“Sigurado ka ba talagang si Mahalia iyan?” tanong ni Ebraheem kay Afiya nang tabihan niya ito matapos gawin ang proteksyon.
Buntong-hiningang ibinaling ni Afiya ang tingin sa amatista ng Geo na ngayon ay kausap si Shakir.
“Hindi pa ba sapat na makita natin sa kaniya lahat ng kapangyarihang mayroon ang amatista ng Geo?”
Unti-unting napatango si Ebraheem bilang pagsang-ayon.
“Sabagay, ngunit napakalaki ng kaniyang pinagbago at hindi pa rin ako makapaniwalang nakaligtas siya sa pagpatay sa kaniya ni—“
Halos sabay-sabay na natigilan ang apat nang makarinig nang pagkalakas-lakas na pagsabog mula sa hindi kalayuan.
“A—ano ‘yon?” nanlalaking mga matang katanungan ni Shakir dahilan upang buntong-hiningang naglaho ngayon si Mahalia kasunod nang pagtakbo ng mabilis ni Ebraheem upang makapunta ring agad sa pinangyarihan ng pagsabog.
Halos sabay na lumitaw sina Ebraheem at Mahalia sa labas ng proteksyon na kanilang ginawa.
Unti-unting natigilan si Mahalia nang makita ang pangingitim ng ilang parte ng proteksyon at halos manlaki nga ang mata niya nang biglaan siyang hilahin ni Ebraheem patungo sa kinatatayuan niya kasabay nang pagtama ng isang napakalaking ipu-ipo patungo sa proteksyon.
“Sino ka? Ikaw ay magpakita ngayon din!” sunod-sunod na bulalas ni Mahalia na siya ngang agad na kumawala mula sa pagkakahawak ni Ebraheem sa kaniyang pulso.
“Isang taga-Nero,” ani Ebraheem na ngayon ay kapareho ni Mahalia, inilibot din ang kaniyang paningin.
Unti-unting natigilan ang dalawa nang lumitaw sa kanilang harapan ang isang matandang lalaki na siyang hindi nila makilala nang dahil sa suot nitong asul na balabal.
Marahang inalis ng matanda ang balabal sa kaniyang ulo kasabay nang pagkatigil ng dalawa nang tuluyan nilang makilala kung sino ito.
“Maginoong Ahmad?”
_________________________
“Anong ginagawa mo rito Maginoong Ahmad?” tanong ni Afiya matapos kumawala sa pagkakayakap niya sa matanda.
“Hindi ho ba dapat ay nakabalik na kayo ngayon sa Nero?” patuloy ng dalaga dahilan upang mapabuntong ng malalim na hininga ang matanda at marahang inilingan ito.
“Wala na tayong babalikan Afiya.”
“Ano ang iyong ibig sabihin Maginoo?”
“Tulad ng Kaharian ng Geo ay nasa kamay na rin ngayon ng Aeras ang Kaharian ng Nero,” sagot ng matanda dahilan upang tila mamanhid ang mga tuhod ngayon ni Afiya.
“A—ang Kaharian ng Fotia Maginoong Ahmad, nasakop na rin ho ba nila?”
Nabaling nga ang tingin ng matanda sa binata at marahang umiling dito.
Dahilan ito upang tila mabunutan ng tinik si Ebraheem.
“Paano ho kayo nakarating dito maginoo?” tanong naman ngayon ni Shakir dahilan upang sa kaniya mabaling ang atensyon ng matanda na saglitan ngang natigilan ngunit kalaunan ay ibinalik ang tingin kay Afiya.
“Sino itong ginoo at binibining kasama ninyo ni Ebraheem?” kunot-noong tanong ng matanda sa dalawa.
“Siya ho si Shakir maginoo,” sagot ni Afiya dahilan upang matigilang husto ang matanda na siyang marahang naglakad at nilapitan si Shakir habang diretsong nakatingin sa mga mata nito.
“Ikaw ang anak ni Mapolan at ni Alec?”
Nag-aalangang tumango si Shakir na siyang hindi nga naiwasang iiwas ang tingin sa matanda dahil sa hindi malamang dahilan ng kabang nararamdaman niya ngayon.
“At itong binibini, sino naman ito?” baling ng matanda kay Mahalia.
“Si Mahalia ho, ang amatista ng Geo,” tugon ni Ebraheem na siyang mas nagpatigil sa matanda.
“A—ang amatista ng Geo?” nanlalaking mga matang panganglaro nito kay Ebraheem.
“Matagal nang patay ang amatista ng Geo, matagal nang patay si Mahalia,” ani ng matanda.
“Gayon din ho ang alam namin maginoo,” sang-ayon ni Afiya.
“Hindi ko na rin alam,” sambit ni Mahalia na siyang diretso ngayong tinignan sa mata ang maginoo. “Hindi ko na rin alam kung anong mga nangyayari Maginoong Ahmad.”
_________________________
“Maaari bang tumabi sa iyo Binibining Mahalia?” tanong ni Maginoong Ahmad nang makita ang dalagang nag-iisa at nakaupo sa natumbang sanga ng puno malapit sa kastilyong tinutuluyan nila.
Natigilan ang dalaga sa kaniyang ginagawang paghahasa sa maliit niyang kutsilyo at buntong-hininga ngang tinanguan ang maginoo.
“Hindi ko man maintindihan kung paano ka nakaligtas kay Apolaki ay tunay ngang nagagalak akong buhay ka,” saad ng maginoo matapos ibalik ni Mahalia ang hawak na maliit na kutsilyo sa nakatagong lagayan sa kaniyang sapatos.
“Si Apolaki?” kunot-noong tanong ng dalaga. “Siya ang pumatay sa akin?”
Natigilang husto ang matanda na siya ngang kinunutan ng noo ang dalaga.
“Bakit niya ako pinatay—“
“Wala ka bang maalala ni isa patungkol sa iyong nakaraan? At ni hindi mo ba alam kung paano ka nakaligtas sa digmaan?” sunod-sunod na pakli ng Maginoo kay Mahalia dahilan upang agad itong mapaiwas ng tingin.
“Mahalia,” sambitla ng maginoo. “Ikaw nga ba talaga si Mahalia?”
“Ano hong ibig niyong sabihin? Hindi pa rin ba sapat ang pinakita kong mga kapangyarihan sa inyo?”
“At kasama sa kapangyarihang iyon ay ang abilidad mong maglakbay sa iba’t ibang oras o panahon,” pakli ng matanda na siyang natayo mula sa pagkakaupo at diretso ngayong tinignan si Mahalia sa mata. “Ikaw ba ang batang amatista na pinatay ni Apolaki o ikaw ang Mahalia na galing sa ibang panahon?”
Natigilang husto ang amatista na siyang buntong-hiningang sinalubong ang tingin ng matanda.
“Ang dalawang Mahalia na tinutukoy niyo maginoo ay iisa,” ani Mahalia na siyang saglitang natigilan.
“Napakagulo na ng lahat-lahat maginoo at ni hindi ko na alam kung paano aayusin—“
“Ano ang iyong ginawa Mahalia?” pakli ng maginoo na siyang nanlalaki nga ang mga matang tinignan ang amatista.
“Nagulo”—sambitla ng amatista na siyang marahang napapikit ng kaniyang mga mata—“sa tingin ko ho ay nagulo ko ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari Maginoong Ahmad.”
_________________________
“Kamahalan, narito na ang mga babaylan at maging ang mga taga-Nero.”
Unti-unting humarap ang nakatalikod na binata na kulay olandes ang buhok at nakasuot ng kulay itim na amerikana.
“Susunod ako sa iyo,” ani nito na siyang tinanguan ng lalaki.
Marahang iniyuko ng lalaki ang kaniyang ulo bilang paggalang bago pa man iwanan ang binata at lumabas sa kwarto nito.
Unti-unting humarap ang binata sa salamin kasunod ng pagiging kulay itim ng kaniyang mga mata.
“Tumahimik kayo!” isang sigaw na siyang umalingawngaw sa buong kaharian ng Aeras.
“Ang amatista ng Aeras ay parating na,” patuloy ng sumigaw na lalaki kasunod nang pagbukas ng napakalaking pintuan sa harapan nilang lahat na siyang iniluwa ang amatista kasama ang mga kawal niyang ravena.
“Ang nasa kaliwa ay ang mga natirang angkan ng babaylan at ang nasa—“
“Sa tingin mo ba ay ganoon ako katanga para hindi makita kung sino sa kanila ang babaylan o mga sirena?” pakli ni Helios dahilan upang agad na matigilan ang lalaki at yumukod nga bago umatras.
“Simula sa araw na ito,” ani Helios na siyang umalingawngaw sa buong paligid dahilan upang lahat-lahat ng atensyon nila ay mapunta sa kaniya. “Ay kaming mga ravena na ang inyong pagsisilbihan. Kung nais niyong mabuhay pa ang inyong mga lahi sa susunod na mga panahon ay narapat na sundin niyo ang lahat-lahat ng aking ipag-uutos.”
“Teka lamang!” bulalas ng Raja Ismail mula sa angkan ng mga babaylan dahilan upang mabaling sa kaniya ang atensyon ni Helios.
“Paano ang ating kasunduan Helios?” patuloy ng babaylan dahilan upang unti-unting ngumisi ang ravena.
“Anong kasunduan ang iyong sinasabi Raja Ismail?” sarkastikong tanong ni Helios dito.
“Helios, huwag mong sabihin na pati ang kasunduan natin ay nakalimutan mo na rin?” pakli ng hari ng mga sirena na si Haring Awang.
“Tutuparin ko”—ani ng amatista dahilan upang tila mabunutan ng tinik ang dalawa at mapangiti nga sa kawalan—“kung ang inyong tinutukoy na kasunduan ay ang ipinangako kong kaligtasan ng inyong angkan?”
Halos sabay na natigilan ang dalawa kasabay ng unti-unti ring pagkawala ng mga ngiti sa kanilang mga labi.
“Helios,” sambitla ng Raja Ismail. “Hindi iyon ang ibig naming—“
“Anong klaseng kasunduan ang iyong tinutukoy Raja Ismail?” pakli ni Malakias mula sa angkan ng mga babaylan dahilan upang matigilan ang raja.
“Tama, ano nga bang kasunduan ang tinutukoy niyong dalawa?” tanong ngayon ni Helios na siyang nakangising tinignan ang dalawang pinuno ng bawat angkan.
“Anong kasunduan iyon Awang?” tanong ni Reyna Amina ng Nero dahilan upang maski ang Haring Awang ay matahimik at matigilan din.
“Tulad ng sinabi ko, tutuparin ko ang kasunduang kaligtasan. Lahat kayo ay magiging ligtas sa puder ko basta’t huwag lamang kayong lumabag sa ano mang kautusan ko. Lalong-lalo na ang unang kautusan ko sa buong Kaharian ng Aeras.”
“Ako, ang mga ravena, at ang tagapangalaga ng araw na si Apolaki lamang ang inyong paglilingkuran.”
_________________________
“Kamahalan, naipunta na ho namin ang mga taga-Nero at mga babaylan sa kani-kanilang mga kampo.”
Marahang ibinaba ng ravena ang kaniyang hawak na libro at diretso nga ngayong tinignan ang kaniyang kawal.
“Ang mga taga-Fotia? Bakit wala pa sila? Huwag mong sabihin na katamaran na naman ang umiiral sa inyo gayong madali na lamang natin silang makukuha dahil hawak naman natin ang anak ng Raja Ismail,” kunot-noong mga katanungan ng ravena.
Saglitang natahimik ang kawal na kalaunan ay napabuntong-hininga at muling ibinalik ang tingin kay Helios.
“Yaon nga ho ang problema kamahalan—“
“Teka,” pakli ng binata na siyang iniharang ang palad sa harapan ng kawal.
“Problema? Ano na naman bang katangahan ang inyong nagawa Tolentino?” sigaw ni Helios kasabay nang pag-ihip ng napakalakas na hangin kahit pa na nasa loob sila ng saradong kwarto.
“May dalawa ho mula sa angkan ng mga babaylan ang nawawala kamahalang Helios,” nanginginig na tugon ng kawal na siyang mahigpit na napakapit sa mesang katabi niya.
“Dalawa?!” bulalas muli ni Helios na siyang tumayo at ngayon ngay mahigpit na hinawakan ang magkabilaang kwelyo ng kawal.
“Sino-sino ang mga ito Tolentino?!”
“A—ang Punong Lakambini Aisha at ang anak ni Mapolan—“
“Ang anak ni Mapolan?” pakli ni Helios na siyang nag-aalangang tinanguan ng kawal.
Dahilan ito upang mangitim ang mga mata ni Helios at hindi napigilan ang sariling sumigaw ng pagkalakas-lakas na siyang kasunod nang pagbuga ng napakalakas na hangin mula sa kaniyang bunganga dahilan upang tumilapon sa pagkalayo-layo ang kawal.
“Mga tanga!”
_________________________
“Hindi sapat ang pwersa nating apat upang maligtas ang mga kahariang sinakop ng mga ravena,” ani Maginoong Ahmad na siyang isa-isa nga ngayong tinignan sina Shakir, Mahalia, Afiya, at Ebraheem.
“Kailangan nating palakasin ang ating pwersa,” patuloy ng matanda.
“At paano naman natin iyon magagawa Maginoong Ahmad?” kunot-noong tanong ni Ebraheem.
“Ang iyong mga kalahi Ebraheem, sila na lamang ang natitirang angkan na sa hindi malamang dahilan ay hindi nasakop ng mga ravena. Kailangan natin silang hanapin at kumbinsihing pumanig sa ating pwersa,” tugon ng Maginoo ngunit natigilan ito nang sarkastikong tumawa si Ebraheem.
“Higit pa sa tigas ng bato ang mga puso ng aking mga kalahi Maginoong Ahmad, alam mo yaon, at alam niyo rin ‘yon,” ani at baling nito kila Afiya.
“Tama si Ebraheem Maginoong Ahmad, paano natin mapapapanig ang mga halimaw—“
“Teka lamang, anong halimaw ka riyan,” pakli ni Ebraheem kay Mahalia ngunit buntong-hininga lamang siyang inirapan nito.
“Hindi natin mapapapanig ang mga halimaw”—pagbibigay riin ni Mahalia—“na iyon Maginoong Ahmad.”
“Tama ngunit may iba pang paraan upang mapapanig natin sila,” saad ni Afiya dahilan upang mabaling ang tingin nila dito.
“Ang iyong kapangyarihan Mahalia,” patuloy ng dalaga ngunit sa pangalawang pagkakataon ay sarkastikong natawa lamang muli si Ebraheem.
"Sa tingin niyo ba talaga, magagamitan niyo pa kami niyan? Gayong ilang taon na ang nagdaan at marami ng halamang gamot ang nadiskubre ang mga babaylan na siyang makakapagligtas sa amin sa kapangyarihan mo Mahalia at ng iba pang Setangah Dewa na paikutin at kontrolin ang aming isipan," sagot ni Ebraheem sabay pakita nito sa suot na kwintas dahilan upang mapabuntong hininga ngayon si Shakir.
"Kung gayon, ang tanging paraan na lamang upang makuha natin ang loob nila ay ang kausapin sila at ibigay ang ano mang hilingin nila," ani Shakir na siyang tinanguan ng tatlong amatista.
"Kung gayon, sa tingin ko mas mainam na unahin nating kumbinsihin ang mga Kibaan--"
Natigilan si Ebraheem sa pagsasalita at bigla na lamang napasigaw at nawalan ng balanse dahil sa biglaang pagkirot ng kaniyang kaliwang paa.
Buti na lamang ay agad siyang nasalo at naalalayan ni Mahalia.
"Ebraheem," nag-aalalang sambitla ni Afiya na siyang tinulungan na rin ngang makaupo muna ang binata.
"Anong nangyayari?" kunot-noong tanong ni Shakir dahilan upang mapabuntong-hininga si Ebraheem at marahang hinaplos ang kaniyang paa.
"Bigla na lamang sumakit ang aking paa."
_________________________
Sa isang madilim at masukal na kagubatan ay marahan at paika-ika ngayong naglalakad ang isang dalaga dahil sa napakalaki nitong sugat sa paa.
Unti-unting tumutulo ang ilang butil ng pawis mula sa kaniyang mukha at marahan nga itong humihinga upang habulin ang kaniyang hininga.
Inilibot nito ang kaniyang paningin at nang masigurong walang nakasunod sa kaniya ni isa ay dahan-dahan siya ngayon umupo sa naputol na parte ng isang puno.
Marahang hinawakan ang nagdurugo niyang mga paa at nang sinubukang igalaw ito ay natigilan siya at naningkit ang mga mata dahil sa pagkirot nito.
"Mukhang may kamuntikan nang naputol na buto," ani nito sa sarili na siyang napabuntong-hininga at tinitigan ang parteng iyon ng kaniyang paa at kalaunan ngay dahan-dahan niyang isinaayos ito ng manual.
Nang makitang nagbalik na sa dating pagkakaayos ang buto ng kaniyang paa ay nagpakawala nga ito ng isang malalim na buntong na hininga.
"B--erhenti," sambitla ng dalaga dahilan upang dahan-dahang naging bato ang parteng iyon ng kaniyang paa.
Unti-unti itong napangiti at marahan ngang pinunasan ang mga pawis niya sa mukha.
Ngunit saglitang siyang natigilan nang makarinig ng kaluskos mula sa masukal na bahagi ng kagubatan. Agad siyang napatayo mula sa pagkakaupo at inilibot nga ang kaniyang paningin.
"M--may tao ba riyan?" nanlalaking mga matang tanong nito na siyang natigilan nga nang mas lumakas ang tunog ng kaluskos.
Unti-unti siyang napaatras mula sa pinanggalingan ng kaluskos.
"Huwag na huwag mong susubukan na makalapit sa akin kung sino ka man!" bulalas nito na siyang nagpakawala ng puting ilaw mula sa kaniyang palad.
"K--kung sino ka man ay magpakita ka!" muling bulalas nito na siyang tuluyan ngang natigilan nang unti-unting lumabas mula sa masukal na parte ng kagubatan ang isang maliit na nilalang.
"Isang kibaan?" ani ng dalaga na siyang unti-unti ngang winala ang puting ilaw mula sa kaniyang palad.
"W--wala akong intensyon na saktan ka o ano pa man," ani ng Kibaan na siyang sinubukan ngang lapitan ang dalaga ngunit agad siyang pinigilan nito sa pamamagitan ng pagtaas ng kaniyang palad.
"Sinabi nang huwag kang lumapit sa akin!"
"Kailangan ko lamang ang iyong tulong Punong Lakambini Aisha," ani ng Kibaan na siyang tuliro nga ngayong inilibot ang paningin.
"Huwag mo akong lilinlangin Kibaan, kakampi mo ba sila? Kakampi mo ba ang mga ravena?" sunod-sunod na tanong ngayon ng punong lakambini na siyang agad ngang inilingan ng Kibaan.
"Hindi ako kakampi ng Kaharian ng Aeras Lakambini," ani ng Kibaan.
"Kung gayon ay ano ang tunay mong pakay Kibaan?"
"Ako si Tunku isang Kibaan na nangangailangan ng tulong mo gayon isa kang babaylan at may kaalaman sa pagpapagaling," tugon ng Kibaan dahilan upang unti-unting ibaba ng dalaga ang kaniyang palad na nakatutok sa Kibaan.
"Ang aking ina"--ani ng Kibaan na ngayon ngay napapunas ng kaniyang mga luha sa mata--"siya ay hindi makatayo at nahihirapang makahinga."
Nagpakawalang tuluyan ng isang napakalalim na buntong-hininga ang babaylan.
"N--nasaan ang iyong ina?"
_________________________
"Halos isang buong linggo na rin nating hinahanap ang kuta ng mga taga-Fotia maginoo ngunit talagang mahirap silang hanapin," ani Mahalia na kakarating lang sa kanilang pinagtataguan upang ihayag ang balitang wala ni isa siyang nasumpungan na taga-Fotia sa kaniyang paghahanap sa dakong silanganan.
"Ako rin maginoo, wala akong nahanap sa aking paglalakbay ngunit nagkaroon naman ako ng tyansang makakuha ng mga halamang magagamit ko sa aking paggawa ng kabal," saad ni Shakir na siyang marahang tinanguan ng matanda.
"Maging kami ni Ebraheem ay wala ring nasumpungan maginoo," ani naman ni Afiya nang ibaling sa kaniya ng matanda ang tingin.
"Kung gayon ay lilipat tayo sa pangalawang plano," buntong-hiningang saad ng matanda dahilan upang kunutan siya ng noo ng mga ito.
"Ikalawang plano maginoo?" kunot noong tanong ni Ebraheem.
"Lalabas at lalabas din ang mga taga-Fotia sa oras na magutom ang bawat isa sa kanila. At alam kong alam niyo na kung saan sila magtutungo sa sandaling magutom ang mga ito--"
"Sa Geo o sa mundo ng mga tao," patuloy ni Mahalia sa ibig ipahiwatig ng matanda.
"Mararamdaman o maririnig natin ang pagsigaw ng bawat taong hihingi ng tulong kaya't ang dapat lamang nating gawin sa ngayon ay ang hintayin ang mga hiyaw na ito. Pansamantala ay nais kong magpalakas muna ang bawat isa sa inyo dahil sa sandaling mag-umpisa ang hiyawan ay malaki at maraming labanan ang magaganap."