“SAAN nga pala ang cottage mo? Para maihatid kita,” sabi sa kaniya ni Luther habang naglalakad sila sa dalampasigan.
Kaswal na lang ang usapan nila na para bang walang landiang naganap kanina. Kakakilala pa lang nila pero ramdam na ni Jianna na magaan na agad ang loob niya rito.
“Actually, kagagaling ko lang doon. Gusto ko sanang maglakad-lakad. Nawili lang ako sa pakikipaglaro sa mga alon at sa paggawa ng sandcastle,” paliwanag niya nang maalala niya ang nakakahiyang pagtawa niya nang mag-isa kanina. “Bihira lang kasi ako makapunta sa dagat.”
Nilingon siya ni Luther. “Kaya pala tuwang-tuwa ka kanina,” amused nitong sagot.
“Inakala mo siguro na baliw ako, ‘no?” kagat-labi na tanong ni Jianna.
“Hindi, ah. Akala ko nga, isa kang sirena na nagkatawang lupa,” sagot naman nito, sabay kindat sa kaniya.
Lalo siyang namula. Hindi naman iyon nakaligtas sa paningin ni Luther kaya napangiti ito.
Ang guwapo niya talaga kapag ngumiti!
“Fisherman ka ba?” kapagkuwan ay usisa rito ni Jianna para ibahin ang usapan.
“Oo. Ito lang naman ang isa sa mga ikinabubuhay namin dito bukod sa resort,” sagot nito. “Paminsan-minsan, nagsa-sideline ako bilang tour guide. Kaya naitanong ko kanina kung may tour guide ka na. Balak ko sanang mag-apply.”
Bahagyang nilingon niya si Luther. “Ang sipag mo naman pala. Nangingisda ka na tapos nagto-tour guide ka pa. Ang dami mo sigurong binubuhay na asawa,” biro pa niya na ikinatawa nito.
“Grabe ka naman sa maraming asawa. Sinabi ko lang kanina na maraming babae ang hindi makalimot sa’kin pero hindi ibig sabihin niyon, babaero ako,” depensa nito. “At higit sa lahat, binata pa ako. One hundred percent. May binubuhay lang na kapatid na kaya kailangang kumayod.”
Hindi niya maintindihan kung bakit lihim niyang ikinatuwa ang kaalamang binata pa nga si Luther. Hindi rin niya mapigilan na mapahanga sa huling sinabi nito.
“Dahil diyan, ikaw na ang kukunin kong tour guide,” biglang sabi ni Jianna.
Nilingon siya nito na may nakasilay na pilyong ngiti sa mga labi nito. “Puwede bang tour guide with benefits?”
Naalala niya ang kasunduan nila kanina. At wala siyang balak na umurong.
“S-sure,” kabadong sagot ng dalaga. “Basta galingan mo, ha? Baka iligaw mo ako dito sa isla.”
“Hindi lang ako magaling na tour guide. Pati sa kama, magaling din ako, Kristina,” nang-aakit nitong sagot.
Nag-blush si Jianna. “H-hindi raw babaero, ha? Pero kung magsalita… halatang sanay na sanay na sa bolahan at landian,” hindi napigilang komento niya.
Tumawa ito. “Sa’yo lang naman ako ganito. Siguro kasi, ngayon lang ako nakakita ng kasingganda mo, Kristina. Kung hindi lang ako amoy-isda at hindi nakakahiya sa’yo, kanina pa kita pinanggigilan. Ang sarap mong kainin.”
“A-anong sinabi mo?”
“Ang sabi ko, masarap kainin itong tulingan na dala ko,” mabilis naman na sagot ni Luther at saka itinaas ang bitbit na isda. “Sariwang-sariwa. Parang ikaw,” sabi pa nito, sabay kagat-labi.
Napalunok si Jianna.
Dapat na ba siyang matakot kay Luther? Hindi pa niya naitatanong pero mukhang hindi naman talaga nagkakalayo ang mga edad nila. Pero bakit kung magsalita ito, daig pa nito ang isang sugar daddy na?
O first time niya lang talagang makipaglandian?
Naalala niya na ganoon din kung makipag-usap ang kaibigan niyang si Margarita sa mga lalaking natitipuhan nito. Kaya mabilis magka-boyfriend. Mukhang kailangan na niya iyong gayahin.
“Mas masarap at sariwa pa ako diyan sa isda na dala mo,” nang-aakit din ang boses na sagot ni Jianna, sabay ngiti kay Luther nang magtama ang mga mata nila. “Wanna try me?”
