CHAPTER 05: Fourth Kiss

2293 Words
Ria Peñaflor "Eighty-five years old," sambit ni Tiyo Mariano habang nakatitig sa lapida ng puntod ni Mang Morgan. "Pero malakas pa siya noong mga nakaraang linggong nagkita kami sa palengke. Kahit ako'y nalulungkot sa pagkawala niya. Napakabait ng taong 'yan." "Oo nga po, Tiyo. Marami siyang iniwang masasayang alaala sa mga tao dito sa atin," sagot ko habang nakatitig din sa lapida. Nakapalibot dito ngayon ang mga bulaklak na binili kanina ni Daemon sa akin. Tinirikan ko rin ito ng isang kandila. Hindi ko rin mapigilang maluha. Mabigat sa dibdib ang pagkawala niya, lalo na't may kaugnayan siya sa ama ng anak ko—sa lalaking mahal ko. "Mamimis talaga siya ng mga tao. Nakakapanibago na dahil hindi na siya makikita kahit kailan sa tindahan niya," turan muli ni Tiyo Mariano. "Pero siguradong naroon pa rin si Mang Morgan ngayon, Tiyo. Nakatambay pa rin siya sa mga lugar kung saan siya nasanay noong nabubuhay pa siya." "Sigurado 'yon." Nilingon ko ang anak kong naglalaro sa paligid ng mga puntod. Tumatakbo-takbo siya at pinaglalaruan ang mga dahon at bulaklak na nangangalaglag mula sa isang mataas na puno ng ilang-ilang. Kaya sanay na sanay at payapa ang buhay dito ng anak ko. Hinayaan ng may-ari nitong cemetery na nakatayo lang ang ilang mga punong-kahoy at mga halaman dito. Kaya ang mga dumadalaw ay mayroong mga nasisilungan lalo na kapag mataas ang araw. 'Yon nga lang, marami rin kaming nililinis araw-araw. Pero okay lang naman, sanay na ako at libre din ang tirahan namin dito. Tumayo na ako nang maramdaman ko na ang pagkalam ng sikmura ko. "Anak, halika na! Umuwi na tayo!" tawag ko na kay Daeria. "Opo, Mama!" Agad din naman siyang tumakbo palapit sa amin. "Tiyo, nananghalian na po ba kayo?" baling ko naman kay Tiyo Mariano. "Kain po muna tayo." "Mamaya na ako." Humimas siya sa kanyang tiyan. "Nabusog ako ng dalang pagkain no'ng mga nakipaglibing. May mga sandwich pa nga at inumin doon sa plastic, nasa opisina. Kumuha ka doon, hindi 'yon mauubos ng mga tao doon." "Mamaya na lang po, Tiyo. Gusto ko pong kumain ng kanin." "Oh, sige. Ako na ang kukuha doon. Dadalhin ko na lang sa bahay." "Sige po." "Gutom na 'ko, Mama!" ani Daeria sabay hawak sa kamay ko. "Halika na. May ulam pa naman tayo sa bahay." Binitbit ko nang muli ang plangganang pinaglagyan kanina ng mga bulaklak, pati na rin ang supot ng tirang mga kandila. Si Tiyo Mariano ay naiwan na dahil siya ang namamahala dyan, at mayroon pa raw parating mamaya na mga ililibing din. "Mama, kailan babalik si kuya pogi?" Napalingon akong bigla sa anak ko dahil sa tanong niya. Kasalukuyan na kaming naglalakad. Natawa na lamang ako sa tinawag niya kay Daemon. "Kuya pogi?" ulit ko. "Opo, pogi siya, eh." "Marunong ka talaga tumingin ng pogi, ano?" "Pogi nga siya, Mama. Sana siya na lang daddy ko! Kailan kaya siya babalik?" Natahimik naman ako sa sinabi niya. Kung alam mo lang, siya talaga ang daddy mo at may pagkakahawig kayong dalawa. Pero malaki rin ang pagkakahawig niya sa akin. "Sino bang pogi ang tinutukoy mo?" tanong ko sa kanya. "'Yong bumili ng mga bulaklak natin, Mama! 'Yong may lolong patay na." "Hmm, hindi ko alam, anak. Ang mga katulad nilang tao ay abala sa buhay. Marami silang trabaho—maraming mga negosyong pinatatakbo. Kaya matatagalan siguro bago siya makabalik." "Sasabihin ko, Mama, 'pag balik niya liligawan ka niya." "Ano?" Hindi ko malaman kung matatawa ba ako o ano sa sinabi niya. "Hindi mo pwedeng gawin 'yan. May asawa na siya at anak." "Mag-isa lang siya kanina, Mama. Wala siyang kasamang anak." "Meron, nakasakay sila sa ibang kotse." "Bakit hindi sila magkasama? Baka nag-away sila." Natawa naman akong muli. "Baka gusto niyang mapagsolo kanina dahil kinausap pa niya ang lolo niyang namatay. Kalimutan mo na siya, anak. May pamilya na 'yon kaya wala na tayong chance sa kanya." "Gusto ko pa naman siya maging daddy, Mama. Parang mabait siya, eh." "Nandito naman si Mama. Pwede mo rin akong tawaging daddy." "'Di ka naman po lalaki." Natawa akong bigla. "Hay, naku, anak. Ewan ko sa'yo. At saka, paano naman ako magugustuhan no'n? Ako nga itong pangit." "Hindi ka pangit, Mama!" agad niyang sagot sa galit pang tono. Ayaw niya na sinasabi kong pangit ako, madali siyang magalit. "Di ba po, sugat lang 'yan sa mukha mo?! Bibili tayo ng gamot, gagaling na 'yan?!" Napangiti naman ako. "Opo, pero hindi ko alam kung gagaling pa ba si Mama. Mahal ang gamot at wala pa tayong ipon." "Mayaman si pogi, Mama. Hihingi tayo pambili ng gamot sa kanya. Madami nga siya pera, eh." "Hindi pwede, anak. Hindi tayo aasa sa ibang tao, tandaan mo 'yan. Kapag may gusto tayong makamit, paghihirapan natin 'yon. Pag-iipunan natin." "'Pag nag-work na rin ako, Mama. Ako na mag-iipon ng pera." Muli akong napangiti. "Ang bait naman talaga ng anak ko. Sige, hihintayin ko 'yan." "Opo, 'pag laki ko! Maliit pa 'ko, eh." Tuluyan na akong natawa. Nakarating na rin kami sa bahay namin. Concrete naman ito, yero ang bubong pero mataas at may kisame para hindi mainit. Malinis tingnan dahil creamy white ang pintura. May maliit itong sala, kusina, banyo at silid-tulugan naming dalawa ni Daeria. Sa tabi nitong bahay ay nagtayo si Tiyo Mariano ng sariling kwarto niya, as in tulugan lang talaga niya para may private space din siya. Pero dito siya sa bahay kumakain. Nagsi-share naman siya—bumibili siya ng bigas at ulam. Naggo-grocery siya minsan at binibilhan palagi ng mga prutas si Daeria. Sa opisina naman siya gumagamit ng banyo, kung minsan nga ay doon din siya natutulog. Matagal na siyang hiwalay sa asawa dahil nagloko ang asawa niya. May dalawa silang anak, pero may sari-sarili na ring pamilya. Hindi ko alam kung may plano pa ba siyang mag-asawa ulit, pero masaya pa naman daw siya sa buhay niya ngayon na tahimik. Pagpasok namin sa loob ng bahay ay ininit ko na lang ang tira naming pagkain kaninang umaga. May pritong tilapia at gulay pa. Si Daeria ay may pagmamadaling binuhay ang TV sa sala. May 21 inches kaming TV na talagang pinag-ipunan ko noon para sa kanya. Libre din kami sa bill sa tubig at kuryente dito sa cemetery, kaya wala na talaga kaming iisipin pa kundi ang pagkain na lang namin sa araw-araw. Maswerte na nga kami kung tutuusin. Safe pa kami dito dahil may mga guard 24 hours. Hindi naman totoo 'yong mga multo-multo o mga patay na bumabangon, tulad ng sabi nila. May oras din ang bawat dalaw dito. Pagsapit ng alas singko ay sarado na ang gate. Alas siete naman nagbubukas sa umaga. Habang iniinit ko ang mga pagkain sa kaserola ay napatitig ako sa mukha ko sa salamin. Noong una ay kinakatakutan ako ng mga bata at pinandidirihan ng ilan, lalo na 'yong mga