Kabanata 3

1651 Words
Vicente “Vicente, ano ang marapat nating gawin? Bukas na ang kasal namin ni Itchiro, ayaw kong makasal sa kanya!” Si Solidad umiiyak habang nakayakap at nakasandal sa aking dibdib. “Sa totoo lang Solidad, hindi ko rin alam. Magulang mo ang may gustong ipakasal ka sa Hapon na ‘yon. Inirerespeto ko sila at ayaw kong gumawa ng mga desisyon na labag sa kanila,” bulong ko sa aking mahal. Ano mang oras ay babagsak na ang aking mga luhang nangingilid ngunit pinipigilan ko ito upang hindi makitaan ng kahinaan. “Subalit, hindi tama na pilitin nila ako. Hindi ba nila ako mahal upang gawin nila ito sa akin?” Mas lubos na umagos ang luha ng babaeng mahal ko. Mahal na mahal ko si Solidad, handa akong isugal ang lahat para lang sa kanya ngunit ayaw ko ring iwaksi ang respeto ko sa kanyang magulang. Nais ko siyang yayaing magtanan ngunit, mali ito. Maling mali. Naguguluhan na ako hindi ko alam kung anong dapat gawin. Lubhang nasasaktan na rin ako sapagkat nakikita kong nahihirapan ang aking mahal. “Solidad, kung aakitin kitang magtanan sasama ka ba?” Hindi ko sinsadyang masambit ang mga bagay na iyon. Masakit man sa aking kalooban na lumabag sa kagustuhan ng mga magulang niya ngunit ito lang ang naisip kong paraan kung saan kami magiging malaya at masaya sa aming pagmamahalan. Sa unang pagkakataon naibaba ko ang aking prinsipyo at dahil iyan sa pagmamahal ko kay Solidad. Naalis sa pagkakasubsob sa aking dibdib ang mahal ko, marahang tumingin sa aking mga mata at nagsalita. “Oo Vicente, sasama ako sa ‘yo kahit ano’ng mangyari. Kung handa mo akong ipaglaban, ganoon din ako sa ‘yo mahal ko.” Bumilis ang t***k ng aking puso, gumaan ang pakiramdam at hindi napigilan ang ngiti. Nagpaligoy-ligoy man sa pagdedesisyon, isa lang ang sigurado ako. At iyon ay mahal ko si Solidad at mahal niya rin ako. Niyakap ko siya nang pagkahigpit at ninamnam ang bawat sandali. “Mahal ko, magkita tayo mamayang alas nuebe ng gabi. Maghanda ka, igayak mo ang mahahalaga mong gamit. Hindi pa ako sigurado kung saan tayo pupunta ngunit ang mahalaga ay makalayo tayo sa bayang ‘to.” “Makakaasa ka mahal ko, subalit saan tayo magtatagpo?” tanong ni Solidad. “Dito na lang din.” “Mas mainam siguro kung sa abandonadong bahay tayo magkita. Dahil kapag nalaman ni Mama na wala ako sa bahay mamaya. Malamang dito niya ako hanapin.” Alam ko ang abandonadong bahay na kanyang tinutukoy dahil madalas ko iyong madaanan. Muli kong niyakap si Solidad at hinalikan sa noo. Matapos niyon ay bumalik na kami sa aming kanya-kanyang bahay. Lumubog na ang araw at tuluyan nang namayani ang dilim. Kasabay ng mga naririnig kong kuliglig ang malakas na kabog sa ‘king dibdib. Hindi pa rin tuluyang tumatanim sa isip ko ang nagawa kong desisyon. Nagdadalawang isip pa rin ako dahil maraming maapektuhan sa pag-alis namin. Isa dito ay ang aking kapatid, inaalala ko siya. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa kanya pag nawala ako. Isa pa ay si Tiyo Lando, ang aking tiyuhin na kumupkop sa amin, nakakahiya sa kanya. Iiwan ko na nga ang kapatid ko, hindi ko pa siya magagawang tulungan sa pagpapalaki rito. Ngunit naniniwala akong hindi niya pababayaan si Bibo. Habang nag-iisip nang malalim napabulong ako sa hangin. Diyos ko, ikaw na po ang bahala sa amin ni Solidad at maging sa aming mga pamilyang maiiwan. Bago pa man sumapit ang oras nang pagkikita namin ni Solidad. Sinimulan ko na ring maggayak ng mga gamit. Tinupi ko ang aking mga damit at binalot sa malaking tela na panlatag ko sa higaan. Isinama ko rin ang iba ko pang mahahalagang ari-arian, gaya ng aking kwintas na may palawit na orasang bilog. Tinitigan ko ito at may mga alaala na hindi sinasadyang magbalik. Pitong taon gulang pa lang ako noon at isang taon na ang lumipas simula nang pumanaw ang Inay, nang ilahad ni Itay Lume ang tungkol sa kwintas na ito. “Tay Lume, saan po ba galing ‘yang kwintas mo? Sino po nagbigay sa’yo niyan?” Ngumiti si Itay habang nakatitig sa kwintas, bago tuluyang nagsalita. “Galing ito sa Lolo Ato mo anak, pinamana niya sa akin.” “Bakit po sa ‘yo? Bakit hindi po kay Tiyo Lando?” Sumulyap sa akin ang Itay at ngumiti. Sunod niyon ay ipinatong niya ang kanyang kamay sa aking ulo at ginulo ang buhok. “Ikaw talaga!” Inayos ko ang aking buhok at nahihiyang sumulyap sa kanya. “Ibinigay ito sa ‘kin ng Lolo Ato mo dahil ako ang panganay. Bilin niya, maaari lang daw itong ipasa o ipamana sa panganay na anak.” “Ah ganoon po ba? Ibig sabihin din po ba n’yon, kapag matanda na po ako, sa‘kin mo ipapamana ‘yan dahil ako ang panganay?” pag-uusisa ko. Noong mga oras na iyon nasabik ako na mapunta sa akin ang kwintas at pakiramdam ko ba ay napakaespesyal ng mga panganay. “Ganoon na nga anak, subalit makukuha mo lang ito kapag umalis na ako.” “Ha? Saan ka naman po pupunta?” “Sa langit, kapag patay na ako anak…saka mo lang ito makukuha.” Humagalpak ng tawa si Itay samatalang ako ay naiwang seryoso. “Naku! Huwag mo po muna ibibigay sa akin ‘yan Itay. Hindi pa ako handa.” Natatawa pa rin ang Itay ngunit pinilit niyang kumalma. Tumingin siya sa aking mga mata at wari ko ba ay pumasok siya sa gitna ng aking utak. “Anak, hindi natin masasabi kung gaano katagal ang buhay. Kaya dapat palagi kang handa.” Matapos niyang sambitin iyon ay hindi ko nagawang gumalaw. Wala akong naramdamang kahit na ano, kahit takot. At tanging nasambit ko lang ay isang salita. “Opo” Kung dati natatakot ako sa tuwing maiisip na may mawawala sa aming pamilya, gaya nang mamatay si Inay dahil sa pagsilang sa aking kapatid. Simula noong araw na mag-usap kami ng Itay, nagbago ang lahat. Pakiramdam ko ba ay naging handa na ako sa mga posibleng mangyari, naging kampante ako na madali kong matatanggap kung mawawala man si Itay, ngunit nagkamali ako. Nagsimula ito nang sumali kami ni Itay sa isang samahan na tinatawag na Gerilya. Ang samahan na ang layunin ay pabagsakin ang mga Hapon. Si Itay ang naatasang mamuno sa isang maliit na pangkat dito sa aming lugar. Ang lahat ng pangkat ng Gerilya sa iba’t ibang bayan ay suportado ng mga Kano, minsan may mga armas na palihim na nakararating sa amin. Nahinto lang ito simula nang sumuko na ang iba pa naming kasamahan na nasa ibang lugar noong nakaraang taon. Nagpatuloy lang ang pangkat namin nina Itay, lalo na nang may dumating na balitang nakapasok na raw ang mga Hapon sa mga karatig bayan. Hindi lantad ang aming samahan at kakaunti lang kaming magkakasapi ngunit kahit armado ang mga Hapon ay nagagawa namin silang pabagsakin. Ilang buwan din ang nagtagal kahit nababawasan na ang mga miyembro sa pakikipagsagupaan, wala pa ring makapasok na Hapon sa aming bayan hanggang isang araw, tila ba nagbago ang ihip ng hangin. Noong nakaraang buwan, isang hukbo ng sundalong Hapon ang walang awang pinaslang ang aking ama, hindi dahil siya ay Gerilya kundi dahil siya lang ay walang muwang na naglalakad ng gabi sa daan. Pinatay siya ng walang kalaban-laban. Nasakisihan ko ang buong pangyayari, sasalubingin ko sana noon ang Itay ngunit may mga sundalong pinalibutan siya. Mabilis akong nagtago sa damuhan, at doon nakita ko ang halinhinan nilang pagsaksak sa katawan ng Itay, gamit ang kutsilyo sa dulo ng kanilang baril. Tahimik na nagtatawanan at nag-uusap pa noon ang mga demonyong Hapon at nang maisip na hindi na magtatagal si Itay ay agaran silang umalis. Nilapitan ko pa noon si Itay, hindi ako nakapagsalita dahil sa totoo lang, lubhang napakasama sa pakiramdam na wala akong nagawa. Niyakap ko ang aking ama, halos mamula ang kulay ng aking camiseta dahil sa kanyang dugo. Kasabay din niyon ang walang humapay na pagtagas ng aking mga luha. Pinilit niyang magsalita, binilin niya sa akin ang aking kapatid at doon, inabot niya ang kwintas na ito. Hanggang ngayon ramdam ko pa rin ang sakit ng kanyang paglisan. Simula nang mamatay si Itay, tuluyan na ngang kumalat mga Hapon sa buong bayan. Kung kaya’t ang karamihan sa mga kasamahan naming Gerilya ay kumalas na dahil sa takot na baka madamay ang kanilang mga pamilya. Wala ng iba ang nagkusang pamahalaan ang pangkat, maliban sa akin. Isa pang problema ay ang iilang natitira kong kasamahang nawawalan na rin ng pag-asa. Napagdesisyunan ko na huminto muna kami pansamantala, para sa kaligtasan ng lahat. Ngunit sa huling pagkakataon, nagsagawa muna kami ng isang pag-atake. Kasama ko ang mga natitira kong kagrupo, sinugod namin ang isang bungkos ng mga Hapon sa kanilang kuta, tanging itak lang aming ginamit. Umalingawngaw ang putukan ng baril na sanhi ng kanilang panlalaban, ngunit pinagplanuhan namin ito nang maigi. Maraming napuruhan sa amin, ngunit kung ikokompara sa bilang ng mga Hapon, ni isa ay walang natira sa kanila at bawat isa ay iniwan naming laslas ang leeg. Iyon na ang huling pagkilos ng aming grupo ngunit naging masaya ako sa kinahinatnan. Pakiramdam ko ba ay naipaghiganti ko ang aking Itay. May naaninag akong tubig na pumatak sa kwintas na aking hawak. Nanlalabo ang aking paningin, at saka ko lang napagtanto na luha ko pala ito. Pinunasan ko ito gamit ang aking braso at sunod niyon ay isinuot na ang kwintas. Sa huling sandali, sumulyap muli ako sa kwintas at walang anu-ano ay narinig ko ang boses ni Itay. Ang pangungusap na huli niyang sinambit bago lagutan ng hininga. “Anak, ipaglaban mo ang sa tingin mo ay tama, mahal na mahal ko kayong magkapatid.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD