Kabanata 2
SOBRANG pagod na pagod si Althea nang umuwi siya galing trabaho. Sinalubong siya kaagad ng kanyang kapatid na may Down syndrome. Isa itong sakit na kung saan may extra chromosome ang kanyang kapatid na si Brandon. Dalawa na lamang sila ng kapatid kung kaya’t puspusan ang pagsisikap ni Althea upang mapunan ang mga dapat na kailangang bilhin. Mabuti na lamang at nasanay ang kanyang kapatid na nasa bahay lang at kahit papaano ay nakakaya na nitong maging independent.
Ngunit maaga pa rin siyang nagigising dahil kailangan niyang maghanda ng kanilang makakain. Nagluluto na rin siya ng pagkain para sa pananghalian ng kapatid. Sa hapon naman ay hindi pwedeng mahuli siya ng uwi dahil importanteng kasabay niyang kumain ang kapatid. Ayaw niya itong ma-stress lalo pa’t may minsan na matagal siyang nakauwi at lumabas ng bahay si Brandon. Mabuti nalang at may nakakita rito. Hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili kung may masamang nangyari sa kapatid.
“Ate, gutom na ako. Gusto kong kumain ng fried chicken at nilagang talong,” inosenting wika ng kapatid.
“Sige ipaghahanda kita ng mga paborito mong mga ulam, okay? Umupo ka na lamang diyan sa sofa at tatawagin nalang kita kapag handa na ang mga pagkain.”
Tumango si Brandon bilang tugon. Pumasok na muna sa kanyang kwarto si Althea saglit at nagbihis. Itinali niya ang kanyang buhok at lumabas patungong kusina. Nagtungo siya sa refrigerator at binuksan iyon. Kinuha niya ang mga sangkap ng lulutuin. At ilang saglit pa’y abalang-abala na siya.
Minabuti niyang magsaing muna bago umpisahan ang pagluluto ng ulam. Paminsan-minsan ay tinintingnan niya ang kanyang kapatid kung ano ang ginagawa nito. Mabuti na lamang at nakaupo lang ito habang nanonood ng palabas sa telebisyon.
“Ate!” pasigaw na tawag ni Brandon dahilan upang magulat siya. Iniwan niya ang pagluluto at tumakbo patungong sala. “Tingnan mo! Ang idol kong modelo judge sa isang pageant show.”
“Ha?”
Napatitig si Althea sa screen ng telebisyon, “iyang babae?” turo pa niya ito kasi ang naituon sa monitor.
“Hindi ate,” ani nito. Ilang saglit pa’y lumipat ang camera at naituon ito sa isang pamilyar na lalaki. “Siya! Gusto ko ring maging modelo gaya niya!” masayang wika ni Brandon!
“Si Homer Montecilio? Idolo mo siya?” kaswal niyang tanong pero may kabang namumuo sa kanyang puso.
“Kilala mo siya ate? Ang galing naman... ang akala ko ay ako lang ang nakakilala sa kanya.” Hindi pa rin mawala-wala ang galak sa mukha ng kapatid. Mukhang malaki yata ang naimpuwensiya ng modelo rito.
“Matagal mo na ba siyang napapanood diyan?” curious niyang tanong kay Brandon.
“Opo sa katunayan niyan ay nag-send ako ng video greeting sa kanya at napansin niya ito.”
“Ha?”
“Basta ate, teka, nangangamoy sunog na.”
“Ha? Shit!”
Bumalik si Althea sa kusina at pinatay ang kalan. Tiningnan niya ang kanin. Mabuti nalang at sa ilalim lang ng kanin ang nasunog bagay na hindi maiiwasan minsan dahil hindi na siya gumagamit ng rice cooker. Napabuntong hiningang sinunod ni Althea na bigyang pansin ang pagluluto ng kanilang magiging ulam.
Habang nagluluto ay pumapasok sa kanyang isipan ang gwapong mukha ni Homer Montecilio. Hindi niya alam na fan na fan pala nito ang kanyang kapatid bagay na kanina niya lang nalaman.
Mabilis niyang tinapos ang pagluluto kaya nang matapos ay naghanda na siya ng dalawang plato at mga kobyertos. Hindi na niya inilipat ang kanin sa malaking mangkok. Inilagay ni Althea ang kaldero sa gitna ng mesa mismo at tanging mga ulam lang ang kanyang inilagay sa maliliit nilang lagayan.
“Brandon, halika ka na at kumain na tayo.”
“Sige po ate!” pasigaw nitong tugon. Nakakatawa lang isipin na may mga kilalang tao si Althea na mayroong Down syndrome at sobrang tahimik ng mga ito. Kabaliktaran naman ang sa kanyang kapatid. Sobrang ingay nito kapag siya ang kausap. “Gutom na gutom na ako,” ani ng kapatid sabay himas sa tiyan nito.
“Umupo ka na rito. Tapos na ba ang pinapanood mong palabas?”
“Opo ate, tapos na po. Ate, gusto kong maging modelo pwede pa kaya ako?”
Napangiti si Althea, “oo naman kinse anyos ka pa naman, e.” Ginulo niya ang buhok ng kapatid. Pagkatapos ay siya na ang naglagay ng pagkain sa plato nito. “Sa ngayon ay kailangan mo munang kumain para tatangkad ka pa lalo.”
“Opo ate! Balang araw ay makikita ko rin si Kuya Homer. Ang galing niya sobra!”
“Oo magaling siya,” ngumiti siya sa kapatid. “Paki-lower down ng boses mo kasi magkaharap na tayong dalawa, okay?” banayad niyang wika sa kapatid.
“Sorry po ate,” napabungisngis nitong wika.
“Hindi ba parati kong sinasabi saiyo na kapag magkaharap na tayong dalawa ay hinaan mo na ang boses mo?”
Tumango si Brandon, “yes po ate.”
“Good, kumain na tayo para makaligo ka na. Amoy asim na ang kili-kili mo,” biro niya sa kapatid.
“Ate baka suka ang naamoy mo at hindi ang kili-kili ko,” ani Brandon.
Napatingin si Althea sa sawsawan nilang suka at ngumiti. “Iba ang amoy ng suka at iba ang amoy ng asim mo.”
Inamoy ni Brandon ang magkabilang kili-kili nito at sumimangot nang tingin sa kanya. “Hindi naman maasim ang kili-kili ko ate. Wala naman akong masiyadong ginawa. Nanonood lang ako ng telebisyon at natulog.”
“Talaga? Hindi ka lumabas ng bahay?”
Umiling ang kapatid, “hindi po ako lumabas. Kung lalabas ako ay baka masagasaan ako ng maraming sasakyan.”
“Good,” ngumiti siya. “Sige na, kumain na tayong dalawa.”
“Sige po ate.”
Nagpatuloy sila sa pagkain at sarap na sarap ang kapatid ni Althea. Napangiti siya habang pinagmamasdan ito. Kahit sila na lamang dalawa ay masasabi niyang nakaya naman nilang mamuhay. Ilang taon na ang nakalilipas nang mamatay ang kanilang mga magulang dahil sa paglubog ng barko.
Nasa Bohol ang kanyang mga magulang noon dahil may dinalaw na kanilang kamag-anak. Noong araw na pabalik na ang mga ito ay nakansela ang flight ng mga ito kaya gumawa ng paraan ang mga magulang. Susubukan ng mga ito na makaabot sa birthday ni Brandon kinabukasan. May isang barko lang ang pinayagang makabiyahe patungong Cagayan de Oro at doon sumakay ang mga ito. Kahit sobrang sama ng panahon ay hindi na pinansin ng mga magulang ang panganib. At sawing palad na nalunod ang barko na sinakyan. Kinabukasan pa na nahanap ang dalawang bangkay.
Pinilit ni Althea na magpakatatag para sa kapatid. Noong una ay nahihirapan pa siya dahil kaka-graduate pa niya sa kolehiyo kaya nang matanggap siya sa post office ay ginawa niya talaga ang lahat para makaahon sila. Sa awa ng Diyos ay unti-unti na nilang natanggap ang lahat at nagpatuloy sila sa kanilang buhay. Mabuti na lamang at noon pa’y nati-train na nila si Brandon kaya wala siyang gaanong naging problema sa kapatid. Huwag lang talaga siyang mangako sa kapatid dahil matalas ang memorya nito. At kapag hindi niya natutupad ang pangako ay nagwawala ito.
“Tapos na akong kumain ate,” ani nito at uminom ng tubig.
“Pumunta ka na sa kwarto mo at maligo ka na okay? Susunod ako saiyo roon.”
“Tabi po tayong matulog, please.” Ininguso nito ang labi at napatawa si Althea.
“Okay, maliligo muna ako at susunod na ako kaagad sa kwarto mo.”
“Yehey!”
“Sumisigaw ka na naman.”
“Masaya lang po,” napatawas ang kapatid.