Ria Peñaflor
"Mama, bayad daw po!"
"Huh!" Nagulat ako sa biglaang pagsigaw ni Daeria sa tabi ko. Natauhan akong bigla at muling ibinalik sa kasalukuyan.
Nakita kong may matabang babae na sa harapan namin at may buhat nang isang flower vase. Iniaabot na rin nito ang bayad niyang 100 pesos sa akin.
"Aah..." Agad ko din naman itong tinanggap. "S-Salamat po, pasensiya na." Yumuko na lamang ako sa kanya at ngumiti.
"Mukhang wala sa sarili 'yang nanay mo. Tulala, eh," anito sa anak ko.
"May iniisip lang po si mama ko," sagot din naman ni Daeria sa tabi ko.
"Mamaya na isipin 'yan. Baka hindi kayo mabentahan," turan ng babae bago tuluyang tumalikod at naglakad patungo sa mga puntod. Hindi naman siya mukhang galit.
Pamilyar na ang mga mukha nila sa akin dahil madalas silang dumadalaw dito.
Napabuntong-hininga na lang ako ng malalim. Hindi ko namalayan na masyado na pala akong nadala ng ala-ala na 'yon sa aming dalawa ni Daemon. Malinaw pa rin kasi sa isip ko ang lahat.
Pagkatapos ng halik na 'yon noong gabing 'yon, inihatid pa niya ako sa apartment ko dahil alas diyes na noon ng gabi. Hindi rin ako noon nakatulog. Hindi ko maipaliwanag 'yong kilig na naramdaman ko sa buong magdamag. Buong magdamag ako noong nakangiti at hinahawak-hawakan ang mga labi ko. Pakiramdam ko kasi noon ay nakadikit pa rin sa akin ang mga labi ni Daemon, na nalalasahan ko pa rin ang tamis at sarap ng laway niya. At parang naiwan pa rin sa ilong ko ang bango niya.
Hindi lang kasi ako makapaniwala, na 'yong pangarap kong lalaki na langit para sa akin ay hahalikan ako ng ganoon. At hinding-hindi ako nagsisisi sa first kiss kong 'yon ... hanggang ngayon.
"Mama, parang aalis na po sila!" turan ng anak ko na siyang ikinalingon ko sa mga nakipaglibing kay Mang Morgan.
Isa-isa na ngang sumasakay ang mga tao sa mga sasakyan nila. Ang iba ay naglalakad na patungo na sa kinaroroonan namin.
Muling bumalik ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Lumibot ang paningin ko sa bawat mukha ng mga tao. Nakilala ko sa kanila ang marami sa mga Delavega, kabilang ang mga kapatid at magulang ni Daemon.
Sumakay na rin sila sa mga kotse nila. Maya-maya'y natanaw ko na rin si Lucinda at ang batang babaeng kasama nito. Sumakay na rin sila sa puting kotse. Pero hindi ko makita sa kanila si Daemon.
Tuluyan nang nakalapit sa amin ang mga tao, hanggang sa malampasan kami. Ang iba sa kanila ay pamilyar na sa akin ang mukha. Mga taga-rito lang din sila sa bayan ng Sta. Maria. Marami kasi ang nakakakilala kay Mang Morgan dahil nga siya ang may pinakamalaking bigasan sa palengke.
Matanda na rin kasi si Mang Morgan. Sa pagkakaalam ko ay mahigit otsenta na siya. Nalulungkot din ako sa pagkawala niya. Nakilala ko kasi siyang mabait at masayahing tao. Mabuti na lang nagkaroon sila ng pagkakataon ni Daeria na magkakilala, kahit hindi niya nalamang tunay niyang apo ang anak ko.
Unti-unti na ring lumalapit sa amin ang mga sasakyan. Hanggang sa isa-isa na rin silang lumampas at makalabas ng gate.
"Ang dami nila, Mama. Ang yaman naman nila," ani Daeria sa tabi ko.
