"OH, nandiyan ka na pala. Baka gusto mong kumain? Mayroon sa ref, initin mo nalang," si Monica iyon sa kaibigan niyang si Myla na sumilip sa may pintuan ng silid nila ni Althea. Magkakasunod itong umiling. "Kumain na ako eh. Magbibihis at maghihilamos lang ako. May ikukwento ako sa'yo," anito sa kanya. Kung sa tono ng pananalita ni Myla o sa sinasabi nitong ikukwento nito sa kanya siya nakaramdam ng excitement, hindi masabi ni Monica. "Alam mo bang bali-balita sa ospital kanina iyong tungkol sa ex-girlfriend ni Jake?" bungad na sabi ni Myla nang makabalik ito sa kwarto nila ni Althea. Mula sa pagiging busy ni Monica sa pagtutupi ng mga damit na nilabhan niya kanina ay nilingon niya ang matalik niyang kaibigan. Si Althea nang mga sandaling iyon ay mahimbing ng natutulog sa crib nito.

