Prologue
Kaia
Umuulan.
Hindi naman gano'n kalakas, pero sapat na para lumabo ang kalsada at 'yong windshield ng sasakyan.
Galing kami sa isang exclusive event--isa sa mga sosyal na gabing palaging dinadaluhan ng parents ko.
Nasa likod ako, nakahilig ang ulo sa kandungan ni Mommy. Sa bawat dampi ng kamay niya sa buhok at likod ko, unti-unti akong dinadapuan ng antok.
Medyo malalim na ang gabi. Halos wala na kaming kasabay sa daan.
"Matulog ka muna, Kaia," bulong ni Mommy.
Sa gilid ng mata ko, nakita ko ang pagsulyap ni Daddy mula sa front seat. May ngiti sa mga mata niya--'yong pagod pero kuntento.
Tumango ako nang marahan at ipinikit ang mga mata ko.
Pero ilang segundo lang ay biglang pumreno ang driver.
Mabilis akong napamulat habang si Mommy naman ay napasigaw.
Kumapit ako sa front seat para bumangon, pero napalingon ako sa unahan.
Doon ko nakitang may nakaharang na isang itim na van.
Hindi pa man ako nakakagalaw ay bumukas na ang pinto no'n. Sunod-sunod na bumaba ang mga lalaking may takip ang mukha.
Nahagip ng mga mata ko ang mga dala nila, subalit bago pa man rumehistro sa akin ang lahat ay hinila na kaagad ako ni Mommy.
Narinig ko ang takot at nagpa-panic na sigaw ni Daddy, pero nasapawan 'yon ng sunod-sunod na putok.
Nakakabingi.
Nakakakilabot.
Hindi ko na alam kung ano ang nangyayari.
Kaagad akong niyakap ni Mommy nang sobrang higpit habang umiiyak. Parang sinusubukan niya akong protektahan sa lahat ng puwedeng mangyari.
Subalit makaraan lang ang isang segundo ay narinig ko ang pagdaing niya. Naramdaman ko rin ang biglaang pagluwag ng yakap niya sa akin.
Parang biglang naubos ang lakas niya at unti-unting dumadausdos ang katawan niya pababa sa sahig ng sasakyan.
May naramdaman akong malagkit na pumatak sa may buhok ko, na hindi ko matukoy kung ano.
"Mommy..." nanginginig ang boses ko habang tinatawag ko siya, pero mas malakas pa rin ang ingay ng mga putok.
Hihigpitan ko na sana ang pagkakayakap sa kanya ngunit hindi ko nagawa nang isang matinding init ang biglang dumampi sa may bandang itaas ng likod ko.
Parang may pumasok na mabigat sa likuran ko dahil bigla akong nakaramdam ng panghihina. Hindi ko na nagawang yakapin pa si Mommy. Para akong pinunit sa parteng 'yon, at may mainit na tumulo sa loob ko papalabas.
"K-Kaia..." Mahinang tawag ni Mommy. "H-hide... u-under... s-seat..." Ang bawat salita ay parang hinihila na lang niya mula sa natitira niyang hininga.
Gusto ko. Gusto kong sumunod. Gusto kong gumalaw. Pero hindi ko magawa.
Ni makapagsalita, hindi ko na kaya. Nahihirapan na rin akong huminga.
Parang hinihigop ako ng upuan pahiga rito. Nagsisimula na ring mamanhid ang pakiramdam ko.
Pinilit kong panatilihing bukas ang mga mata ko kahit na nagdodoble na ang paningin ko. Nanatili rin namang buhay ang mga putok ngayong gabi.
Gusto kong gumapang. Gusto kong lumabas ng sasakyan, pero hindi ko kaya.
Paglipas ng ilang sandali ay biglang tumahimik ang paligid.
Parang pinatay ang lahat ng tunog.
Sinubukan kong ibuka ang bibig ko para tawagin si Mommy o si Daddy ngunit walang boses na lumalabas.
Dumako ang paningin ko sa unahan at nagimbal nang makita si Daddy na nasa pagitan ng mga upuan. Dilat ang mga mata niya at may kung anong mantsa sa mukha. Halos sumayad na ang ulo niya sa sahig.
Agad kong tiningan ang gawi ni Mommy at nakita siyang nakaupo sa sahig habang nakasandal sa pintuan. Mayroong dugo na tumutulo mula sa bibig niya.
Kusang tumulo ang luha ko sa mga mata habang nakatingin kay Mommy. Gusto ko siyang lapitan, pati si Daddy ngunit hindi ko magawang kumilos.
Maya-maya pa ay narinig kong bumukas nang pwersahan ang pintuan sa tabi ko.
May dumating ba?
May sasalba ba sa amin?
Sana ay hindi pa huli ang lahat.
Pinilit kong maaninag ang taong dumungaw sa akin pero malabo na ang paningin ko dahil sa luha at pagkahilo. Hindi ko makita nang malinaw ang mukha niya kahit na wala itong anumang takip sa mukha, 'di tulad ng mga lalaking bumaba roon sa sasakyan.
Ngunit sa ayos ng bibig niya, alam kong nakangiti siya.
At hindi ito ang ngiti na dapat makita sa ganitong sitwasyon.
Walang puso.
Walang simpatya.
Wala akong nagawa nang marahas niyang hilahin ang braso ko upang idapa ako sa upuan.
Hindi ko na magawang umangal.
"You'd be surprised how little time the body takes to shut down from blood loss," aniya, kalmado at halos malambing ang tinig. "I won't even need to waste a bullet." Mahina siyang tumawa saka na lumayo.