“WHAT DO you want?”
“’Yung t-shirt. Ang ganda ng pagkaka-hand paint nila, eh. Hindi ko maintindihan ang message. Cool, ‘di ba?”
“Tagilid talaga ang utak mo kahit kailan, Kass.”
“Okay lang iyon. Tatlo, ha?”
Binalingan ni Icen ang nag-iisang bantay ng Picka-Picka Souvenir Shop. “Hindi pa nakakabalik sina Angelo at Nadja?”
“Naku, katatawag lang ni Nadja kanina. Mukhang nag-e-enjoy pa siya sa pakikisalamuha sa mga foreigners sa Caribbean cruise nila ng kanyang Fafa Angelo.” Kinuha ng babae ang kulay itim na card kay Icen at inginuso siya. “Girlfriend mo?”
“Nope,” sagot na niya nang makiusyoso sa counter. “Old friends lang kami.”
“Aba, old friends can be lovers din naman, ah.”
“Ada, asikasuhin mo na lang iyang pinamili namin—“ Tumunog ang cellphone nito. “Excuse me.”
Lumabas ito ng shop upang sagutin ang tumatawag.
“Oo nga. Hindi ikaw ‘yung babaeng thrice na niyang dinala rito,” wika ni Ada. “Pero parang mas bagay kayo ni Ice kaysa dun sa babaeng parang estatwa.”
“Sino? Si Erica? Naku, huwag mo akong ikumpara dun. Normal iyon. Ako, ano…ahm, hindi normal?” Ngumisi lang siya, tumawa naman si Ada.
“Mas okay ang mga abnormal. Hindi tulad ng Erica na iyon. Nakakailang kasi dikitan. Parang malaking kasalanan na dumikit ka sa kanya.” inayos na nito sa isang maliit na paperbag ang mga pinamili nila. “Hindi talaga sila bagay ni Ice. Mukha kasing magulo ang lalaking iyon minsan. At sa tuwing maliligaw sila dito noon, he looked like he was trying so hard not to make mistakes. Which is weird. I mean, hello, tao lang naman tayo kaya may excuse tayong magkamali.”
“Well, wala tayong magagawa. Mahal niya ‘yung babae, eh.”
Nagkibit na lang ito ng balikat. “E, ikaw? Anong drama mo? Talaga bang friends lang kayo?”
“Oo naman.”
“Parang nagsisinungaling ka.”
“Opinyon mo iyan.”
“Pero…talagang hindi ka na-inlove, kahit minsan, sa napakaguwapong lalaking iyon?”
“Minsan,” amin niya. “Pero matagal na iyon.”
“Sayang. Sa tingin ko, mas bagay kayo ni Icen.”
“Sa tingin ko nga rin.”
Tumawa lang ito. “Kung ganon, kapag niyaya ka niyang mangabayo, sumama ka. Tapos, sumakay ka sa kabayo kasama niya. That’s their some sort of tradition here. Kung sino man ang babaeng isasakay ng club member sa kanyang kabayo, iyon ang napili niyang makasama habambuhay.”
“Well, for sure, nakapili na si Ice.” Dinampot niya ang naka-display na botelya ng Stallion Shampoo sa counter. “Ibinebenta rin ninyo ito?”
“Yeah, promotion ni Neiji. Bili ka na rin. Maganda iyan sa buhok, pampaakit ng lalaki.”
“Hindi ko na kailangan niyan. Naakit na kasi ng ibang lalaki ang gusto kong akitin.” Inayos na lang uli niya sa pagkaka-display ang mga shampoo.
Tamang-tama namang pumasok na uli si Icen. “Okay na?”
“Yes, Sir.” Ibinalik na ni Ada ang card nito sa binata. “Enjoy your t-shirt, Sir! Balik kayo, ha?”
“Okay.”
“Thanks, Ada,” aniya rito.
Palabas na sila ng shop nang tila may maalala ang binata. Pagkatapos ay basta na lang nito kinuha ang isa sa tatlong pinakamalaking teddy bear na nakasabit sa display wall.
“You like this?” tanong nito sa kanya. “Take it.”
“Ano ang gagawin ko riyan?”
“I’ve never given you a gift before. So, here.”
Nang bumalik ito sa counter upang bayaran ang teddy bear ay marahan niyang niyakap iyon at dinama ang malambot na balahibo niyon. Kahit hindi niya alam kung para saan at binigyan siya nito ng stuff toy, masaya pa rin siya.
Pero hindi totoong hindi mo pa ako binibigyan ng kahit na anong regalo, Ice.
Dinama niya sa bulsa ng pantalon niya ang kanyang lucky coin. Oo, galing nga iyon kay Icen. Though he didn’t give it to her as a gift. Siya lang ang nag-designate sa lumang piso na iyon na kanyang magiging lucky charm.
“Here.” Isang bungkos ng bulaklak naman ngayon ang ibinibigay nito sa kanya. “Wala rin akong natatandaang nabigyan kita noon ng kahit isang bulaklak.”
With a smile on her heart, she took the flowers. “Talagang dinidibdib mo ang ‘mga huling sandali’ nating ito, ha?”
“Huwag mo na ngang alalahanin kung bakit natin ito ginagawa. Sabi ko nga, let’s just enjoy everyting.” Kinuha nito sa kanya ang malaking teddy bear. “Ako na lang ang magdadala.”
“Sigurado ka? Masisira ang image mo kapag may nakakita siyang bitbit ang pink white teddy na iyan.”
“Hayaan mo sila. Naiinggit lang ang manunukso sa atin.”
“Sa iyo lang.”
“Damayan mo na ako.”
Tumawa lang siya saka nauna ng maglakad. Ngunit hindi siya agad nakalayo dahil muli siya nitong pinagsalikop ang kanilang mga kamay.
“Nakakalimutan mo na yatang kasama mo ako,” wika nito.
At doon lang niya naintindihan kung ano ang ibig sabihin ng HHWWPSSP. Holding Hands While Walking, Pa-Sway-Sway Pa. Saya.
Sumunod nilang pinuntahan ang maliit na convenience store. At parang gusto niyang matawa nang makita ang mga kabayong nakatambay sa labas niyon.
“Kakaiba talaga itong teritoryo ninyo, ano?” sambit niya kay Ice habang patungo sila roon. “Imbes na mga sasakyan e mga kabayo ang nasa parking lot.”
“This is a riding club. Kaya ano pa ang aasahan mo?”
“Sabi ko nga, tama ka.”
Pagpasok nila roon ay agad silang sinalubong ng mga club members ng panunukso. Lalo na si Icen at ang karay nitong teddy bear.
“Wow. We didn’t know you could be this sweet, Ice.”
“You look cute with that teddy, pare. Pa-kiss nga.”
“Pare, pa-picture nga tayo.”
Ngingiti-ngiti lang ang binata. “Hah, sige lang. May araw din kayo sa akin.”
“Matagal pa iyan, Ice. Sa ngayon, ikaw na muna. Who is this pretty woman you’re with? Pinsan mo? Ipakilala mo naman kami.”
“Hindi puwede. May girlfriend ka na, Bax.”
“Wala, ah! Itong sina Jubei, Rolf, Daboi at Pipo lang ang may keychain na. Ako, libreng-libre!”
“Ako rin!”
“Wala akong pakialam.” Nang may magtangkang lumapit sa kanya ay sinalubong iyon ng malaking teddy bear ni Icen. “Sinabi ko bang makakalapit ka? Gusto mo yatang magpalit kayo ng mukha nitong manika, eh.”
“Over protective ka yata ngayon sa babae, Ice,” wika ng nagngangalang Pipo. “That’s something we rarely see in you.”
“Ganyan talaga kapag especial ang babae, ‘tol,” wika ng katabi nitong si Daboi. “Ayaw mong palalapitan sa mga insekto.”
“Lalo na sa mga langaw.”
Nag-high five pa ang mga ito habang ngingiti-ngiti na lang ang ibang club members na may kanya-kanya ng dalang pinamili. Halatang nagtatagal lang ang mga ito roon dahil lang sa kagustuhang makipagkuwentuhan sa mga kapwa members.
“What do you want to have, Kass?”
“Ewan ko. Ano ba ang dapat nating bilhin?”
“I was thinking of having a little picnic sa may End Valley. Alam kong pagod ka na sa kakalakad. Puwede tayong magpahinga roon, maganda pa ang view ng Taal.”
“Sige, ikaw na ang bahala.”
“Kumuha ka na rin ng mga gusto mong kainin…” Napakunot ang noo nito nang tila may maalala. “Nevermind. Dito ka lang sa tabi ko at baka lapitan ka pa ng mga naglalakihang langaw dito.”
“Ang sakit mo namang magsalita, my friend,” reklamo ng isa sa mga members na nakarinig sa sinabi ni Icen. “Minsan din naman, naging dakilang langaw ka, ah.”
“Oo, pero sterilized ako.”
“Ano ka, bred in captivity?”
“Sterilized nga, eh. Pakialamero ka talaga kahit kailan, Thyago.”
“Sorry, tao lang. Na cute. At macho. Deng?! Deng?!”
Kanyang-kanyang version ng tawa ang mga lalaki. Kahit siya ay nahahawa na tuloy sa buhay na buhay na tawanan ng mga ito. habang si Icen ay Napapasimangot na lang habang namimili kung anong de lata ang dadamputin.
“Miss, anong pangalan mo? Ito kasing si Ice, masyadong malihim pagdating sa lovelife niya. Wala kaming mapala sa isang iyan kaya ikaw na lang ang tatanungin namin.” Inilahad pa nito ang isang kamay. “I should give you my name first. I’m Richard Don Robles, guwapo at mayaman.”
“Kassandra Bautista, simpleng cute.”
Nagpalakpakan ang mga members na naroon. Pakiramdam niya ay tinanggap siya sa sirkulo ng mga kaibigan ni Icen. Sayang lang at huli na nang kilalanin siya ng mga ito.
“Wait, did you say Kassandra Bautista?” Kilala niya ang lalaking ito na tahimik lang kanina. Ang mayor ng Sta. Barbara sa Laguna, si Rozen Aldeguer. “Did you happen to know Ret. Col. Bernardo Bautista of Glass Jewel Limited?”
“He’s my father.”
Sumilay ang ngiti sa labi nito. “Pleased to make your acquaintance, Miss Bautista. Give my regards to your father. And that I’m looking forward to doing business with him in the future.”
Oportunista. Iyon lang ang masasabi niya sa isang ito. “Sige, sasabihin ko iyan sa kanya.”
“And by the way, ikaw din ba ang tinutukoy na Kassandra ni Trigger na fiancee nitong si Ice?”
“You two, are engaged?” iyon ang hindi makapaniwalang sabay-sabay na tanong ng mga tao roon.
Hindi niya alam kung paano magpapaliwanag o kung paano sasagutin iyon ng maayos. Kaya sa huli ay ipinaubaya na lang niya kay Icen ang lahat. Na wala rin namang silbi dahil hinawakan na uli siya nito sa kanyang kamay at marahang hinila palabas ng convenience store.
“Hayaan mo na ang mga siraulong iyon,” wika nito nang naglalakad na sila palayo roon. “This is why I told you not to get involved with the twins.”
“Dahil ipinagkalat nilang ako ang fiancee mo? Sorry. Nang magkausap kasi kami, napakuwento na lang ako. Dahil siguro sa gutom. Don’t worry, I’ll fix this bago bumalik si Erica.”
“Nevermind that. Ako ng bahala dun.” Nilingon siya nito. “Nahihirapan ka ba riyan sa mga dala mo?”
Isang maliit na paperbag lang ng mga pinamili nila at ang bungkos ng bulaklak ang tinutukoy nito. “Ayos lang ako. Ikaw diyan ang halos hindi na makalakad ng maayos sa dami ng dala mo.”
Bukod kasi sa teddy bear, bitbit din nito ang paperbag ng inumin nila. “Wala ito. Sisiw. Ako na ang magdadala niyan.”
Kinuha pa nito sa kanya ang paperbag niya. “Icen, kaya ko ng dalhin iyan.”
“Nasa akin na, kaya huwag ka ng kumontra. Ah, there’s the End Valley. Tamang-tama, papalubog na ang araw. Hindi na gaanong mainit.”
Ang End Valley na sinasabi nito ay may sementadong daanan papasok sa isang malawak na tila open field. Green na green ang kulay ng buong paligid dahil ang tanging nakatanim doon ay bermuda grass at ang hilera ng mga puno ng mangga sa hangganan ng lupain. Beyond those trees, were the cliffs. Sa ilalim din ng mga punong iyon nakalatag ang mga wood and steel benches.
“Wow! This is like paradise! Ang ganda!” Itinaas niya ang kanyang mga kamay at ninamnam ang sariwang hangin. “Hay…para akong nagmamaneho ng superbike ko ngayon!”
She closed her eyes and remembered what it always feels like everytime she ride her superbike. Kakaibang freedom ang nararamdaman niya. Parang pag-aari niya ang mundo. Parang kayang-kaya niyang sakupin ang Japan. Napangisi siya sa sariling kalokohan. Pero…ganon talaga ang nararamdaman niya. Kaya kahit kailan, sa kabila ng kaalaman niyang pag-aalala ng kanyang ama dahil sa napili niyang propesyon, hindi niya maiwan ang pagmomotor.
“You love racing that much, huh,” narinig niyang wika ni Icen. “Sa totoo lang, hindi ko akalaing iyon ang magiging ultimate passion mo. Sa tuwing nakikita nga naman kasi kita, lagi ka na lang namimingwit ng lisa at kuto sa ulo mo.”
Hinarap niya ito. “Hoy, excuse me. Wala akong lisa at kuto, ‘no? Lagi lang kasi nagkukuwento ang yaya ko noon tungkol doon dahil ayokong magpatali ng buhok. ‘Ayun, na-paranoid ako kaya lagi na akong parang unggoy na nanghihinguto.” Naupo na rin siya sa puwesto nila, nakapagitan sa kanila ang mga pagkaing binili nila. Sa kabilang bench naman nakapuwesto ang teddy bear at ang bulaklak. “Ang tagal na rin pala nating magkasama, ano, Ice? Biruin mo, first year pa ako nun. Ilang taon na ako ngayon.”
“Magkukuwentahan na naman ba tayo ng edad dito?” He opened the canned softdrink for her.
Inabot naman niya ang ibinigay nito. “Basta ang alam ko, twenty seven na ako at ikaw e…matanda na.”
“Sa mga lalaki, nasa kasibulan pa ang thirty two.”
“Yuck! Kasibulan.”
“Yuck ka dyan. Itapon kaya kita sa bangin?”
“Wala ka ng fiancee na simpleng cute.”
Saglit itong nag-isip bago sumagot. “Okay lang.”
Tumawa lang siya saka iniamba rito ang hawak na canned softdrink nang akma siya nitong hahawakan. “Sige, sige. Ano ha? Itatapon ko sa iyo ‘to. Itatapon ko talaga sa iyo ito—aw!”
Nag-backfire ang banta niya dahil sa mga hita niya tumapon ang laman ng hawak niya sa kakagalaw niya niyon. Mabilis namang tinambakan ni Ice ng tissue ang nabasa niyang pantalon.
“Hay. Ang likot mo kasi.” Kinuha muna nito sa kanya ang canned softdrink para mas maasikaso niya ang sarili. “Even after all these years, napaka-clumsy mo pa rin, Kassandra.”
“Hindi ako clumsy.”
“Anong tawag mo riyan?” tukoy nito sa nabasa niyang pantalon.
“Unfortunate accident.”
“Meron bang fortunate accident?” Pinunasan din nito ang labas ng inumin niya bago iyon binalutan ng tissue at ibinigay sa kanya. “Mag-iingat ka na. Masama ang magtapon ng pagkain.”
“Softdrinks naman ito, ah.”
“Kassandra.”
She just smiled at him as she settled on her seat and watched the beautiful and serene Taal Volcano.
“And even after all these years, Icen, you still take care of me,” wika niya. “Naalala ko pa nung highschool tayo, lagi mo akong inihahatid sa bahay namin dahil utos ng tatay mo. Alam kong gustung-gusto mo na akong iligaw nun tuwing uuwi tayo.”
“And one time, talagang iniligaw nga kita.”