Oh, God. Paano iyon lumabas sa bibig niya?
Bakit parang hindi na lang boyfriend ang gusto niyang matagpuan sa katauhan ni Luther? Bakit parang gusto niyang maranasan ang pagnanasa na hindi pa niya natikman at naramdaman sa buong buhay niya?
Napangiti ang binata. Hinagilap nito ang kamay niya at hinawakan iyon. “Malapit lang dito ang bahay ko,” anito at saka makahulugang tumingin sa kaniya na agad namang nahulaan ni Jianna.
Her chest thundered. Pero nakahanda na siyang panindigan ang naumpisahan na niya nang araw na iyon. Uuwi siya ng Cebu na matagumpay…
Matagumpay na napatunayan sa kaniyang sarili na kahit sandali lang ay kaya rin niyang magrebelde at maging malaya mula sa diktador na ama.
HINDI naman nagtagal ay nakarating na sila sa tapat ng isang bahay-kubo. Kawayan ang mga haligi, pinto, at sahig niyon habang nipa naman ang bubong. Sa tingin niya, sapat lang ang isa o dalawang silid para sa sukat niyon. Gayon man, maaliwalas sa pakiramdam dahil sa mga puno ng niyog na nasa paligid.
“Halika. Pasok ka,” yakag sa kaniya ng binata nang buksan nito ang pintuan. “Pero pasensiya ka na, ha? Siguradong hindi ganito ang bahay n’yo.”
Aminado ang dalaga na nag-alangan siya dahil hindi pa siya nakakapasok sa ganoong uri ng bahay sa buong buhay niya. Natatakot siya na baka bumigay ang sahig o kaya ay bumagsak sa uluhan niya ang bubong niyon. O kaya ay baka liparin iyon ng hangin papunta sa gitna ng dagat.
Para sa katulad niyang ipinanganak na mayaman, ganoon kalala ang takot ni Jianna sa mga oras na iyon habang nakatingin sa bahay-kubo.
Ayaw lang niyang ipahalata kay Luther.
“Sinabi ko naman sa’yo na hindi ako maarte,” sa halip ay sagot ng dalaga at nauna nang pumasok sa loob. Katahimikan ng paligid ang sumalubong sa kaniya. Napalingon lang siya at biglang kinabahan nang marinig niyang isinara ni Luther ang pintong kawayan. “A-akala ko ba may kapatid ka? Bakit parang walang tao dito?’ kinakabahan niyang tanong
“Wala siya ngayon dito. Nasa kapilya para mag-novena.” Pinagpagan nito ang upuang kawayan. “Upo ka muna.”
“Thank you.”
Nang makaupo si Jianna ay saka naman tinungo ni Luther ang munting kusina at inilagay sa lababo ang bitbit na isda.
Napalunok siya. Sana lang talaga, hindi mo pagsisisihan ang desisyon mo na sumama rito, Jianna. bulong niya sa isip habang hinihintay na bumalik ang binata.
Nakakadagdag ng kaba ang katahimikan ng paligid. Tanging munting hampas ng alon sa dalampasigan at kaluskos ni Luther lamang ang naririnig niya. Medyo may kalayuan kasi sa resort na tinutuluyan nila ni Margarita ang kubo nito.
“Okay lang ba kung iwan muna kita rito? Maliligo lang ako. Para naman hindi nakakahiya sa’yo,” paalam ng binata nang balikan siya nito.
Tumango siya. “Okay lang.”
“Puwede mo akong samahan kung gusto mo,” sabi nito at saka bahagyang binasa ng laway ang mga labi nito gamit ang dulo ng dila.
Hindi naman siya nakasagot dahil pakiramdam niya ay nanuyo ang kaniyang lalamunan. Paano hindi siya matutuyuan ng laway kung tumatagos hanggang kaibuturan niya ang malagkit na titig sa kaniya ng binata?
“Sorry, ha. Baka napepreskuhan ka na sa’kin,” kapagkuwan ay saad nito nang mapansin ang pananahimik niya. Napahawak ito sa batok. “Ngayon lang talaga ako nakatagpo ng babaeng tulad mo.”
“H-hindi naman,” sagot ni Jianna at bahagyang lumunok ng laway.
Gumuhit ang malisyosong ngiti sa sa mga labi ni Luther nang umupo ito sa tabi niya. “Kung gano’n, okay lang din sa’yo kung ikaw ang gawin kong agahan?”