“Sa wakas, natapos na rin ang exam ko!” sigaw ko habang lumalabas mula sa silid kung saan nag-exam ang mga scholar.
Sinadya kong bilisan ang pagsagot para makauwi na agad. “Sana, hindi ako makapasa,” bulong ko sa sarili.
Sa lahat yata ng mga nag-exam, ako lang ang may kakaibang dasal—ang hindi makapasa. Napilitan lang kasi akong sumali sa exam dahil sa pamimilit ni Mama. Mas gusto ko talagang mag-aral sa school for girls para mas ganado akong mag-aral. Kaya naman, karamihan sa mga sagot ko kanina ay hinulaan ko lang. Hindi ko na masyadong ginamit ang utak ko para siguradong hindi ako papasa.
Habang naglalakad palabas, bigla akong nakarinig ng ingay na parang may nag-aaway. Dahil sa likas kong pagka-usisera, hinanap ko kung saan galing ang tunog.
“Saan kaya 'yon?” tanong ko sa sarili habang lumilinga-linga.
Habang abala ako sa paghanap, nakita ko ang sasakyan na bumangga sa akin kanina.
“Ang kupal!” sigaw ko, inis na inis.
Nilapitan ko ang kotse para komprontahin ang driver. Kumatok ako sa bintana.
“Hoy! Buksan mo ang pinto hindi pa tayo tapos!” sigaw ko ulit.
Lalo lang akong nainis dahil kahit yata mamaga na ang kamay ko sa kakakakatok, hindi pa rin ito bumubukas.
“Bwiset! Wala sigurong tao,” bulong ko.
Bigla akong napahinto nang marinig ko ang isang boses ng babae.
“Let me go!”
Napalingon ako sa paligid at nakita ko ang isang lalaki at babae sa katapat na building. Ang babae, nakasandal sa dingding, habang hawak naman ng lalaki ang mga kamay niya. Para bang pinipigilan niyang makaalis ang babae.
“May balak pa yatang masama ang kupal na 'yon,” sabi ko sa sarili. Inikot ko ang paningin ko, naghanap ng kahit anong pwedeng gamitin bilang sandata. Napansin ko ang isang malaking bato sa di kalayuan.
“Ayun!” mabilis kong kinuha ang bato at lumapit sa kanila.
“Hoy, manyak!” sigaw ko nang buong lakas.
Nagulat ako nang mapatingin sa akin ang babae. Napakaganda niya. At sa unang tingin ko pa lang, alam kong crush ko na siya.
“It’s you again?” kunot-noong sabi ng lalaki.
Dahil gusto kong maging knight in shining armor ng magandang babae, lumapit ako sa lalaking bumangga sa akin kanina.
“Pakawalan mo siya, manyak!” matapang kong sabi.
Nagsalubong ang kilay ng lalaki. “What?” sagot niya, halatang naguguluhan.
“Ayaw mo siyang pakawalan?!” sigaw ko sabay hampas ng hawak kong malaking bato sa kanya.
“f**k! Ouch!” napamura ang lalaki.
Hindi tuluyang tumama ang bato sa ulo niya dahil nahawakan niya ito bago sumalpok.
“Miss Ganda, tumakas ka na!” sigaw ko sa babae.
“Son of a b***h!” galit na sigaw ng lalaki sabay kuha ng bato mula sa akin at tinapon ito sa malayo.
“Ang kulit mo talagang babae ka!” galit na sabi niya.
Dinuro ko siya. “Hindi ka na nga marunong mag-sorry nang banggain mo ako kanina. Balak mo pang pagsamantalahan si Miss Ganda!”
Naningkit ang mga mata niya sa galit.
“What are you saying? Are you crazy? Ashley, do you know her?” tanong niya sa magandang babae.
Ashley pala ang pangalan niya.
Namula ang mukha ko nang hawakan ni Ashley ang kamay ko. Ang tamis ng ngiti niya habang nakatingin sa akin.
“Thank you. Huwag kang mag-alala, hindi niya ako gagawan ng masama,” sabi niya.
“A-akala ko may masama siyang balak sa’yo. Naririnig kitang nakikiusap sa kanya na pakawalan ka,” sagot ko, biglang nahihiya.
Ngumiti siya. “Nag-uusap lang kami.”
“O-okay,” sagot ko, sabay yuko.
“Get out, bago ko makalimutan babae ka!” galit na sigaw ng lalaki.
Babae? Mas guwapo pa ako sa’yo ulol!
Tumalikod ako at naglakad palayo sa kanila. Ngunit hindi mawala sa isip ko ang ganda at lambot ng kamay ni Ashley.
Paulit-ulit kong inaalala ang nangyari kanina. Lalong hindi maalis sa isip ko ang magandang si Ashley.
“Maria Sienna!”
“Ha?” tanong ko.
Nakapameywang si Mama habang nakataas ang kanang kilay.
“Anong ha? Kumusta ang exam mo?” tanong niya.
“Okay naman,” sagot ko.
“Nasagutan mo ba lahat ng tanong?”
Tumango ako. “Hindi ko lang alam kung tama ang mga sagot ko.”
“Abah! Lintek ka!”
Yumuko ako para umiwas sa hampas niya.
“Mama, bakit ka ba nagagalit?” tanong ko.
“Sinabi ko sa’yo mag-review ka!”
“Nag-review naman ako! Kaya lang wala naman sa mga ni-review ko ang mga tanong,” palusot ko.
Ayokong malaman niyang hindi ako nag-review. Sa halip, nagbilyar lang ako. Siguradong sasabunutan niya ako kapag nalaman niya ang totoo.
“Tandaan mo! Kapag hindi ka pumasa sa scholarship ng Saint Paul International Academy, ipapadala kita sa mga Lola at Lolo mo sa probinsya!” banta ni Mama.
“Bakit kasalanan ko pa kung hindi ako makakapasa? Ginawa ko naman ang lahat,” sagot ko.
“Talaga?” tanong ni Mama, hindi kumbinsido.
Tumango ako. “Oo, ginalingan ko naman kanina.”
“Melvin!” tawag ni Mama sa kapatid ko.
Nakangisi si Kuya Melvin habang papalapit sa amin.
“Bakit, Mama?”
“Sino ang nagsabi sa’yo na araw-araw sa bilyaran si Maria Sienna?”
Nanlaki ang mga mata ko kay Kuya Melvin. Siguradong sinumbong ako ng tropa niyang tambay sa bilyaran.
“Si Butchoy!” sagot niya, sabay turo sa akin.
“Tingnan mo! Hindi ka pala nagre-review!” bulyaw ni Mama.
Napakamot ako sa ulo. “Ma, tapos na ang exam ko. Kung anuman ang mga sagot ko doon, hindi ko na mababawi. Ipagdasal n’yo na lang na lahat ng hinulaan ko ay tama.”
“Lintek ka talaga!” Binatukan niya ako.
“Aray!” reklamo ko.
“Lahat kayo puro sakit ng ulo!” sigaw niya sa galit.
Tumayo ako at pumasok sa kuwarto. Siguradong aabutin ng magdamag ang galit niya sa akin.
“Mama, umalis na si Sienna,” narinig kong sabi ni Kuya Melvin.
“Maria Sienna!” sigaw ni Mama.
Tumakbo ako papasok sa kuwarto at isinara ang pinto. Pagkahiga ko sa kama, napamura ako sa sarili.
“Kainis! Ang ganda pa naman ng imahinasyon ko,” bulong ko.
Dahil sa galit ni Mama, hindi ako makalabas ng kuwarto. Balak ko pa sanang pumunta sa bilyaran para maglaro, pero kapag lumabas ako, siguradong matatanggal ang tenga ko sa pingot niya.
Nakinig na lang ako ng musika hanggang sa hindi ko namalayang nakatulog na ako.
