Kabanata 1
HINDI inakala ni Althea na may isa pa palang sulat na hindi naigawang maipadala sa kanilang post office sa Tagbilaran City, Bohol. Luma na ito at mukhang hindi nagawang maipaabot sa padadalhan nito ang sulat. Napabuntong hininga siyang kinuha iyon at binasa ang nakasulat sa likuran ng sobre.
“To Homer Montecilio,” basa niya. Nakasulat din ang address kung saan ito ipapadala. Mukhang mamahaling papel ang ginamit dahil bukod sa makapal ito ay may kakaibang halimuyak pa itong dala kahit matagal na. “Sino kaya ang Homer Montecilio na ito?”
Pamilyar kay Althea ang pangalang Montecilio. Parang narinig na niya ito noon pa ngunit hindi niya mawari kung saan at kailan. Basta ang tanging alam niya ay narinig na niya ito noon.
“Oy! Ano iyang hawak mo? May nagpadala sa’yo ng sulat?” tanong ng kanyang kasamahang si Miya.
“At sino naman ang magpapadala sa akin? Isa itong sulat na nakita ko rito sa kakalinis sa buong opisina. Bakit ba kasi hindi sinigurong naipapadala lahat.”
“Patingin nga.” Kinuha ni Miya ang sobra at akmang bubuksan ito ng babae ngunit mabilis niya itong nabawi.
“Ano ka ba hoy! Huwag mo itong pakialaman baka may maghanap nito at tayo pa ang mayari.”
“May maghahanap pa ba niyan? Hindi nga natin alam kung kailan pa iyan ipapadala sana.”
Medyo na curious si Althea sa sinabi ng babae ngunit nanindigan siyang huwag itong buksan. Bilang isang manager ng post office sa kanilang branch ay wala siyang karapatang tingnan ito kahit pa gaano na ito katagal. Dapat at mapagkatitiwalaan sila sa lahat ng bagay.
“Bumalik ka nalang sa trabaho mo ano ka ba. Ako nalang ang bahalang maglinis dito baka may nakita pa akong importanteng bagay rito.
Matagal nang nagta-trabaho si Althea sa post office na ito ngunit sa tanang buhay niya ay never niyang nakitang naglinis ang naunang manager sa kanya. Nasibak ito sa trabaho dahil panay ang liban sa trabaho. Noong isang linggo pa siya na-promote at ngayon lang siya nagkaroon ng oras upang paunti-unting linisin ang malaking oposina na kasalukuyang inokupa.
Sobrang dami pang sulat at iba pang mahahalagang dokumentong nakita si Althea. Napabuntong hininga siyang inisa-isa iyon. Ang nakita niyang sobre kanina ay inilagay niya ito sa kanyang bag. Iwan ba niya parang sinasabi ng kanyang isipan itago ang sobre. Pero wala naman siyang balak na angkinin iyon. Gusto niya lang din protektahan ang laman no’n dahil alam niyang curious si Miya sa sobre. Kilala niya ang kaibigan. Medyo baliw ito paminsan-minsan at ginagawa talaga kung ano ang iniisip nito. Ang masaklap pa roon ay talagang naghahanap ito ng paraan para makuha ang mga bagay na gusto nito.
Natapos ang kanyang paglilinis eksaktong tanghalian na. Palabas na siya ng kanyang opisina mismo nang papasok si Miya.
“Mabuti naman at tapos ka na,” tipid itong ngumiti. “Girl, kanina pa ako naghihintay saiyo.”
“Ha?” napatingin siya sa kanyang relo. “Eksakto pa namang alas dose ha?”
“Kanina pa kaya kita hinihintay. Kanina pa ako tapos sa mga gawain ko.”
“Loka-loka ka talaga. Hindi porket tapos kana ay pwede ka nang lumabas para kumain. Kaya hindi ka napo-promote kasi hindi ka minsan sumusunod sa mga rules natin dito. Sayang ka, ang sipag mo ngunit may sabit ka palagi sa trabaho.”
“Ay sos, kampanti naman akong mapo-promote sa susunod, no! Girl, manager ka namin rito kaya pwede mo akong i-recommend.”
“Gaga!” natawa siya sa kaibigan, “tara na nga!”
Nauna siyang humakbang at hinawakan niya ang braso ni Miya. Hinila na niya ito dahil kahit siya ay nagugutom na rin kanina pa. Sobrang napagod si Althea sa paglilinis dagdagan pa na may maraming alikabok sa mga matagal nang naimbak na mga papel.
Pagpasok nila sa paboritong karenderya kaagad silang dumirtiso sa paborito nilang mesa dahil malapit iyon sa telebisyon. At minsan sila ang may hawak ng remote. Isang oras ang break nila kaya madalas silang nagpapalipas ng oras sa kainan.
