotle, iyong pangatlong kapatid kong nasa kolehiyo na. Iyong kapatid kong hinihintay kong makatapos na, para naman hindi na lang ako ang magsalo ng lahat. "Pabaryahan mo sa tindahan, bili ka ng kape tapos ipagtimpla mo ako. Tapos hati-hatiin n'yo kung magkano ang kailangan." Sumimangot ang mukha ni Aristotle, ayan naman siya sa mukha niyang awang-awa sa akin. "Ate pasensya na talaga kung makulit kami ha? Hayaan mo next year graduate na ako tutulungan na talaga kita!" paniniguto niya sa akin. "Huwag mo nang sabihin, ang gawin mo ngayon ay ipagtimpla mo ako ng kape at may hinahabol akong deadline." Bahagya siyang natawa, "sige Ate! Coming up!" Matapos no'n ay nagsi-sunuran naman ang mga kapatid ko sa Kuya nila. Ako naman ay bumalik na sa kwarto at muling nahiga, sinasariwa ang alaala ng nagdaang sarap ng tulog ko kanina. Kailan kaya ako makakatulog nang payapa? Kailangan ko rin naman ng pahinga lalo na at hindi naman ako si superwoman para hindi mapagod. Kahit nga yata si superwoman ay nagpapahinga. Malaki ang kinikita ko sa lahat ng raket ko sa online pero ang lahat ng iyon ay nauubos lang din sa anim na mga kapatid kong nakasandal sa akin at patuloy na sasandal hanggang hindi pa sila nakakatapos. Si tatay kasi, kulang na kulang pa ang sinasahod sa pag-construction worker para sa bisyo niyang alak, sigarilyo at sabong! Si nanay naman, walang trabaho dahil kailangan niyang alagaan ang maliliit ko pang kapatid. Iyong huling dalawang kapatid ko kasi ay 5 years old at 2 years old pa lamang kaya no choice siya kundi ang mag-alaga pati na rin sa aming malalaki na. Ilang saglit lang ay bumukas na ang pinto ng kwarto ko, pumasok si Aris na may dalang malaking mug na talagang binili ko para sa akin. Kung pwede nga lang na isang malaking pitsel na ang mug ko, why not? Pero pinagagalitan kasi ako ni nanay kapag nagrereklamo ako sa tuwing sobrang lakas nang pagkabog ng puso ko. Kaagad na bumangon ako nang mailapag na niya ang mug sa harap ng lamesa ko. "Ate, ano kaya kung magpahinga ka na muna kahit isang buwan lang? Magkakaroon na ako ng part-time job kaya mas makakatulong na ako sa 'yo," aniya. Naupo ako sa gilid ng papag at saka siya nginitian. "Gusto ko sana, pero ang dami ko pang projects." "Sus! Problema ba 'yon? Edi kapag natapos na! Hindi naman masamang magpahinga lalo na kung mukha ka nang magkakasakit." Kinusot-kusot ko ang mga mata ko dahil sa sinabi niya. "Mukha na ba akong magkakasakit?" Umikot ang eyeballs niya at saka napailing. "Oo ate, huwag kang mag-alala at bibilhan kita ng salamin mamaya para makita mo kung gaano ka kaputla!" aniya. Hinampas ko siya sa braso dahilan para mapaatras siya. "Oo na, basta kung sakaling makapagpasya man akong magpahinga, ikaw na muna ang bahala sa mga kapatid natin ha? May savings naman ako pero baka kasi hindi sapat." Tumango siya at saka nag-thumbs up sa akin. "Sure na sure ate!" Masaya ako na kahit papaano ay may kapatid akong gaya ni Aris. Mabait, masipag mag-aral at matulungin sa amin. Never niya kaming binigyan ng sakit sa ulo, kaya nga lang ay hindi matanggap ng tatay na may pagkabakla siya. Kaya hanggang ngayon ay nagpapanggap pa rin siya sa harap ni tatay. "Gago ka ah! Walang-wala na nga akong pera, ninakawan mo pa akong hinayupak ka!" Napapikit ako nang marinig ang sigaw ni Josef sa labas. Kung may mabait akong kapatid, mayroon naman akong kapatid na siraulo. Gaya na lang ni Josef, pangalawang kapatid ko na maagang nag-asawa. Nag-asawa at nag-anak pero hindi naman kayang sustentuhan nang maayos ang magtatatlo na niyang anak. Hanggang ngayon din ay nandito pa sila nakatira sa puder namin kaya wala akong magawa kundi ang isama sila sa budget sa tuwing walang trabaho o kaya ay naubos ang kita niya sa kasusugal. Kung hindi lang ako naaawa sa mga pamangkin ko, hindi ako magbibigay ng pang-diaper o gatas nila. "Wala nga akong ninakaw sa 'yo, kuya! Nanghingi ako kay ate! Nanghingi ako ngayon lang!" Inis na tumayo ako sa papag at saka isinara ang pinto, ini-lock iyon pagkatapos ay mabilis na tinungo ang lamesa ko para abutin ang headphones ko na binili ko para lang talaga hindi ko sila marinig sa tuwing nagbabangayan. Araw-araw kasing may nag-aaway sa bahay namin. Kung hindi si nanay at tatay, ang mga kapatid ko o kaya naman ay si tatay o nanay na kaaway ang isa sa mga kapatid ko. Ako? Ito at may sariling mundo dahil sa oras na guluhin nila ako, walang lalabas na pambaon nila. Sa oras kasi na ma-badtrip ako, hindi talaga ako lalabas ng kwarto hanggang hindi ko natatapos ang trabaho ko. Kaagad na ikinabit ko ang headphones sa cellphone ko at pinatugtog ang kantang 'Beautiful Scars' na nagiging paborito ko na dahil sa lyrics nitong tagos sa puso ko. Agad na sinimulan ko na ang trabaho ko dahil kailangan ko na itong tapusin hanggang bukas. Iyon ang deadline ng client ko. Pagkatapos ay iyong webtoon ko naman na isang episode na lang ay matatapos na. Na-realize ko na tama si Aris, na dapat nga talaga akong magpahinga muna dahil sa ginagawa kong ito ay malamang na magkasakit ako. Mahalaga pa rin naman kahit papaano ang kalusugan ko dahil sa oras na magkasakit ako, wala na talagang magpapaaral sa mga kapatid ko. Sapat naman na siguro ang savings ko para sa dalawang buwang pahinga? Dalawang buwan. Ano naman kaya ang gagawin ko sa dalawang buwan na iyon? Ah, matulog nang matulog! Napailing na lamang ako at saka ipinagpatuloy ang ginagawa ko. At saka ko na iisipin ang gagawin ko kapag natapos ko na ang lahat ng trabaho ko. Para at least may pandagdag pa ako sa panggastos. Nasa kalahating oras ko na yatang inaayos ang comic illustration na ginagawa ko nang tumunog ang phone ko mula sa tawag ng nag-iisa kong kaibigan. Nora calling. . . Kaagad ko naman iyong sinagot at bumungad sa akin ang matinis niyang boses. "Ateng!" patili ang pagtawag niya sa akin no'n. "Ano?! Nakaheadphones ako hoy!" sigaw ko rin. "Ay sorry naman! Sobrang excited lang kasi akong ibalita sa 'yo!" maligayang sabi niya. "Ang alin ba kasi?" Ipinagpatuloy ko ang ginagawa ko habang nakikinig sa kaniya. "Baka matupad ko na ang pangarap kong magkaro'n ng sariling bahay, nakuha ang webtoon series ko para sa isang T.V. series adaption! Sobrang saya ko ateng! Nag-uumapaw ang saya sa puso ko!" sagot niya. Napahinto ako sa ginagawa ko. Masaya ako para sa kaniya, oo. Pero sa kabilang banda, naiinggit ako. Her webtoon series gained almost five million reads, worldwide! Kahit pa science-fiction ito about zombies at kaunti lang naman ang kayang magbasa ng ganoong klase, pumalo pa rin ang reads nito dahil sa ganda ng plotting at twists niya. Norabelle is a good webtoon artist and author that everyone loves her work. Na sadyang nakakainggit. Dahil ako ito, patuloy na umaasang mapansin din ng iba ang gawa ko. "Ano na kasi? Collab na tayo sa next webtoon series!" suhestiyon niya. Ngumiti ako. "Hindi muna ateng, plano kong magpahinga pagkatapos nitong webtoon series kong erotica. . ."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD