Chapter 25
ILANG oras din akong dilat sa madilim na silid hanggang sa magbukas ang pinto at isa-isa pumasok ang mga babaeng nakasuot ng belong itim habang nakaitim ding pangkasal. Isa-isa silang lumapit sa mga kama, lumapit din ang isa sa ‘kin saka inalis ang tali sa pulso ko at nang maalis niya ang isang tali sa pulso ko agad kong hinawakan ang kamay niya para pigilan siya.
Magsasalita na sana ako nang biglang magbago ang ayos ng lugar…
Nakita ko na lamang ang sarili kong nakatayo sa isang sira-sirang bahay na katatapos lamang sa isang sunog, sunog na sunog ang mga gamit at nagliliparan pa ang alikabok galing sa mga abo.
“Patawad…”
Napasulyap ako sa direksyon ng boses lalaki na humahagulgol, paglingon ko nakita ko ang pamilyar na lalaki, naglakad ako hanggang sa makita siya, napakunot-noo ko nang makita ang magician na lalaki habang yakap-yakap ang sunog na sunog na labi at hindi ko masabi kung tao pa ba ito o ano.
“Patawarin mo ko,” muli niyang hagulgol, “patawad, asawa ko!”
Nanlaki ang mga mata ko nang marinig kung sino ang iniiyakan niya.
Muling nagbago ang lugar, nakaharap na siya sa isang malaking mansyon at nagwawala roon.
“Kasalanan ninyo kung bakit namatay si Kristel!” Sigaw niya sa anim na babaeng may magagarang damit na para bang pinandidirian kung makatitig sa kanya, “kayo ang pumatay sa kapatid ninyo!”
May sumabuy na tubig sa kanya, “umalis ka na! Huwag mong isisi sa amin ang nangyari sa kapatid namin, ikaw! Ikaw, ang dapat sisisihin sa nangyari sa kanya at sa inyo! Kung hindi mo siya kinuha sa pamilya namin at nilayo para bumuo ng isang pamilyang hanggang illusyon lang hindi mangyayari sa kanya ito!” Sigaw ng pinakamatanda sa kanila.
Humahagulgol ang lalaki na para bang hindi niya matanggap ang mga narinig niya mula sa mga kapatid ng pinakamamahal niyang asawa.
Muli na namang nagbago ang lugar, sa pagkakataon na ito’y bumalik sa nasunog niyang bahay, nakaupo siya sa gitna nu’n habang yakap ang nasunog na bangkay ng asawa, nagluluksa pa rin habang nakatingala ang wala niyang emosyong mga mata sa kalangitan.
“Tulungan ninyo po ako, gusto kong pong bigyan ninyo ako ng pangalawang pagkakataon para mabago ko ang lahat, parang awa na po ninyo…”
“Narinig ko ang hinaing mo, David, nakakaawa ka naman…”
Agad akong lumingon sa likod kung saan nang galing ang boses babae, nang galing siya sa dilim hanggang sa lumabas siya doon, napakunot-noo ako at tinitigan siya ng maayos nakatago ang buong mukha niya sa hood ng itim niyang cloak.
“Kaya kitang tulungan, nararamdaman ko kung anong kailangan mo ngunit may kapalit,” dagdag pa niya.
Hindi nagdalawang-isip na tumanggi si David, “anong gagawin ko para maibalik ko siya?”
“Kailangan mong mag-ipon ng pitong birhen na asawa para sa ritwal, mas sariwa mas maganda,” wika ng babae.
“Sige, gagawin ko ang lahat para maibalik ko ang buhay ni Kristel,” gustong-gusto niya talagang maibalik ang buhay ng asawa niya.
Lumapit ang babae kay David saka tinapat ang kamay sa binata, may kung anong kuryente at liwanag ang lumabas doon hanggang sa mabitawan ni David ang bangkay ng asawa dahil sa matinding panginginig at sakit sa buong katawan. Hindi ako sigurado kung anong ginagawa sa kanya pero mukhang nahihirapan siya.
Nabigla ako nang may sumabuy ng malamig na tubig sa mukha ko kaya napadilat ako, nanlilisik ang mga mata kong nakatitig sa kanya saka nakita ang ngising labi ni David saka siya lumayo at nakita ko lang na nakatali na kami sa mga kawayan ang mga katawan namin habang nakatali ang mga kamay namin. Nasa gitna kami ng kakahuyan habang may bonfire sa gitna namin.
“Alam mo ba kung anong magiging kapalit ng ginawa mo?” Tanong ko sa kanya kaya nakuha ko ang atensyon niya.
Naglakad siya saka lumapit sa ‘kin, “hindi mo ko maiintindihan kung ang pinakamamahal mo ang nawala sa iyo, matalino ka sana at may kakaiba sa ‘yo, binibini, ngunit may iba-iba tayong paniniwala kaya hindi tayo magkakaintindihan,” wika niya saka siya tumalikod.
Lumabas ang mga babaeng nakapangkasal na itim, saka sila sabay-sabay na nagbigkas ng chant na hindi ko maintindihan, habang tumatagal mas lumalakas ang apoy sa bonfire, wala pa ring malay ang mga dalaga sa panghihina, hindi ko alam kung gaano nila pinahirapan ang mga ito para magkaganito sila. Mas lalo pa akong naiinis dahil wala akong magawa.
‘Binibini?’
Nanlaki ang mga mata ko habang nakatitig sa bonfire nang marinig ko ang boses ni Mia sa ‘king isipan.
“Mia?” Bulong ko sa pangalan niya at sa wakas may koneksyon na kami!
‘Mia, tulungan mo ko, tulungan ninyo kami! Hindi ko alam kung anong gagawin ko pero mukhang iaalay nila kami sa hindi ko alam!’
‘Patawad sa nangyari at pilit ka naming hinanap nawala ang koneksyon mo, mabuti na lamang at nasa labas ka na, malapit na kami, binibini, maghintay ka lang,’ wika nito.
Kosa akong napasulyap nang makitang nakatitig si David sa ‘kin, nanlilisik ang mga mata niya at para bang may nagawa akong hindi niya nagustuhan. Sa isang iglap may lumabas mula sa dilim na lobong kulay grey para hablutin ang isang babaeng nakabelo. Nagsisigaw siya lalo na nang lapain siya nito. Nagulat ako nang lumuwag ang mga tali sa katawan ko, bumagsak ang mga dalaga sa lupa.
Sunod-sunod ang pagdating ng mga lobo, sa tingin ko’y ito na ang tulong na sinasabi ni Mia.
“Huwag ninyong hahayaan na masira ang ritwal! Malapit na tayo sa tagumpay!” Sigaw ni David nang gamitin niya ang kapangyarihan para tumalsik ang isa palayo sa kanya.
Rinig ang ungol ng mga lobong paparating, lumapit ako sa isa sa mga dalaga para tulungan sila ngunit hinablot ako nong babae sa buhok ko kaya napaatras ako.
“Ano ba! Bitawan mo ko!” Kinalmot ko siya sa braso kaya nabitawan niya ako, hinila ko rin sa damit at sinapak sa mukha kaya napalayo siya sa ‘kin. Sinipa ko siya sa sikmura kaya halos tumambling siya sa lupa.
Lumapit naman ang isa at sinakmal ako sa leeg.
“Argh!” Halos hindi ako makahinga habang pilit niya akong hinihila pabalik sa kawayan para itali.
Bumitaw ang babae sa ‘kin nang makita niya ang puting lobo sa harapan namin habang nanlilisik at umaangil. Umatras ang babae sa takot hanggang sa nabigla na lang ako nang sugurin siya ni Kalen at nagsisigaw siya. Bigla na lang dumating sila Mia at hinila ang kamay ko.
“Halika na, binibini!”