NAKARAAN
Ria Peñaflor
"Sir Daemon?"
Namilog bigla ang aking mga mata nang makarinig kami nang mahihinang katok sa pinto at boses ng secretary niya sa labas. Awtomatiko kong naitulak si Sir Daemon hanggang sa magkalas ang mga labi naming dalawa.
Agad din akong gumilid paalis mula sa pinto dahil nakaharang ako. Segundo lamang din ay bumukas ito at bumungad si Leslie.
Nagulat pa siya nang makita ako dito sa loob. "Oh, Ria, nandito ka pala." Napatingin din siya kaagad kay Sir Daemon. "Good morning, Sir. Sorry po, naipit ako ng traffic. May banggaan po kasi kanina sa C5."
"It's okay," sagot naman ni Sir Daemon habang bumabalik na rin sa table niya dala ang folder. "Just update me on today's schedule."
"Okay, Sir. I'll do it right away." Agad ding tumango si Leslie. "W-Wait, ano pong nangyari sa pisngi niyo? Napaano po kayo?"
Ibinaba ni Sir Daemon sa table niya ang folder bago naupo sa swivel chair. "Just an accident," sagot niya bago muling lumingon sa akin.
Napayuko naman akong bigla. "Umm, l-lalabas na po ako, Sir," paalam ko na rin. Pinilit kong maging normal sa kilos at pananalita ko kahit napakahirap niyong gawin.
Ramdam ko pa rin ang napakalakas na kabog ng dibdib ko. Sana lang ay walang napansin sa aming anuman si Leslie.
"Thank you for this, Ria," sagot naman niya na ikinatunghay kong muli sa kanya. "You can go back to work now." Nagbubukas na siya ng laptop niya pero nandoon ang ngiti sa mga labi niya.
"Y-Yes, Sir." Tumango ako at binuksan na kaagad ang pinto.
"Leslie, please bring me a cup of coffee," nadinig kong utos niya sa secretary niya.
"Right away, Sir!" masiglang sagot naman ni Leslie.
Sumunod na rin siya sa akin, pero hindi ko na siya nilingon pa. Tuloy-tuloy na akong bumalik sa cubicle ko.
Gusto ko sanang akuin ang pagtitimpla ng kape kay Sir Daemon, pero siguradong pagtatakhan 'yon ni Leslie. Natural lang na siya ang utusan ni boss dahil siya naman ang secretary. Pero kung hindi siya pumasok ngayon, siguradong maraming aako ng mga gawain niya. Nakasanayan ko na 'yan dito sa loob ng dalawang taon kong pagtatrabaho.
Ang tanong ko lang, sino-sino pa sa amin dito bukod sa akin ang nahalikan na ni Sir Daemon? Ako lang ba o maaaring si Leslie din since sila ang palaging magkasama. Ano nga kaya?
Namigat bigla ang dibdib ko sa isiping 'yon. Pero sa pagkakaalam ko ay may boyfriend si Leslie, at parang wala din naman akong nakikitang kakaiba sa kanya sa tuwing nagkakaharap sila ni Sir Daemon. Parang pangkaraniwan na lang 'yong mga reaction nila at pag-uusap sa isa't isa. Mas nauna din si Leslie sa akin dito. Sa pagkakaalam ko ay nauna lang naman ng ilang buwan at secretary kaagad siya ni Sir Daemon.
Ayon naman kay Susie, ang pinalitan ni Leslie noon ay nabuntis at pinag-resign na ng asawa. Pero may mga tsismis na ang dahilan naman daw nang pagre-resign o pagkakatanggal ng iba pang mga naunang empleyado dito ay dahil sa pakikipag-ugnayan sa mga boss.
Sa oras daw na makipagtalik ka sa mga boss ng kompanyang ito, asahan mong last day mo na rin daw iyon sa trabaho.
Bigla akong kinabahan habang umuupo na sa swivel chair ko. Paano kung sinusubukan lang pala ako ni Sir Daemon? Paano kung kapag nagpatuloy ang pakikipag-ugnayan ko sa kanya, bigla na lang niya akong i-fire?
Shit.
Hindi nga kaya, ako naman ang target niya?
Oh, my God. Hindi. Hindi pwede. Kailangan kong pigilan 'to.
Kailangan ko talagang pigilan dahil wala naman itong mapupuntahan. May fiancée na si Sir Daemon, at mukhang pinaglalaruan niya lang ako. Ang plano niya talaga ay tanggalin din ako dito sa kompanya niyang pinamamahalaan niya.
"Hoy—"
"Ay, anak ka ng kabayo!" napasigaw akong bigla sa gulat nang bigla na lamang magsalita sa tabi ko si Susie.
Natawa siya, pati maging ang mga kalapit naming officemate.
"Grabe, ha? Hindi naman ako mukhang kabayo, no!" ani Susie kasabay nang pagsimangot niya.
"Bakit ka ba kasi nanggugulat?" ani ko sa kanya.
"Hindi kita ginugulat. Ang hina-hina nga no'ng hoy ko, eh. Ikaw lang itong abot hanggang Mars ang imahinasyon."
"Tulala ka yata, Ria," ani Rosel sa kabilang table. "Ano'ng nangyari? Pinagalitan ka ba ni Sir Daemon?"
"Ah, hindi naman," agad kong sagot. "Maayos naman 'yong trabaho ko. May naalala lang akong bigla sa amin." Pareho ko silang binigyan ng pilit na ngiti bago hinarap na rin ang trabaho ko.
"Ano bang nangyari sa mukha ni Sir Daemon?" usisa pa rin ni Susie. '"Di ba, ikaw 'yong huling naiwan dito sa opisina noong Friday? Nandito pa sila no'n ni Ma'am Lucinda, at parang nag-aaway na sila no'n. Naririnig kong sumisigaw si Ma'am Lucinda sa loob ng office ni Sir."
"Tsismosa ka talaga," sagot ko. "Hindi ko alam. Hindi ako nakinig dahil masama 'yan."
"Ikaw naman." Hinampas niya ako sa braso pero mahina lang naman. "Malay mo, lumubha 'yong away nila hanggang sa maghiwalay sila. Eh, 'di hindi na matutuloy ang kasal, at may chance na akong ligawan si Sir."
Napanganga akong bigla sa sinabi niya. Pero napaisip din ako.
Ano kayang naging reaction ng pamilya ni Sir Daemon nang makita ang hitsura niya? Nagalit kaya sila? Hahayaan pa rin kaya nilang maikasal si Daemon sa sadistang babaeng 'yon? Hindi pa nga sila naikakasal, ganyan na kaagad ang ginagawa niya at ipinapakita niyang ugali. Paano pa kaya kung kasal na talaga sila?
Baka mas lalo pa siyang lumala. Baka hindi lang ganun ang gawin niya kay Sir Daemon.
Napabuntong-hininga ako ng malalim. P'wede naman kasing tumanggi si Sir Daemon. Bakit ba kasi tutulungan pa niya ang babaeng 'yon? Mukha namang masama ang ugali no'n. Paano ba niya naging kaibigan 'yon? Maraming may ayaw sa kanya dito sa opisina dahil nagfi-feeling boss na kaagad kahit hindi pa sila kasal.
Akala ko noon dahil lang gusto din nilang sungkitin si Sir Daemon kaya galit na galit sila kay Ma'am Lucinda. Pero sa ginawa ng babaeng 'yon noong Friday kay Sir Daemon, napapatanong na rin ako sa sarili ko. Bakit nga ba?
Muli akong huminga ng malalim. Kailangan ko nang iwasan si Sir Daemon ngayon pa lang. Hindi lang dahil ikakasal na siya, kundi baka nga sinusubukan niya lang ako at ang loyalty ko sa trabaho.
Alam kong mabait siya, pero hindi ko pa rin kilala ang tunay niyang pagkatao. Baka nga may mga lihim silang strategy dito para tumagal ang mga empleyado.
Hayst! Ang tanga-tanga ko. Bakit ba hindi ko kaagad naisip 'yon? Huwag kang bobo, Ria. Huwag kang magpauto dahil lang gusto mo siya.
Sige ka, ikaw ang magiging kawawa sa bandang huli. Pupulutin ka talaga sa kangkungan kapag pinairal mo 'yang karupokan at katangahan mo.
SIMULA noong araw na 'yon ay iniwasan ko na siya. Pinipilit kong matapos ang trabaho ko nang maaga para makauwi rin ako ng maaga. Hindi na ako nag-o-overtime.
Kapag napansin kong late ang dating ni Leslie sa umaga, hindi kaagad ako pumapasok. Hinihintay ko siyang mauna, ganun din ang mga boss. At kay Leslie ko na rin ipinapadala ang mga kailangang documents ni Sir Daemon.
Kapag ipinapatawag niya ako, nagdadahilan ako na masakit ang tiyan at nagkukulong ako sa restroom. Kung minsan pa nga ay nagha-half day ako. Isang linggo kong ginawa 'yon. 'Di bale nang kulang ang sahod ko.
Minsan ay dumadaan siya sa likod ko habang nagtatrabaho ako sa table ko, pero hindi ko siya nililingon at umaarteng focus ako sa trabaho. Pero ramdam ko ang mga palihim at taimtim niyang pagtitig sa akin.
Nakatulong din na naroroon palagi si Ma'am Lucinda sa opisina. Palagi niyang dinadalhan ng mga bulaklak at pagkain si Sir Daemon. Dinaig pa niya ang lalaking nanliligaw. Ang dinig ko mula sa mga ka-officemate ko, nanunuyo daw si Ma'am Lucinda at ilang beses humingi ng tawad kay Sir Daemon dahil sa ginawa nitong karahasan.
Hanggang sa sumunod na araw ay nakita naming ayos na silang muli. Nagtatawanan na silang muli at kumakain sa labas. Habang ako naman ay lihim na nasasaktan.
Pero nang sumunod na gabi, noong sinadya kong mag-overtime dahil wala siya at dumalo sa isang event. Alas diyes na noon at ako na lang ang naiwan sa opisina—paalis na rin sana ako noon, nakatayo na ako at papatayin na sana ang ilaw sa table ko. Pero biglang bumukas ang pinto ng opisina at pumasok siya.
Pero hindi siya mukhang nagulat nang makita ako. May nabasa pa nga ako noong lungkot sa mga mata niya habang nakatitig sa akin.
Kumabog ng malakas ang dibdib ko habang naglalakad siya palapit.
"Why are you avoiding me?" tanong niya sa mahinang tinig. "Did you really think I wouldn't notice?"
Hindi ako nakakilos sa kinatatayuan ko. Ramdam ko ang panginginig ng mga tuhod ko.
"S-Sorry po, Sir—" Nagulat ako nang bigla niyang hilahin ang kamay ko at dinala ako papasok sa opisina niya.
Gusto kong tumanggi pero ayaw sumunod ng katawan ko. Gusto kong maiyak sa halo-halong emosyon na nararamdaman ko. Mis na mis ko siya, pero wala akong magawa, wala akong karapatan, at hindi ko alam kung ano ang totoong pakay niya sa akin. Ayoko namang mawalan ng trabaho kung totoo ngang sinusubukan niya lang ako.
Pagpasok namin sa loob ay agad niya ring isinara at ikinandado ang pinto. Maliliit na ilaw lamang sa kisame ang binuksan niya na nagbigay ng malamlam na liwanag sa paligid. Nagulat na lamang ako nang bigla niya akong niyakap at siniil ng maalab na halik sa mga labi.
Doon ko nalamang nakainom siya. Amoy alak siya, pero napakabango pa rin niya.
"This is our fifth kiss, and I haven't kissed any other woman but you," bulong niya bago niya ako muling hinagkan.
Hindi ko alam kung maniniwala ba ako sa mga sinasabi niya, pero hinayaan ko pa rin siya. Ganito ako karupok pagdating sa kanya. Mabilis akong matangay sa malalambing niyang salita, sa malalambot niyang mga labi, sa init ng kanyang mga halik at higpit ng mga yakap niya.
Pero napansin kong bumaba bigla sa leeg ko ang mga halik niya. Doon naman naglandas ang mga labi niya habang yakap ako ng mahigpit.
"S-Sir Daemon..." Bigla akong kinabahan. "P-Please..." Sinubukan ko siyang pigilan at itulak.
Napahinto naman siya at napatitig sa akin. Mabilis ang kanyang paghinga. Hawak pa rin niya ako habang nakasandal sa pinto.
"What's wrong?" mahina niyang tanong habang nangungunot ang noo. Nanatili siyang nakayuko sa akin at hinahabol ang aking mga mata.
"T-Tatanggalin niyo po ba ako sa trabaho?" Hindi ko alam kung bakit 'yon ang lumabas sa bibig ko, imbes na ang maling gawain naming ito.
"Why would I do that?" natatawa niyang tanong. "Eh, 'di hindi na kita makikita araw-araw."
"S-Sir, k-kasi ... n-natatakot po ako. I-Ikakasal na po kayo—"
"I already told you about the arrangement, didn't I?" agad niyang sagot. "At ikaw lang ang pinagkatiwalaan ko ng ganun... Even if I've ... been with other women before, we never talked like this. Ayoko nang maingay. Gawin lang nila ang trabaho nila ng tahimik, at bayad sila... But if you're worried about your health, don't be. I'm clean, I swear. I always use protection."
"H-Hindi naman po sa ganun..." sagot ko.
"You don't have to be afraid. Hindi naman kita pababayaan. This stays between us, and I'm not letting you go... Ayokong ma-miss ka araw-araw." Hinawakan niya ang pisngi ko at bahagyang iniangat, hanggang sa magtagpo ang aming mga mata. "You're special to me... It hurt when you started avoiding me... Ikaw lang ang ipinunta ko dito ngayon."
"P-Paano niyo po nalaman?"
"The guards, of course."
Oo nga naman. Pero paano 'yon, magtataka ang guard.
"Don't worry about them, you know their loyalty belongs to me," agad niyang sagot na para bang nabasa kaagad niya ang nasa isip ko.
"Sir—"
"Hindi mo ba ako gusto?" malambing niyang tanong. "Ayaw mo ba sa akin?"
Hindi naman ako makasagot. Napaiwas din ako ng tingin sa kanya. Ramdam ko ang paggapang ng init sa aking mukha.
Lumapad namang bigla ang ngiti niya. "You're blushing in the cutest way..." Humaplos ang mga daliri niya sa pisngi ko. "Even in the dark, I can see it clearly."
"Sir, naman, eh." Napakagat-labi ako. Mukhang sili na naman siguro ako ngayon.
Mahina siyang natawa. "Answer my question. Do you like me or not?" Mas lalo pang lumapit sa akin ang kanyang mukha na halos maglapat na naman ang mga labi namin sa isa't isa.
Nalalanghap ko na naman ang mabango niyang hininga na nahahaluan ng amoy-alak.
"Have you noticed? I haven't had a female client in my office all week," aniya. "Parang nawalan na ako ng gana sa kanila... My eyes keep finding you. Even while I'm working, I'm still thinking about you... Don't think I'm just having fun with you. Pagod ako mula sa event, pero ikaw pa rin ang gusto kong makita at makasama ngayong gabi..."
Napatitig akong muli sa kanya.
Hindi ko alam kung totoo itong mga sinasabi niya, pero ang malaking bahagi sa puso ko ay nakikinig at naniniwala sa kanya.
Hinawi niya ang ilang hibla ng buhok kong nagkalat sa pisngi ko at isinumping sa tainga ko. "I was so happy to know you were here. I couldn't resist taking the chance." Bumaba ang mga daliri niya sa mga labi ko, at iyon naman ang marahang hinaplos. "I missed you... Did you miss me, too?"
Marahan akong tumango.
Lumapad namang muli ang ngiti niya niya. "Gusto mo 'ko?"
Napalunok ako, ramdam ko ang malakas na pintig ng puso ko... Puno ako ng takot, pero sa huli'y tumango pa rin ako. "Y-Yes, Sir."
"Daemon ... or Dandan," sambit niya. "Call me that when it's just the two of us."
"D-Dandan?" ulit ko.
Napangiti siya at napakagat-labi habang nakatitig sa akin. "It sounds so sweet ... especially from you."
Napakagat-labi rin ako at 'di na rin napigilang ngumiti.
"Are you ready for the sixth kiss?" bulong niyang muli.
Natawa ako dahil binibilang niya talaga 'yon.
"But maybe ... a kiss won't be the only thing I give you tonight..."
Natigilan ako sa sinabi niya. "A-Anong..."
"Do you trust me?" muli niyang tanong.
Kinakabahan man, pero tumango pa rin ako. Wala na yata akong ibang alam gawin kundi ang tumango na lamang nang tumango sa kanya.
Bigla na lamang nag-alab ang kanyang mga mata. Hanggang sa higitin niya akong bigla at sakupin muli ang mga labi ko.
Naging mas mapusok ito at puno ng init. Halos hindi ako makahinga. Nakakalunod. Nakakatangay ng katinuan.
Binuhat niya ako at dinala sa ibabaw ng office table niya.
At dito na niya ako sinimulang hubaran...