Nasa loob kami ng elevator, kami lamang dalawa ang naroroon. May pagitan sa aming dalawa at pareho naming hindi iniimik ang isa’t isa. Gusto ko sanang magpasalamat sa kaniya kaya lang paano ko naman gagawin ‘yon? Alam kong naiinis siya sa akin. At bakit nga naman hindi sya maiinis sa akin eh dinamay ko siya sa kabaliwan ko!? Napabuntong-hininga na lamang tuloy ako.
Tama pa ba itong ginagawa ko?
Pasimple ko siyang sinulyapan mula sa sulok ng aking mga mata. Bigla akong nakaramdam ng hiya dahil nga bukod sa hindi ko maitatangging gwapo siya eh alam ko rin na hindi siya tulad ko na hampaslupa. Peste talaga! Ngayon pa ako nahiya matapos ang ginawa ko kanina!? Naman!
“I-I’m sorry,” panimula ko at bahagya akong napatingin paibaba dahil sa kahihiyan.
“Sorry for what?” malamig niyang tanong at nakatingin lang ang kaniyang mga mata sa pinto ng elevator.
Grabe yung accent niya. Halatang sa ibang bansa siya lumaki. Malamang na galing din siya sa milyunaryong angkan tulad ni Lester. Ang kaibahan lang nila, si Lester ay palaging may kasamang bodyguard, samantalang ang lalaking ito, kung hindi ko pa narinig na ang pinakamahal na suite ang kinuha niya kanina ay hindi ko iisiping ganoon siya kayaman dahil mag-isa lamang siya.
Lester. Ano na kayang ginagawa nila ngayon ng ate ko? Tsk!
“F-For forcing you to lie for me,” utal kong tugon. “T-Thank you… for helping me!”
Eksakto namang bumukas ang elevator at nakapamulsa siyang lumabas dito na animo’y hindi narinig ang sinabi ko. Dali-dali din naman akong humabol muli sa kaniya.
“H-Hey! Wait, Sir Valcarcel—”
“Zieke. Call me Zieke,” agad niyang sabi nang muli akong makalapit sa kaniya.
“H-Ha? Okay lang ba na tawagin kita sa ganoong—”
“S-Sinabi mong magkapatid tayo, hindi ba? Tapos ganiyan ang itatawag mo sa akin!?” aniya na patuloy sa paglalakad.
May kasungitan ang lalaking ito pero may punto nga naman siya. Pero kahit na! Wala naman na kami sa lobby ngayon kaya imposibleng marinig pa nila ang usapan namin, hindi ba?
“R-Rhian! I’m Rhian!” pagpapakilala ko na lang din.
“Ano bang pumasok sa isip mo at ginawa mo ‘yon!?” aniya na patuloy pa rin sa paglalakad. “Don't you know that I can sue you for Identity theft or fraud because of what you did!?"
“I-I’m sorry! Sorry talaga!!!” paulit-ulit kong sabi kasabay din ng paulit-ulit kong pagyuko. “Kailangan ko lang talaga ng tulong mo! M-May kailangan lang talaga akong hanapin dito! Pangako, kapag ikaw naman ang nangailangan ng tulong ko, hinding-hindi din kita tatanggihan! Sorry talaga!”
Parang gusto naman niyang pagtawanan ang sinabi ko. Narating na namin ang kaniyang silid at binuksan na niya ito. Napamaang talaga ako sa ganda no’n. Kahit sobrang yaman ni Lester ay ni kailanman hindi niya pa talaga ako dinala sa ganitong klaseng silid o hotel, pero ang ate ko na kakakilala niya pa lamang ng dalawang linggo ay isinama niya na agad dito! Malamang ay dahil sa sinabi ko sa kaniya noon na hangga’t hindi kami nakakasal ay hindi kami pwedeng mag-s3x, kaya siguro… ganoon na lamang sya kaagad nahumaling sa ate ko. Bakit nga naman hindi? Bukod sa napakaganda ni Ate Via, napakas3xy pa niyang talaga. Walang-wala akong binatbat sa kaniya.
“At anong tulong naman kaya ang kakailanganin ko sa ‘yo?” aniya na nagpabalikwas sa akin para lingunin siya. Dumaan siya sa gilid ko at tuloy-tuloy na naglakad papasok. "What kind of service can you offer me!? Huh?"
A-Ano!?
Dahil sa tanong niyang ‘yon, napayakap ako sa katawan ko at napaatras. Tinitigan ko siya ng masama nang huminto na siya sa paglalakad at lingunin akong muli. Ipinatong niya ng pakrus ang kaniyang mga braso sa kaniyang dibdib at tinitigan din ako na para bang sinusubok.
“S-Syempre hindi ang katawan ko ‘no! Nakalaan ang katawan ko para sa lalaking pakakasalan ko!” ani ko na ikinagulat niya ng bahagya. “P-Pwede kitang bigyan ng discount sa ospital kung saan ako nagtatrabaho! Isa akong nars, kung sakaling sumama ang pakiramdam mo pumunta ka lang do’n at hanapin mo ako!”
“Hmm? You are what? A nurse?” sabi niya na para bang hindi niya inaasahang ganoon ang trabaho ko. Ngumisi siyang muli at inilapag ang kaniyang bag sa sopa saka naghubad ng kaniyang coat. “Oh, really? Well, I’m not sure kung mabibisita kita doon. I am physically fit, and I am also careful with my diet. Maybe we'll meet there when I'm already old and gray."
“At paano mo naman nasabing physically fit ka!? Palagi ka bang nagpapa-check up!?” taas kilay kong tanong sa kaniya. “Hindi mo masasabi ang panahon! Pwedeng ngayong okay ka pero bukas—"
Halos lumuwa naman ang mga mata ko sa pagkabigla nang isa-isa na niyang alisin sa pagkakabutones ang polo niya. Tila naging istatwa ako sa aking kinatatayuan nang bumungad sa akin ang kaniyang matipunong katawan. Nanuyo ang lalamunan ko kaya naman napalunok ako ng kaunti.
S-Sino ba talaga ang lalaking ito? Artista ba siya? Modelo? Bakit para namang napakaperpekto!? Bukod sa napakagwapo ng kaniyang mukha ay nakakaakit din talaga pagmasdan ng kaniyang katawan!
“I know my body. I know when I am strong and when I am weak, and the evidence is probably obvious, isn't it?" sabi niya na para bang tinutukso pa talaga ako lalo.
A-Ano ba naman ito! Hindi! H-Hindi ako dapat nagsasayang ng oras dito! S-Si Lester ang gusto kong makita at hindi ang katawan ng lalaking ito! Naku naman! Ginugulo nya ang isip ko!
“M-Magbihis ka nga! Ang lamig nitong silid, baka magkapulmunya ka pa!” sabi ko sa kaniya kasabay ng pag-iwas ko ng tingin.
“Para kang sira, ang init-init kaya!” sabi niya at saka umupo sa sopa.
M-Mainit? Hmm, mukhang laking aircon talaga ito! Ano pa nga ba!? T-Teka nga, bakit ba nandito pa ako!?
“B-Bahala ka! S-Sige na, aalis na ako. G-Gusto ko lamang magpasalamat sa pagtulong mo sa akin na makaakyat dito. Paalam—”
Tatalikod na sana ako nang bigla naman siyang nagsalita, “Tell me, who are you looking for, and why do you seem so desperate?”
Natigilan ako. Iniisip ko kung dapat bang ibahagi ko pa sa kaniya ang problema ko. Ngayon ko lang siya nakita at nakilala, parang hindi maganda kung sasabihin ko agad ito sa kaniya.
“W-Wala, wala lang ‘yon—”
“Paano mo siya makikita? Alam mo ba kung nasaang silid siya? Sigurado ka bang naririto ang taong ‘yon?” sunod-sunod niyang tanong sa akin na nakapagpakuyom naman ng mga kamao ko. Wala akong maisagot sa kaniya dahil sa totoo lang… hindi ko talaga alam.
“H-Hindi ko alam pero—”
“Pero ano!? Alangan namang katukin mo isa-isa ang mga silid dito?” Halos magsalubong na ang mga kilay niya. “This floor is reserved for those with excessive wealth and influential individuals. What do you think will happen to you if you disturb their privacy?"
Kinabahan naman ako sa sinabi niya at muli akong napaisip. Tama siya. Kahit naririto na ako ay wala pa rin akong pag-asa na malaman kung nasaan sila. Muli, tila naupos na naman ang pag-asa ko. Dapat ko pa bang ituloy ito?
“Oh, f*ck! Can you please stop making that face? It's annoying!" iritable niyang sabi na napamasahe pa ng kaniyang noo.
“H-Ha!? Sorry! K-Kasi… kasi—” pakiramdam ko ay pinapagalitan niya ako. Nanginginig ang mga labi ko dahil gusto ko pa din magpakatatag pero ewan ko ba, naluluha ako. “Ang totoo… h-hinahanap ko ang fiancé ko. Lester, Lester Gocheco ang pangalan niya. N-Nakita ko silang pumasok dito kanina kasama ng babae niya. I-Ikakasal na kami sa susunod na linggo a-at… at ayaw kong magpakasal ng ganito! Na alam kong may kahati ako sa kaniya! S-Sa totoo lang… hindi ko talaga alam ang gagawin ko pero gusto kong makasigurado kung… kung niloloko niya ba talaga ako, o kung mahal niya pa ako!? G-Gusto kong malaman... kung ano ang totoo!”
Hindi ko magawang sabihin sa kaniya na ang babae ng fiancé ko ay walang iba kung hindi ang nakakatanda kong kapatid. Kahit na ganoon ang ginawa sa akin ni ate, hindi ko alam kung bakit hindi ko maatim na siraan siya sa ibang tao. Simula pagkabata… si Ate Via ang tagapagtanggol ko kaya naman hindi ko talaga matanggap na siya ang babae ni Lester!
“How certain are you that that is indeed your boyfriend's woman?” aniya na hindi man lamang lumilingon sa akin dahil abala siya sa kaniyang cellphone.
Nanginig ang mga kamao kong mahigpit na nakasara dahil sa magkakahalong emosyong nararamadaman ko. Gayon pa man, may bahagi sa puso ko na handang ayusin at kalimutan ang lahat kung sakaling malaman ko na ako pa rin ang gusto ni Lester.
“I… I saw them. She kissed him,” tugon ko kasabay ng pagpatak ng aking luha na agad ko namang pinunasan.
Sandaling nabalot ng katahimikan ang silid. Nag-iisip ako pero parang wala namang pumapasok na sagot sa isip ko kung ano na ang dapat kong gawin. Kahit naririto na ako, hindi ko pa rin alam kung paano ko sila hahanapin. Marahil… marahil dapat ko ng tigilan ito. Siguro… namalikmata lamang ako kanina. B-Baka hindi naman ‘yon sila. Baka… nagkakamali lang ako ng akala!?
“P-Pasensya na sa abala. U-Uuwi na lang nga siguro ako—”
“It’s here already,” bigla niyang sabi at isang sobre ang biglang lumusot sa ilalim ng pintuan. Nilingon ko iyon at nangunot ang noo ko sa pagtataka lalo na nang sabihin niyang, “Take it! It’s yours.”
“S-Sa akin?” pag-uulit ko.
Nag-aalangan pa akong kunin iyon ngunit dahil sa napapaisip ako kung ano ‘yon, kinuha ko nga ito at marahang binuksan. Ano ba ito?
Nanlaki ang mga mata ko sa pagkagulat nang makita ang isang card key sa loob nito. Agad kong nilingon si Zieke na may magkahalong gulat at pagtataka.
S-Sandali! Huwag niyang sabihing ito ay—
“That is a duplicate card key in their room. It also has the room number so you can find it easily.”
“H-Ha? Teka! Paano mo nakuha ito!? I-Ito ba talaga ang card key sa kanilang silid!? Sigurado ka bang—”
“Can you please just be quiet and leave? Don't waste my effort!” buntong-hininga niya saka ako muling tinignan. Tila seryoso siya ngunit sa mga oras na ‘yon… nakikita ko ang pag-aalala sa kaniyang mga mata (o baka imahinasyon ko lang ito?). “Just go. Good luck.”