Niyakap ko na lamang siya.
Hindi na namin makita ang mga sakay nila dahil masyadong dark ang mga salamin ng kotse.
Pero napatitig akong bigla sa isang kotseng naiwan pa sa loob. Dalawang bodyguard ang naroroon at nakabantay. Tinanaw ko ang pinaglibingan kay Mang Morgan. Isang matangkad na lalaki pa ang naroroon, at sa tindig palang nito kahit nakatalikod ay kilalang kilala ko pa rin.
Daemon...
Muling bumalik ang malakas na kabog ng dibdib ko. Hindi ko akalaing matapos ang limang taon ay makikita ko siyang muli. Naririto pa rin sa puso ko ang damdamin ko para sa kanya. Hindi ko naman siya nakalimutan dahil araw-araw kong kasama ang aming anak.
Napayuko ako kay Daeria. Nakita ko siyang nakatanaw din sa kinaroroonan ni Daemon.
"Mama, gusto kong maglaro—"
"Dito ka lang," agad kong putol sa sinasabi niya. Alam ko na kasi ang gagawin niya. Siguradong pupuntahan niya si Daemon.
"Kukunin ko lang po 'yong laruan ko sa bahay natin, Mama."
"Hindi. Mamaya na lang."
Ngumuso siya at tumanaw muli sa kinaroroonan ng ama niya. Para na naman siyang hindi mapatali. Siguradong si Daemon naman ang target niyang hikayatin na maging papa at asawa ko. Tsk.
Pero napakalabong mangyari niyon, lalo na ngayon dahil siguradong naikasal na siya kay Lucinda. At gulo lang din ang kahihinatnan nito katulad na lang nang nangyari noon. Kaya mas mabuting hindi na kami makilala pa ni Daemon.
Maayos na at tahimik ang buhay namin dito. Mas takot ako ngayon, hindi para sa sarili ko kundi para sa aking anak. Hindi ko kakayanin kapag siya ang nasaktan o may mangyaring masama sa kanya.
Tuluyan nang nakaalis ang mga tao. May ilan ding dumating para dumalaw sa ibang puntod. Namili din sila ng bulaklak sa amin hanggang sa limang piraso na lamang ang matira.
"Mama, bakit ang tagal po niya umalis? Nandoon pa din siya, Mama," ani Daeria sa tabi ko.
Nakatanaw pa rin siya sa kinaroroonan ni Daemon. Magdadalawang oras na ito doong nakaupo at nakatitig lang sa puntod.
Mukhang nahirapan talaga siyang tanggapin ang pagkawala ng lolo niya.
"Baka nagugutom na siya, Mama. Bibigyan ko siya ng tubig," turan muli ni Daeria.
"May mga bodyguard naman siyang kasama, anak," sagot ko. "Gusto niya lang sigurong mapag-isa doon kaya huwag mo siyang pupuntahan. Baka magalit siya."
"Baka kinakausap niya 'yong lolo. Hindi na 'yon magsasalita, Mama. Patay na 'yon, eh."
"Oo nga, pero mararamdaman pa rin naman natin sila kahit patay na. At saka, maririnig pa rin nila tayo... Tingnan mo nga si Lolo Roy, nararamdaman pa rin naman natin siya sa paligid natin, 'di ba? Kahit wala na siya." Ang tinutukoy ko ay ang aking ama.
"Opo... Kasama na sila ni Papa Jesus. Nandoon na din sila ni lolo niya, Mama. Magkasama na sila ni Lolo Roy."
"Tama ka, anak. Magkasama na nga sila doon."
Napatitig din ako kay Daemon. Gusto ko siyang lapitan at damayan, pero hindi pwede. Baka kaunting pagkakamali ko lang ay makilala niya rin ako kaagad.
"Mama, parang aalis na siya!" Muling inugoy ni Daeria ang braso ko.