“Dahil tuluyan ka ng binasted ng nililigawan mo,” dugtong niya. “Lakad ako ng lakad nun sa kakahanap ng pulis para sana magtanong dahil ang turo noon ng teacher namin, huwag daw kaming lalapit sa hindi namin kilala. E, lintik naman kasing mga pulis iyon. Kung kailan mo kailangan, tsaka hindi nagpapakita. Anyway, mabalik tayo sa kuwento ko. So, iyon nga, nagpalakad-lakad na lang ako sa paghahanap ng telepono para sana tumawag na lang ako sa bahay namin at magpasundo. Kaso, inabutan ako ng ulan kaya tumambay na lang ako sa isang waiting shed para magpatila ng ulan. And then I saw you running in the heavy rain. Pero hindi mo ako nilapitan. Naisip ko, talagang galit ka nga siguro sa akin kaya hindi mo ako pinansin nun. Kaya naupo na lang ako sa waiting shed at tahimik na umiyak.”
Tumatak sa musmos niyang isip ang eksenang iyon sa buhay niya. Kung saan napaka-hopeless na ng pakiramdam niya at awang-awa siya sa kanyang sarili dahil ang taong inaasahan niyang laging nasa tabi niya ay iniwan siya. Ngunit nagbago ang lahat ng pananaw niyang iyon nang marinig niya ang pamilyar na boses na iyon ng binatilyong si Icen. Nang mag-angat siya ng mukha ay nakita niyang hingal na hingal ito at basang-basa habang nakatingin sa kanya. Wala itong sinabi ng mga ilang sandali hanggang sa kumilos ito at lumapit sa nagtitinda ng cotton candy na kasalukuyang nakasilong din sa waiting shed na kinarororoonan nila. Bumili ng pinakamalaking cotton candy si Icen at sa nanginginig nitong kamay ay ibinigay nito iyon sa kanya.
“Huwag ka ng umiyak. Uuwi na tayo.” Pagkatapos ay inabutan pa siya nito ng pera. “O, piso. Para sa susunod na maliligaw ka, bumili ka lang ng gusto mong kendi at hintayin mo akong dumating.”
Hanggang ngayon, nasa kanya pa ang piso’ng iyon. Dahil mula nang araw na iyon, hindi na nawala pa sa tabi niya si Icen. Hindi na niya kinailangan pang bumili ng kendi dahil hindi na niya kailangang maghintay dito. Ang lumang piso na iyon ang naging karamay niya nawawalan siya ng pag-asa at natatakot. Kahit nasa ibang bansa siya, sa tuwing malulungkot siya ay hinahawakan lang niya ang lumang piso na iyon. Pagkatapos ay maalala niya si Icen at kakalma na uli siya.
“That old coin,” narinig niyang sambit nito. “Don’t tell me…”
“Yeah, my infamous lucky charm,” nakangisi niyang wika saka inilabas sa bulsa ng pantalon niya. “This isn’t exactly a lucky charm, though. This is my connection to the boy who had given me enough courage to pursue my own dream. Na kung sakaling mabigo ako sa mga ginagawa ko ay hindi ako kailangang matakot dahil may mga tao pa ring nagmamahal sa akin na mababalikan ko at tatanggapin ako ng buong-buo.”
“Kass…”
Hinipan niya ang coin at itinaas. “You’ve done a lot for me, Ice. Kahit hindi mo alam, napakalaki ng naging impluwensiya mo sa akin. Natuto akong magpakumbaba nang dahil sa iyo. Sa iyo ko natutunan na hindi naman pala mahirap magpatawad. At posible ang world peace.”
He took the coin and raised it to the sky himself. “Magkano na kaya ang value nito ngayon?”
“Well, kung isasama ang history niyan at significance sa buhay ko, makakabili na tayo ng panibagong bansa.”
“Not bad.” Kinuha nito ang kamay niya at ibinalik sa palad niya ang coin. “Keep it. After ten years na lang natin iyan ibenta para mas mataas ang value.”
But she knew better. Marahil ay pareho lang sila ng iniisip ngayon ni Icen. Na walang katapat na halaga ang importansya ng munting coin na iyon.