”Hindi naman sa nang-aano ngunit ako lamang ay hindi makapaniwala na ikaw ay buhay Mahalia,” ani Ebraheem na siyang hindi nga maialis-alis ang tingin sa dalaga at kasama nga niya ito ngayon na nagbabantay sa kanilang paligid. “Paano? Paano ka nabuhay? At bakit ngayon ka lamang bumalik ngayon dito?”
“Tama na nga ang pagpapanggap Ebraheem, huwag niyo akong nililinlang ni Afiya,” ani Mahalia.
“Wala ka bang balak na ibalik ang paa ko sa dati?”
Napukaw ngang tuluyan ang atensyon ni Shakir na kanina ay nakatuon kila Mahalia. Buntong-hininga siyang napatingin sa batong paa ni Afiya na magpahanggang ngayon ay hindi niya pa rin naibabalik sa dati.
“P—patawad,” sambitla nito na siyang muling napabuntong-hininga at itinuon ang buong atensyon sa batong paa ng dalaga. “Menarik Behenti.”
Unti-unting nabitak ang batong bumabalot sa paa ng dalaga hanggang sa marahan na niyang naigalaw ito paunti-unti. Nang ihahakbang na ng dalaga ang pang halos dalawang oras ding namanhid ay nanlaking tuluyan ang mga mata nito sa gulat nang unti-unti siyang nawalan ng balanse at napapikit ngang tuluyan nang tuluyang matutumba na siya sa lupa.
“Ayos ka lamang ba binibini—“
Unti-unting napamulat ng kaniyang mga mata ang dalaga dahilan upang sa pangalawang pagkakataon ay muling magtama ng diretso ang mga mata nila ni Shakir na siyang agad siyang sinalo mula sa pagkakatumba.
Agad na napaayos ng tayo si Afiya at iniiwas ngang agad ang tingin kay Shakir. Marahan niyang pinagpag ang suot na bistida at unti-unti ngang bumuntong ng napakalalim na hininga.
“Afiya,” tawag ni Ebraheem mula sa hindi kalayuan dahilan upang kapwa mabaling ang tingin nila ni Shakir dito.
“Mabuti naman at nakakalakad ka nang muli Afiya!” bulalas ni Ebraheem na katulad ni Mahalia ay naglakad na patungo sa kinatatayuan ng dalawa.
“Maaari na tayong umalis dito kung gayon upang makapunta tayo sa mas ligtas na lugar,” suhesyon ni Mahalia na siyang marahang tinanguan ni Shakir.
“Afiya?” tawag ni Ebraheem sa dalaga na siyang dahilan upang matauhan ito.
“Mas mainam ngang makaalis na tayo rito,” ani ng dalaga dahilan upang ilagay na ngayon ni Mahalia ang kaniyang kamay sa gitna nilang apat.
“Kumapit kayo sa akin at idadala ko kayo sa mas ligtas na lugar,” ani Mahalia na siyang tinanguan naman ni Afiya at Ebraheem.
“Shakir?” tawag ni Ebraheem kay Shakir nang makitang tila nag-aalangan at wala itong balak na ipatong ang palad sa mga kamay nilang tatlo.
“Paano ako makakasiguro na tutulungan niyo nga ako sa pagliligtas sa aking mga kalahi?”
Nagtinginan ngang tuluyan ang tatlo nang dahil sa katanungang iyon ni Shakir.
“Paano ako nakakasiguro na kakampi ko nga kayong tatlo gayong ang mga kalahi niyo ay mga kalaban namin?” patuloy na tanong ni Shakir.
“Tulad ng sinabi ko Shakir, ako ay matalik na kaibigan ng iyong amang si Alec, at isa sa mga ipinangako ko sa kaniya ay ang maprotektahan ka kaya makakaasa kang kakampi mo ako,” sagot ni Mahalia na siyang buntong-hiningang tinanguan ni Shakir kasunod ng kaniyang pagbaling ng tingin kay Ebraheem.
“A—ako?” tanong ni Ebraheem sabay turo sa kaniyang sarili na siya rin namang tinanguan ni Shakir.
“Ang buhay ng mga lahi naming mga bampira ay nakasalalay sa inyong Punong Lakambini, nais ko siyang pakawalan mula sa puder ng mga ravena upang hindi siya magamit laban sa amin. Sa oras na maging alipin ng mga ravena ang mga babaylan ay magiging alipin na rin nila kaming mga bampira. At hinding-hindi ako makakapayag na mangyari iyon—hindi ako papayag na mag-hari ang Helios na iyon dito sa Berbaza,” tugon ni Ebraheem. “Kaya makakaasa ka Shakir na kakampi mo ako at kasama sa iyong laban.”
Muling bumuntong ng napakalalim na hininga si Shakir na ngayon naman ay ibinaling ang tingin sa panghuling amatista na kasama niya ngayon—ang amatista ng Nero na si Afiya.
“Ikaw binibini? Bakit ka nandito ngayon? At bakit mo ako tinutulungan?” sunod-sunod na tanong ni Shakir na siyang nagpatigil ngang tuluyan kay Afiya na ngayon ay buntong-hiningang iniiwas ang tingin sa binata.
“Kung hindi mo masagot ang aking katanungan ay ikinalulungkot ko binibini ngunit ayaw kong sumama ka sa amin bilang pag-iingat,” ani Shakir nang mapansin ang pag-iwas ni Afiya sa kaniyang katanungan.
“Nandito ako dahil nais kong—“
“May mga parating na ravena,” ani Ebraheem dahilan upang matigilan hindi lamang si Afiya kundi maging sina Shakir at Mahalia.
“Shakir, kung ang iyong pasya ay ang hindi kami pagkatiwalaan ay wala na akong magagawa,” ani Mahalia kasabay nang unti-unting pagiging kulay berde ng kaniyang mga mata.
“Tayo na,” patuloy nito na siyang kapwa tinanguan nila Ebraheem at Afiya.
“T—teka lamang!” pakli ni Shakir na siyang nag-aalinlangang ipinatong na ang kamay sa mga kamay nila. “A—ako ay sasama sa inyo—hindi dahil nagtitiwala ako bagkus ay dahil wala na akong iba pang mahihingian ng tulong.”
_________________________
“Mabuti at narito pa ang lugar na ito,” ani Mahalia nang sabay-sabay na silang lumitaw sa isang luma at bitak-bitak na kastilyo na tubuan na ng mga ligaw na halaman nang dahil sa kalumaan.
“N—nasaan tayo?” kunot-noong tanong ni Shakir na siyang inilibot ang paningin at ibinaling ang tingin sa malawak na palayan kaharap ng kastilyo.
“Sa kinatatayuan ng sinaunang kaharian ng mga babaylan,” sagot ni Afiya na ngayon ngay naglakad katulad ni Mahalia upang libutin ang kastilyo.
“M—may kaharian ang mga babaylan?” nagtatakang tanong naman ngayon ni Ebraheem na siyang ibinaling ang tingin kay Shakir.
“Mayroon ngunit hindi nasabi sa amin kung saan naroon o kung nakatayo pa ito magpahanggang ngayon,” sagot ni Shakir dito dahilan upang marahan siyang mapatango.
Ngayon ay natigilan si Mahalia sa paglalakad at ibinaling ang tingin kay Shakir.
“Dito tayo mananatili pansamantala, malayo sa Kaharian ng Aeras at upang mas mapaigting pa ang proteksyon natin”—ani Mahalia na ngayon ay salitang tinignan si Ebraheem at Afiya—“kailangan nating gamitin sa pagkakataon na ito ang mga hawak nating amatista.”
Dahilan ito upang ngayon ay mapahawak si Afiya sa kaniyang noo kasunod nang paglabas ng maliit na parte ng isang buong bato ng amatista mula rito. Nang sandaling mahawakan ito ay unti-unting naging kulay asul ang kulay ng bato na kung kanina ay kulay lila.
Kasunod non ay ang buntong-hininga ding paghawak ni Ebraheem sa kaniyang noo kasabay nang paglabas ng ibang parte ng buong bato dito na katulad ng kay Afiya ay naging kulay pula rin kalaunan.
Agad namang inilabas ni Mahalia ang sa kaniya na siya niyang inilagay sa gitna nila.
Halos sabay na napabuntong-hininga si Ebraheem at Afiya na kapwa inilagay sa gitna ang batong hawak.
Unti-unting pinagdikit ng tatlo ang mga bato na siyang may isanng espasyo para sa amatista ng Aeras.
“Kahit na wala ang kay Helios dito ay maaari pa rin tayong maglikha ng makapangyarihang proteksyon,” ani Afiya na siyang tinanguan ng dalawa.
“Shakir,” tawag ngayon ni Mahalia sa binata. “Maaari ka ring magbigay ng dagdag na proteksyon gayong hindi ka lamang isang ordinaryong babaylan bagkus—“
“Nagkakamali ka Mahalia,” pakli ng binata na ngayon ay napahawak sa suot niyang anting-anting. “Hindi pa lumalabas ang kapangyarihan ko bilang isang Setengah Dewa kaya’t wala pa akong maidadagdag na malakas na pwersa—“
Nanlaking tuluyan ang mga mata ni Shakir sa nang biglaan naglabas ng kulay berdeng ilaw si Mahalia galing sa kaniyang palad patungo kay Shakir.
Ngunit hindi natuluyang natamaan ang babaylan nang madaliang tumakbo si Ebraheem upang ilayo ito mula sa ilaw.
“Mahalia?” gulat na sambitla ni Ebraheem na tulad ni Afiya ay nanlalaking matang tinignan ngayon ang amatista.
“Naniniguro lamang—“
“Naniniguro? Paano kung hindi siya nailayo agad ni Ebraheem?” kunot-noong tanong ni Afiya.
“Hindi naman nangyari hindi ba?” sarkastikong sagot ng amatista na ngayon ay buntong-hiningang tinignan sila Ebraheem.
“Mabuti pa’t bumalik ka na dito Ebraheem upang masimulan na natin ang paggawa ng proteksyon.”