Hatinggabi na at hindi pa siya makatulog sa kanyang higaan sa maids’ room kung saan magkakasama silang lahat na kasambahay sa iisang malaking silid na kumpleto sa kagamitan para sa kanilang limang kasambahay na babae. Malaki at maaliwalas ang silid at kanya-kanya sila ng kamang inihihigaan—para nga siyang nasa dorm lang—at bukod doon, may aircon pa sila na sa tuwing gabi ay malaya nilang buksan hanggang alas kuwatro ng madaling araw, dahil karamihan sa kanila ay ganoong oras pa lang bumabangon para asikasuhin ang mga gawain sa mansyon.
Nakaramdam siya ng uhaw kaya naman maingat siyang bumangon sa kanyang kama na katabi ng kama ng kanyang Tiyahin na masarap na ang tulog. Masarap na rin ang tulog ng ibang kasama nila sa maids’ room. Dahan-dahan siyang lumakad patungo sa pintuan para hindi makalikha ng ingay na makaistorbo pa sa mga kasama niya. Maingat din ang ginawa niyang pagsara sa pintuan ng kanilang silid.
Kahit isang buwan pa lamang siya sa mansyon, kabisado na niya ang malaking bahay. Kahit katamtaman lang ang liwanag sa bahay ay alam na alam na niya kung saan maglalakad patungo sa pupuntahan. Dumeretso siya sa may kusina nang matigilan siya bigla nang makitang tila may bukas na ilaw pa sa kusina. Sa pagkakaalam naman niya, napatay na nilang lahat ang ilaw bago sila pumasok sa kanilang silid.
“May ilaw pa palang nakalimutan,” bulong niya at nagtuloy sa kusina nang bigla na lang magulat at mapatili nang bumunggo siya sa kung anong matigas na bagay. Muntik siyang ma-out of balance at bumagsak paupo sa sahig kung hindi maagap ang kamay ng taong nakabunggo niya.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang mapatitig sa lalaking nakatingin sa kanya habang halos yakap na nito ang kanyang bewang.
“Sir… Kenzo…” bulong niya sa pangalan ng amo nang makilala ito.
“You again,” saad ng amo sa kanya na tila wala itong balak itayo siya nang maayos. Nanatili pa rin kasi siyang nakapahiga habang salo nito ang kanyang bewang at nakakapit naman siya sa braso nito. Para nga siyang nakakaramdam ng kuryente o ano sa pagkakahawak niya sa braso nito. Hindi lang siya makabitaw dahil baka bigla siyang bumagsak sa sahig.
Naamoy niya ang alak sa hininga ni Kenzo—walang duda na kung saan man ito galing, nakipag-inuman ito. Halata rin na kararating pa lang nito dahil bihis na bihis pa ito. Ang puting polo nito, gusot pero mabango pa rin.
“Sir… Kenzo,” tawag niya sa pangalan nito at pasimpleng sinulyapan ang kanyang posisyon. Nakuha naman nito ang nais niya kaya agad siya nitong inayos ng tayo.
“Madaling araw na. Bakit gising ka pa?” tanong nito sa kanya nang lumayo ito sa kanya at ito na mismo ang nagbukas ng maliwanag na ilaw sa kusina. Ang liwanag, sumabog sa mga mata niya.
Napalunok naman siya nang makita kung gaano kagwapo ang amo niya kahit mukhang lasing na ito at pagod na pagod. Wala naman yata itong kapaguran basta alak ang usapan, pupuntahan nito at uuwi kahit lasing. Ang buhok nito, magulo. Ang mga mata, medyo namumula pero gising.
“Iinom lang po sana ako ng tubig,” tugon niya sa amo. Ang lalamunan niya, tuyong-tuyo.
“Kayo po, Sir Kenzo? Bakit po andito kayo sa kusina?” tanong niya rito.
Nakita niyang tila nahihiya itong ngumiti at napakamot pa sa batok nito. Ang cute tuloy nitong tignan na para bang nahihiya ito sa kanya. Sino ba siya para mahiya ang isang Kenzo Fisher sa kanya?
“Medyo naparami kasi ang inom ko kanina sa party. Gusto ko sanang magkape,” tugon nito sa kanya.
“Ah… Kape. Gusto niyo po, Sir, timplan ko kayo?” alok niya sa amo at mabilis siyang kumilos palapit sa may lababo kung saan naroon ang kape at mainit na tubig.
“Okay lang ba sa iyo? What’s your name again?” tanong nito sa kanya.
Medyo nakaramdam siya ng kirot, dahil hindi pa pala nito alam ang pangalan niya, kahit na nagpakilala na siya kanina rito sa pool.
“Aila po, Sir Kenzo,” tugon niya rito. Hindi siya tumingin. Nagbuhos siya ng tubig sa takure.
Tumango naman ito sa kanya. “Ipagtitimpla ko na po kayo, Sir Kenzo,” saad niya.
“Salamat, Aila,” pasalamat nito sa kanya. “Okay lang ba na pakidala na lang sa may pool area? Doon muna ako tatambay habang nagpapababa ng amats,” saad pa nito.
“Sige po, Sir. Dalhin ko na lang po,” tugon naman niya.
Tumango ito at lumakad na palabas ng kusina. Agad na siyang kumilos para timplan ng kape ang amo niya. Ito ang unang pagkakataon na pagsisilbihan niya ang amo at nais niyang magpakitang-gilas dito, nais niyang timplan ito ng masarap na kape—iyong tipong ang timpla niya ang hahanap-hanapin ng amo. Napansin nga niyang nakangiti siya habang pinagtitimpla ng kape si Kenzo, na para bang iyon ang pinakamasayang gagawin niya sa buong buhay niya. Ang kutsara, dahan-dahan niyang hinalo. Dalawang kutsaritang kape. Isang asukal. Gatas, kaunti lang.
Matapos matimpla, agad na siyang lumakad palabas ng kusina bitbit ang kape para kay Kenzo. Sa pool area daw ito, marahil nagpapahangin dahil nga may amats daw ito, nasobrahan marahil sa alak.
Nadatnan niya si Kenzo na nakaupo sa tabi ng swimming pool, nakababad ang mga paa nito. Ang tubig, tahimik. Ang buwan, bilog at maliwanag. Lumapit siya rito dala ang mainit na kape para rito.
“Sir Kenzo, heto na po ang kape niyo,” saad niya nang lumapit dito.
Agad naman itong lumingon sa kanya at iniabot niya rito ang kape. Nagpasalamat ito sa kanya at akmang tatalikod na siya para muling pumasok sa loob nang magsalita si Kenzo.
“Aila, pwede mo ba kong samahan saglit?” saad nito sa kanya na nagpatigil sa kanyang paghakbang. Natulala pa nga siya at saglit na nag-loading dahil nagulat siya sa request ng amo niya na samahan ito.
“Pero kung magpapahinga ka na, sige, okay na ‘ko,” saad nito nang hindi siya kumikibo. Ang boses nito, mahina. Hindi utos. Pakiusap.
“Ah… Eh… Sige po, Sir, sasamahan ko po kayo,” utal niyang tugon dahil medyo alanganin din siya sa nais ng amo. Ang puso niya, kumakabog.
“Halika, maupo ka at nang makapag-relax ka muna. Napakaganda ng buwan, bilog at napakaraming bituin sa langit,” saad nito sa kanya na para bang hindi ito ang nagsasalita. Wala kasi sa aura ng amo ang mga ganoong salita. Si Kenzo, laging maingay, laging may kasama, laging lasing. Hindi ganito. Hindi tahimik.
Naupo siya malapit sa kinauupuan ng amo pero hindi na niya binabad ang kanyang mga paa sa swimming pool, nahihiya siya dahil nga katulong lang siya at amo niya ito. Dapat lang na huwag niyang kalimutan i-lugar ang kanyang sarili sa lahat ng pagkakataon. Ang laylayan ng palda niya, inayos niya para hindi sumayad sa semento.
“How old are you, Aila?” tanong sa kanya ni Kenzo bago ito humigop sa kapeng gawa niya para rito. Ang usok ng kape, umakyat sa mukha nito.
“Eighteen po, Sir Kenzo,” nahihiyang tugon niya rito. Ni hindi nga niya ito magawang tignan sa mga mata. Nahihiya siya rito. Ang liwanag ng buwan, sumasayaw sa tubig.
“Oh… Hindi naman pala tayo nagkakalayo ng edad. I’m twenty-one,” saad nito sa kanya.
“Student ka rin sa De La Cerna University?” tanong nito sa kanya.
Tumango siya rito. “Ang Don po ang nagpapa-aral sa akin sa university,” saad niya para alam na rin nito na ang lolo nito ang nagpapa-aral sa kanya.
“Wow… Bait talaga ni Lolo,” saad nito at nasilayan niya ang ngiti sa magandang labi nito. Ngiting totoo. Hindi pilit. “Napakabait po ng lolo niyo, Sir Kenzo,” saad niya rito.
“Yeah. Anong kurso mo?” tanong nito. Panay tanong nito about sa kanya, hindi naman niya makayang magtanong ng tungkol dito. Alam naman niyang hindi ito interesado sa buhay niya, sadyang wala lang silang mapag-usapan habang nagpapalipas ito ng oras. Alam niyang baka bukas lang, wala na itong maalala sa napag-usapan nila.
“Nursing po. Nasa 2nd year na po ako,” tugon niya rito. Sasagutin pa rin niya ang bawat tanong nito sa kanya. Kahit pa na hindi siya makapagtanong dito.
“Oh… Nice. Magaling talaga si Lolo. Instant may personal nurse na siya pagka-graduate mo, Aila,” saad nito.
Natahimik siya sa sinabi nito. Wala kasi siyang planong mag-stay sa bansa kung sakaling makapagtapos siya ng kanyang pag-aaral at makapasa. Ang nais niya, sa ibang bansa siya magtatrabaho at doon na rin mamumuhay nang tahimik at nais kalimutan ang lahat ng hirap na pinagdaanan niya. Gusto niyang makakita ng niyebe. Gusto niyang kumain ng mansanas na hindi mahal.
“Masarap ang kape mo, by the way,” saad ni Kenzo nang tahimik na siya at hindi sinagot ang sinabi nito.
“Mabuti naman po at nagustuhan niyo, Sir Kenzo,” saad niya. Ang mga daliri niya, nilalaro ang laylayan ng palda.
“Paniguradong mawawala ang hangover ko sa tapang nito,” saad nito sa kanya. Bahagya siyang ngumiti sa amo.
“I know medyo personal ito, Aila. Tanong lang naman para lang may ma-topic tayo at hindi ma-bored,” saad nito sa kanya.
“Ano po ba iyon, Sir Kenzo?” tanong niya.
“May boyfriend ka ba?” tanong nito.
Agad niyang iniling ang kanyang ulo. “Bata pa po ako para sa ganyan,” tugon niya sa amo.
“Eighteen ka na, nasa legal age ka na. Marami pang mas bata sa iyo ang in relationship ngayon. Isa pa, you are beautiful, Aila. Malakas ang dating mo,” saad ng amo sa kanya.
Naramdaman niya ang pag-init ng kanyang magkabilang pisngi sa papuring natanggap mula sa amo. Hindi tuloy niya malaman kung paano ito sasagutin. Ang buwan, parang nanonood.
“No doubt marami ang lumalapit at nagpaparamdam sa iyo sa De La Cerna University,” saad ng amo.
Iniling niya ang ulo. “Imposible po iyan, Sir Kenzo. Isa lang po akong katulong dito sa mansyon,” nahihiya niyang tugon sa amo. Kahit siya mismo, nahihirapan siyang banggitin ang salitang katulong lalo na’t iyon ang trabaho niya sa ngayon.
“Hindi naman nila alam iyon, Aila. At hindi na nila dapat malaman pa na dito ka sa mansyon nagtatrabaho. Na ang Lolo ang nagpapa-aral sa iyo,” saad nito sa kanya. Ang boses nito, seryoso. Parang protektado siya.
Tumahimik sila pareho. Ang tunog lang ng tubig sa pool ang naririnig. At ang huni ng kuliglig sa malayo.