***
Nagising ako dahil sa gutom. Hindi na ako kumain ng hapunan kagabi upang maiwasan ang sermong galing kay Mama. Alas-singko pa lang ng umaga at siguradong tulog pa siya. Kapag bakasyon, nagigising siya nang alas-siyete ng umaga para magwalis ng bakuran at magluto ng almusal.
“Ano kaya ang ulam namin kagabi?” tanong ko sa sarili habang hawak ang tiyan ko.
Dumiretso ako sa kusina para kumain. Pagbukas ko ng kaldero, nakita kong adobong baboy ang ulam. Kumuha ako ng kanin at ulam, saka agad kumain.
“Ang sarap!” wika ko habang nginunguya ang pagkain.
Patapos na akong kumain nang bumukas ang pinto ng kwarto ng mga magulang ko.
“Lagot! Gising na si Mama.”
“Oh, Sienna!”
Nakahinga ako nang maluwag nang si Papa pala ang lumabas ng kwarto.
“Good morning, Papa!” bati ko sa kanya.
“Bakit maaga kang nagising?” tanong niya.
“Maaga rin kasi akong natulog kagabi.”
“Sige, hugasan mo ang pinagkainan mo pagkatapos mong kumain.”
“Opo.”
Dumiretso si Papa sa banyo habang ako naman ay nagpatuloy sa pagkain. Pagkatapos kong kumain, nagwalis ako ng bakuran. Kailangan kong maglinis bago magising si Mama para hindi na siya magalit sa akin.
Habang nagwawalis ako ng bakuran, tinawag ako ng Nanay ni Luther.
“Sienna, sinabi sa akin ng Mama mo na nag-exam ka raw para sa scholarship sa Saint Paul International Academy? Kumusta, nakapasa ka ba?”
“Sa Biyernes pa po malalaman kung nakapasa ako. Ipopost nila sa website ang listahan ng mga nakapasa.”
“Ganun ba? Sayang, hindi nakaabot ang anak ko sa exam.”
“Sa pagkakaalam ko po, next month magkakaroon pa sila ng exam para sa scholarship.”
Lumapad ang ngiti ng Nanay ni Luther.
“Talaga? Sabihan ko nga si Luther na subukang mag-exam. Magandang eskuwelahan ‘yon.”
“Tingnan n’yo na lang po ang website nila para updated kayo sa mga bagong post nila.”
“Sige, salamat.”
“Walang anuman.” Pinagpatuloy ko ang pagwawalis ng bakuran.
Nang matapos akong magwalis, naglinis na ako ng bahay.
“Good morning, Ma!” bati ko nang lumabas siya ng kuwarto.
Kumunot ang noo niya. “Anong nakain mo?”
Sinadya kong makita ni Mama na naglilinis ako upang hindi niya ako pagalitan.
“Maaga po akong nagising kaya nagwalis na ako ng bakuran at naglinis na rin ng bahay.”
“Mabuti naman.” Dumiretso siya sa banyo.
Nakahinga ako nang maluwag. “Mabuti naman at nakalimutan na niya ang galit niya sa akin.”
Binilisan ko ang paglilinis upang makaligo na ako. Mamaya ay pupunta sana ako sa bilyaran upang maglaro.
“Sienna, ikaw ba ang naglinis ng bahay?” tanong ni Kuya Rasco habang kumakain kami ng almusal.
“Oo, ako ang naglinis kaya ‘wag kayong magkakalat.”
Pang-asar na tumawa si Kuya Rasco.
“Nagpapalakas ka lang kay Mama dahil pinagalitan ka kahapon.”
Pinanlakihan ko siya ng mata. Naalala tuloy ni Mama ang galit niya sa akin.
“Maria Sienna, kapag nalaman kong naglalaro ka ng billiards, hindi ka na makakalabas ng bahay. Hindi mo na rin magagamit ang cellphone mo,” sabi ni Mama.
Halatang nang-aasar ang mga kapatid ko habang patawa-tawa ang dalawa.
“Mama, pagbigyan mo na akong maglaro. Bakasyon naman ngayon,” pakiusap ko.
“Wala akong pakialam kung bakasyon ngayon. Dapat kapag bakasyon, tumutulong ka sa gawaing bahay at hindi tumatambay sa labas!” galit na sabi ni Mama.
Bumuntong-hininga ako. “Okay.”
“Mabuti naman at nagkakaintindihan tayo.”
Tumango ako at itinuloy ang pagkain. Iniisip ko pa lamang ang magiging estratehiya ko sa laro mamaya, pero mukhang hindi na ako makakapaglaro.
“Kayo naman, Rasco at Melvin, maglinis kayo ng mga banyo, lalo na sa kwarto ninyo,” utos ni Mama.
“Ma, si Sienna na lang ang maglinis. Trabaho ng mga babae ‘yon,” reklamo ni Kuya Melvin.
Lumaki ang butas ng ilong ni Mama sa galit. “Sinong nagsabi na babae lang ang puwedeng maglinis ng banyo?”
Yumuko si Kuya Melvin at tumahimik. Alam niyang kapag nangatwiran siya, siguradong sa kanya magagalit si Mama.
“Kailangan n’yong matuto sa mga gawaing bahay para kapag nag-asawa na kayo, marunong kayong gumawa ng mga ito. Tapos nang maglinis ang kapatid n’yo, kaya kayo naman dalawa!” wika ni Mama.
“Opo,” sabay nilang tugon.
Mabuti nga sa inyo. Akala n’yo nakaligtas na kayo sa gawaing bahay, isip-isip ko.
***
Eksaktong ala-una ng hapon nang makatulog si Mama habang nanonood ng palabas sa tanghali. Ito na ang tamang oras para makalabas ng bahay. Hindi ako makalabas sa gabi dahil nagagalit si Mama.
Dahan-dahan akong lumabas ng bahay upang tumambay sa tindahan ni Aling Kikay.
“Sienna, saan ka pupunta?” tanong ni Kuya Rasco.
“Diyan lang sa tindahan. May bibilhin lang ako,” sagot ko.
“Isusumbong kita kay Mama,” banta niya.
“May bibilhin nga ako,” ulit ko.
“Bibili ka? Bakit suot mo pa sombrero ko?”
“Tanghaling tapat,” sagot ko nang mabilis.
“Hindi mo ba gamitin ang payong mo?” tanong niya ulit.
Napa-kamot ako sa ulo. “Kuya, ikaw na lang kaya ang bumili ng napkin ko, tutal ang dami mong reklamo.”
Ang totoo, hindi ko naman talaga balak bumili ng napkin. Sinabi ko lang 'yon dahil alam kong ayaw niyang bumili ng napkin.
"Ikaw na bumili, bilisan mo lang," sabi niya.
Ngumiti ako. "Oo!"
Naglakad ako papunta sa tindahan ni Aling Kikay.
"Aling Kikay, pabili po ng softdrinks at mani," sabi ko.
"Paborito mo talaga ang mani," sagot ni Aling Kikay.
"Yung mani ni Jaja gusto ko rin."
"Anong sabi mo?"
"S-Sabi ko, paborito ko talaga ang mani. Si Jaja, nandiyan ba?" tanong ko uli.
"Nasa loob ng bahay, nanonood ng pelikula."
"Puwede po bang pumasok sa loob?"
"Sige."
"Salamat."
Ang lapad ng ngiti ko nang buksan ni Aling Kikay ang gate. Si Jaja ang crush ko sa lugar namin, pero hindi niya alam na gusto ko siya.
"Jaja!" tawag ko.
Matamis siyang ngumiti nang makita ako. Nakasuot siya ng maikling maong shorts at puting sando. Maputi si Jaja at halatang maalaga sa katawan.
"Maria Sienna!"
Napangiwi ako nang tawagin niya ako sa buong pangalan. Ayoko talagang tinatawag ako nang buo dahil hindi nakaka-guwapo.
"Akala ko tulog ka."
"May pinapanood kasi akong pelikula. Halika, manood ka rin."
Wala akong interes manood ng drama, pero para makasama si Jaja, handa akong magtiis.
"Sienna, saan ka mag-aaral ng college?" tanong niya.
"Gusto ko sana sa school for girls, pero gusto ni Mama na mag-aral ako sa SPIA (Saint Paul International Academy)."
"Mahal ang tuition fee doon."
Tumango ako. "Kaya nag-take ako ng scholarship exam para makatipid."
"Wow! Ang galing mo naman. Pangarap ko rin makapag-aral doon, pero hindi kaya ng magulang ko ang tuition fee. Hindi naman ako matalino para kumuha ng scholarship exam."
"Di naman sigurado na makakapasa ako."
"Kaya mo 'yan, matalino ka naman."
"Ikaw, saan ka mag-aaral ng kolehiyo?" tanong ko.
"Balak ng mga magulang ko na dito lang sa malapit."
"Ganun ba?"
"Maria Sienna, kapag nakapasok ka sa SPIA, hingian mo ako ng autograph kay Dylan Wyatt Santiago."
Kumunot ang noo ko. "Sino 'yon?"
"Ang anak ng may-ari ng school. Sobrang guwapo daw niya, sabi nila."
"Tss! Mas guwapo pa ako doon," bulong ko.
"Ha? Anong sinabi mo?"
"Ang sabi ko, paano mo nalaman na guwapo?"
"Nakita ko ang picture niya sa magazine."
"Okay."
"Huwag mong kalimutan hingian ako ng autograph niya," sabi ni Jaja habang kinikilig.
Nakaramdam ako ng inis. Hindi ko pa nga nasasabi kay Jaja na crush ko siya, pero mukhang may karibal na agad ako sa kanya.
Wala na yata akong pag-asa na magustuhan ni Jaja.
“Oo, basta makilala ko siya, hihingan ko siya ng autograph,” sagot ko.
“Thank you.”
Tumango ako at itinuloy ang panonood ng pelikula. Ang plano kong makapag-usap kami tungkol sa buhay namin ay nauwi sa usapan tungkol kay Dylan Santiago. Naiinis ako dahil parang sinampal ang pagiging guwapo ko. Ako na nga ang nasa harapan niya, pero iba ang hinahanap.
“Maria Sienna, maghanap ka ng boyfriend doon dahil puro mayayaman ang mga tao doon,” wika ni Jaja.
Muntik ko nang maibuga ang iniinom kong softdrinks sa sinabi niya.
“Wala akong planong magkaroon ng boyfriend habang nag-aaral,” sagot ko bilang alibi.
Girlfriend ang hanap ko, at ikaw ‘yon.
“Oo nga pala, istrikto ang pamilya mo. Kailangan pa munang ligawan ang pamilya mo bago ka makuha,” dagdag niya.
“Eww! Kadiri!” sabi ko.
Tumawa si Jaja. “Nandidiri ka. Ewan ko lang kapag nain-love ka.”
“Ilang beses na akong nain-love, kaya lang laging broken-hearted,” sabi ko.
“You mean, nagkaroon ka ng boyfriend noon? Bakit hindi mo sinabi sa akin na nagka-boyfriend ka?”
“Ano ka ba? Wala pa akong naging boyfriend!”
“Sabi mo, nain-love ka na?”
“Nain-love sa mga crush ko, kaya lang hindi naman nila ako gusto.”
“Okay lang ‘yan. Mahahanap mo rin ang para sa’yo.”
Sinipsip ko ang straw upang mainom ang softdrinks ko.
“Hindi ako nagmamadali. Mag-aaral muna ako para matulungan ko ang pamilya ko.”
“Tama ‘yan,” sabi niya sabay ngiti.
Maghapon kong kasama si Jaja. Nagkuwentuhan kami habang nasa loob ng kuwarto niya. Iyon talaga ang gusto kong mangyari—ang masolo ko si Jaja.