Napalingon akong muli sa kinaroroonan ni Daemon. Nakita ko nga itong naglalakad na patungo sa kotse. Muling bumalik ang malakas na kabog ng dibdib ko. Napalunok ako at napayakap muli kay Daeria.
Pinagbuksan siya ng pinto ng kotse ng isa sa mga bodyguard niya, hanggang sa tuluyan na siyang makapasok sa loob.
'Di nagtagal ay umandar na rin ito paalis at palapit naman sa amin. Ramdam ko ang bahagyang panginginig ng buo kong katawan.
Napayuko na lamang ako nang makita kong malapit na siya sa amin.
"Babay!" Ngunit bigla na lamang sumigaw at kumaway sa kanila si Daeria. "Babay po!"
"Anak," mahinang saway ko sa kanya habang nananatiling nakayuko.
Mula sa gilid ng aking mga mata ay nakita ko ang paghinto ng kotse sa tapat namin. Mas lalo pang lumakas ang t***k ng puso ko, na pakiramdam ko'y lalabas na mula sa dibdib ko.
"Hi, baby." Narinig ko na lamang bigla ang tinig ni Daemon.
Shit. Napakagat-labi ako.
"Hello po! Uuwi ka na po?!" masiglang tanong sa kanya ni Daeria.
"Yes. Palagi ka ba rito?"
Para akong bibigay sa malambing niyang tinig, na parang katulad pa rin ng dati.
"Opo! Dito po kami nakatira ng mama ko!" sagot ni Daeria.
"Ano'ng pangalan mo?"
"Daeria po!"
"Daeria... such a beautiful name. Kalapit ng pangalan ko, Daemon."
Dahan-dahan akong tumunghay para silipin siya. Pero hinayaan kong nakalaylay sa pisngi ko ang mahaba at makapal kong buhok upang matakpan ng bahagya ang mga pilat ko.
Nakabukas ang bintana ng kotse at nakadungaw doon si Daemon. Naka-sunglasses pa rin siya kaya hindi ko makita ang mga mata niya.
Maya-maya'y bumukas ang pinto at lumabas siya. Natigilan akong bigla nang lumapit siya sa mga paninda naming bulaklak.
"Paninda niyo ba ang mga 'to?" Dinampot niya ang isa sa mga bulaklak.
"Opo! Si Mama ko po gumawa niyan!" sagot kaagad ni Daeria. "Binibigay po sa mga patay! Bili ka na po, pogi!"
Napangiti siya habang pinagmamasdan ang bulaklak. "Magaling kang mambola. Magkano ang isa?" tanong niya.
"One hundred po," sagot pa rin ni Daeria. "One at saka dalawang zero. Dalawang 50 po 'yon!"
"Whoa... ang galing mo. Dalawang 50 ay...?"
"One hundred po," muling sagot ni Daeria.
Ako nama'y napatulala na lamang habang nakatitig kay Daemon. Ramdam ko ang pangingilid ng mga luha sa aking mga mata na mahigpit kong pinigilan.
"So, may five pieces pang natitira. Magkano ang five pieces?" muli niyang tanong.
"'Pag lima po, limang one hundred po 'yon," sagot ni Daeria.
"Ilang 50 kung ganun?" Mas lumapad pa ang ngiti niya habang nakatutok kay Daeria. At nahuhulog pa rin ako sa mga ngiting 'yan hanggang ngayon.
"Umm, teka lang po... bibilangin ko po."
Niyuko ko ang aking anak. Nagsimula siyang magbilang sa mga daliri niya. Hindi ko naman mapigilang ngumiti.
"Dalawang 50 sa isang one hundred, tapos lima ang one hundred. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo, siyam, sampu. Sampu!" bigla niyang sigaw kasabay nang pagtingalang muli kay Daemon. "Sampu po ang 50! Limang one hundred, sampung 50."
