NAWINDANG si Janet sa pagtawag sa kanya ni Zack na ‘darling’. Maaring ganoon lang talaga kalambing sa babae si Zack pero iba ang dating niyon sa kanya. May kibot na iniwan sa kaniyang puso. Hindi naman siya nakakaramdam ng ganoon sa ibang lalaking nakakasalamuha niya sa academy. Pero habang lumilipas ang sandali na magkasalo sila sa hapagkainan ay nagiging panatag ang loob niya na kasama ito. Feeling niya safe siya kapag ito ang kasama niya.
Mabuti na lang hindi na ito muling nagtanong tungkol sa fiancé niya. Kahit malabo nang babalik si Luke ay naroon pa rin ang bakas ng sakit sa puso niya. First love niya si Luke, at halos ito ang bumuo sa pagkatao niya. Kahit minsan nang nagligaw-biro si Erman, hindi siya nadala dahil mas panatag siya na maging kaibigan lang ito. At saka alam din niya na gusto lang ni Erman aliwin ang sarili. Sadyang mahirap din siyang mapaibig.
Naunang natapos kumain si Zack. Tumayo na ito at may kinuha sa refrigerator. Naglabas ito ng apat na hinog na mangga. Pinapanood lang niya ito habang hinihiwa ang mangga at inalis ang laman. Inihulog nito ang laman ng mangga sa nakahandang blender. Nilagyan din nito ng ice cubes, fresh mild at asukal sana sinimulang nag-blend.
“Do you like mango shakes, Janet?” mamaya ay tanong nito.
“Yes if meron,” mabilis niyang sagot.
Hindi na kumibo si Zack. Nang ma-blend ang mango shakes ay isinalin nito iyon sa dalawang baso at nilagyan ng bending strew. Nagulat siya nang ibigay nito sa kanya ang isa.
“That’s for you,” nakangiting sabi nito. “Sa lobby lang ako.” Pagkuwan ay iniwan siya nito.
Hindi pa siya nakapagpasalamat. Naunahan na kasi siya ng hiya. Bakit ba ganoon siya pagdating kay Zack? Madaldal naman siya. Pero kapag ito na ang kaharap niya ay tila sinasapian siya ng ibang elemento.
Kinagabihan ay dumating na si Erman sa templo. Hindi na siya mapapanisan ng laway dahil mayroon na siyang kakuwentuhan. Nag-e-impake siya ng kaniyang mga gamit sa inukupa niyang kuwarto nang pumasok si Erman. Humiga kaagad ito sa kama.
“Nakakapagod din mag-teleport sa malalayong lugar. Bukas ng gabi na lang kaya tayo umuwi, Janet, para naman makapagpahinga tayo. Mag-relax muna tayo rito,” sabi ni Erman, habang pinapanood siya na nagsisilid ng mga damit sa kaniyang bag.
“Sigurado ka? Baka pagalitan tayo,” aniya.
“Sino naman ang magagalit?”
“Ang mga alipores dito sa templo. Siyempre, hindi puwedeng hindi tayo kakain.”
Tumawa nang pagak si Erman. Umupo ito. “Lahat na mga bampira na pumupunta rito ay welcome, basta huwag lang maghasik ng kasamaan. Hindi lang para sa mga ikinakasal o nagpapanata ang templo. Bukas din ito para sa mga bampira na gustong magpahinga. Magpapahinga lang naman tayo. Tingnan mo nga ang sarili mo sa salamin. Halatang pagod na pagod ka.” Pumalatak na ito.
Bumuntong-hininga siya. “Nangako kasi ako kay Hannah na ako ang aalalay sa kanya sa araw ng kasal niya. Gusto ko lang namang makabawi sa kabutihan niya sa akin.”
“Okay, nandoon na tayo, pero huwag mo naman masyadong pagurin ang sarili mo. Basta, bukas ng gabi na tayo uuwi. Ako ang bahalang magpaliwanag kay Hannah.”
Hindi na lamang siya nagreklamo. Wala rin naman siyang magagawa. Pabor din naman iyon sa kanya dahil mas mae-enjoy pa niya ang Germany. Noon, pangarap lang niya na makapunta sa ibang bansa, lalo na sa mayayaman katulad ng Germany. May magandang naidulot din sa buhay niya itong apocalypse. Nakapunta siya sa ibang bansa na walang passport.
