Narinig ko na naman ang pagtunog ng alarm ng cellphone ko, kaya patamad akong bumangon at ini-off ko na iyon.
Nakailang tunog na kasi dahil panay ang remind me later ko. Pang-anim na yata itong pagtunog ngayon kaya kahit inaantok pa ko, no choice kung hindi ang bumangon na. Ayokong ma-late sa unang araw ng klase.
Inaantok akong naglakad papunta sa banyo para maligo. Kalahating oras din ang itinagal ko sa banyo sa paliligo bago ako lumabas na nakatapis lang ng towel sa katawan.
Kumuha ako ng hair dryer at nagpatuyo ng buhok bago nagbihis ng isang crop top na kulay black na tinernuhan ko ng skirt na kulay white.
Simple lang ang suot ko pero I'm sure na lahat ng tao mapababae man 'yan o lalaki ay mapapahabol ang tingin sa akin. Kung baga, wala talaga 'yun sa damit, nasa nagsusuot iyon. In short, maganda ako, mukha at katawan ko lang talaga ang nagdala ng damit na suot ko.
Pagkatapos kong makapag-ayos ay bumaba na ako at nagpunta sa kusina para mag-almusal. Naabutan ko roon si Mommy na umiinom na ng kape habang hawak ang kan'yang cellphone.
"Morning po Mommy," bati ko bago ko s'ya hinalikan sa pisngi.
"Morning anak, lika na, kain na tayo at baka ma-late ka pa sa klase mo," nakangiti na sabi n'ya sa akin.
Tumango ako at ngumiti rin kay Mommy, ngiti na hindi umabot sa aking mata.
Paano ba naman, aalis na naman s'ya para asikasuhin ang business namin sa ibang bansa at hindi na naman alam kung kelan s'ya makakabalik. Minsan kasi inaabot ng isa hanggang dalawang buwan bago s'ya umuwi 'uli.
Naupo ako sa katapat n'yang upuan at naglagay ng pagkain sa plato ko. Parang nawalan ako ng gana bigla.
"Malungkot ka na naman ba anak?" tanong ni Mommy, pero hindi ako sumagot, "Anak, alam mo naman na para sa'yo lahat ng ginagawa ko 'di ba?"
Tumango 'uli ako. Alam ko naman iyon pero syempre hindi naman maaalis sa akin na hindi malungkot kapag umaalis s'ya. S'ya na lang ang pamilya ko kaya gusto ko palagi s'yang nasa tabi ko.
Kung hindi lamang sana nagloko ang Tatay ko hindi sana n'ya kailangan umalis nang umalis para mag-asikaso ng negosyo.
Hindi ko alam kung paano naatim ng Tatay ko ang iwan kami at ipagpalit sa iba. Hay! Nanggigigil ako sa mga malalandi talaga, naninira sila ng pamilya!
Kumain na kami ni Mommy nang tahimik. Alam ko naman na kahit wala akong masyadong sabihin ay alam n'ya kung ano ang nararamdaman ko.
Lagi naman ganito ang eksena namin kapag aalis s'ya ng bansa kaya malamang sanay na talaga s'ya sa akin.
Pagkatapos namin kumain ay sabay na rin kaming lumabas ng bahay. Ako para pumunta na ng university at si Mommy ay papunta sa airport. Ihahatid s'ya ni Mang Gaston ang aming driver papunta roon.
"Ingat ka po Mommy, tawagan n'yo po ako pagdating n'yo roon," sabi ko. Yumakap ako kay Mommy. Mami-miss ko na naman s'ya.
"Ingat ka rin palagi anak, 'wag ka ng pasaway okay? Magbago ka na dahil college ka na ngayon, dapat mas matured ka na mag-isip," sabi ni Mommy nang kumalas s'ya sa yakapan namin.
Pinaikot ko naman ang mata ko, dahilan para matawa s'ya dahil sa ginawa ko. Alam n'ya na kapag ganito ang reaksyon ko. Meaning bahala na at nakukulitan na ako sa bilin n'ya.
Sabagay hindi ko naman masisisi si Mommy dahil naiipatawag talaga s'ya sa school ko kapag sobra na ang ginagawa kong kalokohan.
Pero balance naman kasi ako, maloko ako pero mataas pa rin ang mga grades ko.
"Sige na anak, aalis na ako at baka mahuli pa ako sa flight ko," sabi nya, "Ingat ka sa pagda-drive mo."
Tumango ako at muling yumakap kay Mommy. "I love you po."
"I love you too anak," hinalikan nya ako sa pisngi.
Sumakay na s'ya sa kotse n'ya at pinaandar na 'yun ni Mang Gaston. Pinagmasdan ko ang kotse na papalayo at ng wala na iyon sa paningin ko ay saka ako pumasok sa kotse ko.
Nagpakawala ako ng malalim na hininga. Ang bigat ng pakiramdam ko tuwing umaalis ang aking ina.
Nag-drive na ako papuntang university. Medyo malapit lang naman ang school ko sa bahay namin kaya 15 minutes lang ay nakarating na ako.
Napangiti ako. Sa wakas college na ko ngayon. Ito talaga ang simula ng pagseseryoso sa pag-aaral. I'm not saying na noong elementary o noong high school ay hindi ako seryoso, ibig ko lang sabihin, kung noon seryoso na ako, ngayon dapat mas doble ang pagkaseryoso ko.
Bumaba ako sa kotse ko wearing my perfect smile. "Welcome to Hamburgh University, self. Nandito ka na sa university na pangarap ng lahat na pasukan."
Naglakad ako papasok sa loob ng campus at agad kong namataan ang mga kaibigan ko.
"Asia," sabi nila ng nakangiti at naglakad palapit sa akin.
Nagbeso kami sa isat-isa. "Aga n'yo, hindi halatang excited."
"Syempre naman Asia, excited talaga kami sa first day ng college life natin," sagot ni Irish.
Asia ang tawag nila sa aking dalawa. Ayaw na ayaw ko kasi na tinatawag ako sa buo kong pangalan dahil nababantutan ako talaga.
Parang pangalan kasi na pang Lola ang dating ng pangalan ko sa akin. Ewan ko ba naman sa mga magulang ko na sa dinami-dami ng magagandang pangalan sa buong mundo iyon pa talaga ang napili nila.
Sabi nga noon ni Mommy ng tanungin ko s'ya kung bakit ganun ang pangalan ko, ang sagot n'ya sa akin ay dalawa nga raw ang pinagpilian nila ni Daddy, Anastasia at Basyang daw.
Kaya kahit paano nagpapasalamat na rin ako dahil hindi Basyang ang napili nila, dahil kung hindi magbibikti talaga ako. Charot!
"Tama, kaya tayo na sa loob," 'aya sa amin ni Irene, sabay kapit sa braso namin dalawa.
Minsan kapag binabanggit ko ang name nilang dalawa nalilito ako, magkatunog kasi, daig pa ang kambal.
Magkakaibigan na kaming tatlo simula pa noong elementary. Ewan ko ba, magkakaiba kami ng ugali pero nag-click talaga agad kami at simula noon hindi na kami naghiwa-hiwalay.
"Kumain na ba kayo?" tanong ko sa kanila. Alam ko kasi na tamad silang mag-almusal.
Nagkatinginan ang dalawa bago sabay na umiling.
Hinatak ko sila agad papunta sa canteen, para kumain sila ng agahan. Para sa akin hindi healthy ang pag-skip ng breakfast.
Ayos lang naman kumain muna sila bago kami pumunta sa home room namin dahil maaga pa naman. At saka gusto ko rin magkape.
Kaagad kaming pumila para mag-order, nasa likod nila akong dalawa. Nandoon na naman sa isang vacant na table ang mga gamit namin kaya wala ng magtatangka na maupo roon.
Nauna ng maupo sa table namin sina Irish at Irene, ako ay naiwan pa rito sa pila dahil hinihintay ko pa ang kape ko. I love coffee, parang hindi ako mabubuhay ng walang kape.
Pagdating ng order ko ay kinuha ko agad iyon at ininom, sabay baling sa kabilang gilid para umiwas sa ibang nakapila pero wrong move.
"s**t!" inis kong sabi, sabay tingin sa suot kong crop top na ngayon ay basa na ng kape.
Seriously! Anong meron at ang limit kong mabangga at matapunan ng iniinom ko?
"Naku! Sorry Ms.," sabi ng isang tinig.
Pamilyar ang boses na iyon sa akin kaya nag-angat ako ng tingin mula sa aking damit papunta sa babaeng nagsalita.
Parang lalo akong nab'wiset ng makita ko kung sino 'yung nagsalita. I know this girl, hinding-hindi ko s'ya makakalimutan. S'ya ang dahilan kung bakit ako napahiya noong nakaraang linggo sa mall. At s'ya lang din ang nag-iisang tao na may lakas ng loob na sabihan ako ng tanga.
Kita ko ang pagkagulat na rumehistro sa mukha ng babae na kaharap ko ngayon. Mukhang natatandaan din n'ya kung sino ako. Napangiwi pa nga s'ya sa akin.
Iyan gan'yan nga, matakot ka dahil patay ka sa akin ngayon. Lintik lang ang walang ganti! Napahiya talaga ako sa mall noon tapos dumagdag pa ang pang-aasar sa akin ng dalawa kong kaibigan na hindi man lang ako tinulungan sa babae na 'to. Nakakainis talaga!
"Sorry 'uli Ms., bilihan na lang kita 'uli ng kape," sabi ng babae.
