Chapter 3

2028 Words
Dahil sa natanggap niyang ganting ngiti mula sa dalaga, napatigil ang tingin ni Devon dito. Hindi na niya namalayan na kinakausap pa pala siya ng ama nito. "Ah anak... hijo." pukaw ni Mang Fidel kay Devon. "Ah M-mang Fidel. A-ano po 'yun? Sige po dito po siguro ko tutulong sa bakuran."  baling nito sa kausap. "Eh sige, kapag kailangan mo ng gamit na panglinis, sabihin mo lang diyan kahit kanino diyan, mababait,lahat 'yan. Sige maiwan muna kita at pinapaayos ko 'yung kuryente ko eh. Hirap ng walang ilaw saka electric fan. Hindi pa din maikakabit 'yung aircon ngayon." paalam ni Mang Fidel nang muli itong lumingon. "Ano na nga pangalan mo hijo?" "Ah, Devon po. Sige po Mang Fidel, simulan ko na po." sambit ni Devon. Nanghiram siya ng isang walis at isang gulok para sa mga ligaw na damong nagtubuan duon. Bago siya magsimula ay muli siyang sumulyap sa anak ni Mang Fidel, naroon pa din ito pero hindi na ito nakatingin sa kanya. Hawak nito ang cellphone at duon nakatuon ang paningin nito. Samantala, inalis ni Rosario ang pagkakatingin niya sa lalaki at binawi na din niya ang kanyang ngiti. "Hmp, baka akala niya eh may gusto 'ko sa kanya. Salamat naman at hindi siguro ako nakilala kagabi, kung hindi nakupo. Kalilipat lang naman eh baka humanap na naman kami ng malilipatan." sabi niya sa sarili na kunwari ay may tintlitingnan siya sa cellphone. Dahil sa hindi na siya pinapansin ng anak ni Mang Fidel, itinuon na lang ni Devon ang sarili sa pagtulong sa paghahawan ng mga damo sa paligid ng bakuran ng lumang bahay. Iniisip niyang makikilala din niya ang anak ni Mang Fidel kaya't hindi niya kailangang magmadali. Hindi naman nakatiis si Rosario at muli niyang sinulyapan ang binata. Nadagdagan ang paghanga niya dahil sa pagiging masipag nito at pakikipagkapwa-tao. Ito lamang ang nag-iisang kapitbahay nilang nakiramay upang linisin ang bahay at bakuran nila. Bahagya pang napadilat ang mata niya nang maghubad itong lalaki. Hindi man malaki ang katawan nito, flat naman ang tiyan nito na may apat na tila pandesal sa tiyan nito. Katamtaman lang din ang laki ng dibdib nito. Dahil sa pawisan kaya hinubad na ni Devon ang kanyang puting t-shirt. Inaalala din niya ma marumihan iyon ng husto at tiyak na papagalitan siya ng nanay niya. Itinali niya ang  pinilipit na hinubad na t-shirt sa kanyang ulo at muling siyang nagpatuloy sa kanyang ginagawa. Ilang sandali pa ay nagpatawag na si Aling Lucila upang mananghalian. Nagpaayos na lang siya ng mga mesa sa labas ng bahay at nagpakuha ng dahon ng saging upang duon kumain. "Fidel, baka lumamig pa 'yung sabaw. Tawagin mo na 'yung mga nasa labas, ako na tatawag dito sa mga nasa loob at nasa itaas ng bahay."  sambit ni Lucila. "Oh sige. Maglabas ka na din ng platito at baka may gustong magsawsawan. Hindi uubra sa dahon 'yan at hahalo sa kanin. Saka kutsara na din pala." ai Mang Fidel. Palabas na si Mang Fidel ng bakuran madaanan nito si Rosario sa veranda. "Rosario, sumabay ka na ding kumain dito sa labas. Para isang ligpitan na lang." Tumayo ka na diyan at puro cellphone 'yang hawak mo." sambit nito sa anak. "Sige po Daddy. Sunod na po ako." sagot nito. "Eh ano kaya gustong gawin ko? Nakita ng hindi ako makalakad ng maayos eh. Sabagay, kahit naman wala akong diperensya tiyak na wala din akong gagawin." sabi ni Rosario sa sarili na inaamin nitong tamad siya sa mga gawaing bahay. Sabay-sabay namang humangos papunta sa mahabang mesa kung saan nakahain ang pananghalian ang lahat ng nasa bakuran. Dumaan muna sila lahat sa gripong naroroon uoang magsipaghugas ng mga kamay. Nagpatihuli na si Devon sa paghuhugas upang bigyang daan ang mga hindi kakilalang gumagawa doon. "Oh pakabusog kayo ha. Maraming niluto si misis. Tumayo na lang 'yung iba." saad ni Mang Fidel nang makita niyang naroon na lahat nang mga kinuha niyang tagapaglinis. "Fidel, hindi kakayanin ito ng isang araw. Mga hanggang bukas o sa susunod na araw 'to para maayos talaga." wika ng isang naroroon. "Yan din ang tantiya ko pare eh. Sa laki ng bahay at bakuran na 'to eh hindi talaga kaya ng isang araw 'to. Saka pababawasan ko ng sanga 'yung mga puno. 'Yung halos nakadikit na sa bahay. Mahirap na, baka bumagyo eh masangal pa mga 'yan. Sira na naman tiyak ang bahay kapag ganu'n." tugon ni Fidel. "Madali na 'yan. Maisabay na du'n mamaya sa mga sukal sa likod." sagot naman ng isa. "Siyanga pala, naiayos ko na 'yung tatlong kwarto duon sa itaas. Kayo na bahala mamaya. Buksan n'yo na lang 'yung mga bintana kung hindi pa magagawa 'yung kuryente ngayon." singit naman ni Lucila. "Magagawa po ngayon." maagap na sagot naman ng kumukumpuni nito. "May mga dala naman kaming bagong wire kaya madali na namang mapapalitan 'yung mga dapat palitan."  dugtong pa nito. "Naku wala na palang ulam sa gawin diyan. Akina nga 'yang mga mangkok ng masalinan." si Lucila. "Sis, kami na lang. Sige na sumabay ka na ding kumain sa 'min." sabi naman ng isang babae na naroroon. "Pasensya ka na sis ha. Sige kayo na nga bahala. Marami tayong niluto kaya 'wag kayong magtitipid." saad ni Lucila. "Oy Devon, 'wag kang mahihiya. Kukuha ka. Kami nga nahihiya sa 'yo. Lucila si Devon nga pala. Anak ng kababata ko nu'ng araw. Kasing edad na din niya si Rosario." si Fidel nang mapuna si Devon. "Kaya pala 'kako parang hindi ko kakilala eh taga-dito pala siya. Kain ng kain Devon. Salamat nga pala ha." si Lucila. "Wala pong anuman." matipid na sagot ni Devon. Nagkatinginang bigla sina Devon at Rosario. Nalaman na nila ang pangalan ng isa't-isa dahil sa pagkakabanggit ni Fidel. "Devon pala name niya." sabi ni Rosario sa sarili. "Bagay na bagay sa kanya ang pangalan niyang Rosario." sa isip-isip naman ni Devon. Binawi agad ni Rosario ang tingin niya nang mapansin niyang nakikipagtitigan sa kanya si Devon. Matapos kumain ay nagpahinga muna ang lahat sa mga lilim ng puno. Ang ibang kababaihan ay tumulong naman sa pinagkainan. Si Rosario, dahil sa may kapansanan, pumasok na ng bahay upang magtungo sa kwarto nito sa itaas. Hirap man ay pinilit ni Rosario na akyatin ang hagdanang maraming baitang. Hindi naman niya maaaring gamitin ang pakpak niya dahil maraming tao sa bahay nila. Hindi kagaya kahapon na madali siyang magmanik-manaog, ilalabas niya ang pagiging manananggal niya at bubuhatin niya ang katawang naiwan kung bababa man siya o papanhik ng bahay. Matapos ang maraming hakbang ay narating din niya ang itaas at tinungo na niya ang kanyang kwarto. Pagpasok niya ay inilabas niya agad ang phone at inilatag ang pagod niyang katawan sa kama. "Oh 'di ba, hindi na ko mahihirapang tingnan ka." sabi niya sa sarili habang tinitingnan isa-isa ang litrato ni Devon. Kinuhanan niya ito ng litrato habang ito ay naghahawan ng mga damo. Vinideo din niya ang ibang ginagawa nito pati na ang paghuhubad nito ng kamiseta. Nang sumapit ang alas-singko ng hapon ay pinagpahinga na ni Fidel lahat ng gumagawa. "Devon ayos na 'yan. Baka hinahanap ka na din sa inyo." sambit ni Fidel. "Ah sige po. Kung wala lang po ako pasok bukas tutulong po sana ulit ako kaso may pasok na po ako eh." tugon ni Devon. "Malaking bagay na naitulong mo ngayon. Oh eto idagdag mo na sa baon mo." inaabutan ni Mang Fidel ng pera si Devon. "Naku 'wag na po. Hindi naman po ako masyadong napagod. Hindi ko po matatanggap 'yan." "Sige na kunin mo na. Hindi bayad 'yan. Pangbaon mo lang." pilit ni Fidel. "Hindi po talaga Mang Fidel. 'Wag na po." tanggi ni Devon. Muling ibinalik ni Fidel sa kanyang bulsa ang perang iniaabot kay Devon. "Bait mo namang bata ka. Sige, salamat ng marami ha. Saka ikamusta mo nga pala ko sa Nanay mo." tumapik pa sa balikat ni Devon si Mang Fidel. "Ah sige po Mang Fidel. Sige po tutuloy na po ako." paalam ni Devon. Pag-uwi ni Devon ay sinalubong agad siya ng kanyang ina na si Salome. "Hoy Devon, saan ka ba nakarating bata ka? Aba'y pinagwalis lang kita ng bakuran eh winalisan mo yata buong baryo ng San Roque. Pauwi na tatay mo n'yan. Buti eh hindi ka dinatnang wala dito at sasabihin ko talagang maghapon kang wala." nakapameywang na saad ni Aling Salome. "Si Nanay naman para naman