Chapter 1: Echoes

1078 Words
Kaia Tahimik sa loob ng therapy room. Wala kang ibang maririnig kundi ang tunog ng wall clock sa likuran ni Dra. Emma Aballe. Sunday na naman. Lumipas ang buong linggo na hindi ko man lang namamalayan. Nasa parehong upuan ako rito sa silid, 'yong malapit sa pintuan. Hindi sa bintana. At hindi ko alam kung bakit ito ang madalas na pinipili kong pwesto, hindi lang dito sa clinic. Siguro... dahil sa mga nangyari apat na taon na ang nakakalipas? Hindi ko masabi. "How's your week, Kaia?" Tanong ng doktora tulad ng nakasanayan. Pormal pero may lambing. Palaging gano'n. "Still alive." I shrugged. "I guess." Tumango-tango siya, halatang naghihintay ng susunod kong sasabihin ngunit hindi ko na iyon dinugtungan pa. At mukhang nakuha na niya 'yon dahil ngumiti siya. "Still alive is good." Is it? Gusto kong itanong ngunit pinili ko na lang manahimik at paglaruan ang zipper ng suot kong jacket upang maiwasan ang tingin niya. Nakita ko sa sulok ng mata ko na may bago siyang halaman na nandoon sa side table. Succulent 'yon at may nakasulat pa na 'you are growing.' Cute. Pero cringe. "May napanaginipan ka ba recently?" Tanong niya ulit, bago tuluyang mamayani ang katahimikan dito sa loob. Mabagal akong tumango. "Pero hindi ko na maalala." Which was partly a lie. I can still vividly remember my father's scream, the way my mother tried to protect me, and then... the terrifying, deafening echoes of the gunshots. I was just thirteen then. It's been over four years, but the memory still claws at me like it just happened yesterday. But I didn't want to go there. Not today. Kahit pa na araw-araw ay ibinabalik ako sa gabing iyon. Araw-araw kong itinatanong sa sarili ko kung bakit ako ang naiwang buhay. Kung bakit kailangan kong gumising nang mag-isa sa ospital para lang malaman na wala na akong mga magulang. Para ba madala ko ang bangungot na iyon hanggang sa pagtanda ko? Bakit pa ako sinaklolo noong gabing iyon? Bakit pa ako iniligtas mula sa kamatayan kung araw-araw naman akong pinapatay ng mga aalala ng mga pangyayari? Hindi ko alam kung magpapasalamat ako sa taong nakakita sa akin at nagdala sa ospital, o magagalit dahil hinayaan pa na niya akong mabuhay. Hindi na muli pang nagtanong si Dra. Emma. Hindi siya 'yong klase ng therapist na pipilitin kang magsalita. Hahayaan ka lang niyang lumangoy sa katahimikan hanggang sa kusa kang umahon. Minuto rin ang lumipas nang muli akong magsalita. "May bago kaming school doctor," pahayag ko. Hindi ko rin maintindihan kung bakit 'yon ang naisip kong palabasin sa bibig ko. To lighten up the load, maybe? Kaysa sa balikan ko na naman ang trahedyang nangyari sa pamilya ko. Nang sulyapan ko si Dra. Emma ay nakataas ang mga kilay niya pero hindi 'yong tipong nanghuhusga. Parang nagulat lang siya sa binuksan kong topic. "Talaga? Kumusta naman siya?" Hinilig niya ang mga braso sa lamesa, at hindi maikakaila na interesado siyang makinig. O dahil sa halos isang taon na nagpupunta ako rito sa clinic niya, ngayon lang ako kusang nag-open ng topic? Maayos na nag-share ng tungkol sa kung ano, maliban doon sa nangyari sa pamilya ko? "Okay lang naman. Last week lang siya nagsimula," tugon ko. "Mukhang mas bata kaysa sa dati. Mukha ring tahimik pero agaw-pansin ang buhok niya." Maliit akong ngumuso. Parang hindi appropriate sa isang doktor, kung tutuusin. Pero ang bago naming school doctor, mukhang hindi marunong sumunod sa kung ano ang dapat. At in fairness, bagay naman sa kanya. Iyon lang ay agaw-pansin talaga. Bahagyang ngumiti si Dra. Emma. "Tahimik din pala siya, tulad mo." Pilit akong ngumiti saka tumingin sa sahig. Hindi ako tahimik. Madaldal ako. Alam ko 'yon sa sarili ko. Noon, palagi akong nasasaway ni Mommy dahil sa ingay ko. Hindi ako nauubusan ng sasabihin kahit saan kami magpunta. Mananahimik lang ako kapag inaantok o tulog. Ang tawag nga niya sa akin ay Miss Talkie. Pero ngayon? Pinatahimik na ako ng mga nangyari. Nakakapagod nang magsalita. "Hindi ako sigurado kung tahimik siya," muli kong usal para makawala na naman sa mga aalala. "Nakasalubong ko lang siya sa hallway noong isang araw." Huminto ako, pinag-iisapang mabuti kung pati ang impormasyong ito ay sasabihin ko sa kanya. "Mhmm..." May pang-uudyok ang tinig ni Dra. Emma. "Parang... parang napatingin siya sa akin," halos pabulong kong sabi bago nag-angat ng tingin sa kanya. "Tapos... alam mo 'yong feeling na... hindi ka sigurado kung nginitian ka ba niya o nakapagkamalan kang may sakit?" Mahinang napahagikgik si Dra. Emma. "Baka naman nginitian ka talaga." Nagkibit ako ng balikat saka napatingin sa halaman. "Mukha naman siyang mabait. Pero parang medyo masungit 'yong aura niya. Parang ayaw sa maingay... at mahirap lapitan." Wala akong balak na lumapit. I'm not even interested to know more about the new school doctor. Laman lang kasi siya ng mga bibig sa buong campus. Simula noong ipakilala siya during our flag ceremony, siya na ang naging usapan sa loob ng araw-araw. Halos yata humahanga sa kanya ang mga kapwa ko estudyanteng babae. Tumango si Dra. Emma. "Siguro kailangan niya rin ng tahimik na paligid," aniya. "Minsan, 'yong mga mukhang mahirap lapitan sila rin 'yong may mabigat na dinadala." Sandali akong tumitig sa kanya. Hindi ko alam kung para sa akin ba 'yon o para roon sa bago naming school doctor. Nilingon ko na lang ang bintana. Naka-blinds pa rin ito, kagaya noong una akong dinala rito. Minsan iniisip ko kung ano ang pakiramdam ng may therapist na hindi mo kailangang pagtakpan ang sarili mo. Iyong tipong hindi ka mapapagod magpaliwanag kung bakit mahirap gumising sa umaga. O bakit gusto mo na lang mahiga buong araw at magkunwaring okay ka. Nakailang therapist na ako, pero masasabi kong medyo komportable naman ako rito kay Dra. Emma kaysa sa mga nauna. Dahil kung hindi, hindi na ako babalik pa rito. Hindi kami aabot ng halos isang taon. "I'll try to talk more next week," pahayag ko nang ibaling ko ang paningin ko sa orasan. Alas onse na, senyales na tapos na ang session namin. "That's a good start. And I'd love that, Kaia," ani Dra. Emma. Tumango pa siya sa akin saka ngumiti. Iniisip niya siguro na after almost a year, may progress na. Hinapit ko ang jacket na suot ko sa katawan paglabas ko sa clinic. Mainit ang sikat ng araw pero may kakaibang warmth akong nararamdaman. Parang iyong huling yakap sa akin ng mga magulang ko bago sila kunin sa akin ng gabing iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD