SINADYA ni Rain na magpa-late ng gising upang hindi siya makasama kay Kaiden sa opisina. Ngunit paglabas niya ng kuwarto ay nadatnan niya sa lobby ang mag-ama at may pinag-uusapan. Nakabihis na ng black suit si Kaiden.
“Oh, she’s here!” ani Kaiden nang makita siya.
Napalingon sa kaniya si Lucio. Nakaluklok lang ito sa wheelchair. “I’m glad you’re already up, Rain. Kaiden is waiting for you to accompany him to the office,” wika ng ginoo.
She bit her lower lip. Basta si Lucio ang hihingi ng pabor sa kaniya ay hindi siya makatanggi. Nahihiya siya rito lalo’t ang laki na ng ambag nito upang gumanda ang buhay niya. Pagtatanaw ng utang na loob, ika nga.
“Uhm, I’ll take a bath first,” sabi na lamang niya saka bumalik sa kaniyang silid.
Habang naliligo ay pinagmumura niya ang pangalan ni Kaiden. Talagang gagawa ito ng paraan para hindi niya ito maiwasan. Wala rin naman siyang choice dahil sa daddy nito.
Nasa rules ng modeling agency nila na hindi siya puwedeng ma-expose in public na walang makeup at hindi nakasuot ng magarang damit. Kung gagala siya, puwede siyang magsuot ng unrevealing dress but classy to maintain her model posture and image.
Gusto na rin niyang makawala sa higpit ng rules ng Cania Modeling pero wala pa siyang magandang offer sa agency ni Lucio. Mahigpit din kasi ang kompetisyon sa international fashion industry kaya nagtiyaga siya sa local. Kahit malakas ang kapit niya, hindi iyon sapat upang makakuha ng mas magandang offer.
She wore a rosy red off-the-shoulder dress with a plain design. Hanggang tuhod ang laylayan nito. Bawat dress na isusuot niya ay may ternong three inches sandals at shoulder bag. Kailangan din niyang mai-akma ang makeup sa kaniyang kasuotan upang neat tingnan. Inilugay lang niya ang kaniyang buhok dahil medyo basa pa. Saglit lang kasi niya itong napadaanan ng blower.
Nasa parking lot na si Kaiden at may kausap sa cellphone. Lalabas na sana siya nang pigilan siya ng kaniyang ina.
“Bakit ka pumayag na maging alalay ni Kaiden, anak?” balisang untag ng ginang.
“Ma, si Tito Lucio po ang may gusto nito.”
“Naniwala ka naman? Malamang si Kaiden ang humiling niyan. Alam ko na galawan ng lalaking ‘yan.”
“Mama naman. Huwag kang ganyan kung ayaw mong magkagulo kayo rito sa bahay.”
“Hindi mo ako masisi, anak. Kilala ko si Kaiden at kung gaano siya kapilyo. I’m sure, gumagawa lang siya ng paraan para makalapit sa ‘yo. At ikaw, huwag na huwag kang magpapatukso sa kaniya.”
Napabuga siya ng hangin. Kahit naman sabihin niyang iiwas siya kay Kaiden, hindi iyon kasing dali ng isang salita. Still, she needs to boost her defense against Kaiden’s seductive appearance.
“Huwag po kayong mag-alala, hindi ako mahahawakan ni Kaiden,” sabi na lamang niya para kumalma ang kaniyang ina.
“Asahan ko ‘yan. Sige na.”
Humalik siya sa pingi ng ina bago umalis.
Naghihintay na si Kaiden sa loob ng kotse, sa backseat dahil driver at bodyguard lang sa harapan. May dalawang bodyguard pa sa likuran kaya no choice siya kundi sa tabi ni Kaiden umupo. May kausap pa rin ito sa cellphone at may angas ang timbre ng boses.
Nanuot sa ilong niya ang matapang nitong pabango na nilukob na ang buong sasakyan. Nahiya ang perfume niya sa bango nito, hindi na niya maamoy ang sa kaniya. Nagmaniobra na ang driver.
“Call me tomorrow, and I’ll let you know if there are job vacancies,” sabi ni Kaiden sa kausap bago pinutol ang linya.
