Chapter 16
SA laki at bigat niya wala akong nagawa kundi ang hilahin siya patungo sa kubo habang hawak ko ang magkabilang balikat niya, paminsan-minsa’y binubuhat ko siya para umilag sa mga sanggang nakaharang at mga bato. Hingal na hingal ako nang maibaba ko siya sa harapan ng pinto at muling inayos ang damit dahil nakikita na naman ang pribadong parte ng katawan niya.
Palinga-linga ako sa paligid, lumapit ako sa pinto at nang buksan ko ito para itulak namangha ako nang malamang hindi ito naka-lock. Sinilip ko ang loob, walang gaanong laman ang kubo na bahagyang maluwag, may ilang upuang kahoy, sirang kama at mga pang-ayos sa bahay.
Huminga ako ng malalim saka ko muli siyang binuhat papasok sa kubo, inihiga ko siya sa gitna, sa mismong malamig na sahig, tinignan ko siya mula ulo hanggang paa kung anong gagawin ko sa mga galos niya at sugat na nakuha sa pakikipaglaban. Naningkit ang mga mata ko nang mapansing isa-isang lumiliit ang mga sugat hanggang sa mawala ito, may ilang halatang sugat dahil peklat na lamang ito.
Hindi ako pwedeng mamangha sa kanya, tumayo ako at naghanap ng taling magagamit ko. Kinuha ko ang lupid na nakasabit sa isang gilid at saka kinuha ang upuan. Tinignan ko kung matibay ba ito bago ko pinuwesto sa uluhan ni Kalen. Buong lakas ko siyang binuhat at pilit na pinaupo sa upuang kahoy, halos hindi ko siya mabalanse lalo na’t wala pa rin siyang malay, hanggang sa bumagsak ang ulo niya sa balikat ko na siyang kinabigla ko ng bahagya. Nararamdaman ko ang mainit na hangin na lumalabas sa paghinga niya na kumikilit sa balikat ko.
‘Tama ba ‘tong gagawin ko?’ Hindi ko maiwasang magtanong sa sarili ko habang nasa ganu’n pa rin siyang posisyon. Bigla akong nakaramdam ng awa sa kanya, ilang beses din niya akong tinulungan pero hindi ibig sabihin mabait na rin ako sa kanya, puti man o itim magkakaparehas lang silang halimaw.
Binitawan ko ang panaling lubid at saka muli siyang inalalayan pahiga sa sahig. Hindi na ako nag-atubiling lagyan siya ng unan, sa tingin ko sa oras na umalis ako mawawala rin naman siya at magtatago pabalik sa kanila, ‘pero ibig sabihin ba nito kailangan kong itago ang sikreto niya?’
Ayokong guluhin ako ng isipan ko kaya iniwan ko na lamang siya roon at sinara ang pinto. Hahayaan ko na lamang siya sa kanyang pagtakas, agad akong bumalik sa manor at kanina pa pala nila ako hinihintay sa labas. Iika-ika si Nikita na lumapit sa ‘kin at saka yinakap habang mangiyak-ngiyak siya.
“Jusko ko, anong nangyari sa ‘yo?” Pilit niyang tinatakpan ang kalmot kong nakuha sa mga lobo, kumalas siya sa pagkakayakap saka hinawakan ang pisngi ko nakatitig sa ‘kin habang awang-awa, sa isang iglap nakaramdam ako ng pagod, awa rin sa sarili ko at halo-halong emosyon. Gusto ko rin maiyak sa nangyari sa amin ngunit hindi ko pinahalata sa kanila.
“Totoo ba talaga sila?” Tanong ko sa kanya nang bitawan niya ako saka siya tumango-tango.
“Oo, totoo sila, Sia, totoong-totoo pero hindi kailangan malaman ng mga tao na nangyari na naman ito sa iyo at sa mansyon, ayos na ang isang beses na dumalaw sila para maghasik ng lagim ngunit dalawa o tatlo, kamalasan ng hatid iyon para sa mga taga-Caroline, sa oras na malaman nila iyon kahit ikaw pipilitin nilang patayin para hindi na sila madamay pa,” nanginginig niyang paliwanag.
Namilog ang mga mata ko, ganu’n ba iyon?
Tumango-tango ako, “oo, kailangan natin silang itago, ang bangkay nila at isipin na lang nating walang nangyari ngayon,” wika ko, hindi ako natatakot para sa sarili ko, natatakot ako para sa kanila na madamay pa sila.
‘Bakit nga ba kung kailan narito ako? Saka sila sumugod, hindi kaya ako ang pakay nila, pero bakit?’
“Huwag ka nang mag-alala ang asawa ko na ang bahala sa kanila at si Dario, magpahinga ka na at isipin na lang nating walang nangyari ngayong araw,” para siyang inang nagpapayo sa ‘kin.
Natatakot ako sa mga posibilidad, kaya tumango-tango na lamang ako.
NATAPOS na akong lahat sa pagtulong sa paglinis sa sala at pagligo ngunit hinayaan ko ang sarili kong maupo sa loob ng punong tubig sa bathtub. Ang dami kong iniisip at hindi na gaanong napapansin ang ingay na meron sa baba dahil sa pag-aayos ng nasirang pinto. ‘Ano bang dapat kong gawin?’ Sa tuwing naalala ko ang mga nangyari kanina sa kasagsagan ng malakas na ulan hindi pa rin mawala sa isip ko at hindi pa rin makapaniwala, ngunit totoo silang lahat!
Saka lang ako umahon sa tubig at nagbihis. May kaunting hapdi at kirot pa sa sugat ko lalo na sa likod ngunit hindi ko ito masyadong intindi. Hinayaan ko ang buhok kong hindi pa nasusuklayan, kumuha ako ng kumot na puti at bumaba.
Pagbaba ko sa ikalawang palapag, nakita kong nag-uusap ang tatlo sa may pintong inaayos, napakaseryoso ng pag-uusap nila, nong papalapit na ako saka lang nila ako napansin at nag-aalalang nakatitig sa ‘kin.
“May nangyari na naman ba?” Tanong ko sa kanila.
“Iniisip kasi namin na kung maari’y lumisan ka na muna ng Caroline at kami na lang ang bahala sa pagbebenta ng bahay ngunit may nalaman ako sa bayan…”
Napakunot-noo ako, ‘may balak pa ba akong ituloy ang pagbebenta ng mansyon?’
“Galing kasi ako sa bayan,” wika ni Dario, “bali-balita ngayon na sunod-sunod na pagkawala ng dalaga, tatlo na silang nawawala, ngayon lahat ng turistang pumasok bago mag-umpisa ang pyesta at hanggang sa matapos ang imbestigasyon ay hindi muna maaring makalabas. Hindi ka maaring makalabas, Sia, kailangan mong manatili rito ng ilang linggo bago ka makaalis ng Caroline.” Dagdag pa niya.
‘Bakit ako ang inaalala nila, hindi ba sila natatakot?’
“A-ayos lang,” saka ko sila nilagpasan.
“Saan ka pupunta, Sia?” Tanong ni Nikita ngunit hindi ko na muna sila pinansin.
Dumiretso ako sa kubo at nakasarado pa rin ito, hindi ako sigurado kong naroon pa siya o umalis na ngunit kailangan kong makasiguro. Naglakad ako hanggang sa nasa tapat na ako nito, binuksan ko ang pinto, bahagya pa akong nagulat naroon siya at gising. Napasulyap din siya sa ‘kin, bago pa man bumaba ang tingin ko sa makisig niyang katawan agad akong lumapit at binato sa kanya ang kumot para tuluyan siyang matakpan.
Nagtaka siya habang hawak-hawak ito.
“Bakit hindi ka pa umaalis?” Tanong ko sa kanya. Ano mang oras ay maari siyang mag-transform kaya kailangan kong maging alerto.
“Paano ako makakaalis kung nakakulong ako?”
Nagtaka ako sa tanong niya at napakunot-noo, tinakip niya na parang jacket ang buong kumot sa katawan niya kaya nakahinga ako ng maluwag.
“Anong ibig mong sabihin? Bukas na bukas ang pinto ng kubo, ano mang oras maari kang makatakas, siraan para makalayo rito, bakit ka pa mananatili rito? Hindi ka ba natatakot na baka patayin ka namin?” Sunod-sunod kong tanong, nakakainis dahil walang nababakas na takot sa mga mata niya ngunit mas natatakot pa ako sa kanya.
“Nakakulong nga ako,” pagpipilitan niya.
“Anong sinasabi mong nakakulong ka?” Sa inis ko’y binuksan ko ang pinto at lumabas doon habang nasa loob pa rin siya, magsasalita pa sana ako nang matamaan ng sinag ng araw ang bukana ng pinto, unti-unting nanglaki ang mga mata ko ng may parang salamin sa pintuan, lumapit ako roon at hahawakan sana ngunit tumagos lamang ang kamay ko.
Tumayo siya at tumapat sa ‘kin habang may pagitang salamin sa aming dalawa.
“Tinulungan mo ko, nakakulong ako sa bago kong amo at kung sino man ang tumulong sa amin ay kailangan naming pagsilbihan hangga’t sa gusto niya,” paliwanag niya na siyang kinagulat ko. Hindi ko na namang maiwasang mapatitig sa seryoso niyang mga mata lalo na sa mga nakakalunod na asul nito na parang tubig.