Kinagabihan, sa hapunan, wala si Kenzo. Hinahanap ito ng Don at ng Papa nito.
“Saan na naman ba ang batang iyan? Mula nang makauwi siya, hindi na mapirmi dito sa bahay!” saad ng Don habang sinisimulan na nitong kumain, kasabay ang nag-iisang anak nito na siyang papa ni Kenzo.
Madiin ang bagsak ng tinidor ng Don sa plato.
“Ken, hindi mo ba kayang sawayin iyang anak mo?” may galit na tanong ng Don sa anak.
Tahimik siyang nag-aahin ng pagkain sa mesa. Pasimple siyang nakikinig sa usapan ng mag-ama.
Interesado siya sa buhay ng batang amo. Paano, buhay-prinsipe na ito at meron na ito ng lahat, pero pasaway pa rin. Marahil masyadong spoiled kaya ganoon na lang kung umasta. Lahat naman yata ng mga anak-mayaman, ganoon. Dahil lahat ng magustuhan, nakukuha.
Samantalang may mga katulad niyang salat sa lahat. Para bang sinumpa. Na dapat pa niyang pagpaguran ang isang bagay na gusto, kahit simpleng bagay lang iyon.
“Huwag po kayong mag-alala, Papa. Pagsasabihan ko po si Kenzo,” tugon ng papa ni Kenzo. Medyo nakayuko ang ulo.
“Nasaan na naman ba ang batang iyan? Panigurado, nasa lumang bahay ng mama niya. Ginawa niyang tambayan ng mga barkada niya!” inis na saad ng Don. Kumakaskas ang kutsilyo sa plato.
Wala pa siyang masyadong idea sa pinag-uusapan ng dalawa. Isang buwan pa lang siya sa mansyon. Last week lang din umuwi ang batang amo.
Nais pa sana niyang makinig. Pero tapos na niyang maiahin ang lahat ng pagkain sa mesa.
Para ngang fiesta sa dami ng putaheng iniluto ng tagapagluto. Tatlo lang naman ang kakain. Wala pa ang isa. Kaya dalawa lang. At paniguradong hindi mauubos ng mag-ama ang mga pagkain.
Kaya sila-silang mga kasambahay din ang makikinabang sa masasarap na pagkain. Isa iyon sa nagustuhan niya sa pag-stay niya sa mansyon. Hindi kuripot sa pagpapakain ang Don sa kanila. Kung ano ang kinakain ng mga amo, ganoon din sa kanila.
Kaya mula nang makarating siya sa mansyon, hindi na siya muling nagutom. Nakakakain na siya ng masasarap na pagkain. Lalo na ng mga prutas na hindi niya nakakain noon dahil walang pambili.
“T’yang, bakit po ba laging umaalis ng bahay si Sir Kenzo?” tanong niya sa tiyahin nang magtungo sila sa kusina at maupo sa mesa kasama ang iba pang kasambahay.
Hihintayin pa kasi nilang matapos kumain ang mga amo bago magligpit at kumain din.
“Naku, Aila. Huwag mo nang alamin kung saan nagpupunta si Sir Kenzo,” sabat ng kasama nila sa trabaho. Nasa singkuwenta pataas na ito. Si Manang Patris, nakapamaywang.
“Bakit po, Manang? Saan po ba? Parang lagi na lang po kasing wala siya sa bahay, at hinahanap ng Don,” saad niya. Mahinahon ang boses. Curious lang.
“Eh, Aila. Bakit ba parang interesado kang malaman? Sinabi ko naman sa iyo, hindi porke malapit ang edad niyo ni Sir Kenzo at magka-eskwela kayo, eh pwede na kayong maging magkaibigan o ano pa man. Amo mo pa rin si Sir Kenzo. At katulong ka niya!” paalala sa kanya ng tiyahin.
Tumayo ito mula sa pagkakaupo at iniwan sila sa mesa. Medyo malakas ang sara ng pintuan ng kusina.
Lagi naman ganoon ang tiyahin niya basta pagdating kay Sir Kenzo. Kahit wala naman siyang sinasabi.
Ang tingin na agad sa kanya ng tiyahin, parang may kasalanan na siyang hindi pa nagagawa.
“Naku, iyang tiyahin mo. Pinapairal na naman ang pagka-matandang dalaga,” saad ni Manang Patris. Iniikot nito ang kutsara sa baso.
“Oo nga! Palibhasa, matandang dalaga,” saad naman ng isa pang kasambahay. Mahina itong tumawa.
Hindi na siya kumibo. Sanay na siya sa mga parinig ng tiyahin, lalo na kapag sinasabi nitong katulad siya ng mama niya. Na pag nagka-edad na siya, gagayahin din niya ang yapak ng ina.
Bagay na hinding-hindi niya gagawin. Hindi siya magpapabuntis sa kung sinong lalaki lang. Hindi siya mag-aanak ng walang ama at iiwan ito.
Lahat ng dinanas niya sa ina, hindi mararanasan ng magiging anak niya, kung sakaling magkaanak siya. Pero kung siya ang papipiliin, hindi niya nanaisin na magkaanak sa estado niya ngayon sa buhay. Madadagdagan lang ang mga batang nahihirapan sa mundo.
Pero wala rin siyang balak maging katulad ng tiyahin. Para bang galit sa mundo. Laging nakasimangot. Laging galit kung magsalita.
Pero kahit ganoon sa kanya ang tiyahin, ramdam niyang concerned ito sa kanya. May malasakit. Bagay na hindi niya naramdaman sa sarili niyang ina.
Masakit ang mga salita ng tiyahin. Pero may laman.
“Pasaway po ba si Sir Kenzo? Bakit parang sakit po siya ng ulo ng papa niya at ng Don?” curious niyang tanong sa mga kasama. Nasa kandungan ang mga kamay niya. Mahigpit ang hawak sa isa’t isa.
“Eh, mabait naman si Sir Kenzo. Magalang iyan at hindi mapagmataas. Pamilya ang turing niya sa aming mga katulong dito sa mansyon,” seryosong saad ni Manang Patris. Malayo ang tingin. Parang may inaalala.
“Oo, totoo iyan. Napakabait ni Sir Kenzo. Pero may nangyari kaya nagbago siya,” saad naman ng isa pang kasambahay. Bumaba ang boses.
“Ano po ang nangyari?” kunot-noo niyang tanong. Pinaglipat-lipat niya sa dalawa ang mga mata. Kumabog ang dibdib niya. Gusto niyang malaman.
Magsasalita na sana ang mga ito nang mapapitlag silang tatlo. Narinig nila ang tawag ng Don mula sa komedor. Malakas at maawtoridad ang boses.
Mabilis silang nagsitayuan. Nagmamadaling naghiwa-hiwalay na para bang may ginagawang masama at takot mahuli ng amo.
Muntik pa siyang madulas sa pagmamadali.
Hindi naman masama na pag-usapan nila ang batang amo. Lalo na para makilala niya ito at malaman kung anong klaseng tao ito.
Ang Don kasi, at ang papa ni Kenzo, masasabi niyang mababait. Marespeto sa kapwa at matulungin. Sayang naman kung hindi ganoon ang ugali ng batang Fisher.
Curious na curious tuloy siya kung ano ang nangyari kay Kenzo para maging pasaway at maging sakit ng ulo ng Don at ng ama nito.
Nag-iisang apo pa naman ito. Walang dudang nag-iisang tagapagmana ng mga Fisher pagdating ng panahon.
Kung sakali na siya ang maging apo ng Don, wala siyang gagawin kundi magpakabuti. I-enjoy ang luxurious life na bigay sa kanya. Hindi siya gagawa ng ikakasama niya at ikakagalit sa kanya ng mayamang lolo at ama.
Iyon nga lang, hindi siya si Kenzo.
Siya si Aila. Isang mahirap lang. At katulong.