Habang lulan ng sasakyan ay hindi mapakali si Tyreen, ayaw niya sanang sumabay kay Perry pero hindi na siya nakahindi pa kay Manang Ingga.
Nasa passenger seat si Perry kaya kahit papaano ay nakakahinga pa naman si Tyreen na noon ay mag-isa sa back seat.
"Ayos ka lang ba diyan, Marga?" maya-maya ay tanong ni Tonyo sa kanya.
"Ha? Uhmmm, oo, salamat," aniya sa lalaki.
May hitsura naman si Tonyo at mukhang mabait din naman. Binata kaya hindi maiwasang magpa-cute sa kanya.
"Saan mo gustong ibaba ka namin?" hirit pa nito.
"Siguro sa sakayan na lamang ng dyip papunta sa kabilang bayan," wika kay Tonyo. Ayaw niyang pahalata kay Perry na sa lugar ding 'yon siya nakatira.
"So, taga kabilang bayan ka pala?" singit ni Perry sa usapan nila ni Tonyo.
"Opo, senyorito," magalang na tugon rito.
"Call me, Perry," saad nito na kinatahimik ni Tyreen.
"Nope, I preferred senyorito," tugon sa lalaki na kinatahimik naman nito.
"Ihahatid ka na lang namin," maya-maya ay singit ni Perry.
"Ho?" bulalas ni Tyreen sa hindi inaasahang sinabi ng lalaki. "Naku, huwag na po, maaabala pa kayo, ayos na ako sa sakayan ng dyip," giit ni Tyreen.
Nakitang lumingon si Perry sa kanya, walang nagawa si Tyreen kundi salubungin ang matiim na tingin ng amo sa kanya.
"A-Ayaw ko lang kayong magambala, boss, besides ay susunduin daw ako ng boyfriend ko," deretsong wika at hindi alam kung saan galing ang dahilan niyang 'yon.
"May boyfriend ka?" bulalas ni Tonyo na singit.
Natahimik si Tyreen dahil nakitang napakunot-noo si Perry.
"Oo, may boyfriend ako," segunda at bilang tugon na rin kay Tonyo saka mabilis na iniiwas ang tingin kay Perry.
"So, nag-off ka lang sa work mo para makipagkita sa boyfriend mo?" maya-maya ay dinig na saad ni Perry.
Hindi alam ni Perry kung bakit bigla siyang nainis nang malamang may kasintahan ang bago nilang kasambahay.
"Naku, hindi naman po, senyorito, syempre pamilya pa rin pero hindi na mawawala 'yon lalo na at balak na naming magpakasal," anang pa ni Tyreen. Hindi alam kung bakit tila gustong asarin ang amo.
"Magpakasal? Huh, that's serious matter, kaya ka ba niyang buhayin?" giit ni Perry na lalong nainis. Pinayagan nga ito ng kasintahang mangatulong tapos magpapakasal pa siya sa lalaking walang buto!
"Sa totoo lang senyorito ay ayaw niya akong pumasok bilang katulong pero ayaw ko namang sabihin ng pamilya niya na wala akong trabaho," giit ni Tyreen at kitang-kita sa mukha ni Perry ang inis.
Tila gusto niyang matawa pero pinigil ang sarili.
"Mayaman po ang boyfriend ko kaya nga nagsusumikap akong makaipon ng pampuhunan man lang ng maliit na negosyo," aniya kay Perry.
"Anong negosyo naman ang itatayo mo?" maang ni Perry.
Gusto niyang matawa sa pinagsasabi ng babae sa back seat, ano naman kayang negosyo ang maitatayo nito sa sahod nito bilang kasambahay sa kanila.
"Kahit maliit na sari-sari store lang o kaya tusok-tusok," ani Tyreen na sa loob-loob ay natatawa na lamang.
Lalo kasing nagsalubong ang kilay ng boss sa sinabi.
"Simpleng tao lang ako, senyorito, simpleng babae na naghahangad ng simpleng buhay na masaya. Kung mag-aasawa ako ay gusto ko 'yong negosyo na makakasama ko ang anak ko, maaalagaan ko, ganoon ba?" palatak ni Tyreen.
"Sabagay, maganda 'yan," singit ni Tonyo."Ang swerte naman ng boyfriend mo, pwede bang ako na lang," hirit pa nito na tuluyang kinatawa ni Tyreen.
"Well, guwapo ka naman at mukhang mabait kaya lang faithful ako sa kanya, e," giit ni Tyreen na diniin ang salitang faithful, gusto niya sanang humirit upang paringgan si Perry pero mas piniling itikom na lamang ang bibig.
"Sayang lang at huli na tayo pinagtagpo ng tadhana," hirit ni Tonyo na tuluyang kinatawa ni Tyreen.
"Kaya nga, e," aniya saka sinipat si Perry na noon ay tahimik sa upuan nito.
Hindi nagtagal ay nakarating sila sa may estasyon ng dyip patungo sa kabilang bayan ng Carmona.
"Paano ba 'yan, Tonyo, mauna na ako," paalam sa driver, hindi na sana niya kikibuin si Perry pero ayaw niya namang maging bastos rito. "Boss, una na ako," hirit kay Perry at tuluyang bumaba ng sasakyan.
Nasa mahabang linya na siya patungo sa dyip ng mapansing hindi pa rin nausad ang sasakyang binabaan dahilan upang mapakunot-noo siya.
"Bakit hindi pa sila naalis?" bulong sa sarili at pakiramdam ay nakatingin sa kanya si Perry.
Naalala na baka hinihintay nilang dumating ang sinasabi niyang kasintahan.
***
Pagkababa ng babae ay uusad na sana ang kinalululanang sasakyan nang mabilis na pigilan si Tonyo.
"Sandali lang, tingnan nga natin kung dumating ang boyfriend niya," ani Perry na curious sa hitsura ng kasintahan ng kasambahay.
"Naku, senyorito, mukhang gusto mo ring makita ang jowa ni Marga, no?" bulalas ni Tonyo.
"Curious lang ako kung mayaman nga ang lalaking 'yon, bakit niya hinahayaan na magtrabaho ito bilang katulong," depensa para hindi mahalata.
"Sabagay, senyorito, hindi malayong may mayamang magkagusto kay Marga, maganda siya at mabait," hirit ni Tonyo.
Hindi kumibo si Perry pero may punto ang sinasabi ng driver niya.
Hindi nagtagal ay may nakitang pumaradang sasakyan sa 'di kalayuan at lumabas roon ang isang lalaki.
Lalong napakunot ang noo ni Perry nang mapagtanto ang lalaking lumapit kay Marga, kilala niya ang lalaki at hindi siya maaaring magkamali, ito ang panganay na anak ng mga Escodero, si Tyrese Escodero.
'Siya kaya?' tanong sa isipan. Mayaman ang mga Escodero, bakit nila hahayaan na makapangasawa ng isang maralita.
"Naku, senyorito, mukhang 'yon na nga ang boyfriend ni Marga. Mukhang mayaman nga," hirit ni Tonyo.
Sa isipan ni Perry ay halo-halo ang nasa isip pero nanaig ang isipin na baka ginagamit ni Tyrese Escodero ang kasintahan upang pumasok sa kanilang mundo.
"Senyorito, ano, aalis na po ba tayo?" maya-maya ay untag ni Tonyo sa kanya.
Nang balikan ng tingin si Marga ay nakitang sumama na ito sa lalaki.
***
Halos mapamura ng sunod-sunod si Tyreen nang bigla ay dumating ang Kuya Tyrese niya. May meeting daw ito sa malapit at hindi raw nito inaasahang makikita siya roon.
Napasilip pa siya sa kinapaparadaan ng sasakyan ni Perry kaya lalo siyang kinabahan. Isang linggo pa lang siya sa bahay ng mga Caballero at mukhang mabubuko na siya kung sino talaga siya.
"Kuya, ayos na ako rito. I'm trying to live a simple life," anang rito upang lubayan na at masagot ang tanong nito kung bakit siya nakapila sa sakayan ng dyip.
"No, I insist na sumama ka na sa 'kin baka kung mapaano ka diyan," giit ng kuya niya.
Kahit gusto niyang ipagtabuyan ito pero matigas rin ang ulo ng kuya niya at bago pa mababad ang mukha nito sa paningin ni Perry ay sumama na siya. Bahala na siyang magpaliwanag rito kapag nakauwi siya bukas ng umaga, ang importante ay makaalis na sila.
Pagkapasok sa loob ng sasakyan ng kanyang Kuya Tyrese ay hindi natapos ang pang-uusisa nito.
"What's wrong with you, bakit ganyan ang suot mo?" maang nito sa simpleng kupasing maong at tshirt.
"What's wrong with my cloth? Desente naman tingnan," aniya sa lalaki.
"I mean, bakit ganyan, masyadong makaluma," anito.
"Hey, sa US ganito ang uso, jeans and tshirt never been out of the trend, no?" giit sa nakakatandang kapatid. "Kaya nga mas gusto ko sa rancho maglagi kasi, hindi babad sa mata ng mga tao. I want a simpl life," aniya sa kanyang Kuya Tyrese.
"I know, you want a simple life but you are a Escodero kaya hindi mo pa rin maiaalis sa mga mata ng tao na isa kang mayamang tao," giit ng kapatid.
Napabuntong-hininga na lamang si Tyreen at sumandal at nag-relax hanggang sa makauwi sila sa kanilang mansyon.
Agad siyang dumeretso sa silid at naligong mabuti, nagbabad siya sa kanyang bathtub ng isang oras bago lumabas ng silid upang tingnan kung ano ang kanilang tanghalian. Nagulat siya nang tumambad ang ama sa sala.
"Bakit sabi ng kuya mo na nasa sakayan ka raw ng dyip papuntang Carmona?" usisa ng ama.
"Uhmmm, " aniya na nag-iisip ng idadahilan. "May dadalawin lang akong kaibigan roon," pagsisinungaling sa ama.
"Ilang beses akong tumawag sa rancho at sinabing lagi kang wala?" bulalas pa ng ama.
"Ha? Uhmmm, oo, lagi akong maikot sa rancho," pagkakaila pa sa ama. Binilinan kasi niya ang katiwala sa rancho nila na kapag tumawag ang ama ay sabihing lumabas lang siya at magpanggap na naroroon lamang siya.
"Anak, wala ka bang balak dumito na lang at tulungan kami ng mga kapatid mo sa negosyo. Kakailanganin mo ang talino at galing mo upang lalong lumago ang negosyo natin," giit ng ama. "Lalo na at malapit na ang susunod na eleksyon, mukhang magiging mainit ang labanan dahil balita ko ay ilalaban ng mga Caballero ang nag-iisa nilang anak," palatak ng ama dahilan upang maalala si Perry.
Gusto muling mapamura dahil nakita nitong kasama niya si Kuya Tyrese nito kanina baka kasi kung ano na ang isipin nito.
"Tama si papa, bunso, we need you sa kompanya," giit ng Kuya Tyrese niya na noon ay kanina pa pala nakikinig sa usapan nila ng kanilang ama.
May hawak itong baso ng tubig at galing sa kusina.
"Lunch is almost ready, bakit wala pa si Tyrone?" palatak ni Tyrese na naiinis na naman s kapatid.
"Sinundo raw ang kasintahan, maya-maya ay nandito na ang mga 'yon," tugon ng ama.
"It's a family day, bakit dadalhin pa ang girlfriend," anang ni Tyrese.
"May sasabihin daw," hirit ng ama.
"What, don't tell me buntis na ang kasintahan kaya mamadaliin na ang kasal. Halos hindi na nga siya mapirmi sa opisina tapos ganito?" palatak ni Tyrese na mukhang mainit talaga ang dugo kay Tyrone.
"Enough, Tyrese, maiintindihan mo kapag ikaw ay nagkaroon na rin ng girlfriend," hirit ng ama.
"I make sure na hindi kasing demanding ng babaeng 'yon," giit nito.
Natahimik na lamang si Tyreen dahil mukhang may isyu ang panganay nila sa babaeng mapapangasawa ng kapatid nilang si Tyrone na si Gretchen.
Hindi na kasi siya nag-usisa pa dahil focus siya sa misyon niya sa bahay ng mga Caballero.