“Kibo, saan ang remote ng tevee?” tanong ni Miya sa anak ng may-ari ng kainan.
“Teka lang po at kukunin ko. Itinago kasi ni Mama kanina kasi may dalawang costumer na nag-away dito nang dahil lang sa ayaw no’ng isa ang channel na pinapanood namin.”
“Mga gago pala ang iba ninyong costumer, ano? Sige na kunin mo na ang remote para mailipat ko na sa gusto kong channel.”
“Kung makautos ka wagas, ha,” natatawang wika ni Althea sa kaibigan. Noon pama’y lukarit na talaga si Miya. Minsan may mga naiinis sa kaibigan dahil hambugera din ito. Pero sa kanyang parti ay sobrang nasanay na siya rito. Minsan natatawa nalang siya sa pinagagawa ni Miya at may pagkakataong nagtatawanan lang sila.
Mabilis na bumalik si Kibo at dala na nito ang remote, “ito na po.” Iniabot ng binatilyo ang remote kay Miya.
“Ayan, manood na muna tayo ng balita para alam natin ang chika sa bansa.”
“As usual,” aniya. Panonood saglit ng balita ang ginagawa ng kaibigan bago ito magpalit ng ibang channel.
Nang mailipat ang channel ay kaagad na tumambad sa screen ng telebisyon ang isang gwapong mukha ng isang lalaki. Napapatitig si Althea. Sobrang gwapo niyon at isa itong international model. Hinintay niyang may banggiting pangalan ang news anchor at mukhang dininig nga siya ng langit. Ngunit nang malaman ang pangalan nito at mabilis na tumibok ang puso ni Althea sa sobrang kaba. Homer Montecilio ang pangalan ng lalaki at modelo ito ng isang sikat na model agency na naka-base sa New York. Isa ang lalaki sa mga na-feature bilang highest paid model.
“Hoy!” Marahang hinila ni Miya ang kanyang buhok dahilan para magbalik siya sa kanyang diwa. “Homer Montecilio ang nakapangalan sa sobre at Homer Montecilio ang pangalan ng sobrang yummy na model.”
Ibinalik ni Althea ang mga mata sa screen ngunit ibang balita na iyon. Napabuntong hininga siyang tiningnan ang kaibigan. “Bigla akong kinabahan nang marinig ko ang pangalan niya.”
“Ha? Bakit naman?” kumunot ang noo ni Miya. “Bigla mo bang naisip na bagay kayo? At hindi coincidence ang pagkakita mo sa sulat?”
“Sira ka talaga,” inirapan niya ang kaibigan at napatingin sa kawalan. “Kinabahan ako dahil maimpluwensya ang taong makakatanggap sana nitong sulat.”
“Hala,” nanlaki ang mga mata ni Miya. “Shit, oo nga! Baka kapangalan niya lang at hello! Ang dami kayang magkapareho ang pangalan ngayon kahit apelyedo ay magkapareho na.”
“Kahit na parang hindi ako mapakali,” aniya. Kinuha ni Althea ang kanyang cellphone at nagbukas ng kanyang social media. Kaagad niyang hinanap ang pangalan ng lalaki.
“Ano ba ‘yang tinitingnan mo?” Tumayo si Miya sa upuan nito at lumapit sa kanya. “Hoy, ang bilis mo namang ma-fall. Joke lang ‘yong sinabi ko,” bumungisngis ito.
“Sira! Gusto ko lang makasiguro na hindi taga-Tagbilaran City, Bohol ang modelo na nagngangalang Homer Montecilio.”
May isang page na nagngangalang Homer Montecilio na nag-pop up sa kanya nang siya’y abala sa paghahanap. Pinindot iyon ni Althea. At nagulat siya dahil mahigit limang milyon na ang nakasubaybay sa lalaki! Tiningnan niya ang description ng page at nanlaki ang kanyang mga mata dahil iisa ang address ng Homer na reciever ng sulat at Homer na modelo.
“Naku girl... kapag ‘yan nagreklamo? Paniguradong mawawala ka sa pwesto mo.”
“Sira, bakit naman mawawala ang pwesto ko? Hindi ako ang manager noon kaya hindi naman siguro ako maapektuhan,” aniya.
“Sabagay,” pagsang-ayon ni Miya.
Hindi na muna niya pinansin ang kaibigan. Bagkus ay nagtungo siya sa contact at tinawagan ang kapatid kung kumain na ba ito. Napangiti siya nang sabihing nitong katatapos lang kumain at nagpapahinga na.