akong batang paslit niyan. Sa loob mo na lang ako sermunan. Baka may makakita pa sa 'tin dito sa labas." sabi ni Devon na dire-diretsong pumasok sa bahay. "Eh ano gusto mong gawin ko? Matuwa ako dahil hindi ko alam kung saan ka nagpunta? Lumamig na 'yung pagkain na itinira ko sa 'yo eh wala ka pa din. Pati sinaing eh halos hindi nabawasan. Baka sabihin ng tatay mo eh lami ang ipapakain ko sa kanya. Isang linggong nagtatrabaho sa Maynila 'yung tao eh dadatnan eh pagkaing malamig pa sa ilong ng pusa." patuloy ni Salome. "Iinit ko na lang 'nay. Ako na lang po kakain ng lamig." sagot ni Devon na tinungo ang mesa at binuklat ang mga pagkaing may takip dito. "Maiba ko, eh saan ka ba 'kako galing?" umupo sa harap ng mesa si Salome habang pinagmamasdan ang anak na nagsisimulang magparingas ng apoy para iinit ang pagkain. "Tumulong po ako maghawan ng damo diyan kina Mang Fidel. Saka nga pala kinakamusta po niya kayo." sagot ni Devon na patuloy sa ginagawa. "Ah kilala pa pala ko ni Fidel. Akala ko naman eh nakalimutan na ko simula nu'ng nagkapera siya." si Salome. "Paanong nagkapera 'nay? Saka mabait 'yung pamilya niya pati 'yung asawa, si Aling Lucila."  si Devon. "Bukod diyan sa bahay na 'yan Devon, marami ding pera ang ibinigay ng matandang may-ari niyan kay Fidel. Kaya maganda ang naging buhay nila sa Pangasinan." tugon ni Salome sa anak. "Binabayaran nga ako eh. Hindi ko nga tinanggap." sabay harap ni Devon sa ina. "Yan, tama 'yan anak. Natutuwa naman ako at marunong ka ng makisama at hindi lahat ng pakikisama eh may kahalong pera. Tatandaan mo 'yan." nahimasmasan ng bahagya si Salome dahil sa sinabi ng anak. "Nay, mas maganda pala sa malapitan si Rosario, 'yung anak ni Mang Fidel, kaya lang napakatahimik, mukhang suplada." nakangiting saad nito sa ina. "Ayun, kaya naman pala. Kaya naman pala tumulong ka duon eh dahil sa anak ni Fidel. Akala ko pa naman eh taos sa kalooban mo ang pagtulong. Eh ang puntirya mo pala eh 'yung anak. Kaya pala hindi mo din tinanggap 'yung pera para maganda ang tingin sa 'yo ng ama. Mahusay ka din hano?" muling tumaas ang tono ni Salome. "Hindi 'nay ah. Talagang tutulong ako kahit walang bayad. Saka hindi ko naman inaasahan na makakaharap ko sa kainan si Rosario 'di ba nga may diperensya 'yung isang paa nu'n." depensa ni Devon. "Eh teka, napa'no daw ba 'yung paa nu'n? Ke gandang bata eh hindi makalakad ng maayos."  usisa ni Salome. "Akala ko ba hindi maganda 'nay?" nangingiting tanong ni Devon. "Sinabi ko lang 'yun para hindi magkandahaba ang leeg mo kahapon. Nasa loob na ng bahay eh para ka pa ding giraffe na sa haba ng leeg mo pagsunod ng tingin du'n." bahagyang umirap si Salome. " Oh bakit daw, napa'no daw  'yung anak ni Fidel?" balik nito sa anak. "Hindi ko naman naitanong 'nay eh. Kung wala lang ako pasok bukas itatanong ko sana." biro ni Devon. "Naku Devon, ayusin mo 'yang pag-aaral mo noh. Saka agahan mo 'yang pagpaparaktis mo at hindi kung anu-ano nakikita mo sa gabi. Pagkakain eh simulan mo na at 'wag ka na masyadong magpagabi. Tingnan mo 'yung ininit mo at baka natuyuan na. Maghahain na din ako." sabi ni Salome na sinabayan na ng tayo upang kumuha ng mga platong kakainan. Isang linggo pa ang lumipas at malaki na ang ipinagbago ng lumang bahay. Malinis na ito at maliwanag sa tuwing gabi. Maging ang dating kinakalawang na gate nito ay pininturahan ng kulay puti kaya't nagmukha itong bago. Naging abala naman si Devon buong linggo sa kanyang pag-aaral at sa pag-eensayo para sa kanilang stage play na malapit-lapit na din ang pagtatanghal. Samantalang si Rosario naman ay bagot na bagot na sa loob ng bahay    na hanggang veranda lang ang pinakamalayo niyang napupuntahan. Dahil sa inip niya, naisipan niya ulit maglibot gamit ang kanyang mga pakpak. Naalala niyang hindi naman siya nakilala ni Devon nuong pinuntahan niya ito. Isa ding dahilan kung bakit niya gustong lumabas ay hinahanap -hanap niya ang mga ngiti ni Devon. Nagsawa na din siya sa kakatingin lang sa cellphone niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD