CHAPTER 06: Clothes Shop

2192 Words
Lina PUMASOK ang aming sasakyan sa ilalim at madilim na bahagi nitong mall. Napatitig ako sa mga magagarang mga sasakyan dito sa loob na kapwa mga nakahilera. Nakisiksik din si Kuya Darell sa isang bakanteng espasyo. Nang maging okay na ay pinatay na niya ang makina ng kotse niya. "We're here." Kinalas na niya ang suot niyang seatbelt. Niyuko ko din naman ang pinagkakabitan ng seatbelt na suot ko. "Let me." Ngunit siya na ang gumawa niyon para sa akin. May pinindot lang siya at nakalas na ito kaagad. "Salamat, Kuya Darell. Sigurado ka bang sasamahan mo talaga ako dito?" "Oo nga. Hindi kita pababayaang mag-isa dito. Sasanayin na lang muna kita sa ngayon, para sa susunod alam mo na ang gagawin mo. Kaya mo na ang mag-isa." Napangiti naman ako. "Sige. Ang bait mo naman, Kuya." "I'm just concerned about you and Tito. Of course, he'll be worried if something bad happens to you. Ayaw ko rin namang mapahamak ka. Katulad nang sinabi ko, hindi ka pwedeng basta na lang magtiwala sa kahit na kanino dito lalo na kung hindi mo naman kilala. Kaya sa susunod ay magpapaalam ka na kay Tito." "Opo." Nagsuot siya ng sumbrero at sunglasses. Napatitig na lang ako sa kanya. Mas lalo pa siyang gumwapo sa porma niya. "Ayos ba? Gwapo ba ako?" Natawa ako sa tanong niya. "Gwapo talaga kayong magpipinsan." "Sarili ko lang naman ang tinatanong ko. Huwag mo na silang isama. Mas gwapo ako sa kanila." Natawa naman akong muli sa sinabi niya. Binuksan na niya ang pinto sa tabi niya at lumabas. Tiningnan ko naman kung alin doon ang pinindot niya upang bumukas ang pinto. Sinubukan ko ring buksan ang pinto sa tabi ko ngunit ayaw nitong bumukas. Mabilis namang nakaikot si Kuya Darell at siya na ang nagbukas nito para sa akin. "Kuya Darell, alin ba dyan ang pipindutin para bumukas?" "Heto. Hihilahin mo ito para bumukas. Check this out if it still will not open; it might be locked. Pipihitin mo lang 'yan." Itinuro niya sa akin ang bawat pindutan sa loob nitong pinto ng kotse. "Ah, sige. Tatandaan ko 'yan para alam ko na sa susunod." "Madali lang naman 'yan. Ipagbubukas na lang kita palagi." Natawa naman ako sa sinabi niya. Siya na rin ang nagsara ng pinto matapos kong lumabas. May pinindot pa siyang remote control na siyang nagpatunog sa kotse niya. "Let's go." "Opo." Kaagad na rin akong sumabay sa kanya at naglakad kami palapit sa entrance dito sa ilalim ng mall. Hindi naman ito ang kauna-unahang beses na papasok ako sa mall. Simula bata ako ay dinadala na rin ako ni Papa sa mga mall sa province namin. Meron din naman ng mga ganito sa Quezon province. Hindi nga lang madalas ay nangyayari 'yon. Dinadala niya lang ako sa tuwing birthday ko, pasko o bagong taon. Kaya pamilyar na rin ako sa mga ganito. Ipinapasyal niya lang ako noon at kumakain sa Jollibee. Binibilhan niya rin ako ng ternong damit at sapatos. Kahit wala siyang mabili para sa kanya, basta ako ay meron. Ganun ako ka-mahal ni Papa. Hindi ko na naman mapigilang malungkot at maiyak. Naaalala ko siya sa mga lugar kung saan marami kaming alaala. "Are you okay?" tanong ni Kuya Darell kasabay nang pagtitig niya sa akin. Hinubad niya ang suot niyang sunglasses at doon ko nakita ang pamimilog ng mga mata niya. "Hey, why are you crying? May masakit ba sa iyo? Inaway ba kita? Naipit ka ba kanina sa kotse?" Bigla niya akong hinarangan kaya napahinto ako sa paglalakad. Nasa likuran na niya ang entrance kung saan may dalawang gwardya. "W-Wala, Kuya Darell. May naalala lang ako--" Napahinto ako nang hawakan niya ang magkabila kong pisngi at marahang pinunasan ang mga luha ko. "Sinong naalala mo? Baka sabihin nila dito, pinaiiyak ko ang girlfriend ko." Bigla naman akong natawa sa sinabi niyang girlfriend. Mapagbiro talaga siya. "N-Naalala ko lang po ang Papa ko." Hindi ko pa rin napigilang humikbi. Tuloy-tuloy na tumulo ang mga luha ko sa pisngi. "Miss ko na siya." Mabilis naman niya akong niyakap ng mahigpit at hinagod ang likod ko. "It's okay. Just cry. Ganun talaga, hindi maiiwasang maalala mo pa rin siya at nandoon pa rin 'yong sakit sa puso." Napahagulgol ako sa dibdib niya. Hindi naman lingid sa kanila na wala na si Papa. Isang buwan pa lang ang nakalilipas, kaya sariwang-sariwa pa rin sa akin ang lahat. Nasabi na rin 'yon sa kanila ni Ninong. Nilabanan ko ang pighating nararamdaman ko sa mga sandaling ito. Kaagad ko na ring pinakalma ang sarili ko at kumalas mula sa kanya. "S-Salamat po, Kuya Darell." "Lean on me whenever you need to. Here." Isang panyo ang inilabas niya mula sa bulsa niya. Nahihiya man ay tinanggap ko pa rin ito at ipinunas sa mga luha ko. "Salamat, Kuya Darell. Pasensiya na, nabasa ko pa 'yong damit mo. Ibabalik ko na lang sa iyo 'tong--" "Don't mind it. Gamitin mo lang. Take a long, deep breath." Sinunod ko naman siya. Huminga ako ng napakalalim at bumuga. "Pakakainin kita sa loob at ipapasyal para mag-enjoy ka naman. Let's go." Bigla niyang hinawakan ang kamay ko at hinila na patungo sa entrance nitong mall. Napayuko ako dahil nakatitig na pala sa amin ang mga guard. Siguradong nakita nila ang pag-iyak ko. Ni-check pa nila ang nilalaman ng bag ko bago nila kami hinayaang makapasok sa loob. Napalinga ako sa buong paligid. Mas malaki pa ang mall na ito kaysa sa inaasahan ko. Napakaraming mga tindahan. Kaygaganda ng mga dekorasyon. Napakaliwanag dahil sa dami ng ilaw. Marami pa ring tao kahit weekdays ngayon. Ang gaganda ng mga damit at mga sapatos. Siguradong mahal ang mga 'yan. "Gusto mo ba ng bagong damit?" "Ha?" Bigla akong napalingon kay Kuya Darell. "H-Hindi po, Kuya Darell. Nagagandahan lang ako sa kanila." "Come on, sagot ko." "N-Naku, hindi po talaga, Kuya. Ayoko." "I'll take care of it. Huwag ka nang mahiya. Ako ang magbabayad. Come on." Hinila na niya kaagad ako papasok sa loob! "Hindi nga po, Kuya. Naku, nakakahiya." Pilit ko namang hinihila ang kamay ko mula sa kanya! Ngunit mahigpit talaga ang pagkakahawak niya sa kamay ko. "Wala nang hiya-hiya. Ngayon lang 'to. Go get what you want." "Huwag na nga po, Kuya Darell." "Kung ayaw mong pumili ako na ang pipili." "Eiih..." Labis-labis ang hiyang naramdaman ko, lalo't naagaw kaagad namin ang pansin ng mga saleslady na naririto. Kaagad ding lumapit sa amin ang isa. "Ito, maganda 'to. Siguradong bagay 'to sa iyo." Kaagad siyang humugot ng isang t-shirt na naka-hanger at idinikit sa katawan ko. "Good afternoon, Ma'am, Sir!" bati naman sa amin ng saleslady. "Hi. What do you think would suit her?" nakangiting tanong naman sa kanya ni Kuya Darell. Kitang-kita ko ang pagkinang ng mga mata ng saleslady habang nakatitig sa kanya. "H-Huwag nang dress. H-Hindi ako nagsusuot ng dress, Kuya," ani ko sa kanya. "Pero sigurado akong bagay sa iyo ang dress." "W-Wala naman din akong pagsusuutan niyan. Hindi naman ako umaalis ng bahay." "Okay. Kahit tatlong klase na lang ng dress. Then, tops and pants naman ang iba," aniya sa saleslady na ikinagulat ko. "Sige po, Sir. Ihahanap ko po si Ma'am." Kaagad na tumalima ang saleslady at inumpisahan akong hanapan ng mga damit. "A-Ang dami naman, Kuya Darell. Kahit tig-iisa na lang. Okay na 'yon sa akin." "Ako na ang bahala, okay. Hindi na kita tatanungin." Sumilay ang ngiti sa mga labi niya habang nakatitig sa akin. Napanguso naman ako sa sinabi niya. Ang kulit niya pala. Nakakahiya sa kanya. "Stop pouting. You have no idea how lovely you are to me." Bigla akong napahinto sa sinabi niya. Mas lalo namang lumapad ang pagkakangiti niya at marahang pinisil ang pisngi ko. Muling bumalik sa amin ang saleslady na may mga dala nang isang bungkos na mga damit! "Sir, heto na po. New arrival po itong lahat at napakagaganda. Pwede pong i-try ni Ma'am sa fitting room." Nakangiting lumingon sa akin si Kuya Darell. Hindi pa rin niya binibitawan ang kamay ko. "Try them out, and I'll be your judge," nakangiti niyang sabi sa akin. Hinila na rin niya ako palapit sa saleslady. "Dito po, Ma'am. Sasamahan ko na po kayo." Doon pa lang binitawan ni Kuya Darell ang kamay ko. Wala na rin akong nagawa kundi ang sumunod sa saleslady. Nakarating din kami sa dalawang pinto ng fitting room. "Dito po, Ma'am. Kailangan niyo po ba ng tulong sa pagbibihis?" Isinabit ng saleslady sa hanger rack na nasa loob ang mga damit. "Hindi na. Kaya ko na. Salamat." "You're welcome po. Dito lang po ako sa labas, Ma'am, kung kailangan niyo po ako." "O-Okay." Lumabas na rin siya at ako naman ang pumasok sa loob. Isinara ko ang pinto at ikinandado. Napatitig na lamang ako sa nasa sampong pirasong mga damit na ito. May mga dress, pants at blouse. At ang gaganda nilang lahat. Mukhang mahal din ang mga ito. Isusukat ko talaga silang lahat? Napabuntong-hininga ako ng malalim. Kaagad ko nang hinubad ang t-shirt ko. Inuna ko nang isukat ang mga blouse. Saktong-sakto lang silang lahat sa akin. Sobrang gaganda ng mga kulay at design. Sexy tingnan. Kinuha ko ang dalawang pantalon at isinukat na lamang sa leeg ko ang mga baywang nito. Kasya naman siguro sila sa akin. "Lina." "Ay! Kabayong bakla!" napasigaw na naman ako sa gulat dahil sa pagkatok ni Kuya Darell sa pinto! Narinig ko naman ang malakas niyang pagtawa mula sa labas! "Kuya Darell naman, eh." Muli na naman akong napanguso. "Ang tagal mo kasing lumabas. Patingin nga ako. 'Di ba ako ang judge mo." "Sandali lang po." Saktong naisuot ko na ang isang color pink na dress. Humakab ito sa katawan ko. Umabot lang ang haba nito hanggang sa tuhod ko. Lumampas pa doon ang haba ng suot kong short. Litaw ang mga braso ko at medyo mababa ang collar sa dibdib. Pero hindi naman kita ang s**o ko. Napatulala ako sa hitsura ko sa harap ng salamin. "Ang ganda," naibulong ko sa sarili ko. Saktong-sakto lang ito sa akin at nagmukha rin akong seksi. Akala ko ay hindi babagay sa akin ang dress, pero iba pala kapag naisuot na. "Lina, patingin. Ang tagal mo naman." Muling nangatok sa pinto si Kuya Darell. "E-Eto na, Kuya." Binuksan ko na rin ang pinto at ipinakita ito sa kanya. Bumungad naman siya sa akin sa labas. At kitang-kita ko kung paano siya natulala sa akin. Lumibot ang paningin niya sa kabuuan ko kasabay nang pag-awang ng mga labi niya. Nakaramdam naman ako ng hiya at pagkailang. "Lovely. You look so beautiful." "N-Nahihiya ako, Kuya Darell. Hindi ko naman 'to masusuot sa bahay." "Pwede mong isuot kapag may party na pupuntahan or ... date. Ipagpapaalam kita kay Tito." "D-Date?" "Yeah. Date. Tayong dalawa." Hindi ako nakasagot sa sinabi niya. Magdi-date kaming dalawa? Papayag naman kaya si Ninong? "K-Kapag pinayagan na lang ako ni Ninong." "Ipagpapaalam naman kita. So, payag ka na?" "Ha?" "Na liligawan kita." "A-Ayaw ko pa ng ligaw, Kuya. Pasensiya na. Kung ang kapalit nito ay panliligaw mo, huwag na la--" "No. No. No. Walang kapalit 'yan. I'm not asking for anything in return. I swear." Itinaas pa niya ang kanan niyang kamay na tila nanunumpa. "That's my gift for you. Isipin mo na lang na birthday mo. Kailan ba ang birthday mo?" "September 2 po." "Malapit na. Sakto. We only have to wait a little more than a month. Isipin mo na lang na advance gift ko 'yan para sa iyo." Hindi kaagad ako nakasagot sa sinabi niya. "Tanggapin mo na. Bagay na bagay sa iyo. Mas lalong lumitaw ang ganda mo." Nag-init ang pisngi ko sa sinabi niya. "You look even more beautiful when you blush." Bigla akong napatakip sa mukha ko dahil sa sinabi niya! Narinig ko naman ang pagtawa niya. "M-Magpapalit na po ako, Kuya Darell. Okay na po ito sa akin." "Alright." Muli na akong pumasok sa loob at mabilis na hinubad ang dress. Hindi ko na sinukat ang iba pa. Tama na ito sa akin. Kaagad na rin akong nagbihis at isinakbat muli ang bag ko sa balikat ko. Isinabit ko nang lahat ang mga damit sa braso ko at lumabas ng fitting room. Naririto nang muli ang saleslady. "Okay na po, Ma'am? Akina po." Kaagad siyang sumalubong sa akin at kinuha ang mga damit. "Miss, ito lang isa ang kukunin ko. Tama na 'yan, pasensiya na." Itinuro ko sa kanya ang dress na kukunin ko. Napansin ko naman ang paghinto niya. "Okay na ba?" Lumapit naman kaagad sa amin si Kuya Darell. "Kuya Darell, tama na itong isa sa akin. Itong dress lang." "Yan lang isa?" Nangunot namang bigla ang noo niya. "Oo, okay na 'yan." Hindi naman siya sumagot. Bumaling siya sa saleslady. "Ibalot mo nang lahat." Napanganga akong bigla sa sinabi niya! "Kuya!" Umaliwalas namang bigla ang mukha ng saleslady. "Benta nila 'yon. Tayo pa lang ang first customer nila." "Pero--" "Sige na, Miss. Pakibalot na lang lahat." "Sige po, Sir." Kaagad na tumalima ang saleslady at dinala lahat sa counter ang mga damit! Hayst! Napakakulit naman po talaga niya. Baka magtaka si Ninong kung bakit may mga bago akong damit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD