Minsan Pa
AiTenshi
Part 8
Sumabog ang aking mundo noong makita ko ang bangkay ni Ariel at Aron nakatabing nakahiga sa lupa na parang mga basahang nilatag lang at ikinalat. Noong mga sandaling iyon ay nagsisigaw ako ng malakas, nagpapalahaw ng iyak. Bumagsak ang aking mundo habang niyayakap ko ang bangkay ng dalawa. Si Don naman ay malakas rin ang iyak ngunit nakapigil lang ito sa aking likuran. Masikip na masikip ang aking dibdib, kumikirot na parang may kung anong pumipigil sa aking paghinga. Malamig ang katawan ni Ariel, para na akong may yakap na yelo, ang kayang balat ay naghahalo ang itim at putla at ang kanyang mukha ay may tama ng bala ng baril. Lalo akong naiyak ng malakas habang pinagmamasdan ang kanyang kaaawa awang anyo.
Kasabay nito ang pagbabalik sa aking ala-ala ng lahat ng mga bagay na pinagdaanan naming dalawa sa mga nakalipas na taon. Ang aming samahan bilang magkapatid, ang bawat ngiti, ang bawat maliliit na pangarap na binuo naming dalawa. Ngayon ang lahat ng iyon ay naglaho na, at ang lahat ay mananatili lamang na pangarap. Ito na yata ang isa sa pinakamasakit na nangyari sa aking buhay at kahit anong pagpapakalma ang gawin sa akin ng aking mga kasamahan ay hindi magawang huminahon dahil sa pagsabog ng aking emosyon.
Habang nasa ganoong pag iyak ako ay hinila ako ng mga kasamahan ni Baron at inilayo. "Tama na iyan! Hindi dapat iniiyakan ang mga presong traydor, pasaway at hindi sumusunod sa batas!" ang sigaw niya sabay suntok sa aking simura. Isa pang sapak ang sana ay aabutin ko, mabuti nalang at agad akong inilayo ni Don sa kanila.
Lumakad si Baron sa harapan naming lahat at nagsalita ito. "Alam niyo naman siguro kung bakit nakaratay ang mga bangkay na ito dito! Noong nakaraang buwan pa namin alam ang planong pagtakas ng grupo ni Judda dito sa Mc Arthur Prison. At alam rin namin na nagpupuslit sila ng mga armas nagagamitin sa kanilang pagtakas kaya naman magbuhat noong araw na nagplano sila ay nagplano na rin kami ng kontra sa kanilang gagawin. Ang gagong Judda dang kasi ay may lahing hapon kaya malakas ang loob na gawin ang kanyang nais! At nagsama pa ng ilang preso at baguhan para maging panakip butas at pain. Tama kayo, wala namang intensyon na patakasin ni Judda ang mga ito (sabay turo sa bangkay nila Ariel at Aron, kasama ang ilang baguhan) silang lahat ay inilagay lang doon bilang pang gulo! Bilang mga pain upang makalayo sila habang abala ang mga guwardiya sa pagtugis sa mga ito. Nagkaroon ng engkwento sa labas, nanlaban sila at dahil kaunti lang sila at marami kami ay nabigo ang kanilang pagtakas! Ngayon lahat sila ay isa nang malamig na bangkay!
Ngayon kung sinuman sa inyo ang nagbabalak pang tumakas huwag niyong padaliin ang iyong mga buhay! Huwag niyo silang tularan na nag-apura at maaagang winakasan ang lahat! Maging aral sa mga katulad niyong makasalanang tao ang kaganapang ito! Balik na sa selda!!" ang sigaw niya at dito ay pinaghahampas na kami ng mga tagbantay na parang mga hayop na pinapabalik sa aming kulungan.
Noong maghapon iyon ay wala akong ginawa kundi ang umiyak ng umiyak habang isa isa kong inaayos ang lahat ng gamit na naiwan ni Ariel. Mula sa kanyang lumang damit, lumang tsinelas at uniporme. Halos sumabog ang aking puso noong mga sandaling iyon at wala akong nagawa kundi ang yakapin ang mga ito bilang ala-ala ng kanyang naiwan.
Masakit na ang aking ulo kaiiyak, mugto pa ang aking mata. Tatahimik ako ng kaunti at maya maya ay iiyak naman habang pinagmamasadan ang larawan niya na kuha sa opisina ng pulisya bilang identification. Kinuha ko ito itanago sa aking bag upang hindi ko makalimutan ang kanyang mukha.
Bandang hapon noong dumating si Don, mugto rin ang mata nito at lulugo lugo na parang walang kalakas lakas sa katawan. Hawak niya ang isang plastic ng kanin at pansit, mayroon rin ulam na baboy sa maayos na lalagyan at dalawang bote ng masarap na inumin. "Ipinabibigay ni Baron to, paghatian daw natin, alam mo lumambot na rin ang puso ng gagong iyon sa atin e. Parati kasi tayong sumusunod sa kanya," ang wika nito sabay lagay sa lamesa. Inayos niya ang pagkain at maya maya napatingin siya sa dalawang silyang bakante.
Tahimik.
Nagsimula itong matawa tapos maya maya ay umiyak na rin. Kapwa kami lumuha noong mga sandaling iyon dahil dalawa sa aming kapamilya ang nawala. Ang paligid ay binalot ng matinding katahimikan at ang tagabantay sa aming selda umalis nalang at hinayaan kaming magluksa.
Nakita ko rin nakatayo si Baron sa harap ng aming rehas at nag-iwan ito ng dalawang kandila doon. Wala na akong pakialam kung makita akong lumuluha at nagluluksa, ang aking puso namatay noong mga sandaling iyon.
Agad kong kinuha ang kandila at itinulos ito sa harap ng aming rehas. Habang ang hinagpis ng aming luha ay pumapatak sa malamig na sahig..
Ang ibang preso ay malungkot at nakatahimik lamang. Iyon ang unang gabi sa loob ng 3 taon na tahimik at ang tangi mo lang ay ang paghikbi namin ni Don mula sa likos ng bakal na rehas kung saan kami nakakulong.
"Nasa morgue ang katawan ni Aron at Ariel. Mayroong mga kamag-anak na kumuha sa kanila. At doon sila sa bayan ililibing, mainam na iyon kaysa naman bilhin ng mga medikal na magaaral ang kanilang katawan at saka pag gutay gutayin. Literal na naging malaya na silang dalawa. Malaya mula sa sakit, sa gutom at hirap na kanilang kinasasadlakan," ang wika ni Don sabay yakap ng mahigpit sa akin.
Patuloy ang buhay sa loob ng kulungan, may dumarating at mayroon rin umaalis. Iyan naman talaga ang sirkulo ng buhay..
Ilang linggo rin kaming tahimik ni Don, may mga gabing hindi kami nakakatulog. Wala kaming kibo, bakas sa aming mga mata ang matinding kalungkutan. Kaya wala ni isa ang nagtangkang mang-away o mang-trip sa aming dalawa. Madalas rin kaming inaalok ng pagkain ng mga tagabantay, dito namin nakita na tao rin sila at lumalagay lang talaga sa tama. "Kainin niyo na iyan. Kayo dalawa lang yata ang pinakamatino at pinakamatalino preso dito sa loob ng kulungan. Baka magpakamatay pa kayong dalawa e walang gagawa ng mga trabaho niyo dito!" ang sermon ni Baron sabay lapag pagkain sa aming harapan.
Nagpasalamat kami sa kanyang kabutihan at dito ay muli niya kaming binigyan ng pagkakataon na magkwento tungkol sa aming mga naging pagkakasala. Ang lahat ay binalikan ko, at ang lahat ay inisalaysay ko sa kanya. Si Baron ay nakapikit lang at nakikinig sa aming dalawa. Tila ba sinusuri ang mga salitang lumalabas sa aming mga bibig kung totoo ba ito o sadyang iniimbento lang namin ngunit nakikita ko ang pakikisimpatiya sa kanyang mga mata noong mga sandaling iyon.
Sinong mag aakala na si Baron na isang demonyo doon ay magiging mabait sa aming dalawa ni Don.
LUMIPAS ANG ISANG BUWAN.
At makalipas ang halos 8 taong pagkakabilanggo ni Don sa kaso na kayang ginawa ay pinawalang sala siya ayon na rin sa suporta ni Baron. Ngunit siya ay mag tatrabaho pa rin dito ng dalawang taon pa. "Mainam na rin iyon, wala kana dito sa selda, doon kana sa labas nakatira at malaya kang gawin ang bagay na gusto mo," ang masaya kong wika habang tinutulungan siya sa pag -aayos ng kanyang gamit.
Tumingin siya sa akin at hinaplos ang aking mukha. "Pamilya tayo kaya't hindi kita pababayaan, iyan ang pinangako ko sa aking sarili habang nakatingin sa bangkay nina Ariel at Aron. Huwag kang mawawalan ng pag-asa, masisilayan mo rin ang bagong umaga," ang wika niya sabay yakap sa akin.
"Basta huwag kana gagawa ng kalokohan, ito na ang bagong buhay para sa iyo. Maraming salamat sa iyo Don," nakangiti kong wika.
"Maraming salamat rin El, magkita tayo sa labas okay," ang sagot niya sabay yakap ng mahigpit sa akin.
Noong mga sandaling iyon ay muli akong naluha ngunit tiyak ko ito ay luha ng kaligayahan dahil sa wakas ay nakalaya na rin si Don matapos ang mahabang panahon ng pagkikibaka dito sa loob ng rehas. At habang pinagmamasdan ko siyang lumakad palabas ay hindi naaalis ang ngiti sa aking labi habang kumakaway sa kanyang direksyon.
Bumalik ako sa aking selda kasama ang bagong salta. Halos nakikita ko ang aking sarili sa kanilang dalawa, pero gayon pa man ay pipilitin kong maging gabay upang hindi nila sapitin ang katakot takot na hirap na sinapit ko noong bago palang ako dito.
Sa mga lumipas na linggo ay literal na naging tahimik ang buhay ko. Wala na akong kaibigan na madalas kong kausap. Kung minsan ay inuubos ko ang oras ko sa buong mag hapon sa pag aayos sa silid aklatan kausap ang pinakamatandang preso na halos hindi na rin ako nauunawaan kapag ako ay nagsasalita. May pagkakataon nakatanaw lamang ako sa labas ng bintana habang tumutugtog ang plaka ng buong silid.
Naging paulit ulit ang buhay ko hanggang sa isang umaga ay ginising ako ng isang tagabantay na tauhan ni Baron at nag wika ito. "Sabriaga! Magtungo ka doon sa head quarters ngayon din. Utos ito ni Baron!" ang mariing utos niya.
Kaya naman agad kong bumangon at sumunod sa kanya patungo doon sa opisina ng punong tagabantay. Kadalasan ang mga pinatawag doon yung may malaking kasalanan lamang o kaya ay yung ililipat sa ibang bilangguan. Ibayong kaba ang naramdaman ko noong mga sandaling iyon. Pero handa naman ako sa lahat ng pangyayari dahil itinalaga ko na rin ang aking sarili na mula dito ay magiging mahirap na ang lahat.
Pagpasok ko sa kanilang silid ay nandoon lahat ng mga opisyal ng kulungan. Nandoon rin ang si mang Gascon ang pulis na nagtatanggol sa akin noong nakagawa ako ng pagkakasala. Lahat sila ay nakatingin ng tuwid sa akin. "Alam mo ba kung bakit pinatawag kita?" tanong ni Baron.
"Hindi po," ang sagot ko naman.
Tumingin siya sa akin ng tuwid na parang may galit sa mukha at saka nag wika. "Sabriaga, malaya kana! Maaari ka nang umalis sa lugar na ito," ang wika niya sabay harap sa mga opisyal. "Siya si Elric Sabriaga, dating isang menor de edad na ipinagtanggol ang nakababatang kapatid sa isang malagim na pangyayari. Kahit na isang self defense ang kanyang ginawa ay hinatulan pa rin siya ng pagkakabilanggo sa murang edad. At maswerte ang Mc Arthur Prison sa kanya dahil isa siyang mabuting tao at may pagmamahal sa kanyang kapwa. Karapat dapat lang na siya ay palayain upang makapagbigay ng kontribusyon sa labas. Alam kong darating ang araw na ang taong ito ay makikilala dahil sa kanyang kabutihang loob," ang wika ni Baron at nagpalakpakan sila.
Hindi ako nakakibo.
Nagsimula akong umiyak ng umiyak..
Lumapit sa akin si Gason, "medyo natagalan ngunit buhay ka naman diba? Si Meg ay palabas na rin bukas sa rehabilitation, maayos na ang kanyang kondisyon sa traumang kanyang inabot."
"Sabihin niyo sa akin na hindi nananaginip! Pakiusap!" ang umiiyak kong sagot.
Tinapik ni Baron ang aking balikat, "hindi ito panaginip. Narito ang address ni Don, maaari mo siyang puntahan doon at magpatulong sa trabaho sa labas. Sabriaga ang kabutihan mo ang nagsalba sa iyo! Inuulit ko, MALAYA KANA!" ang wika niya sabay gusot sa aking buhok
MUSIC PLAYING
Paglisan by Color it Red
Di man umihip ang hangin, (ah...)
Di man umihip, ika'y nandirito pa rin
Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating din sa paroroonan
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko
Ay pag-ibig
Ay pag-ibig
Ay pag-ibig
Makalipas ang ilang taon ng paghihirap, pasakit, kalungkutan at pagdurusan ay muli kong nasilayan ang mundo. At batid kong mas malaki ito, mas makulay kaysa dati. Sa aking paghakbang ay dala ko ang lahat ng pag asa at lahat ng aral na natutunan ko doon sa loob ng malamig na seldang bakal.
Tahimik.
Nagpahid ako ng aking luha at pinagmasdan ang kwintas na ibinigay ni Ariel sa akin. Isa ito sa nagpapaalala na ang buhay ay isang magandang bagay. At ito ay walang katapusang pakikibaka at pakikipag sapalaran.
Matapos kong magbaliktanaw ay hinipan ko ang gasera ng sa lamesa at pumasok ako sa aking para matulog..
Itutuloy..