Chapter 2

2524 Words
KUMISLOT si Martina nang muli na naman siyang sikuhin ni Rona. Kanina pa pala nagsasalita ang guro nila. Hindi na niya nasimulan ang unang paksa nila. Tulalang nakatitig lamang siya sa nagsasalitang guro nila. “The history of anatomy is characterized by a progressive understanding of the functions of the organs and structures of the human body. Methods have also improved dramatically, advancing from the examination of animals by dissection of carcasses and cadavers to 20th century medical imaging techniques including X-ray, ultrasound, and magnetic resonance imaging or MRI.” Naka-awang ang bibig ni Martina habang nakikinig sa guwapo nilang guro. Hindi niya iniintindi ang sinasabi nito, bagkus ay mas kinakabisado pa niya ang bawat anggulo ng mukha nito. Introduction pa lang ng asignatura nila ay dumudugo na ang utak niya. Baka tuluyan na siyang malalaglag sa kurso niya. Hindi na siya puwedeng umurong, nangako na siya sa mga magulang niya na ipapasa niya lahat ng subjects niya at malaki-laki na rin ang nagastos sa pag-aaral niya. Nagsisisi siya bakit hindi pa niya pinatos ang alok ng ninong niya na ito ang magpapaaral sa kanya sa kolehiyo. E ‘di sana Architect na siya ngayon. Wala sa bokabularyo niya noon na maging nurse dahil mahina naman siya sa siyensya. Madalas kasi siyang ikikukumpara ng mga magulang niya sa Kuya niya na nakapagtapos ng medisina. Palaging nangunguna sa klase ang Kuya niya noon. Samantalang siya ay maligaya na sa gradong otchinta y singko. Pagkatapos ng halos dalawang oras nilang klase kay Dr. Rivas, ay nagkaroon sila ng isang subject na bakante. Hanggang sa mga sandaling iyon ay nakarehistro pa rin sa isip ni Martina ang imahe ng guwapo nilang guro. Pero nalulungkot pa rin siya dahil pansamantala lang magtuturo sa kanila si Dr. Rivas. Marami nang part-timer teacher na nakilala niya at parehong doktor at bata pero kay Dr. Rivas lang siya nakagka-interes nang husto, tipong sa unang pagkikita nila ay nakaramdam na siya ng hindi maipaliwanag na pananabik. Mamaya ay naisip na naman niya ang stress niya sa kanyang kurso. Lang beses na niyang tinangkang mag-shift ng kurso ngunit natatakot siya baka hindi magustuhan ng mga magulang niya ang desisyon niya. Isa pa, suportado ng Kuya niya ang pag-aaral niya kaya baka hindi na siya nito susuportahan sakaling nagpalit siya ng kurso. Wala na siyang masagap na insperasyon para tuluyan niyang yakapin ang kursong pinili ng mga magulang niya. Lahat ng desisyon sa buhay niya ay nakadepende sa mga magulang niya. Wala siyang kalayaang magpasya para sa kanyang sarili. “Parang gusto ko nang i-give up ang nursing, Rona,” sabi niya habang nakaupo sila ni Rona sa inukupa nilang mesa sa canteen. Tinampal nito ang balikat niya. “Buang! Baka kakalbuhin ka na ng Nanay mo niyan!” anito. “Feeling ko kasi hindi ko kayang tapusin ito. Ang bababa ng grades ko at dalawa na ang bagsak ko.” “Sayang naman. Isang taon na lang graduate ka na. Ako nga may bagsak din.” “Buti nga ikaw isa lang. Major subject pa ang bagsak ko. Bago pa ako sapilitang ilaglag ng departamento natin ay magsi-shift na ako ng ibang course. Kung hindi lang kilala ng dean si Kuya ay baka matagal na akong nalaglag sa nursing.” “Pag-isipan mo iyang maigi. Ngayon pa ba na may yummy tayong guro? Gawin mong insperasyon si Dr. Rivas.” Naisip na naman niya si Dr. Rivas. “Temporary lang naman siyang magtuturo, eh. Paaasahin lang ako ng presensiya niya.” “Sus, Gino-o! Ambot sa imo, day! E ‘di sana hindi ka na nag-enroll.” Hindi na niya magawang magsalita nang masipat niya si Dr. Rivas na papalapit sa counter. Ayan na naman ang pakiramdam niya na tila natutuyo ang lalamunan niya. Napatayo siya bigla. “Ano’ng gusto mong drinks? Libre kita,” pagkuwan ay sabi niya kay Rona. “Aba! May sinat ka ba ngayon? Kahit ano basta hindi lason,” hindi makapaniwalang saad ni Rona. Napatingin din ito sa counter kung saan