Benson Namamanhid pa rin ang katawan ko. Hindi ko magawang kumilos. Nag-iinit ang aking mata dahil sa luhang ano mang oras ay babagsak. Tulad ko napako rin ang mga paa ni Patricia sa kanyang kinatatayuan at bakas sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala. Samantala, si Vicente ay maingat na lumabas ng pintuan para kompirmahin kung ito nga ang panahon niya. Nagmasid siya at hinawi ang damo na parang buhok. Lumingon ng bahagya bago nagsalita. “Tama ako, ito nga ang panahon ko.” Tuluyan nang bumagsak ang luha ko kasabay ng pagguhit ng hitsura ni Mama sa ‘king isip. Ma… Habang mas lalong bumibigat ang pakiramdam ko dahil sa pag-aalala, naramdaman ko ang mga kamay ni Patricia na pumatong sa ‘king balikat. “Benson, ‘wag kang mag-alala. Hindi natin hahayaang mangyari ang ating kinakatakutan.”

