“Bendita!” agad na sigaw ng mga kaibigan ni Bendita pagkababang pagkababa niya ng stage. Nakagat niya pa ang kanyang labi at saka sila nagtatalong tatlo. Pinagtitinginan na nga sila ng mga tao roon sa backstage dahil sa ingay nila.
“Shet! Queen na queen, sis! Ikaw na! Ikaw na talaga!” sabi ni Mario at nag-akto pang ipinapasa ang korona sa kanyang ulo. Natawa siya sa kaibigan.
“Halika na, friend! Shems! Ang dyosa mo!” si Lena na inalalayan pa siya papunta sa ginawang dressing room para sa kanya.
Natawa na lang siya sa mga ito. Hanggang sa makarating sila sa dressing room ay walang ibang bukambibig ang dalawa niyang kaibigan kundi kung paano siya sobrang galing kanina at kung ano-ano pa. Natatawa na lang siya sa mga ito.
“Ang exaggerated naman yata ng mga pinagsasabi niyo,” natatawang sabi niya sa mga ito.
“Ay te, hindi talaga! Tsaka nakita namin si RA kanina!” si Mario.
“True, ate! Bilib na bilib ang bakla!” sagot pa ni Lena. Nagtawanan sila. Nasapo niya ang noo at tiningnan ang dalawa niyang kaibigan mula sa salamin.
Nakaupo kasi siya sa isang vanity mirror noon at nasa magkabilang gilid niya ang dalawa para ayusin ang kanyang buhok. Wala na siyang number kaya tinatanggal na ng mga kaibigan niya ang mga nakalagay sa buhok niya. Ayaw niya kasing natatagalan ang mga iyon sa kanyang buhok at pakiramdam niya ay nagiging dry ang buhok niya sa mga nilalagay na spray net tapos ay nangungulot pa nang sobra ang mga iyon pag matagal na naka-hairpin, e naka-bun pa naman ang buhok niya.
“Ayan, okay na!” sabi ni Mario.
Agad siyang tumango at inayos ang kanyang sarili. Tumayo na rin siya at saka kinuha ang kanyang mga gamit.
“Uy, teka lang, picture naman tayo, sis!” sabi pa ni Lena at agad na inilabas ang cell phone. Itinutok nito iyon sa may salamin. Natawa pa si Bendita pero ngumiti na rin naman doon. Nakailang pose pa sila ng dalawa niyang kaibigan bago sila tuluyang umalis doon sa dressing room.
Sobrang dami nang umikot sila sa harapan ng stage. Iginala pa ni Bendita ang mga tingin sa buong plaza. Hinanap niya ang kanyang mga magulang pero hindi niya makita ang mga ito sa dami ng tao. Pumirmi lang ang kanyang tingin sa mga judges na nasa may harapan ng stage. Nagsisimula na ang pa-contest at isa-isa nang tinatawag ang mga contestant.
Napakagat-labi na lang siya nang dumako ang kanyang tingin sa lalaking may mahabang buhok na nasa gitna ng judges’ panel. Sa suot pa lang nito ay halatang stylish na itong manamit. Naka- itim na loose na botton dress kasi ito tapos ay naka-ankle boots din na itim.
“Naks, pormahang VG si Sir RA!” Narinig niyang bulong pa ni Lena at naghagikhikan ito kasama si Mario.
Napailing na lang sa kanila si Bendita. Kung ano-ano na naman kasi ang pinagkakaabalahan ng dalawang ito.
“Infairness naman talaga sa fashion ni Sir RA!” komento pa ni Mario. Agad na nilingon ni Bendita ang mga kaibigan.
“Hoy, ano ba naman kayo,” sita niya pa. Nagkatinginan pa ang mga ito tapos ay bahagyang nagtawanan bago nag-peace sign sa kanya.
“Sorry naman, te.” Si Lena. Umiling lang ulit siya sa kanyang kaibigan. Pinanatili niya ang kanyang tingin sa harapan kung saan nagaganap na ang contest. Tahimik na nanonood lang siya at pumapalakpak din sa tuwing maganda ang performance ng mga kumakanta.
Ang mga kasama niya naman sa gilid ay panay ang hagikhikan at kung ano-ano pang mga pinagkukwentuhan. Medyo matagal ang itinagal ng contest na iyon. Mag-aalas nuebe na rin ng gabi nang matapos ang contest at nag-aannounce na ng panalo. Sa huli ay nanalo iyong pangatlong candidate.
“Sis, di pa ba tayo uuwi? Ano nga pa lang ganap natin dito?” tanong pa ni Lena sa kanya nang magsitayuan at isa-isa nang umalis ang mga tao pero siya ay nanatili pa rin sa kanyang kinatatayuan at nakatitig pa rin sa stage kung nasaan ang mga judges.
“Oo nga, te. Nakita ko na mga magulang mo kanina na paalis.” Dinig niyang sabi pa ni Mario na sumulpot sa kanyang gilid. Nakagat niya tuloy ang labi at saka tiningnan ang dalawa.
“O, anong meron, te?” tanong pa ni Lena sa kanya. Napalunok pa siya , hindi alam kung anong sasabihin. Sa totoo lang ay hindi niya rin alam kung ano pa nga bang ginagawa nila roon, e, patapos na naman ang contest. Nag-uuwian na rin ang mga tao.
Ngumuso siya at tumungo na lang.
Tiningnan niya ang mga kaibigan at tipid na nginitian ang mga ito. "Wala. Hmm tara na nga," sabi niya pa at saka bahagyang tumawa.
Kinunutan siya ng noo ng mga ito. Mas ngumiti lang siya bago umangkla kay Lena.
"Okay ka lang?" tanong pa ni Mario sa kanya. Umangkla rin ang bakla sa kanyang kabilang braso.
"Okay lang ako," sabi niya lang rito at saka inaya na rin ang mga ito na umalis na roon.
Nang paalis na sila ay sinulyapan niya pa ng tingin ang stage kung saan naroon pa rin ang mga judges at mga contestant. Hindi niya alam pero may isang bahagi sa kanya na tila umasa. Performing in front of RA is a thing, pero ang mapansin ng scout ay ibang bagay rin. Hindi niya alam kung bakit siya umasa na lalapit o kakausapin siya nito pagkatapos ng performance niya.
'Hay nako, Bendita, bakit mo ba iniisip na lalapitan ka noon? Hindi naman ikaw ang priority ngayon at judge siya sa isang kontest.'
Ngumuso lang siya at sinabayan na ito sa paglalakad. Tahimik na ang daan doon at kasabayan nila sa kalsada iyong mga nanood din kanina.
"Deserve iyong nanalo, sis!" sabi ni Lena.
"Ay sa true lang!" si Mario naman.
"Uy pero infairness naman sa number two, no. May ibubuga rin.”
“Hmm oks lang para sa akin, though.”
Hindi na naiwasan ni Bendita ang mapangiti na lang sa chikahan ng kanyang mga kaibigan. Nilingon pa siya ni Mario.
“Ikaw, sis, sinong bet mo roon?” tanong pa nito.
Nagkibit-balikata siya at napaisip. “Hmm agree naman akong deserve noong nanalo. Siya rin ang gusto ko.” Bahagya siyang natawa. Isa-isa niya pang tiningnan ang dalawa na tila nag-iisip at nag-eevaluate pa ng kung ano.
Sa huli ay bumuntong-hininga na lang ulit siya. Hindi pa rin mawala sa kanyang isipan iyong kanina.
‘Sana na-impress ko siya. Sana nga totoong nangunguha siya ng talent kahit na hindi sa isang audition.’
Saglit niyang ipinikit ang kanyang mga mata at taimtim na nagdasal. Sana nga ay ganoon ang mangyari. Gustong-gusto niya talagang ma-discover at gustong-gusto niyang pumunta ng Manila para tuparin ang kaisa-isang pangarap niya, ang maging isang propesyunal na singer. Sana nga ay ganoon ang mangyari.
“Ben, nandito na tayo sa inyo.” Bahagyang napakurap si Bendita nang bahagya siyang sundutin ni Mario sa gilid. Napakurap-kurap pa siya at agad na ibinaling ang tingin sa buong paligid. Noon niya lang napansin na nasa tapat na pala sila ng bahay nila. Nakagat niya ang labi at napakamot na lang ng ulo.
“Okay ka lang ba, te? May hangover ka ba sa performance mo?” natatawang tanong pa ni Lena sa kanya. Bumuga siya ng hininga at umiling lang dito.
“Wala. Pasensya na. Inaantok lang ako,” sabi niya na lang kahit na ang totoo ay nawala siya saglit sa sarili dahil sa kaiisip.
Kumalas na siya sa dalawang kaibigan.
“Bye, te, see you tomorrow,” paalam pa ni Mario.
Ngumiti lang siya rito at saka tumango.
"Bye, ingat kayo," aniya at kumaway sa mga ito.
Hinintay niya muna ang mga itong makalayo bago siya tuluyang pumasok ng bahay nila. Ilang kanto lang din naman ang pagitan ng bahay nila sa mga bahay ng dalawa.
Pagpasok niya sa bahay nila ay sobrang tahimik na roon. Halos patay na rin ang ilaw sa loob maliban sa may kusina nila na talagang iniiwang bukas. Nakita niya ang suot niyang gown kanina na nasa sala na kasama iyong nga burloloy. Pinadala niya na kasi iyon sa mga magulang niya kanina since nauna namang umuwi ang mga ito.
Ngumuso siya at sumalampak ng upo sa kawayang upuan. Inusog niya ang gown at ang ibang mga burloloy niya. Sumandal siya sa likod ng upuan at napapikit na lang. Nanatili siya ng ilang saglit doon hanggang sa makarinig siya ng mga yapak na pababa.
"Oh, Bendita, anak." Agad na napadilat siya nang marinig iyon.
"Pa!" sambit niya pa at saka mabilis na napatayo.
"Bakit gising ka pa?" takang tanong nito.
Ngumiti lang siya at saka nagmano dito.
"Kararating ko lang po galing contest."
"Ay oo nga pala! O, sino palang nanalo roon?"
"Hmm di ko kilala, Pa. Pero iyong number two ata iyon."
Nagkibit-balikat siya. Nagkorteng-o naman ang bibig ng kanyang ama at saka tumango. "O, siya, sige na. Matulog ka na at may pasok ka pa." Tinapik nito ang kanyang balikat at iminuwestra na siya papunta sa hagdan nila.
Ngumiti lang siya at saka tinanguan din ang ama.
"Bye po. Good night," aniya pa at nauna na siya sa itaas.
Pagdating niya sa kwarto niya ay pabagsak na bumagsak siya sa kanyang kama. Napatitig siya sa kisame at napabuntong-hininga. Ipinaglapat niya nag kanyang labi at saka ipinikit na ang kanyang mga mata.
'Tulog na para positibo bukas, Bendita.'
Dala ang positibong pag-iisip na iyon ay mahimbing siyang nakatulog nang gabing iyon.
*****
Hapon na at palabas na si Bendita kasama sina Lena at Mario. Katatapos lang ng last period nila kaya uuwi na rin sila. Palabas na sila ng gate nang bigla silang mapahinto dahil sa kumpol ng mga taong nasa parking lot na nasa gilid lang ng maliit na gate.
"Teka lang, sis, hintayin natin si Jace at may biniling bananacue iyon," ani Lena. Tumango lang si Bendita sa kaibigan at nanatili silang nakatayo roon. Hindi na niya pinansin nag mga nagkakagulong mga tao hanggang sa napansin niyang parang lumalapit sa kanila iyong kumpol.
Nangunot ang kanyang noo at nilingon ang bahaging iyon. Ganoon na lang ang kanyang pagkatulala nang makita kung sino iyong naglalakad papunta sa pwesto niya at pinagkakaguluhan ng mga estudyante.
Natuod siya sa kanyang kinalalagyan. Parang huminto ang kanyang buong paligid at halos hindi na niya marinig ang mga sinasabi ni na Lena at Mario sa kanyang tabi.
"Hi, Miss. You're the one who performed last night, right?" RA's smile was all Bendita could see. Ang sopistikadang talent scout mula sa pinakamalaking record company ay nakatayo ngayon sa kanyang harapan.
Hindi siya makapaniwala!
"Ben, omg!" Niyugyog siya ni Mario.
Doon lang siya tila nabalik sa reyalidad. Napakurap-kurap pa siya.
"S-Sir RA!" hindi makapaniwala at kinakabahang sambit niya rito.
Sure siyang nakakahiya ang kanyang mukha at sure din siyang sobrang dilat ng mga mata niya habang nakatitig sa scout agent.
Bahagya pa itong tumawa. "That's me, hija. I saw your performance last night, and I must say that I'm quite impressed. I would like to offer you to be one of our prospects in KN Records," nakangiting abi nito sa kanya.
Tuluyan nang napanganga si Bendita. Sumunod doon ay ang impit na tili ng kanyang mga kasama. Napasinghap siya at nasapo ang kanyang bibig.
"Omg talaga po?" nanginginig ang mga kamay niya sa sobrang saya at pagkagulat.
RA just chuckled and nodded. "Yes. I see a lot of potential in you, hija."
Doon na siya halos mapasigaw sa tuwa.
"Sige po!" halos mangiyak-ngiyak niyang sabi. Narinig niya ulit ang impit na sigaw ng dalawang kasama niya na may kasama pang yugyog.
Namimilog pa rin ang mga mata niyang nakatingin sa talent scout. Muli ay ngumiti lang si RA sa kanya.
"Alright. I’ll be here for a few days, but I’m gonna be scheduling you for the audition, okay? Sasama ka sa akin pagpunta ng Manila. But before anything else, I'll be having a meeting with you and your parents. Maybe one of these days. Okay ba 'yon?"
Mas nanlaki nag mata ni Bendita. "Sige po!" excited at mangiyak-ngiyak na niyang sabi.
Natawa lang ulit si RA at hininga pa ang number niya. Halos tulala nga lang siya the whole time na kinukuha nito ang kanyang number. Parang tumigil sa pagtibok ng kanyang puso. Sobrang overwhelming ng kanyang nararamdaman na hindi na niya iyon maipaliwanag.
Nang umalis si RA ay saka niya tiningnan ang mga kaibigan. Nagkatinginan silang tatlo at doon na nagtatalon-talon.
"Shet, Ben!"
"Ahh this is it, sis!"
"Ahh!"
Hindj mawala-wala ang ngiti niya. Napatingala na lang siya at napapikit.
'Salamat, Lord!'