siya nakatingin. “Anak ng sinumpang saging ni kupido!” bulalas nito nang makita rin si Dr. Rivas. Hindi niya ito pinansin. Basta dinadala na lamang siya ng mga paa niya sa harap ng counter. Deretso ang tingin niya kay Dr. Rivas na nag-aabot ng bayad sa kahera. Hindi niya namamalayan na abot kamay na pala niya ito. Nagulat na lamang siya nang bigla itong humarap sa kanya at hindi niya magawang huminto sa paglapit. Bumalya siya sa malaking katawan nito. Nagulat ang guwapong doktor at nabitawan nito ang binili nitong isang bote ng mineral water. “Ay! Sorry po!” bulalas niya. Nagkasabay silang yumuko upang pulutin ang nalaglag ngunit kapwa natigilan nang magkabungguan ang mga noo nila. Napalunok nang dalawang beses si Martina nang magtagpo nang malapitan ang mga paningin nila ng lalaki. Namangha siya sa kulay dugong kulay ng eyeballs nito. May kilabot siyang naramdaman sa kaibuturan niya habang magkatitig ang kanilang mga mata. Awtomatikong pumintig nang husto ang pulso niya. Lalo lamang kumabog ang dibdib niya nang mamalayang hawak nito ang kamay niya na siyang dumampot sa bote ng tubig. God! Bakit ko pa ba ito ginagawa?  Dagling bumaling ang tingin nito sa gawi ng leeg niya kung saan nakasuot ang kuwintas na may pendant na buwan na nakuha niya noon sa kama niya—na naiwan ng ekstrangherong lalaking umangkin sa kanya. Nag-init ang pakiramdam niya nang bumaba pa ang tingin nito sa nakasilip niyang dibdib. “It’s okay,” sabi lang nito saka muling tumitig sa kanyang mga mata. Napansin niya ang pagbabago ng kulay ng eyeballs nito. Light brown na ito. Sa pagkakataong iyon ay kilabot ang naghari sa pagkatao niya. Pagkuwan ay nauna na itong umiwas sa kanya. Saka naman siya tumayo nang maayos at ibinigay rito ang tubig nito. “S-sorry po. Hindi ko po sinasadya,” aniya. Sandali lamang siya nitong nginitian. Hindi na ito nagsalita, bagkus ay pinasadahan nito ng malagkit na tingin ang kabuuan niya. Saka ito umalis na. Pakiramdam ni Martina ay sasabog siya dahil sa hindi maipaliwanag na damdamin. Nanginginig ang buong kalamnan niya. Inaalipin ng nakahihibang na init ang pagkatao niya. Hindi napalis sa isipan niya ang nasaksihang kakaibang kulay ng mga mata ni Dr. Rivas kanina at ang pagbabago niyon. May panakanaka pa siyang kilabot na nararamdaman. Hindi na siya tumuloy sa counter. Wala naman siyang bibilhin at lalong wala siyang pambili. Mamaya ay kumislot siya nang biglang may pumisil sa isang pisngi ng pang-upo niya. Nang lingunin niya si Rona ay pilya ang ngiti nito. “Diskarte mong bulok, Tina. Pero kinilig ako sa eksena ninyo ni Doc, ah,” anito. Hindi siya kaagad nakapagsalita dahil may aftershock pa sa dibdib niya ang nangyari sa kanila ni Dr. Rivas. “Tama ka, mesteryoso nga siya, Rona. May something sa mga mata niya,” aniya pagkuwan. Natutulala pa rin siya. “Anong something?” takang tanong nito. Bumuntong-hininga siya. “Hindi ko maintindihan,” aniya. “Huwag mo na akong lituhin. Nasaan na ang ililibre mo sa akin, ha?” paniningil ni Rona. Kinapa niya ang bulsa niya. “Nako! Naiwan ko pala ang pera ko sa bag, nasa locker ko!” alibi niya. Dagling kinurot ni Rona ang tagiliran niya. “Lukaret ka talaga! Halika na nga!” Pagkuwan ay hinila na siya nito palabas ng canteen. APAT na oras lamang ang naitulog ni Martina. Tinatamad siyang pumasok sa klase pero kailangan. Isa rin sa dahilan kung bakit pinili niya ang night class ay dahil hindi niya kayang magising nang maaga sa araw. Hindi siya masyadong nakatulog dahil sa ingay ng mga dormmates niya at marami ring bumabagabag sa kanya. Magmula nang makita niya si Dr. Rivas ay hindi na ito maalis sa kukoti niya. Shit! Bakit ko siya naiisip sa halos kada oras? Reklamo ng isip niya. First subject nila ang ‘human anatomy’ pero wala siya sa mood makinig. Inaantok pa siya. Nang magsitahimik na ang mga kaklase niya ay umupo na siya nang tuwid. Napansin niya na wala si Rona sa silya nito sa gawing kanan niya. Awtomatikong nawala ang antok niya nang makita niya sa kanyang harapan si Dr. Rivas. “Class, like I told you yesterday, you will have your first quiz today. So, are you guys prepared?” wika ng kanilang guro. QUIZ?  Nataranta si Aleah. Wala siya masyadong naintindihan sa napag-aralan nila kahapon. Meaning lang ng Anatomy ang alam niya. “So if you don’t have any questions about our topic yesterday, please get a half piece of yellow paper and fold it into two parts.” Gusto nang sumabog ni Martina nang mga oras na iyon. Hindi niya alam kung ano ang isasagot niya sa pagsusulit. Wala pa naman si Rona. Ang katabi niya ay lalaki at mukhang hindi niya mahihingan ng sagot. Ang masama pa ay nasa pinaka-unang hanay siya ng upuan nakaupo. Hindi siya makakapagkodego. O my gosh! He’s a monster! Quiz kaagad?  Balisa siya habang nagtutupi ng papel. Nagsisimula nang magsulat ang guro nila sa pisara ng mga sasagutin nilang tanong. Nakahinga siya ng maluwag nang malamang hindi naman pala one by one na babanggitin ng guro ang mga tanong. Pero nagtataka siya bakit ang isinusulat nito sa pisara ay hindi naman tanong kundi posibleng sagot sa tanong. Nablanko na ang isip niya nang magsimula nang magsalita si Dr. Rivas. Nanrindi ang tainga niya sa lalim ng mga salita nito. Nakatulala pa rin siya habang ang mga kaklase niya ay nagsisimula nang magsulat ng kani-kanilang mga sagot sa papel. Hindi niya alam na nagsisimula na pala ang pagsusulit. Nagpupumilit siya na masilip ang papel ng katabi niya. “Please no cheating!” narinig niyang sabi ni Dr. Rivas. Nakagat niya ang kanyang ibabang labi nang mapansin na gumagala ang paningin ng guwapong guro sa kanila. Nahuli din niya itong nakatingin ng may katagalan sa kanya. Para siyang idinadarang sa apoy sa mga sandaling iyon. Nagsulat siya sa kanyang papel kahit mali-mali ang sagot niya. Kahit anong piga niya sa kanyang utak ay wala siyang mailabas na sagot hanggang sa magkapalitan na ng papel. Kainis! Kinakabahan si Martina nang mapasakamay na ng guro nila ang mga papel nila. Hindi niya tinitigan ang papel niya kanina nang maibalik sa kanya. Nahihiya siyang tingnan ang sarili niyang papel dahil maging siya ay nahihiya sa nakuha niyang puntos. “Who got a lowest scores?” mamaya ay untag ni Dr. Rivas. Hindi magawang tingnan ni Martina ang guro nila na gusto pa atang ipagsigawan kung sino ang may pinakamababang score sa exam. “Ms. Gonzales…” Awtomatikong napatingin si Martina sa guro nang marinig niya ang apilyedo niya sa ilalim ng tinig nito. Gusto na niyang matunaw nang magtama ang mga paningin nila. “Y-Yes, doc?” aniya. “Thank you for choosing me as one of the ancient anatomists in the world,” anito sa seryosong tinig. Narinig niyang nagtawanan ang mga kaklase niya. Pakiramdam ni Martina ay kumapal nang husto ang mukha niya. Kung maari ay lumubog na siya sa kinaluklukan niya para lang hindi niya maramdaman ang sobrang pagkapahiya. “Why you got three out of fifty items? Am I not a good lecturer? Hindi ba epektibo ang pagtuturo ko? Tell me,” sabi sa kanya ni Dr. Rivas. “Sorry po, hindi po ako nakapaghanda,” naiilang na sabi niya. “If I am not mistaken, this is your second attempt to take this subject. You failed at first, right?” anito. Tumango siya. Pakiramdam niya ay sinisilaban ng apoy ang buong katawan niya. “Hindi pipitsugin ang subject na ito. At hindi ka makaka-graduate kapag hindi mo ito naipasa. Hindi lang pera ang nasasayang dito kundi ang panahon. Para ito sa lahat,” anito at idinamay na ang lahat sa litanya nito. “Actually, hindi nabibili ng pera ang kaalaman, maraming paraan para matuto maliban sa pagpasok sa eskuwela. Hindi naman lahat ng kaalaman ay sa paaralan nakukuha. You can learn such things using your own observation and curiosity. Sa henerasyon ninyo ngayon ay napaka-cheap na ng pag-aaral at mas madali na kumpara noong araw. There’s an online networking site where you can search anything you want to know. It was not a first time na nagturo ako sa isang unibersidad at ang ilan sa mga naging estudiyante ko noon ay mga doktor at nurse na. And now, they have their own family.  Ang iba naman sa kanila ay nagtuturo na rin. Masaya ako kapag alam ko na may natututo sa akin ta naibabahagi ko ang aking kaalaman. Nalulungkot ako sa tuwing may estudiyanteng bumagsak sa subject ko. Meaning, hindi sila natuto. Meaning, hindi ako magaling na guro, or puwede ring nasa estudyante ang problema,” patuloy ng litanya ni Dr. Rivas. Medyo napawi ang pagkapahiya ni Martina. Malamang hindi lang siya ang napahiya at natuto. Namamangha siya sa ilang bahagi na nasabi nito. Narinig din niya ang bulung-bulungan ng ilang kaklase niya sa gawing likuran niya. “Ibig-sabihin, matanda na siya? E, bakit parang thirty plus lang siyang tingnan?” wika ng kaklase niyang babae sa likuran niya. “Oo nga,” gatong naman ng isa pa. Sayang wala si Rona. Walang mapagsabihan ng hinaing niya si Martina. Nakalimutan na rin ni Dr. Rivas ang pagkompronta sa kanya. Pero ang inis niya dahil sa pagkapahiya ay hindi nawala sa sistema niya. Sa pagkakataong iyon ay nakikinig na siya sa itinuturo ng guro nila sa kagustuhang maiwasang mapahiya ulit. Kung ang ibang estudiyante niya noon ay doktor at nurse na at may mga pamilya na, so ilang taon na siya ngayon? nalilitong tanong ng isip niya. Hindi namamalayan ni Martina na lumabas na ang mga kaklase niya. Nakaupo pa rin siya sa silya niya at nagbabasa ng libro. Noon lamang siya nagka-interes na buklatin ang libro niya. “Ms. Gonzales?” Napapitlag si Martina nang marinig ang tinig na iyon na pakiwari niya ay nagmula sa langit. Kumurap-kurap siya nang mamataan sa harapan niya si Dr. Rivas. Mabilis na naitiklop niya ang kanyang libro at tumayo sukbit ang kanyang bag. Noon lamang niya napansin na wala na ang mga kaklase niya. Dahandahan na siyang lumakad palabas. Nang nasa bukana na siya ng pinto ay bigla siyang huminto. Bigla kasing namatay ang ilaw. May madilim din sa labas dahil may kalayuan ang pinanggagalingan ng ilaw. Inalipin ng kaba ang puso niya. Ang takot niya sa dilim ay parang dilubyo na nagpapanginig nang husto sa mga kalamnan niya. “Hump!” Kumislot siya nang may mga kamay na dumampi sa balikat niya. Hindi niya magawang ikilos ang kanyang katawan. “Anong problema, Ms. Gonzales?” Lalo lamang namanhid ang katawan niya nang marinig ang tinig na iyon malapit na malapit sa tainga niya. Nakadama siya ng kilabot. Hindi siya pamilyar sa tinig na iyon. Buo ang tinig ng lalaki na tila nagmumula sa kulob na lugar. Naramdamn niya ang presensiya nito na halos yakapin siya. Pumiglas siya. Sa kanyang pag-iwas sa nagsalita ay nahagip ng kamay niya ang gilid ng pinto na may nakausling matalim na hibla ng kahoy. “Ouch!” daing niya nang madama niya ang pagtulos ng isang nakausling hibla ng kahoy sa hintuturo niya. Kumirot iyon at naramdaman niya ang pagdurugo niyon. Panay ang daing niya dahil sa sumisigid na kirot. May narinig siyang suminghot at tinig na animo natatakam. Nagulat siya nang muling sumindi ang ilaw. Nanlalaki ang mga matang napatitig siya kay Dr. Rivas na nakatayo sa kabilang gilid ng pinto. Titig na titig ito sa kamay niya na may dumadaloy na dugo. Nasaksihan niya ang paninigas ng mga panga nito na tila nagtitimpi ng kung anong emosyon na nararamdaman nito sa mga sandaling iyon. “You may go,” utos nito sa kanya sa malamyos na tinig. Walang imik na lumabas naman siya. Ngunit habang papalayo siya ay panay ang lingon niya rito. Tinatanaw lamang siya nito. Hindi niya maintidihan ang nararamdaman niya. Nakadama siya ng kilabot ngunit bigla rin iyong nahalinhan ng hindi maipaliwanag na pananabik nang naghari sa balintataw niya ang imahe ng guwapong guro nila. Dahil sa presensiya nito ay unti-unting bumabalik ang gana niya sa pag-aaral.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD