DUMERETSO si Martina sa clinic saka humingi ng band aid para sa sugat niya. Paglabas niya ng clinic ay napahinto siya sa kanyang kinatatayuan nang masalubong ang campus heartthrob na si Jake Valenzuela. Isang fifth year student sa kursong Civil Engineering. Kaklase niya ito noong high school at kababayan.
Nagkunwari siyang hindi ito nakita at tumuloy siya sa paglalakad ngunit hindi niya akalaing susundan siya nito hanggang sa tapat ng botany garden.
"Martina!" awat nito at bigla na lamang hinapit ang kanang braso niya.
Napilitan siyang huminto at hinarap ito. Iniwaksi niya ang kamay nito. "May next subject pa ako," aniya.
"Alam ko. Bakit ba umiiwas ka sa akin? Wala naman akong ginagawa sa iyo, ah," anito.
"Wala na akong oras para makipag-usap sa 'yo." Gusto lang talaga niya itong iwasan.
Ngumisi ang lalaki. "Ang sabihin mo, ayaw mo akong makausap. Hey! Ano ba ang problema mo sa akin? Okay ka naman sa akin noong high school, ah? Sino ba'ng nakita mo rito sa campus at mukhang hindi mo na ako kilala?" sabi pa nito.
Naalala na naman niya ang panahong abot langit ang paghanga niya kay Jake. Hinangaan niya ito bukod sa ito ang pinakamatalino sa klase nila, ito ang pinakamayaman, guwapo at malakas ang s*x appeal. Katunayan gumawa pa siya ng fans club nito sa basketball. Magkakilala ang parents nila kaya sa tuwing may okasyon sino man sa pamilya nila ay imbitado sila at nagkikita sila nito madalas. Pero ibang-iba ang ugali ni Jake kapag nasa school sila. Parang hindi siya nito kilala. Kapag nasa labas naman at wala na ang mga high profile nitong barkada at wala na ang mga babaeng baliw dito ay saka lamang siya pinapansin. Palibhasa, wala siyang pakialam sa pisikal niyang anyo noon. Ni tamad siyang magsuklay ng buhok at iniwasan pa siya ng ibang estudiyante dahil mukha raw siyang mangkukulam. Ni hindi niya kilala ang perfume o cologne. Isa pa si Jake sa mga bumu-bully sa kanya at binansagan siyang manananggal dahil mahilig magpahid ng langis sa buhok kaya amoy langis siya.
Pero noong fourth year high school sila ay natuto siyang mag-ayos sa sarili. Kung kailan malapit na silang magtapos ay saka naman nahumaling sa kanya si Jake. Madalas siya nitong hinahatid sa bahay nila. Palagi siya nitong binibigyan ng puting rosas at tsokolate. Naging malapit sila sa isa't-isa pero hindi pormal na magkarelasyon dahil bantay-sarado si Martina ng Kuya Mark niya. Pinagbawalan siyang mag-boyfriend. Katunayan, si Jake ang dahilan kung bakit gusto niyang kumuha ng kursong architecture. Sinabi nito noon pa na engineering ang kukunin nitong kurso.
Subalit biglang nagbago si Jake pagdating ng kolehiyo. Parang bumalik sila sa dati na balewala siya rito at parang wala silang pinagsamahan. Nilimitahan na rin niya ang sarili sa paglapit dito dahil insecure siya sa naggagandahan at mayayamang babae na umaaligid dito. Nobya pa nito ang apo ng Dean na si Kassy Garcia, na nag-aaral din ng nursing.
"Ibinabalik ko sa 'yo ang tanong mo, Jake. Isa pa, matagal na panahon na ang nakalipas. Panahon na para mag-move-on," aniya pagkuwan.
"Fine. I understand. Pero wala namang puwedeng mabago. Ang ganda nga ng usapan natin na architecture ang kukunin mo para kahit papano ay magkasama tayo sa trabaho. Nasaan na ang magandang usapan na iyon, ha?" tila naniningil na sabi nito.
Bumuga siya ng hangin. "Nursing ang kinukuha ko at hindi architecture. Hindi mo ba naiintindihan kung bakit hindi ako natuloy sa kurso na 'yon?" mataray na sabi niya.
"Okay. Wala nang kinalaman ang courses natin dito. Napapansin ko kasi na magmula noong nag-aral ka rito sa university ay hindi mo na ako pinapansin. May nagawa ba akong masama sa 'yo?"
"Wala naman. Naging busy lang ako sa pag-aaral," aniya. Pero marami siyang dahilan at ayaw lang niyang ipaalam dito baka magmalaki pa ito dahil hindi niya ito basta nakalimutan.
"Ako rin naman naging busy. Parang hindi tayo nagmula sa iisang paaralan noong high school, eh. Gumagawa naman ako ng paraan para makapag-usap tayo. Siguro naman napatawad mo na ako sa mga kasalanan ko sa 'yo noong high school."
"Jake, okay na sa akin ang nakaraan. Kung tutuusin, wala naman tayong nakaraan na kailangang balikan. Walang naging tayo. We're just friends."
"Just friends. Okay. Pero nakalimutan mo na ata na kung hindi dahil sa paghihigpit ng Kuya mo ay sana naging tayo."
Namilog ang mga mata niya. Pero hindi ibig sabihin niyon ay naghihinayang siya sa naudlot na pag-ibig niya sa binata. Katunayan matagal na niyang kinalimutan ang damdamin niyang iyon magmula noong napansin niya na paiba-iba ito ng kasintahan. Isa pang dahilan ay nilamon siya ng insecurities niya sa mga naging karelasyon nito.
Bumuntong-hininga siya. "Kontento na ako kung anong meron sa akin ngayon, Jake. Ang goal ko lang ay ang makapagtapos sa pag-aaral at maipasa lahat ng subjects ko. Huwag mo na akong guluhin, puwede?" matatag niyang sabi.
Kumagat-labi si Jake. Pagkuwan ay tumawa ng pagak. "Who's your inspiration, Tina? Maraming lalaki rito sa campus na gusto kang ligawan pero ang sinasabi mo sa kanila ay taken ka na."
"Insperasyon ko ang parents ko. Wala akong nakilalang manliligaw na matino kaya bakit ko sila bibigyan ng change? Mas okay na ako sa pagiging single," matapang na pahayag niya.
"Hindi ka magiging masaya niyan. Pero kung sakaling handa ka nang magmahal, nandito lang ako. Kahit maraming babaeng dumaan sa buhay ko, hindi pa rin kita nakalimutan. Umaasa pa rin ako na magiging tayo."
Sandali siyang natigilan. Ang pagkakataong iyon ang matagal niyang inasam pero bakit hindi na siya nasasabik ngayon, bagkus ay naiinis na siya?
"Huwag ka nang umasa, Jake," aniya.
"Bakit? Wala ka na bang nararamdaman para sa akin? Kaya kong iwan lahat ng babae para sa 'yo, Tina."
Matagal niyang pinag-iisipan ang sasabihin niya.
"Na-realize ko na hindi naman kita hinangaan noon dahil may mas malalim akong feelings sa iyo. Hinangaan kita dahil isa ka sa pinakamatalinong lalaki na nakilala ko noon. Nagkagusto ako sa iyo, pero hindi ganoon kalalim. Simpleng attraction lang siguro pero hindi na lumalim pa, the way na mahulog sa pagmamahal," aniya pagkuwan.
"Sigurado ka ba sa sinasabi mo, Tina? Nararamdaman kong nagsisinungaling ka."
"Jake, ngayon ko na-realize na hindi ako bagay sa 'yo. Kalog ako, lukaret, feeling matalino, madalas naging tanga. Kumpara sa mga babaeng umaaligid sa iyo, mistula lang akong alalay ng mga iyon."
Napanganga si Jake at natagalan bago muling nagsalita. "Tina, I'm not looking for a perfect woman. I want a clean and innocent woman for life. Nakita ko ang katangiang iyon sa iyo. Kaya kahit sino pang babae ang makilala ko, hindi nito kayang saklawan ang naramdaman kong pag-ibig sa 'yo," anito.
Lalo siyang naging matigas nang masabi nito iyon. Inosente? Malinis? Mariing naikuyom niya ang kanyang palad. Kahit anong pagmamatigas niya ay alam niya sa kanyang sarili na minsan siyang naging baliw kay Jake. Minsan niyang pinangarap na makasama ang lalaki. Kaya iniyakan niya noon bakit hindi siya nakapag-aral ng arkitekto, dahil iniisip niya na hindi na niya makakasama si Jake.
Nakadama siya ng munting kirot sa puso at paghihinayang. Naroon din ang inis niya kay Jake dahil sa tagal ng panahon ay ngayon lang ito muling nagparamdam.
"Dapat noon mo pa ipinaglaban iyang damdamin mo, Jake," may hinanakit na sabi niya.
Dumilim ang anyo ni Jake. "Dapat nga, eh. Pero natakot ako sa Kuya mo. Sinabi niya na hindi niya ako gusto para sa 'yo dahil gusto niya ay makapag-asawa ka ng katulad niyang doktor. Iyon ang dahilan kung bakit iniwasan kita, Tina," malungkot na kuwento ni Jake.
Mariing ikinuyom niya ang kanyang mga palad. Pero hindi na siya nag-reak sa sinabi ni Jake. Lalo lamang siya nawalan ng kompiyansa sa sarili dahil sa sinabi nito na gusto nito ng malinis na babae. At alam niya sa kanyang sarili na hindi na siya buo. Hindi na siya malinis dahil mayroon nang lalaking umangkin sa kanya. Bahagyang nanikip ang dibdib niya.
"Huwag ako, Jake. Maraming mas karapat-dapat na babae," aniya saka tinalikuran ang lalaki. Ngunit hindi pa niya naihahakbang ang mga paa ay natigilan siya nang sumabit ang kaliwang braso niya sa kamay ni Jake.
Nang harapin niya ito ay nagulantang siya nang masipat sa 'di kalayuan si Dr. Rivas na tila pinapanood sila ni Jake. Hindi niya maintindihan ang biglaang pagtulin ng t***k ng kanyang puso nang makita ang guwapong doktor. Hindi na niya nagawang tingnan si Jake. Pumiksi siya at marahas na naiwaksi ang kamay ng lalaki.
"Tina!" pigil ni Jake.
Habang papalayo siya kay Jake ay hindi niya magawang alisan ng tingin si Dr. Rivas na tila sinusundan din siya ng tingin. May banayad na kilabot siyang nararamdaman habang malayuang nakipagtitigan sa doktor.
Kinakabahan pa rin si Martina pagdating niya sa silid-aralan ng ikalawang asignatura nila. Wala pa rin ang guro nila. Pag-upo niya sa silya ay ganoon na lamang ang gulat niya nang may dumamba sa balikat niya.
"Tinapay!" sigaw ni Lyka. Isa sa matalik niyang kaibigan. Agad naman itong bumaling sa tabi niya sa gawing kanan.
Mabilis pa rin ang t***k ng puso niya. Napansin niya ang librong hawak ni Lyka. Lihim niyang nabasa ang pamagat ng erotic novel na dala ni Lyka. "Surrender the Eve" ang pamagat ng libro. May isang buwan na rin siyang hindi nakapagbasa ng erotic novel.
Mabilis na nawaglit sa isip niya ang napag-usapan nila ni Jake. Pero bakit hindi madaling makalimutan ang sandaling magtama ang paningin nila ni Dr. Rivas? Nakakahalata na rin siya na minsan ay bigla-bigla na lang niya nakikita ang guwapong doktor.
"Ano'ng nangyari at parang tumakbo ka ng sampung milya?" tanong ni Lyka.
"Feeling ko hinahabol ako ni kamatayan kanina," pabirong tugon niya.
"Baliw! May ipapabasa pa naman akong libro sa iyo. May kinupet din akong scandal sa phone kanina ni Roger. Panoorin natin mamaya sa dorm," anito. Ibinigay nito sa kanya ang libro.
Tinitigan niyang maiigi ang mainit sa matang cover ng libro. Isang babaeng nakadapa sa kama na walang saplot sa katawan at may nakakalat na talulot ng sariwang rosas sa katawan.
"Ano ang kuwento nito?" pagkuwan ay tanong niya kay Lyka.
"Tungkol iyan sa babae na nagkaroon ng first s****l intercourse sa isang lalaki na isang araw pa lamang niya nakilala. After two years na ulit silang nagkita. Basta, basahin mo na lang. Interesting."
Bumuntong-hininga siya. Sumasariwa na naman sa isip niya ang kanyang karanasan naa inangkin siya ng estrangherong lalaki. Wala pa siyang napagsabihan niyon. Nang dahil sa sinabi ni Jake kanina ay may namuong takot sa pagkatao niya sa isiping wala nang lalaking tatanggap sa kanya dahil hindi na siya birhen. Ang alam ng lahat ay konserbatibo ang pamilya niya at alam din ng lahat na taong nakilala niya na wala pa siyang naging nobyo.
ALAS-ONSE na ng gabi natapos ang klase nila Martina. Iyon ang unang pagkakataon na uuwi siya sa dorm nila na mag-isa. Walking distance lang naman iyon mula sa unibersidad pero natatakot pa rin siya dahil may mga bahaging madilim. Nang magsialisan na ang mga kasama niya sa waiting shed ay nagsimula na rin siyang maglakad.
Panay ang tingala niya sa langit habang naglalakad sa makitid na kalye. Maliwanag ang paligid dahil sa malaking buwan. Napupuno rin ng mga bituin ang kalangitan. Nang muli siyang tumingin sa harapan ng daang tinatahak niya ay ganoon na lamang ang gitla niya nang may kung anong tumawid sa harapan niya. Tumahip nang husto ang dibdib niya.
Hindi niya maipaliwanag kung ano ang nakita niyang tumawid. Hindi rin niya masabi na hayop o tao dahil parang kidlat lamang iyon sa bilis na tumawid sa harapan niya. Nakabibingi na ang katahimikan. Wala na rin siyang makitang sasakyan na dumadaan o ibang taong naglalakad. Ngunit habang papalapit siya sa gusali kung saan ang dorm nila ay saka naman niya naramdaman na waring may nakasunod sa kanya.
Pumihit siya sa likuran ngunit wala naman siyang nakitang tao. Bumuntong-hininga siya nang dalawang beses. Taimtim siyang nagdarasal. Pagkuwan ay muli siyang naglakad. Nararamdaman talaga niya na may sumusunod sa kanya. Binilisan pa niya ang paghakbang hanggang sa makapasok siya sa tarangkahan ng limang palapag na gusali.
DALA-DALA pa rin ni Martina ang takot kahit nang makapasok na siya sa kuwarto nila ni Lyka. Naunang nakauwi si Lyka at dalawa pang kasama nila sa dorm. Si Lyka ang kasama niya sa kuwarto. Naging school mate rin niya ito noong high school. Nakahilata na sa kama nito si Lyka at may pinapanood sa cellphone nito.
Naririnig niya ang pamilyar na ingay mula sa pinapanood ni Lyka. Nanonood na naman ito ng s*x scandal, katulad nga ng sinabi nito sa kanya kanina. Napansin niya na panay ang himas ng babae sa gawi ng dibdib nito habang nakaawang pa ang bibig—habang giliw na giliw sa pinapanood nito.
Nagbihis na siya ng pantulog. Pagkuwan ay nagbukas siya ng aralin niya.
"Hindi ka na ba kakain?" mamaya ay tanong ni Lyka. Hindi siya nito magawang sipatin.
"Busog ako," aniya.
"May ibinigay pa namang kalahating letchon manok si Aldren. Sigurado ka bang ayaw mong kumain?" anito. Si Aldren ang nobyo nitong nurse sa ospital malapit sa paaralan nila.
"Ayaw ko nga. Kaya pala hindi ka pumasok sa last subject natin kanina, nakipagkita ka na naman kay Aldren," sabi niya.
"Excuse me, hindi ko in-enroll ang subject na iyon, no. Next year na, hindi na kaya ng budget. May binalikan pa kasi akong subject na hindi ko tinapos last year," anito.
"So, anong ginawa rito ni Aldren kanina?" usig niya.
"Namasyal kami, 'tapos hinatid niya ako rito."
"Oh, talaga?" nagdududang sabi niya.
Inirapan siya nito. "Don't worry, hindi na mauulit ang nangyaring s****l sa amin noon. Dala lang naman iyon ng curiosity at kapusukan," pangako nito.
Noong nakaraang buwan kasi ay nawindang siya no'ng nahuli niya ang dalawa sa kuwarto na nagtatalik. Kaya minsan naisip niya na hindi maganda ang naidudulot ng pagkahilig nila sa pagbabasa ng erotic stories at kapapanood ng mga s*x scandals. Pero naisip din niya na maaring depende rin naman iyon sa tao kung paano nito panghahawakan ang mga bagay na natutunan o natutuklasan. Kahit naman mahilig siya sa ganoong babasahin ay hindi niya hinahayaang matulad siya sa iba na maagang nabubuntis dahil sa kapusukan.
Hindi na niya pinansin si Lyka. Kung kailan magre-review na siya ng kanyang aralin ay saka naman humilab ang kanyang sikmura. Napilitan siyang lumabas ng kuwarto at tinungo ang kusina. Pagbukas niya ng ilaw ay nagulantang siya nang biglang may kung anong tumalon sa bintana mula roon sa kusina. Masyadong mabilis ang pangyayari kaya hindi niya masabi kung tao iyon o pusa. Tumahip nang husto ang dibdib niya.
Dahil sa takot ay tinawag niya si Lyka upang samahan siyang kumain. Si Lyka na rin ang nag-abalang sumilip sa bintana saka nito iyon isinara nang walang makita na kakaiba. Sinamahan na siya nito sa harap ng mesa.
"Alam mo, hindi ka puwedeng maging nurse, e. Masyado kang nerbiyosa," ani Lyka.
"Hindi ako takot sa cadavers basta huwag lang ako maiwan mag-isa sa dilim at huwag lang akong gugulatin," aniya, habang sumusubo ng kanin at laman ng lechong manok.
"Alam mo mawawala lang iyang phobia mo sa dilim kapag nakapag-asawa ka, when you are finally taken. Kasi may mga nerves sa ating katawan na hindi regularly nagpa-functions kaya napakasinsitibo natin minsan."
Umismid siya. Pero aminado siya na nawala ang takot niya noong angkinin siya ng ekstrangherong lalaki. May isang taon na rin ang nakalilipas at heto na muli ang nerbiyos niya sa dilim, pero hindi na katulad dati na nanginginig siya sa tuwing maiiwan siyang mag-isa sa dilim.