hindi nakakakilala sa akin dahil sa mga malalaking pilat ko sa mukha. Madalas, tuwing lumalabas ako at kasama ko si Daeria, gumagamit na lang ako ng hijab para matakpan ang buo kong mukha. Lalo na sa tuwing hinahatid-sundo ko siya sa school. Ayoko lang na ma-bully siya ng mga kapwa niya estudyante. Pero talagang hindi pa rin 'yon maiwasan. Mabuti na lang, matapang ang anak ko. Hindi siya pumapayag na maapi. At paano ba naman ako makikilala ni Daemon sa ganito kong hitsura? Malayong-malayo na ako sa dati, na may makinis na pisngi at pantay na kulay. Dati ay may maamo akong mukha, ngayon mukha na akong aswang at mangkukulam. Naalala kong bigla ang mga araw na nagdaan noon sa amin, sumunod na linggo matapos ang naganap na matamis na halik sa aming dalawa sa opisina. NAKARAAN "Good morning, Sir!" Napalingon akong bigla sa pinto nitong opisina dahil sa malakas na bati ng mga kapwa office staff ko. Monday, at balik-trabaho na naman kami. Tapos na ang dalawang araw na bakasyon ko sa probinsya. Biglang lumakas ang pintig ng puso ko nang maaktuhan ko ang pagpasok ni Sir Daemon sa pinto. Kasunod niya ang mga naggugwapuhan din niyang mga pinsan na boss din namin. "Nabangasan ka, Sir!" "Ano pong nangyari sa mukha niyo?" Umingay ang bulungan ng mga empleyado sa buong opisina. "Good morning, mga Sir!" masiglang bati rin sa kanila ng friend kong si Susie. Para na namang binubulate ang katawan niya ngayon dahil sa matinding kilig, ganundin ang iba pa naming ka-officemate. "Good morning," nakangiting bati din sa kanila ni Sir Daemon at ng iba pa. Hanggang sa biglang magtama ang aming mga mata. Agad akong napayuko sa labis na hiya. "G-Good morning po, S-Sir," bati ko rin pero halos magbuhol-buhol ang dila ko sa tindi ng kabang nararamdaman ko. At mas lalo pang tumindi ang kaba ko nang bigla siyang huminto sa harapan ko. s**t! "Good morning, Miss Peñaflor… How’s the work you left on Friday? Did you finish it?" "Y-Yes, Sir. N-Natapos ko po," nakayuko ko pa ring sagot. Alam naman na niya 'yon, pero bakit nagtanong pa siya? "Just bring it into my office. Please?" Bigla akong napatunghay sa kanya dahil sa sinabi niya. Pero agad na rin siyang tumalikod at nagpatuloy sa paglalakad patungo sa opisina niya. Napatulala na lamang ako at hindi nakagalaw sa kinatatayuan ko. "Hoy, babae." Bigla akong siniko ni Susie na ikinalingon ko sa kanya. Tiningnan niya ako nang may pagtataka. "Bakit ganyan ang hitsura mo? Tingnan mo nga 'yang mukha mo at tainga mo, pulang-pula." "H-Ha?" Napaharap akong bigla sa table ko. Dinampot ko ang compact mirror ko mula sa gilid at agad sinilip doon ang aking mukha. Kita ko nga ang matindi kong pamumula. Namilog bigla ang aking mga mata, at hindi malaman ang gagawin. "Nakakain ka ba ng sili kanina? Mukhang may allergy ka," wikang muli ni Susie. "O-Oo, Bicol Express kasi 'yong ulam ko kanina, luto ni tatay," pagdadahilan ko, pero 'yon naman talaga ang ulam ko kanina bago umalis ng apartment. At luto talaga 'yon ni tatay kagabi. Mabuti nga at hindi nasira. Inilagay ko kaagad sa ref kagabi. Inilabas ko ang face powder ko mula sa bag ko at saglit na nagpahid sa aking mukha. "Dalhin mo daw kay Sir 'yong mga documents," turan muli ni Susie. "Kung gusto mo, ako na ang magdadala—" "Hindi, ako na," agad kong sagot. Ibinalik ko rin kaagad sa bag ko ang face powder, at dinampot ang makapal na folder sa table ko. "Yiieeh, parang iba na 'yan, best, ah." Bigla niya akong nginisihan at sinikong muli sa braso. "Ngayon lang talaga kita nakitang ganyan kapula. Humarap lang sa'yo kanina si Sir Daemon—" "Huwag ka ngang ma-issue," agad kong putol sa sinasabi niya. "Baka makarating pa 'yan sa fiancée ni Sir, lagot ka talaga sa akin." Humagikgik naman siya at naupo na sa silya niya. Inirapan ko na lamang siya at agad nang nagtungo sa opisina ni Sir Daemon. Ilang ulit akong huminga ng malalim dahil papalakas na naman nang papalakas ang kabog ng dibdib ko. Nanginginig din ang mga tuhod ko. s**t. Bakit naman ganito? Para akong aatakehin sa puso! Kumalma ka, Ria. Pansin kong wala pa sa table dito sa labas ng opisina ni Sir Daemon ang secretary niya. Hindi ko alam kung ikakatuwa ko ba 'yon o hindi. Kung nandito na siya, siguradong aagawin niya itong mga dala ko at siya ang magpapasok sa loob. Kumatok muna ako ng marahan sa pinto. "S-Sir Daemon?" Marahan ko na rin itong binuksan at sinilip siya sa loob. Hindi ko siya makita, na ikinakunot ng noo ko. "S-Sir Daemon?" Tuluyan na akong pumasok sa loob. Ngunit nagulat ako nang bigla siyang lumabas mula sa likod ng pinto. Agad din niya itong isinara at ipininid ako dito. "S-Sir..." "You're even more beautiful this morning," bulong niya. Napatingala ako at napatitig sa kanya. Napakaaliwalas ng kanyang mukha at nakapaskil ang matamis na ngiti sa labi. Pero may bandage pa rin siya sa pisngi at bahagya pa rin itong namumula hanggang ngayon. "K-Kumusta po ang s-sugat niyo?" mahina kong tanong. "M-Mukhang hindi pa po magaling." "Pwede mo bang gamutin ulit mamaya?" nakangiti niyang tanong. "H-Hindi naman po ako nurse, eh—" “But you’re more than just my nurse.” Ramdam ko na naman ang pag-iinit ng aking mukha. "Sir, 'e-eto na po 'yong mga p-papers." Marahan kong itinaas ang folder na dala ko. Mas lumapad naman ang ngiti niya habang tinatanggap ito. Muli siyang tumitig sa akin hanggang sa bumaba ang mga mata niya sa mga labi ko. Napakagat-labi ako at napalunok. May kakaibang init na parang unti-unting lumalamon sa paligid namin ngayon. “Do you want a … second kiss?” bulong niyang muli. Bigla naman akong natigilan kasabay nang mas lalo pang paglakas ng pintig ng puso ko. Hindi kaagad ako nakasagot. “Ah, wait… that’s not really a second kiss. I think this is the fourth one, right?” Natatandaan niya talaga? Noong inihatid niya kasi ako sa apartment noong Friday night, hinalikan pa niya ulit ako sa labi bago ako tuluyang bumaba ng kotse niya. Kaya pang-4rth talaga ito ngayon kung mangyayari ulit. Ano'ng gagawin ko? Tama ba ito? Mas lalo pa siyang yumuko sa akin hanggang sa malanghap ko na ang mainit at mabango niyang hininga. Hindi naman ako makaatras dahil matigas na pinto ang nasa likod ko. “Does your silence mean yes?” bulong niya, hanggang sa tuluyan nang lumapat ang mga labi niya sa akin. Huli na bago pa ako makatanggi. Hindi ko rin alam kung bakit hinahayaan ko siya. Mas nangingibabaw sa akin ang nararamdaman ko para sa kanya. Napapikit na lamang ako at ninamnam ang tamis at lambot ng mga labi niya. Nanlalambot ang mga tuhod ko sa mga sandaling ito, at para akong babagsak. Pero agad din niya akong niyakap at ikinulong sa matitigas niyang mga bisig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD