Chapter 2

2006 Words
"Mas bongga naman pala ang hangin dito kaya okay na din ako dito." sabi ni Rosario sa sarili habang patuloy siya sa paglipad. "Ang dalang naman ng bahay dito. Mahirap pala humingi ng tulong dito kung sakaling may emergency ka. Layo pa ng tatakbuhin mo." dugtong niya sa sarili habang nakatingin sa mga bahayan malapit sa kanila. "Teka saan kaya bahay dito nu'ng cute na 'yun?" naalala bigla ni Rosario na isa sa dahilan kung bakit siya lumabas. Nagpatuloy siya sa paglipad pero paikot-ikot lang siya malapit sa kanilang nasasakupan dahil iniisip niyang malapit lang din sa kanila ang bahay ng hinahanap niya. Kadalasan na makita niyang bahay ay patay na ang ilaw at inisip niyang mga tulog na ang mga tao doon. Naisipan na niyang bumalik nang may natanawan siyang nakabukas na bintana sa ikalawang palapag ng bahay nito na 'di kalayuan sa kanila. Bukas pa ang ilaw ng bahay at nakita niyang may lalaki na tila may kausap. Nagkainteres siyang tingnan iyon kaya't lumipad siya palapit dito. Nang malapit na siya ay kumubli siya sa isang puno na may mayayabong na dahon. "Buti na lang at naka-itim ako. Hindi ako mahahalata dito." sabi niya sa sarili. Upang hindi makagawa ng ingay ang pagpagaspas ng kanyang pakpak ay kumapit siya sa isang sanga ng puno at ipinahinga niya ang kanyang mga pakpak. Mula sa kanyang kinapupwestuhan ay kitang-kita niya ang hindi pa nakikilalang lalaki. Bahagya itong nakatagilid at panay ang salita. May hawak itong mga papel na maya't maya ay tinitingnan nito sa tuwing may sinasabi sa kaharap. "Sino kaya kausap nito? Gabi na eh mukhang may kabalagtasan pa." sabi ulit ni Rosario sa sarili niya. Pinilit niyang pinakinggan ang sinasabi nito kahit hindi pa niya nakikita ang kausap nito na iniisip niyang natatabingan ng kalahati ng bintana nitong slides na gawa din sa kahoy. "Mahal ko si Juliet. Kahit anong gawin n'yo, kahit harangan n'yo pa 'ko ng sibat, mamahalin ko pa din si Juliet." sambit nito habang kinakabisa ang kanyang mga linya. Ang lalaking iyon ay si Devon na anak ni Aling Salome at Mang Peping. Isang stage actor si Devon sa kanilang paaralan. Pinakikinabangan niya ang talento niya sa pag-arte na siyang naging dahilan upang makuha siyang iskolar sa kanyang pagkokolehiyo. Ugali na niyang mag-ensayo sa gabi dahil tahimik, mas madali siyang magkabisa kung walang nakakaabala sa kanya na anumang ingay. Malapit na ulit silang magtanghal kaya naman pursigido siyang makabisa ang bawat linya niya at maiarte ito ayon sa kanyang gagampanang papel. Mahina ang dating kay Rosario ng mga salita pero naiintidihan niya ang mga  sinasabi ni Devon. "Ah mali na naman. Hirap namang magkabisa." sabi ni Devon na may halong pagka-irita. Narinig iyon ni Rosario. Muling tumingin si Devon sa hawak niyang papel upang tingnan ang linyang nakalimutan niya. "Ulit... ulit... game. "Mahal ko si Juliet. Kahit anong gawin n'yo ----" sambit nito. "Ah wala palang kausap. Nagpapraktis pala. Sa teatro siguro 'tong lalaking 'to." sa loob-loob ni Rosario. Naintindihan na din niya na Romeo and Juliet ang ineensayo nito. Nang muling magkamali si Devon ay inihagis nito sa sahig ang mga papel na hawak at tumungo sa bintana. Itinukod ang dalawang kamay sa pasimano at anyong naiinis. Nagulat naman si Rosario nang maharap sa kanya ang lalaki. Iyon ang hinahanap niya na nakatinginan niya nang sila ay papasok pa lamang ng kanilang bakuran. "Ay galit agad si pogi. Hihihi. Pero cute pa din pala siya kahit galit na. Oh Romeo, 'wag ka na magalit. Keri mo 'yan Romeo." natatawang mag-isa si Rosario sa punong pinagkakapitan niya. Nilibang ni Rosario ang sarili habang pinagmamasdan ang lalaking umagaw ng kanyang atensyon nang sila ay dumating sa barangay na iyon. Kinakausap niya ito kahit hindi naman siya naririnig nito. Hindi niya namalayan ang mga hantik na gumagapang na sa kanyang braso. Nagkasundo pa yata ang mga hantik at sabay-sabay silang kumagat sa braso ni  Rosario. "Aray!" malakas na sigaw ni Rosario. Napatingin bigla si Devon sa pinaggalingan ng sigaw. At dahil napabitaw si Rosario sa sanga ng puno, nagsimulang pumagaspas ang mga pakpak nito. Nagsimulang magtahulan ang mga aso. Dahil sa pagkilos ng mga pakpak ni Rosario ay napalayo ito sa kanyang pinagkukublihan. Napatingin si Rosario kay Devon at alam niyang nakita siya nito. Kitang-kita niya ang gulat at takot sa mukha nito. Hindi man nakita ang mukha niya dahil sa mahaba niyang buhok, nakita naman nito ang kabuuan niya, este ang kalahati lang pala niyang katawan pati na ang mga pakpak niya. Mabilis siyang lumipad pabalik sa bahay nila. Sa takot naman ni Devon ay nagsara agad siya ng bintana. Palundag niyang tinungo ang pang-isahan niyang kutson at nagtalukbong agad siya ng kumot. Hindi na niya tinanggal ang pagkakatalukbong hanggang sa nakatulog siya. Kabado pa din si Rosario nang sapitin na niya ang kanyang kwarto. Tinungo niya agad ang kalahati niyang katawan at muling nagdikit iyon. "Nakilala kaya ako ni pogi? Bwisit naman kasing mga hantik 'yun. Ginawa pang midnight snack itong mga braso ko." aniya sa sarili. Mas nadagdagan ang pangamba ni Rosario nang maisip niya na kung nakita siya ni Devon ay maniniwala ito sa mga sabi-sabi at haka-haka ng mga taga-roon tungkol sa lihim ng kanilang pagkatao. Malalagay sa peligro ang pamilya niya kapag nagkataon. Idinaan na lang niya sa paglilibang sa cellphone ang isip niya upang mabawasan ang kaba na nararamdaman niya. Pagkagising kinaumagahan ni Devon ay naroon pa din ang takot sa kanyang damdamin. Iniisip niya kung totoo ba ang kanyang nakita o isang masamang panaginip lamang. Muli niyang binabalikan sa kanyang ala-ala ang pangyayari kaya't mas nakakatiyak siya na manananggal nga ang nakita niya nang nakaraang gabi. Mabilis siyang bumangon at ibinalita iyon sa kanyang ina. "Naku Devon, narinig mo lang na pinagkukuwentuhan kahapon 'yan ng mga usisero't usisera du'n sa mga bagong lipat, sasabihin mo namang may nakita ka kagabi." sagot ni Salome sa anak habang nagluluto ito ng kanilang almusal. "Eh totoo naman 'nay. Kasalukuyan akong nagpapraktis nu'ng nakita ko sa may gawing puno d'yan sa may tapat ng bahay natin." turan pa din ni Devon. "Yan... 'yan ang sinasabi ko. Natutuwa ako d'yan sa pagteteatro mo at 'yan ang nagpapaaral sa 'yo. Pero 'wag naman sana anak na pati sa totoong buhay eh nadadala mo 'yang mga istoryang malayo sa katotohanan." ikinukumpas pa ni Salome ang hawak niyang siyanse. "Si Nanay naman oh. Bakit kaya ayaw maniwala?" saad ni Devon habang napapakamot pa sa ulo nito. Humarap naman si Salome sa anak bago muling nagsalita. "Oh sige nga, paano ako maniniwala Devon. Kung totoong manananggal 'yung nakita mo de sana inatake ka na nu'n. Ano, nagpa-cute lang ba sa 'yo 'yung manananggal? Saka sino pagbibintangan natin na manananggal? 'Yung pamilya ni Fidel kasi sila lang ang bagong dating dito sa baryo natin? Aber, magsalita ka!" "Tulungan mo na lang ako sa gawaing bahay at wala ka namang pasok ngayon. Tanggalin mo sa isip mo 'yang mga maligno-maligno na 'yan. Ipagsibak mo 'ko ng kahoy saka magwalis ka ng bakuran. Sige na Devon, ipagtitimpla na tuloy kita ng kape. Kilos na." saad ni Salome habang nagsusulong ng kahoy sa kanyang kalan. Napailing na lang si Devon sa sinabi ng ina. Pagkakuha niya ng tinimplang kape ay inilabas niya ito upang  duon inumin habang siya ay nagwawalis ng bakuran. Napag-isip isip niya sa isang banda na maaari ngang tama ang kanyang ina. Baka dahil sa kanyang malikot na imahinasyon pagdating sa pag-arte, bigla na lang siyang nakakakita ng mga bagay na  pawang mga kathang isip lamang ng mga manunulat. Kasalukuyan siyang nagwawalis nang matanawan niya ang isang jeep na maraming sakay. Napahinto siya sa kanyang ginagawa dahil hindi naman napapasok ng jeep ang kanilang lugar, dahil tricycle lang ang sinasakyan papunta sa kanilang baryo. Hindi rin ruta sa bayan ng Paniqui ang jeep na dumaan. Sinundan niya ng tingin ito at napansin niyang sa malaking lumang bahay ito huminto. Nakaabang si Mang Fidel sa mataas nitong gate at pinagbuksan ang jeep na papasok sa loob ng bakuran nito. Lumakad-lakad si Devon papalapit sa bakuran ng malaking bahay. Winawalis niya ang nadadaanan kahit hindi na ito sakop ng kanilang bakuran upang hindi siya mahalata na palapit dito. Nagbabaka-sakali siyang matanawan ang anak ni Mang Fidel na hinangaan niya agad dahil sa karisma nito sa kanya. Napuna niyang bawat tao na bumababa ng jeep ay may mga dala-dalahan. May ilan na may dalang mga kalaykay at walis tingting, may iba naman na pang-agiw ang dala at ang iba ay gulok at lilik ang dala. Nahulaan niya agad na magsisipaglinis ito ng buong kabahayan pati na ang bakuran. Nasa sampu ang tao at ilan dito ay kababaihan. Halos kabababa lang ng mga galing sa jeep, isang motorsiklo naman ang dumating na may isang angkas. Sa mga gamit nito na nakasukbit sa beywang, alam na niyang taga-kumpuni ng mga wire ng kuryente ang mga ito. Nagtagal pa ng kaunti si Devon sa kanyang kinatatayuan pero hindi niya nasilayan ang babaeng may saklay. Naisip ni Devon na maaaring nahihirapan ang babae na maglabas-masok ng bahay dahil sa kapansanan nito. Umakma na siyang pabalik nang isang sasakyan naman ang parating at nakasulat sa sasakyan nito ang pangalan nf kumpanya mula sa isang tagakabit ng internet. Naisip niyang desididong ayusin at linisin ni Mang Fidel ang bahay na 'yun na kinatatakutan ng karamihan. "Bakit kaya hindi na lang mga taga-dito ang kinuha nilang maglinis ng bahay at bakuran? Tiyak na may bayad pa mga 'yan pero kung taga-dito kahit meryenda lang o pananghalian eh ayos na." sabi ni Devon sa sarili habang pabalik sa sarili nilang bakuran. Nang makatapos si Devon sa mga iniutos ng kanyang ina, hindi niya matiis na hindi muling bumalik malapit sa bakuran nila Mang Fidel. Kahit saglit ay nais niyang masulyapan nlmuli ang anak nito. Hindi na siya nagpaalam sa kanyang ina at naglakad-lakad siyang muli malapit sa gate nila Mang Delfin. Dinatnan niyang may nagtatabas ng mga damo, ang iba naman ay naglalabas ng mga sirang gamit mula sa loob ng bahay at dinidiretso nito sa may siga upang sunugin na. May mga nag-aagiw sa loob at labas ng bahay. Mayroon ding nasa bubong na maaring nagtatapal ng mga butas. Nasa harapan din si Mang Fidel at itinuturo sa mga naroon kung alin pa ang dapat nilang mga putulin bukod sa mga nagtataasang damo. Hindi sinasadya nang mapatingin sa kanya si Mang Fidel. Sakto namang nakatingin din siya dito. Sinamantala niyang mas lumapit pa sa gate ng bahay habang nakatingin sa kanya si Mang Fidel. "Magandang umaga po Mang Fidel." bati agad ni Devon. "Anak po ako ni Salome. D'yan lang po ang bahay namin." mabilis na dugtong niya. Bahagyang napaisip si Fidel, inaalala kung may kakilala siyang Salome. "Ah anak ka na ba ni Salome? Kalaro ko nu'ng araw 'yung nanay mo. Kamusta naman siya?" nakangiting bati ni Fidel. Bahagyang napalagay ang loob ni Devon dahil sa sinabi ng kausap. "Ayos naman po siya. Mukhang nagpapalinis po kayo ah." sambit niya kahit na nakikita naman niyang may mga taong naglilinis na. "Oo. Sobrang dumi na ng bahay. Tagal kasing hindi natirahan ng bahay na 'to eh. Baka nga may ahas na d'yan sa sobrang kapal na ng damo. Lalo du'n sa gawing likuran, masyadong masukal." sagot naman ni Mang Fidel. "Eh p-pwede po bang makatulong? W-wala naman po ako pasok ngayon." lakas-loob na sabi ni Devon. "Naku eh nakakahiya naman sa 'yo anak. Saka baka hanapin ka ni Salome. Marami namang gumagawa eh." si Fidel. "Ayos lang po. Saka hindi naman po ako hahanapin ni Nanay." pilit ni Devon. "Eh sige, ikaw bahala. Salamat na agad ang sasabihin ko sa 'yo. Basta kapag gusto mo ng umuwi eh ayos lang. Saka dito ka na pala mananghalian. Maraming niluluto si Lucila, 'yung misis ko. Tara dito sa loob." wika ni Fidel. Mabilis namang pumasok sa loob ng bakuran si Devon. Sa kanyang pagpasok ay sakto namang lumalabas ng veranda si Rosario. Nakita agad ni Rosario si Devon, ang lalaking nakakita sa kanya nag nakaraang gabi. Nagulat siya pagkakita dito na kausap ng ama niya, akma sanang papasok siya ulit ng bahay ng mahuli niyang nakangiti ulit sa kanya. "Aba super smile si pogi. Hindi siguro ko nakilala kagabi." sabi niya sa sarili habang nakahinto sa kinatatayuan. Sinuklian din niya ng matipid na ngiti ang binata at hindi na niya tinuloy ang muling pagpasok ng bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD