Chapter 17
“Niloloko mo ba ako?” Hindi ko maiwasang maitanong sa kanya, napataas pa ang isa kong kilay. Hindi siya umimik, “weren’t in the fantasy books, bakit ako maniniwala sa isang katulad mong halimaw? Hindi magbabago ang pananaw ko na halimaw ka, katulad sa mga pumatay sa mga magulang ko.” Hindi ko na naman napipigilan ang nararamdama at busgo ng damdamin ko.
“Mga katulad ninyo ang hindi pinagkakatiwalaan, sakit kayo sa ulo at kasumpa-sumpa, bakit mo balak bilhin ang manor, dahil ba may balak kayong masama sa amin? Gusto ninyo kaming ubusin, anong problema ninyo?” Hindi ko maiwasang magtaas ng boses ngunit ang kinaiinis ko’y kalmado pa rin siya habang nagtatago ang hubad niyang katawan sa kumot na puti.
“Sa mundo ngayon hindi mo alam ang takbo, hindi mo alam kung alin ang totoo o sa hindi, maraming hindi maipaliwanag, Euphrasia, pero hindi ako nagsisinungaling sa bagay na yon, sabihin mo na ako ng masasakit na salita pero ipagtatanggol ko ang lahi ko, hindi kami katulad ng itim na lobo, kaaway din namin sila at hindi ko kailangan magpaliwanag.” Paliwanag ni Kalen.
“Oo, dahil hindi ako naniniwala sa mga katulad ninyo, hindi ko alam kung anong pakay mo pero umalis ka na!”
Napailing siya na para bang sakit lang ako sa ulo niya na may bagay na wala akong naiintindihan sa kanya.
“Sinasabi ko sa iyo, binabantayan namin ang probinsyang ito,” dagdag niya.
“Ikaw ang dakilang puting lobo?” Hindi ko maiwasang tanungin siya tungkol doon.
“Hindi, ako lang ang tagapagmana niya sa pack, hindi ka matutuwa sa magiging resulta ng ginawa mong pagtulong sa ‘kin,” may halong paalala ang pagkakasabi niya.
“Tinatakot mo ba ako?” Pinaningkitan ko siya.
Umiling siya at hindi na nagsalita.
“Umalis ka na rito kung ayaw mong masaktan, Kalen.”
“Pero ang nasa puso mo’y nangangalit na iba sa nararamdaman mo, nag-aalala ka rin, Sia, kaya may koneksyon tayo…”
Hindi ko na siya pinatapos pa at tumalikod na ako. Kung ayaw niyang umalis bahala siyang magutom sa kakahuyan at bumalik na ako sa mansyon. Nagulat pa ako nang salubungin ni Nikita.
“Anong ginawa mo?” May takot sa mga mata niya habang nakatitig sa ‘kin.
“Ba-bakit…may nangyari ba?” Tanong ko sa kanya.
“May kinulong ka bang kauri nila?” Muli niyang tanong.
“A-anong kinulang, sinong kauri?”
“Ang mga lobo, may kinulong ka ba sa kanila para gawing alipin?”
Sa bawat mga tanong ni Nikita mas lalo akong kinakabahan nang maalala ko si Kalen na hindi pa rin makalabas sa kubo, hindi ko alam kung paanong nagkaroon doon pero pilit niyang sinasabing amo niya ako kaya hindi siya maaring umalis.
“Si-si Kalen…”
Nanlaki ang mga mata niya, “jusko, ang alpha…”
Naningkit ang mga mata ko, “may alam ka ba tungkol sa kanila?”
Hindi siya nakapagsalita kaya nabigla siya, napaatras ako at lumayo ng bahagya.
“May alam ka ba tungkol sa kanila? Alam mong lobo siya?” Muli kong tanong sa kanya.
Naging sagot ang mga mata niya na mas lalo kong kinagulat, ang daming tanong, para akong niloko ng mga taong iniingatan ko.
“Bakit hindi ninyo sinabi sa ‘kin na may alam kayo? Alam ninyong taong lobo siya ngunit…”
“Sia, wala tayo sa panahon para ipaliwanag ko ang mga bagay na ito dahil naghihintay ang buong kalahi niya ang pamilya niya, sa oras na hindi mo pa bitawan ang alpha, baka may mangyaring masama sa ‘yo, sa atin,” natatakot niyang wika.
“Pero hindi ko alam kung paano nangyari iyon?” Nag-histerikal ako at hindi alam ang sasabihin.
“Mama, bakit pinalilibutan tayo ng mga Langston?” Nagulat si Dario nang makitang magkasama kami ng ina niya, “a…ano…” hindi niya maituloy dahil may alam din siya, lahat sila may alam maliban sa ‘kin at pakiramdam ko natraydor ako sa loob ng aking teritoryo.
Paglabas ko ng mansyon isa-isa kong tinignan ang mga nakapalibot na lobo sa mismong harapan ng mansyon, walang kulay itim sa kanila, kulay brown, gray ang nakikita kong lobong naroon, sumunod sila Dario at tumabi sa ‘kin. Ibig sabihin ang buong Langston ay mga lobo?
“Wa-wala naman tayong ginawa sa amo nila,” bulong ko kila Nikita.
Pumasok ang mga tagasunod ni Kalen na nakasuot ng mga itim na damit na seryosong nakatingin sa amin, huminto sila hanggang sa nasa unahan sila ng mga lobo.
“Ikaw!” Sigaw ni Mare sabay turo sa ‘kin, “pakawalan mo ang alpha namin!”
Umiling ako, “hindi ko alam kung anong sinasabi mo!”
Bumaba siya sa at pumosisyon katulad ng mga lobo na animoy aso saka mabilis na tumakbo sa direksyon namin kahit hindi pa siya nagbabagong anyo. Nabigla na ako nang makita siya sa harapan ko, bago pa man ako makakilos mabilis niya akong nahawakan at tinulak sa lupa. Kahit na nasaktan ako at parang nabalian ng buto agad akong tumayo ngunit agad na humarang ang mga lobong naroon para hindi ako makatakas.
“Sia!” Sigaw ni Nikita ngunit pinigilan siya nila mang Ryan at anak niyang si Dario, “huwag ninyong sasaktan si Sia!”
Lumapit si Mare na para bang walang naririnig galing kay Nikita.
“Na saan ang alpha?” Nanlilisik niyang tanong sa ‘kin.
Hindi ko alam kung anong ibig sabihin ng alpha ngunit mukhang si Kalen ang tinutukoy nila.
“Nasa kubo siya,” agad kong sagot.
Sinensyasan niya ang mga kasama niya saka tumakbo patungo sa kakahuyan.
“Paano ninyo nagagawang magtago at magbalat kayo?” Hindi ko maiwasang magtanong sa kanya.
“Wala ka nang pakialam kung anong meron sa pamumuhay namin batang Benjamin,” maangas niyang sagot.
Napasulyap kami parehas nang dumating ang mga pumasok sa kakahuyan na hindi kasama si Kalen.
“Na saan na?” Tanong ni Mare na may inis sa kanyang boses.
Lumapit sa direksyon namin ang mas pinakabata sa lahat na may pulang buhok at pikas sa mukha. Sumulyap siya sa akin, “tinulungan niya ang alpha at inalagaan kaya katulad ng dating tradisyon kailangan magpaalipin ng alpha natin sa amo niya,” paliwanag ng animoy 15 years old na dalagang babae.
Napasulyap si Mare sa ‘kin, “ano!” Gulat na gulat sa balita.
“Wala akong intensyon na alilain siya, tumulong siya sa amin nang may sumugod na lobo sa amin…mga itim na lobo pero katulad ng sinabi ko wala akong balak maging amo ng kahit na sino sa inyo,” matapang kong wika.
“Ngunit mahirap matanggal ang koneksyon kung mamamatay ang amo ng alpha,” dagdag pa ng bata.
“Ano?” Ako naman ang nagulat, may balak silang patayin ako.
“O sasailalim sila sa ritwal para mawala ang koneksyon nila, kailangan nating humingi ng tulong kay tanda,” kalmadong wika nito.
Hinawi ni Mare ang lobong nakaharang sa ‘kin, “kailangan na nating kumilos at ‘wag magsayang ng oras,” nasaktan ako kung paano niya ako hawakan, hatakin at kaladkarin patungo sa kakahuyan, “tapusin mo ‘to, batang Benjamin.”