Pagkatapos niyang maimpake ang mga gamit ay naligo na siya. May isang oras din siyang nasa loob ng banyo. Doon na rin siya sa loob nagbihis dahil naroon pa rin sa kama si Erman. Humarap siya sa malaking salamin habang sinusuklay ang ga-baywang niyang buhok na tuwid. Sinasabayan niya ng mahinang pagkanta ang kaniyang pagsusuklay. Mamaya ay nasaksihan niya’ng kusang bumukas ang pinto na nasisipat niya buhat sa salamin. Umawang nang kaunti ang pinto kasabay sa pagpasok ng malamig na hanging dumampi sa kaniyang kataan.
Una’y binalewala niya iyon. Nagpatuloy siya sa pagsuklay ng kaniyang buhok.
Janet… narinig niyang tawag sa kanya ng boses lalaki, subalit tila ibinulong lang sa kanyang tainga.
Lumingon siya sa pintong bahagyang nakabukas. Hindi siya mapakali. Lumabas siya. Mahimbing naman ang tulog ni Erman habang nakahilata sa kama. Lalapitan sana niya si Erman nang biglang may kumatok sa pinto. Tinungo na lamang niya ang pinto saka binuksan.
Hindi kaagad siya nakakibo nang mabungaran si Zack. Hindi rin ito kaagad nakaimik dahil nabaling ang tingin nito sa loob ng kuwarto kung saan napansin nito si Erman na nakahiga sa kama. Pagkuwa’y ibinalik nito ang tingin sa kanya.
“Ah, sorry. Nakaistorbo ata ako,” anito pagkuwan.
“Ahm, h-hindi. Okay lang,” balisang sabi niya.
“Itatanong ko lang sana kung anong oras kayo aalis mamaya. Makikisabay na lang sana ako.”
“Kuwan, hindi kami matutuloy ni Erman mamaya. Bukas na lang daw ng gabi kami uuwi para makapagpahinga siya.”
Matagal bago nakakibo si Zack. “Ah, okay. Mauna na pala ako.”
“Sige po.”
Isasara na sana niya ang pinto ngunit maagap itong pinigil ni Zack. Nagulat siya sa marahas na pagtulak nito sa pinto. Akala kasi niya’y aalis na ito. Tinitigan lang niya ito habang hinihintay ang sasabihin nito.
“May nakalimutan ka ata,” anito.
“Ha?” maang niya.
“May usapan tayo ‘di ba?”
Hindi pa rin niya matumbok ang ibig nitong sabihin. Mamaya’y bigla nitong inilabas ang matutulis nitong pangil. Saka lamang niya naalala ang pagbawal nito sa kanya na magsalita ng ‘po’ habang kausap ito dahil kung hindi ay kakagatin siya nito.
“Naku, sorry. Hindi na mauulit,” natatarantang sabi niya.
Itinago naman nito ang pangil nito. “Good. Good night! See you soon!” Iyon lang at tuluyan itong umalis.
Nakaalis na si Zack pero naroon pa rin ang kabog ng dibdib niya.
NILUBOS ni Janet ang pagkakataon habang naroon sila ni Erman sa Germany. Habang sinusuyod nila ni Erman ang magagandang siyudad ng Germany ay bumalik sa isip niya ang minsang pangako ni Luke, na ipapasyal siya nito sa mga bansang gusto niyang puntahan. Naghihinayang pa rin siya at nasasaktan sa pagkawala ng masasayang alaala na nilikha nila ng dating nobyo. Wala silang naging problema kaya hindi niya inaasahan na darating ang panahong maglalaho ang lahat sa isang iglap.
Bago lumubog ang araw ay nakabalik na sila ni Erman sa templo. May tatlong oras pa silang pahinga bago sila uuwi. Dumeretso sa kuwarto si Erman pagdating samantalang sa kusina naman siya dinala ng mga paa niya. Wala siyang nadatnang lutong pagkain kaya niluto niya ang karne ng baka na nasapo niya sa chiller. Sariwa pa ang karme dahil pulang-pula pa ang dugo. Binabad lang niya ito sa herbs and spices ng isang oras bago ipinasok sa oven.
Habang hinihintay niyang maluto ang karne ay lumabas siya. Nakakabingi ang katahimikan sa loob ng templo, lalo na kapag ganoong maliwanag pa sa labas. Ngayong hindi na siya busy ay nagkaroon siya ng pagkakataong malibot ang buong templo. Awtomatiko namang mag-o-off ang oven kapag naubos na ang isang oras kaya puwede lang niya iyong iwan.
Maraming pasilyo na siyang dinaanan pero wala pa siyang natutumbok na sukdulan ng gusali. Hanggang sa dalhin siya ng mga paa niya sa tapat ng malaking pintuan. Awtomatiko iyong bumukas nang tumayo siya sa tapat nito. Namangha siya nang tumambad sa kanya ang malawak na hardin ng iba’t-ibang uri ng halaman. Mayroong halamang namumunga at mayroong namumulaklak lamang. Ang iba’y tanging baging na may maliliit na dahon na gumagapang sa matarik na pader. Nag-aagaw-dilim na kaya makulimlim na sa bahaging iyon.
Natukso siyang lumabas nang mapansin niya ang puno ng itim na ubas na namumutakti ang mga bunga. Ngayon lamang siya nakakita ng puno ng nasabing prutas, na ang baging ay gumagapang sa patay na puno. Akmang pipitas siya ng bunga ngunit natigilan siya nang may malaking itim na ibon na dumapo sa sanga ng patay na puno kung saan gumagapang ang baging ng ubas. Tinuka ng ibon ang isang butil ng ubas saka ito muling lumipad.
Kasabay sa paglipad ng ibon ay biglang binalot ng dilim ang paligid. Umihip ang malakas na hangin na nilalaro ang mga tuyong dahon at alikabok sa lupa. Gusto pa rin niyang pumitas ng ubas, ngunit paghawak niya sa isang tangkay na bunga ay bigla na lang may kamay na kumapit sa braso niya na siyang pumigil sa kanya.
Malakas ang kamay na kumapit sa kamay niya. Pagtingin niya sa kaniyang tabi sa gawing kanan ay mukha ni Luke ang tumambad sa kanya. Napaupo siya sa lupa dahil sa labis na pagkagulat. Kumurap-kurap siya. Luminga-linga siya sa paligid ngunit wala naman siyang nakitang tao.
“Janet!” narinig niyang tawag ni Erman.
Paglingon niya sa gawi ng pinto ay namataan niya roon si Erman na nakatayo. “Bakit nariyan ka? Kamuntik nang masunog ang niluluto mo sa oven, mabuti inagapan ko,” sabi nito.
Tumayo naman siya saka pinagpagan ang kanyang pang-upo. Panay pa rin ang lingon niya sa paligid habang humahakbang palapit kay Erman. Naglaho na ang interes niya sa ubas.
“Hindi ba automatic naman itong oven? Bakit hindi nag-off?” sabi niya kay Erman pagdating nila sa kusina.
“Hindi ‘yan naka-off nang datnan ko. Nasa thirty minutes pa siya,” tugon naman ni Erman, habang hinihiwa ang nalutong karne.
“Imposible. Isang oras lang ang nai-set ko. May isang oras na akong naglibot,” aniya. Inurasan niya ang pag-alis niya kanina sa kusina kaya kampanti siya na pagbalik niya ay luto na ang karne.
“Baka naduling ka lang at akala mo isang oras ang nai-set mo, pero mahigit pala,” amuse na komento ni Erman
“Hindi. Isang oras lang,” giit niya.
Hindi na umimik si Erman. Balisa pa rin siya dahil sa mga nakakakilabot na nangyayari sa kanya. Mamaya ay iginiit niya sa sarili na baka sa sobrang pag-iisip niya sa alaala ni Luke kaya ito nagpaparamdam sa kanya. At bakit nagpaparamdam? Mga patay lang ang nagpaparamdam. Inaaliw na lamang niya ang kanyiang sarili upang hindi maisip ang lalaki.
HINDI na natahimik si Janet buhat sa magkasunod na gabing inuusig siya ng alaala ni Luke. Madalas niya itong napapanaginipan at minsan pa’y wari nakikita niya ito, lalo na kapag nag-iisa siya. Para makaiwas sa hindi normal na mga naiisip niya ay nakisalamuha siya sa grupo ng kababaihan roon sa academy. Madalas kasi ay naroon lang siya sa pabrika at nagpapakaabala sa trabaho.
Pumasok siya sa suite ng mga babae. Malawak ang kuwarto na may division para sa silid tulugan. May sarili rin itong lobby at banyo. Nadatnan niya sa mini salas set ang grupo nila, Charie, Fara, Narian, Rena at Rebbeca. Puro lalaki ang paksa ng mga ito. Bihira siya nakikisalamuha sa mga ito dahil palagi siyang naa-out of place. Pakiramdam niya’y hindi siya nababagay sa grupo.
“Oh, Janet, halika nga rito!” tawag sa kanya ni Rebecca.
“Bakit ang lungkot mo?” kaswal na tanong sa kanya ni Rena. Si Rena ang nababalitang karelasyon ni Erman pero hindi nagtagal.
Hindi na siya naiusyoso pa kahit naging close sila ni Erman. Ramdam rin niya na mahal pa rin ito ni Erman kaya hindi niya kinokonsenti ang paligaw-biro ng binata. Ayaw niya ng isyo.
Si Fara at Narian naman ay magpinsang buo. Si Farah ay dating naglilingkod sa batas bilang pulis, pero dahil hindi na umuubra ang hukbong sandatahan sa mga bampira at virus ay mas pinili nito na makiisa sa sangre organization. Si Narian naman ay isang nurse. Masaya ang mga ito sa piniling buhay, hindi katulad niya na ibinabaon pa rin ang sarili sa kinamulatang pamumuhay. Nahihirapan pa rin siyang mag-adjust.
Kahit naiilang ay nakihalubilo siya sa mga ito. Umupo siya sa tabi ni Rena, na may hinihigop na blood juice. Nang alukin siya ni Rena ng mixed nuts ay mariin niya itong tinanggihan.
“Napansin ko na ilag ka pa rin sa amin. Hindi ka pa rin ba naka-move on sa nangyari sa buhay mo, Janet?” mamaya ay sabi ni Rena.
Bumuntong-hininga siya. “Nakapag-move on na ako,” aniya.
“Oh, eh bakit parang namatayan ka pa rin?”
“Nami-miss ko lang ang dati kong buhay.”
“Come on. Tanggapin na natin na hindi na maibabalik ang normal na pamumuhay ng mga tao.”
“Hindi ganoon kadaling talikuran ang buhay kung saan ka namulat. Siguro para sa iyo ay okay lang. Pero magkaiba tayo ng sitwasyon. Almost perfect ang buhay na pinaggalingan ko. Nawala iyon sa akin sa masaklap na paraan. Namatay ang mga magulang ko dahil sa virus. Lahat na mahal ko sa buhay ay nawala na walang kalaban-laban,” madamdaming pahayag niya.
Hindi kaagad nakaimik si Rena. Suminsim ito ng blood juice. “Yeah, you’re right. We came from different situations. I chose to leave my old life because it’s never been good to me. Naisip ko, tama lang itong pinili kong buhay. At least masaya ako rito,” seryosong sabi nito.
“Kaya mo ba tinalikuran pati ang nilalang na nagmamahal sa iyo?” usig niya.
Tiningnan siya nito nang mataman. Malamim na paghinga ang naitugon nito sa kanya.
Pumitlag siya nang biglang hampasin ni Rebecca ang kanang braso niya. “Girls, huwag kayo masyadong seryoso, baka mabuntis kayo niyan na virgin! Alam n’yo ba, ayon sa aklat ng paranormal; ang babaeng tahimik daw ay natitipuhan ng mga engkanto, kaya sila tinataniman ng binhi sa sinampupunan,” pananakot ni Rebecca.
Nagtawanan ang iba nilang kasama maging ang ilang kababaihan sa paligid nila. Ngumiti lang siya. Isa siya sa believer ng paranormal. Isang hybrid vampire si Rebecca, pero na-adapt nito ang asal ng isang ordinaryong tao.