Isa malamang sa barkada nito ang nakausap. Nasa kabilang sulok siya umupo para maiwasang magkadikit ang mga balikat nila. Ang kaso, umisod pa rin sa kaniya ang binata. Wala na siyang uurungan dahil pintuan na.
“Why are you voiding me? Mahuhulog ka na riyan kakaurong mo,” sita nito sa kaniya.
“Bakit kasi umisod ka pa rito? Ang luwag diyan sa puwesto mo!” inis niyang sabi.
Bumungisngis pa ito. Napatingin tuloy sa kanila ang bodyguard sa harap pati driver.
“Kailan ka pa naging allergic sa akin, Rain?” tanong pa nito.
“Ang tapang ng pabango mo. Masakit sa ilong,” alibi niya.
Nakahahalata na ang mga kasama nila kaya iniwasan na lamang niyang kausapin si Kaiden. Hindi naman mga bata ang mga ito para hindi mapansin ang kakaiba sa kanila ni Kaiden.
Nabinbin pa sila sa traffic kaya nagbabad muna siya sa social media. Pilit siyang kinakausap ni Kaiden pero dedma. Pinapatawag niya si Dion kaso busy ito. Wala siyang makausap na magpapatigil kay Kaiden sa pangungulit.
Nang mag-dikuwatro siya ay napako ang tingin ni Kaiden sa mga hita niya na nahantad ang kalahati. Hinatak niya ang laylayan ng kaniyang damit upang matakpan ang hita.
Mamaya ay ramdam na niya ang kamay ni Kaiden na gumapang patungo sa tuhod niya. Pinitik niya ang kamay nito.
“Ouch!” daing nito. Binawi rin nito ang kamay at pangiti-ngiti.
Malayo pa sila sa opisina ng ahensiya kaya parang pusang hindi mapaihi si Rain. Gusto na niyang bumaba at mag-taxi na lang. Nang nag-reply si Dion sa chat niya ay ito ang pinagkaabalahan niya. Pero nawindang siya nang sabihin ni Dion na may collaboration endorsement project ito sa Demir Talent Agency. Hindi nito sinabi ang oras.
“It’s my first time visiting my dad’s office. I need your guide, Rain,” basag ni Kaiden sa katahimikan.
“Hindi ako nagtatrabaho sa ahensiya ninyo. Tumutulong lang ako sa ibang paperwork ni Tito Lucio,” aniya.
“Why? I thought you’re one of the agency’s talents.”
“I got a freelance offer, but the competition was like joining the Ms. Universe pageant.”
Kaiden chuckled. “You’re not confident with your skills, uh? O baka ako lang talaga ang naka-appreciate ng ganda mo.”
Binato niya ng mahayap na tingin si Kaiden. “Every woman has a unique beauty. Kinulang lang ako sa talento.”
“Right. Ayaw mo kasing maniwala sa akin.”
“Shut up,” mahinang buyo niya rito.
Lalo siyang nairita sa nakalolokong ngisi ni Kaiden. Palagi siya nitong inaasar noon na lampa pagdating sa pagsayaw. Inaamin naman niya na mahina siya sa ganoong bagay.
Pagdating sa pilot office ng Demir Agency, sinalubong na sila ng secretary ni Lucio na si Magenta, ang transgender na Filipino-American at doon na lumaki sa bansa.
“Welcome, Sir Kaiden! I am expecting you today,” masigla nitong bati. Babaeng-babae kumilos si Magenta pati postura, naka-gray dress. Nanalo na ito sa transgender pageant at sumikat. “And nice to see you again, Rain,” bati rin nito sa kaniya.
Sumunod sila rito sa tanggapan ni Lucio sa fifth floor. Nag-endorse kaagad ng trabaho si Magenta kay Kaiden.
“Do I need to work right now?” tanong nito kay Magenda.
“Your choice, sir. You’re the boss.” Kumindat pa si Magenta.
“I’m not ready yet. I want to familiarize the job first.”
“No problem, sir. I will assist you. But for now, I have works to do. You can stay here and explore the facilities. I will get back to you before lunch.”
Tumango lang si Kaiden.
Nang umalis si Magenta ay gumala sila sa ibang pasilidad ng gusali. May pitong palapag ang gusali at meron ding malalaking studio roon. May bagong project kasi ang ahensiya, nagpu-produce ng short film na ipapalabas sa sariling platform worldwide.
“Seryoso ba si Daddy na pilot office lang ito ng ahensiya niya?” hindi makapaniwalang sabi ni Kaiden.
Tinatahak nila ang malawak na rehearsal studio. Wala pang tao roon dahil bagong renovate ang area.
“Yes. Ito ang pinakamaliit. Isa lang ito sa investment ng daddy mo sa Pilipinas. Ang main office ng ahensiya ay nasa Turkey. Pero mas marami siyang business sa Rome, Italy at New York,” sabi niya habang nakabuntot dito kasunod ang tatlong bodyguards.
Kaiden laughed caustically. “I can’t imagine how lucky your mother was, Rain. She’s skilled, huh? Nakasungkit siya ng big time businessman. And you will be lucky too if you will accept me again.”
Huminto siya nang tumigil ito may isang dipa ang layo sa kaniya. “I’m contented with my life now, Kai,” may riing saad niya.
Pumihit ito paharap sa kaniya, sinuyod siya ng tingin. “I’m not convinced, Rain. I know you’re still struggling to raise yourself into the pick of your selfish ambition,” anito sa matigas na tinig.
She smirked and stepped back. “Nagsisimula pa lang ako. Wala naman talagang instant sa industriyang ito.”
“I’m aware. Kaya nga ayaw kong hayaan ka sa gusto mo.”
“Tumigil ka.” Tinalikuran niya ito.
“Rain!” tawag ni Kaiden.
Hindi niya namalayan na humabol pala ito. Patungo siya sa maliit na studio ng ahensiya kung saan ang kabisado niyang banyo. May mga tao na roon. Papasok na siya sa palikuran nang mag-text si Dion. Naroon na umano ito sa gusali.
Pumasok siya sa isang cubicle at doon sinagot ang text ni Dion. Sinabi lang niya kung nasaan siya. Tumawag pa ito pero hindi niya sinagot. Ihing-ihi na kasi siya. Paglabas niya ng cubicle ay wala na ang ibang babae. Inayos muna niya ang kaniyang makeup.
Tumunog ulit ang kaniyang cellphone, tumatawag si Dion. Sinagot na niya ito. “Narito pa rin ako sa CR sa maliit na studio,” sabi niya.
“Okay. Papunta na ako riyan. May ibibigay ako sa ‘yo.”
“Sige. Palabas na ako.”
Naputol na ang linya pero nakalapat pa rin sa tainga niya ang cellphone. Pagbukas niya ng pinto palabas ay pumiksi siya sa pagkagulat. Nabitawan niya ang kaniyang cellphone ngunit nasalo ito ni Kaiden.
“Nagulat ba kita?” tanong pa nito sa malamyos na tinig.
Mumurahin sana niya ito pero napigil niya ang sarili. “Akin na ‘yan!” paasik niyang wika, pilit binabawi ang cellphone sa kamay nito.
“Take it,” anito pero ipinasok sa bulsa ng pants ang cellphone.
“Kai, please!” may gigil niyang samo.
Humakbang pa nga palapit sa kaniya ang binata at pilit siyang hinahawakan sa kamay. Itinulak niya ito sa dibdib.
“Akin na ang cellphone ko!” Nagtaas na siya ng tinig.
“Dukutin mo.” Tumawa pa ito.
Kinakabahan na siya dahil tiyak na parating na roon si Dion. Lilinga-linga siya sa paligid bago nagpasyang dukutin sa bulsa ni Kaiden ang kaniyang cellphone. Nang hawak na niya ang cellphone ay saka naman nito pinigil ang kamay niya at itinulak siya padikit sa pinto. Pilit niya itong itinutulak sa dibdib ngunit animo nahipnotismo at bigla siyang nanlumo.
“F*ck! Your touch was driving me crazy, baby,” he whispered on her forehead.
Nakuha niya ang cellphone pero dahil sa pagkataranta ay nabitawan din niya.
“Rain?” tinig ni Dion.
Pakiramdam ni Rain ay iginigisa siya sa mainit na mantika. Pinagpawisan siya nang malagkit. Dumating pa nga si Dion!