ANIKA
"Good morning, hija," nakangiting bati sa akin ni Sister Anna.
Siya ang araw-araw na inspirasyon ko para bumangon at lumaban sa hamon ng buhay habang narito ako sa ampunan. Ang pag-aaruga at masayang mga ngiti niya ang nagbibigay sa akin ng lakas para huwag sumuko kahit mag-isa ako at may kapansanan pa, kasama ang mga taong ngayon ko lang nakilala.
"Kumusta ang tulog mo?" tanong niya dahil sinumpong na naman ako ng labis na sakit ng ulo kagabi, kaya nakatulog akong walang laman ang sikmura.
"Masakit pa rin po ang ulo ko, Sister," mahinang sagot ko kasabay ng pagsapo ng aking kanang kamay sa sintido ko.
Hinawakan niya ako sa braso at marahang hinaplos. "Huwag mo munang pilitin ang sarili mong alalahanin ang lahat. May awa ang Diyos, darating ang araw at kusa mong maalala ang tungkol sa pagkatao mo. Tibayan mo lang ang loob mo," sabi ni Sister Anna sa akin.
Inaya niya akong bumangon para kumain dahil kailangan kong uminom ng gamot. Kahit nahihirapan, pinilit kong makaupo sa wheelchair na nasa gilid ng maliit na kamang higaan ko.
Tatlong buwan na nang magising ako dito sa kumbento, pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong maalala tungkol sa pagkatao ko.
"Salamat, Sister," nakangiti at hinihingal na sabi ko nang nakaupo na ako sa wheelchair.
Sa tulong ng foundation, sinagot nila ang hospital bills ko. Hindi ko alam kung sino ang nag-donate ng malaking halaga para sa gamutan ko, bagay na ipinagpapasalamat ko dahil kahit hindi niya ako kilala, tinulungan niya ako.
"Mamaya, darating si Doktora para matingnan ka, pati na rin ang mga paa mo," sabi ni Sister Anna habang mabagal niyang tinutulak ang aking wheelchair.
"Maraming salamat po, Sister. Utang ko po sa inyong lahat dito sa orphanage ang buhay ko," emosyonal na sabi ko sa madreng nag-aalaga sa akin.
"Naku, palagi ka na lang nagpapasalamat. Hindi ka namin puwedeng pabayaan, lalo na't alam naming nangangailangan ka ng tulong at wala kang ibang masilungan kundi dito sa orphanage."
Kahit kailan, hindi ako magsasawang magpasalamat sa kanilang lahat dito sa ampunan dahil alam ko na kung hindi dahil sa malasakit nila, ay wala na ako sa mundong ito.
Ayon kay Sister Anna, pauwi umano sila galing sa isang outreach nang bigla na lang nilang nakita akong duguan sa gilid ng kalsada at walang malay. Ang hinala nila ay na-hit-and-run ako base na rin sa kondisyon ng katawan ko nang matagpuan nila ako.
Sila na rin ang nagdala sa akin sa ospital, pero dahil wala silang nakuhang kahit anong pagkakakilanlan sa akin, nagpasya ang orphanage na kupkupin muna ako matapos akong lumabas sa ospital na walang maalala at halos hindi maigalaw ang aking mga paa.
I had a serious brain injury, which resulted in memory loss. Hanggang ngayon, walang malinaw na resulta ang pag-iimbestiga namin sa katauhan ko dahil wala namang lumutang na kapamilya ko kahit pa nagtanong-tanong na kami sa lugar na malapit sa liblib na bahagi ng Rizal.
Nagtataka kami kung bakit doon nila ako natagpuan gayong wala namang nakakakilala sa akin sa lugar na iyon. Ang sabi ng mga pulis, imposible raw kasi na isa ako sa mga sangkot sa murder case dahil wala akong malalim na sugat maliban sa sugat sa aking ulo, pero hanggang ngayon ay hindi nila matukoy kung ano ba talaga ang nangyari sa akin noon.
Kahit malungkot ang mag-isa habang wala akong kahit anong maalala, pinili ko pa rin ang lumaban para mabuhay.
"Kumain kang mabuti para may lakas ka mamaya kapag nagsimula na ang treatment mo," nakangiting sabi ni Sister Anna, na siyang personal na nag-aalaga sa akin simula nang dumating ako dito sa bahay-ampunan.
Isa siyang nurse, pero pinili niyang maglingkod sa Diyos. Saludo ako sa tibay ng kaniyang pananampalataya dahil ginagawa niya ang lahat para gumawa ng mabuti habang naglilingkod sa Panginoon.
Ngayon ang schedule ng therapy treatment ko sa kaibigang doktor ni Sister Anna. Isa rin siya sa mga pangunahing sponsor ng ampunan, kaya nagagawa niyang manggamot ng libre sa mga taong may sakit at nangangailangan, gaya ko.
Nang matapos akong kumain, hinatid ako ni Sister Anna sa loob ng silid kung saan naghihintay sa amin si Doctor Rico.
“Kumusta ang pakiramdam mo, A?” tanong agad ni Doctor Rico sa akin.
Ang tawag nilang lahat sa akin dito sa ampunan ay "A" dahil may nakita silang letrang A na pendant suot kong kwintas nang matagpuan nila akong nakahandusay at naghihingalo sa tabing kalsada.
Ngumiti ako sa doktor at sinagot ang tanong niya. Tumayo siya at tiningnan akong makatayo sa wheelchair.
"Sige, humawak ka ng mahigpit d'yan sa magkabilang handle saka dahan-dahan mong ihakbang ang mga paa mo."
Sinunod ko ang mga sinasabi ni Doctor Rico. Determinado akong makalakad na muli, kaya kahit mahirap ay ipinagpatuloy ko pa rin ang gamutan.
"Very good, A," nakangiting puri sa akin ni Doctor Rico, kaya lalo lamang akong na-inspire.
"Matagal ang therapy at gamutan mo, pero dahil determinado ka, ay malaki na ang improvement mo.”
Masaya ako sa narinig ko. Kahit masakit at mahirap, ay pinilit kong gawin ito para sa sarili ko. Kapag kasi nakapaglakad na ako, ay malaki ang tsansa na mahanap ko ang aking pamilya.
Paulit-ulit akong nagtatanong sa aking sarili kung bakit kahit isa sa kanila ay walang naghahanap man lamang sa akin. Marami na akong napagtanungan sa paligid ng ampunan, pero dahil maselan ang kondisyon ko, ay hindi ko na inulit at sinunod ko na lang ang payo ng doktor ko at ni Sister Anna sa akin.
Kailangan ko munang magpahinga at magpagaling bago ko hanapin ang aking pamilya. Ayaw kong maging pabigat sa mga kasama ko dito sa ampunan dahil nakikita ko naman na kahit hindi nila ako kaano-ano, sobra-sobra na ang hirap at sakripisyo nila sa pag-aalaga sa akin. Kaya sinusunod ko ang payo nila dahil para iyon sa kabutihan ko.
“Okay na tayo. Good job, A,” nakangiting sabi sa akin ng doktor ko, kaya napangiti ako.
"Salamat po, Dok. Malaking tulong po sa akin ang bawat treatment at exercise na ginagawa po natin," nakangiting sabi ko kay Doctor Rico.
Nananalangin ako na sana gumaling na ako at muling makalakad dahil gusto ko nang makatayo ng hindi gumagamit ng wheelchair.