"Sorry? Mababalik ba ng sorry mo ang ___"
"Alam ko nga na hindi, kaya nga ibibili na lang kita," pagputol n'ya sa sinasabi ko.
Napakabastos talaga n'ya, walang manners!
"Iyan naman damit mo, itim naman 'yan kaya hindi halata ang bra mo este ang basa dahil magkakulay naman sila ng kape," nakangiti na sabi n'ya sa akin.
Ano raw? Niloloko n'ya ba ako?
"Anong bra ang sinasabi mo? Niloloko mo ba ako?" mataray kong tanong. Bakit nasali ang bra ko sa usapan? Don't tell me, isa s'yang lesbian?
"Nagkamali lang naman," sabi n'ya at nag-peace sign pa. Kung sa ibang circumstances kami nagkita baka sabihin kong cute s'ya, pero naku! Kumukulo talaga ang dugo ko sa kan'ya.
"Asia, tama na 'yan, pinagtitinginan na kayo," awat sa akin ni Irish at Irene.
Inilibot ko ang paningin ko at tama nga sila lahat nakatingin na sa amin. Kung noong high school wala akong pakialam, ngayon ay iba na. First day of class at baguhan pa lang ako rito sa university na ito kaya sige titigil na muna ako, sa ngayon. Hindi talaga ako papayag na hindi ako makakaganti sa babae na 'to.
Inaya na ako nina Irish at Irene sa table namin. Naupo na ako doon at pinilit ang sarili na mag-relax.
"Palit ka na lang ng damit Asia, may baon naman ako," sabi ni Irene. Binuksan n'ya ang bag n'ya at inabot sa akin ang isang blouse na kulay red.
"Thank you, akala ko papasok akong amoy kape," sabi ko pagkakuha ko ng damit.
Tatayo na sana ako ng lumapit sa amin ang babae na dahilan ng pagkasira ng umaga ko.
"Eto na 'yung kape mo, sorry 'uli," sabi n'ya. Mukha naman s'yang sincere pero basta naiinis ako. Kumukulo dugo ko sa kan'ya.
"Inumin mo, baka may lason pa 'yan!" nanggigigil na sabi ko. Sinamaan ko pa s'ya ng tingin.
"Arte mo, bahala ka na nga!" sabi n'ya bago ma-attitude na tumalikod sa akin. Iniwan n'ya ang kape na binili n'ya.
Napailing na lang ang dalawa kong kaibigan habang nakatingin sa akin.
"Bakit?" nakasimangot na tanong ko.
"Ang taray mo talaga, binigyan ka na nga ng kape ng tao," sabi ni Irish.
"Naiinis ako! Padalawa ng beses n'ya akong tinatapunan ng ininiinom ko," sagot ko.
"Oo dalawang beses nga, pero sa dalawang beses na 'yun Asia, ikaw ang bumangga sa kan'ya," sagot pa rin ni Irish sa akin bago nagkatawanan sila ni Irene.
Hmp! Pinagkakaisahan na naman nila akong dalawa.
"Wala kayong evidence na ako ang bumangga," sagot ko.
"Meron," sabay na sagot ng dalawa, kaya napatingin ako sa kanila na nakakunot ang noo. "Nakuhanan namin ng video."
"What?! Nakakainis kayo! D'yan na kayo!" sabi ko at umalis na roon. Dala ko ang bag at ang damit na ibinigay sa akin ni Irene.
Sa banyo ako nagpunta para magpalit ng damit. I love coffee, pero hindi ko pinangarap na magpabango ng kape.
Pagkatapos kong magpalit ng damit ay nag-retouch lang ako ng mukha ko, nagpolbos at nag-lipstick ng konti bago lumabas ng banyo.
Nagmadali ako sa paglalakad papunta sa home room namin dahil malapit ng mag-bell hudyat na magsisimula na ang klase. Ayaw kong ma-late, ang aga ko nga pumasok tapos male-late ako. Nakaka-badtrip iyon kapag nagkataon.
Pagtapat ko sa pinto ng classroom ko, binuksan ko iyon agad. Nagulat ako dahil nakaupo na ng maayos lahat ang mga classmates ko at nandoon na ang teacher namin at nakatingin sa akin.
Napatingin tuloy ako sa relo ko ng wala sa oras.
"Yes Ms.? Late ka na," sabi ng teacher namin na may amusement sa mata, "Dahil first day pa lang naman, pagbibigyan kita. Maupo ka na lang sa tabi ni Ms. Mariano."
Tumingin ako sa itinuro ni Ma'am na Ms. Mariano raw, at parang biglang gusto kong maghuromentado dahil ang tinuturo lang naman ni Ma'am ay walang iba kun'di ang babaeng dahilan kung bakit ako na-late ngayon.
T*ngina talagang buhay 'to! Ang malas ko ngayong araw na 'to!