ANIKA
"Hija, huwag mong pilitin ang sarili mo na makaalala para hindi sumakit ang ulo mo,” malumanay na payo sa akin ng kaharap kong doktor habang sinusuri niya ako.
“Minsan gumagaling ang mga naging pasyente ko kapag nag-heal na ang sugat, hindi lang physically kundi pati mentally.”
Marahil ay tama siya. Baka kaya hanggang ngayon ay wala akong maalala dahil pinipilit kong makaalala. Paulit-ulit kong pinipiga ang aking utak para may maalala ako kahit kapirasong bagay tungkol sa pagkatao ko, pero hanggang ngayon, bigo ako.
"Maraming salamat po sa gabay at tulong mo lagi, Dok," taos-pusong pasasalamat ko.
Nakangiti siyang tumango at nagpaalam sa akin na babalik sa Sabado para bisitahin ulit ako at tingnan kung may pagbabago ba sa mga binti ko.
May isang staff ng ampunan ang tumulong sa akin na itulak ang wheelchair ko papunta sa harap ng garden para panoorin ang mga batang naglalaro ngayon dito.
Pinagmamasdan ko ang mga batang masayang naghahabulan at naglalaro sa malawak na hardin. Nakatutuwa silang pagmasdan dahil kahit wala silang pamilya, ay hindi nila nararamdaman ang kakulangan sa pagkatao nila dito sa maliit na orphanage dahil nagmamahalan ang lahat dito.
Payapa dito at masaya, kaya minsan, gusto ko na lang isantabi ang paghahanap ko sa aking pamilya at dito na lang mamalagi sa ampunan. Pero kapag naiisip ko na wala akong pagkakakilanlan, nagbabago iyon dahil gusto ko ring balikan ang aking pamilya dahil siguradong hinahanap na nila ako.
Minsan, naisip ko na baka ulila na ako at wala akong kamag-anak, kaya walang kahit sinong kapamilya ko ang naghahanap sa akin.
Kailangan kong ituloy ang gamutan ko para muli akong makalakad. Mas malaki ang tsansa na mahanap ko sila at malaman ko kung ano ba talaga ang nangyari sa akin kapag nakakakilos na ako ng normal at hindi nakatali dito sa wheelchair.
Kung nakakaalala lang sana ako, malalaman ko ang dahilan kung bakit walang naghahanap sa akin. Pero kahit ilang ulit ko nang piniga ang utak ko, hindi talaga ako makaalala.
Muli na namang lumubog ang araw at unti-unti nang dumidilim ang paligid, pero hanggang ngayon, narito pa rin ako sa hardin at tahimik na pinapanood ang bawat paghampas ng hangin sa mga dahon at halaman.
Tahimik akong nakaupo at nagmumuni-muni nang may nakita akong dumating na magarang itim na sasakyan. Nangunot ang aking noo dahil para bang pamilyar ito sa akin, pero hindi ko maalala kung saan o kailan ko ito nakita.
Mula sa kinauupuan ko, nakita kong bumukas ang pintuan at agad na lumabas ang isang lalaking nakasuot ng itim mula sa passenger seat. Agad siyang lumigid sa kabilang bahagi ng kotse at mabilis niyang binuksan ang pinto.
Hindi nagtagal, may lalaking bumaba sa sasakyan. Hindi ko alam kung sino siya dahil hindi ko siya kilala, pero kakaiba ang pintig ng aking puso habang sinusundan ko siya ng tingin, pati na rin ang isa pang lalaking kasama niya hanggang sa tuluyan silang nawala sa paningin ko.
Natulala ako at hindi gumagalaw sa kinauupuan ko. Ganito ako inabutan ni Sister Anna nang lumapit siya sa akin, kaya nagtanong siya kung masama ba ang pakiramdam ko.
“Ayos lang po ako, Sister,” mahina kong sagot.
“Pumasok na tayo sa loob,” malumanay na sabi niya sa akin.
“Sige po, Sister.”
Agad siyang pumunta sa likuran ko at itinulak ang wheelchair na gamit ko.
“May ibabalita ako sa iyo,” narinig kong sabi niya habang itinutulak niya ang aking wheelchair papasok sa ampunan.
“Tungkol po saan, Sister?” tanong ko kay Sister Anna.
“Nakita mo ba ang dumating nating bisita?”
“Opo,” mahina kong sagot.
Biglang kumabog ang aking dibdib dahil malakas ang pakiramdam ko na may kaugnayan ako sa lalaking nakita kong dumating kanina.
“Sino po siya, Sister?”
“Asawa mo raw siya, hija.”
Asawa… may asawa pala ako at nahanap niya ako, kaya pinuntahan niya ako dito sa ampunan.
Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman ngayon. Dapat ay masaya ako at excited na makita ang lalaking sinasabi ni Sister Anna na asawa ko raw, pero hindi ganoon ang nararamdaman ko ngayon.
Pagbukas ng pintuan sa opisina ni Mother Superior Rommy, nadatnan kong nakaupo sa swivel chair ang isang matangkad na lalaking nakasuot ng asul na polo at itim na pantalon.
Sa unang tingin pa lang, alam kong may sinabi siya sa buhay dahil sa uri ng pananamit niya. Nagtama ang aming mga mata. Nakita kong nangunot ang kaniyang noo, pero nanatili lamang akong nakatitig sa kaniya.
“Aren't you going to greet me, Anika?” tanong sa akin ng lalaking pinagmamasdan ko.
Anika?
Ito ba ang pangalan ko?
Gusto ko sanang magtanong sa kaniya, pero tila biglang umurong ang dila ko. Kumibot ang aking mga labi, pero hindi ako nakapagsalita.
“Gaya ng sabi ko sa iyo kanina, na-trauma ang asawa mo, Mr. Reyes,” paliwanag ng aming Mother Superior.
“Wala siyang maalala ngayon, kaya hindi ka niya kilala. Under intensive therapy din siya para makatayo at muling makalakad dahil na-damage ang kaniyang katawan matapos ang aksidenteng kinasangkutan niya, kaya na-paralysed siya.”
Hinilot ng lalaking kaharap ko ang kaniyang noo na para bang frustrated siya sa narinig na kasalukuyang kondisyon ko.
“Thank you for taking care of my wife while she's here. I'll pay every single cent you spent on her and her medical care.”
Naglabas ng tseke ang lalaki at pagkatapos nitong sulatan, pinilas niya ito at inilapag sa harap ng aming Mother Superior.
“I already added an additional one million as a token of appreciation para sa pag-aalaga ninyo kay Anika habang narito siya,” sabi ni Mr. Reyes.
Ang sabi niya, asawa ko raw siya, pero bakit malamig ang pakikitungo niya sa akin?
Nawala ako, nasangkot sa isang aksidente, pero wala akong nakikitang excitement sa mga mata niya habang nakatingin sa akin.
Kahit wala akong maalala, alam ko na hindi ganito ang karaniwang ekspresyon ng asawa kapag natagpuan niya ang nawawala niyang asawa. Tapos, nakita naman niyang hindi pa stable ang pakiramdam ko, pero tila balewala lamang ito sa kaniya.
“Maraming salamat sa donasyon mo dito sa kumbento, Mr. Reyes,” narinig kong sabi ni Mother Superior.
Tumango lang ang lalaking kausap niya at pagkatapos, bumaling sa kasama niyang tauhan at inutusan ito.
“Dalhin mo na siya sa kotse.”
“No! Stop!” agad kong sagot para pigilan sila.
Bumaling sa akin si Mr. Reyes at tiningnan ako sa mga mata. Ramdam ko ang matalim niyang titig na tila ba nagbabanta sa akin na huwag aking magmamali ng sasabihin dahil mananagot ako sa kaniya, pero nilakasan ko ang aking loob.
Nagtaas ako ng aking mukha at sinalubong ko ang kaniyang mga titig. “Paano ako makakasiguro na nagsasabi ka nga ng totoo?”
Napatingin naman sa akin si Mother Superior. Tumango siya at pagkatapos, sinabi niya kay Mr. Reyes na maglabas daw ito ng pruweba.
Itinaas ni Mr. Reyes ang kaniyang kamay. Lumapit naman ang kasama niyang tauhan at may inabot na folder sa kaniya.
“Here's the proof!”
Nakatingin ako sa folder na hawak ni Mr. Reyes. Inabot ko ito at agad binuklat, kaya nakita ko ang pangalan ko sa marriage certificate na nasa harap ko.
Anika G. Kazimir…
Ito ang nakalagay sa dokumentong hawak ko. May pangalan na ako at pagkakakilanlan, pero bakit pakiramdam ko ay hindi ito sapat dahil para bang may kulang pa rin?