Pumalakpak bigla si Daemon. "Whoa! Amazing!" bulalas niya, at tila hindi makapaniwala sa galing ng anak namin. "You’re really good at math subject. Sigurado nagmana ka kay mommy, no? May honor ka ba sa school?"
"Meron po! Nag-i-school na po ako, eh," may pagmamalaki din namang sagot ni Daeria. "Palagi po akong may star at medal, bigay ni teacher! Andoon po sa bahay namin!" Tumuro siya sa direksyon ng bahay namin.
"Very good." Tumango-tango si Daemon. "Pagbutihin mo ang pag-aaral mo, okay?"
"Opo!"
"How old are you?"
"Four po!" Agad ipinakita ni Daeria ang apat niyang daliri.
"Four... Nakakatuwa kang bata... I’ll buy all the flowers, okay?" Naglabas siya ng wallet mula sa bulsa ng coat niya. "Pero hindi ko dadalhin sa bahay namin. P'wede niyo ba silang ibigay sa lolo ko?"
"Si lolo po 'yong nakalibing?" tanong ni Daeria.
"Yes, baby. Mahal na mahal ko ang lolo kong 'yon. Ipagtirik niyo na lang din siya ng kandila, pwede ba?"
"Opo! Dadalhin po namin ito sa kanya ngayon," sagot muli ni Daeria.
"Thank you. You’re such a good girl. Here’s my payment." Iniabot niya sa akin ang ilang piraso ng tig-iisang libo.
Nagulat naman ako. "Ahm, f-five hundred lang po, Sir," sagot ko.
Hindi siya sumagot, pero napansin kong nakatutok siya sa akin at pakiramdam ko rin ay nakatitig. Bahagya ring kumunot ang noo niya.
Muli naman akong napalunok, at napayuko. "S-Susuklian ko na lang po kayo." Agad akong dumukot ng pera sa bulsa ko.
"No need. Just keep the change or give it to Daeria. Just a favor..."
Muli akong tumunghay sa kanya.
Ngumiti siya ng bahagya. "Baka kasi hindi kaagad ako makabalik, pero pipilitin ko. I want to light a candle for Lolo for you every day. If that’s okay?"
Agad akong tumango. "S-Sige, wala pong problema. Lilinisin ko rin po araw-araw ang puntod niya para sa inyo."
"Thank you. Dadagdagan ko pa 'to pagbalik ko." Mas inilapit pa niya sa akin ang ilang piraso ng one thousand pesos.
Wala na akong nagawa kundi ang tanggapin iyon. Yumuko akong muli. "Maraming salamat po. Ingat po kayo, Sir."
Muli siyang tumahimik at napansin kong nakatutok na naman ang mukha niya sa akin.
Lumingon din siya kay Daeria.
"By, baby! I’ll come back next time." Nakipag-high five siya kay Daeria, na agad din namang tinugon ng anak ko habang ngiting-ngiti. "Pwede mo bang bantayan ang lolo ko para sa akin?"
"Opo! Babantayan ko po siya!" masiglang sagot ng aming anak.
"I’ll bring you a gift next time."
"Thank you, po!"
Nakangiti siyang kumaway kay Daeria habang umaatras na pabalik sa kotse niya.
"Ingat po!" pahabol na sigaw ng anak ko.
"Thank you, baby. Kayo din ng mommy mo. Pwede na kayong umuwi." Tuluyan na siyang nakapasok sa loob.
"Opo!"
Ngumiti na lamang siya habang nakatanaw sa amin mula sa nakabukas na bintana ng kotse. Dahan-dahan na rin itong umalis.
Napahabol na lamang din kami ng tingin sa kanya.
Mahigpit kong kinagat ang ibabang labi ko upang pigilan ang emosyon ko. Parang wala pa rin siyang ipinagbago hanggang ngayon. Napakabait pa rin niya.
Na-miss ko siya. Na-miss ko ang yakap at halik niya.