“Tumigil ka nga, Beca! Puro ka kalukuhan!” saway naman ni Narian, na minsan ay sabog din.
“Aus! Ayaw n’yo kasing maniwala! Totoo ang mga engkanto, nakakita na ako!” giit pa ni Rebecca.
“Kasi isa ka sa kanila,” ani ni Narian saka humalakhak.
“Excuse me, dyosa ako,” mayabang na buwelta naman ni Rebecca.
Nakikitawa na lamang si Janet. Pampa-good vibes din itong mga kasama niya. Mamaya ay tungkol na naman sa mga lalaki ang paksa ng mga ito. Ilang beses niyang narinig ang pangalan ni Zack. Hindi siya magtataka kung ang ilang kababaihan ay labis na nahuhumaling kay Zack. Maaring may naging kasintahan din si Zack sa isa sa mga ito.
Na-trap na si Janet sa kuwentuhan. Hindi siya nakatanggi nang alukin siya ng mga ito na uminom ng red wine na gawa sa ubas. Isang baso lang ang nainom niya pero umiinit na ang kaniyang pakiramdam. Nang makatiyempo ay sumibat na siya.
Habang patungo siya sa food center ay naalala niya na ibinilin sa kanya ni Serron na silang dalawa ni Elias ang magpapakain sa mga binlanggo. Sa halip na tumuloy sa food center ay tinatahak niya ang daan patungo sa kusina na hindi nalalayo sa food center. Inaasahan niya na alam na rin ni Elias ang responsibilidad sa oras na iyon.
Bago siya makakarating sa kusina ay madadaanan niya ang laboratory one. Ang laboratory na pangalawa ay naroon sa ikalawang palapag. Huminto siya sa tapat ng laboratory kung saan sa malaking pintuan nito ay may bilugang salaming bintana. Nasisilip niya mula roon sa labas ang nangyayari sa loob. Magmula noong mapadpad siya sa sangre academy ay hindi pa siya nakakapasok sa mga laboratoryo nito.
Pagsilip niya sa bintana ay napamata siya nang makita ang naglalakihang incubator na may lamang iba-ibang uri ng specimen. Maaring ang iba sa mga ito ay mga bampira na ini-ekspirementuhan. Mayroon ding fetus ng iba-ibang uri ng hayop. Nabaling ang tingin niya sa nag-iisang incubator na nakabukod. Habang tumatagal na nakatingin siya sa hubo’t-hubad na lalaking naroon sa loob ng incubator ay unti-unti itong napapamilyar sa kanya. Maputla ang kulay nito na tila isang bangkay.
Kumislot siya nang sa paningin niya’y nagmulat ng mga mata ang lalaki. Nagha-hallucinate na naman ata siya. Umatras siya. At sa kanyang pag-atras ay bumalya ang likod niya sa matigas na bagay. Awtomatiko siyang pumihit sa kaniyang likuran.
“Anong sinisilip mo riyan?” tanong ni Zack, na siyang sumalo sa likod niya. Nakasuot ito ng itim na jacket at ganoon din ang denim nito. Fresh na fresh at ang bango nito.
Dumalas pa ang kabog ng dibdib niya. Matagal bago siya nakakibo. “Ahm, na-napadaan lang ako,” balisang sagot niya.
“Saan ka ba dapat pupunta?” kaswal na tanong nito habang nakahalukipkip.
“Kuwan, sa-sa kusina.”
“Pumunta ka na roon,” udyok nito.
Walang imik na tinalikuran niya ito.
“Uh… wait!” pigil nito sa kanya.
“Bakit po?” Nanlaki ang mga mata ni Zack. Naalala niya, wala pala dapat ‘po. “Sorry,” agap niya.
“Puwede ka bang mag-deliver ng pagkain dito sa laboratory? Good for two person. Kahit anong pagkain,” sabi nito.
“Ah, sige, idadaan ko na lang dito mamaya,” aniya.
Matamis na ngumiti ang binata. “Thanks.” Tumalikod na ito at nag-scan ng palm print sa may scanner sa gilid ng pinto.
May pagka-demanding si Zack pero sakto lang na hindi nakakainis. Kakaiba talaga ang impact nito sa kanya sa tuwing mag-uusap sila.